SA WARI KO, BILANG OFW
Isa lamang akong saksi sa mga nangyayari
Hirap at pasakit, puno ng pagsisisi
Walang magawa kundi ang manatili
Para sa pamilyang iniwan buhay ay mapabuti.
Ang paglisan sa bayan, kahirapan ang dahilan
Pamahalaang di magampanan mga pangako sa bayan
Mga politikong ang hangad lamang ay kaban ng yaman
Gamit ang masa para sa sariling kapakanan.
Sa bansang pinili, marami akong nasaksihan
Buhay at pakikibaka ng aking mga kabayan
Mayroong mapalad, ang iba’y sadlak sa kahirapan
Karamiha’y inaabuso at walang sweldo ng ilang buwan.
Marahil ay walang pinag-iba sa bansang kinalalagyan
Ang maging sunod-sunuran dahil ako’y isa lamang dayuhan
Sumunod sa sistemang huwad na kapayapaan
Mga mamamayang hangad din ay kalayaan.
Sa wari ko, tama lang ang naging desisyon ko
Dahil parehas lang naman ang lipunang kinalalagyan ko
Trabaho lang at konting sakripisyo
Limot na bayani, tunay na Pilipino!
Mga katha ni Noel Malicdem na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact