MUNTING ROSARYO

​

Bakit ba sa ngayo’y nag-aalaala

Pati ang dibdib ko’y laging kumakaba

May bumabagabag sa pamamahinga

At ‘di mapakali sa tuwi-tuwina?

​

Sa araw at gabi ay ‘di mapalagay

Tatayo, uupo sa may durungawan

Malungkot na lagi saka namamanglaw

Para ‘kong bulaklak na lanta sa tangkay.

​

Ngayo’y alam ko na ang tanging dahilan

Kaya para akong mayruong dinaramdam

‘Pagka’t malapit na ang iyong kaarawan

Ang nais ko sana ikaw ay handugan.

​

Ang hindi mo lamang dapat na asahan

Ay ikaw’y tatanggap sa iyong kaarawan

Mga alaala na naggagandahan

Mga ginto’t hiyas na nagsisikinang.

​

‘Di ko malalakad yaong pamilihan

At ‘di mararating kung walang aakay

Kahit na man lamang sana aalalay

Sa tulad kong bulag ay magiging gabay.

​

Ang tanging handog ko sa kaarawan mo

Ay munti nga lamang nguni’t banal ito

Gamitin mong lagi ang munting rosaryo

Habang may buhay ka’y pakamahalin mo.

​

​

Laura G. Balatbat

Oktubre, 1963

 

​

Mga katha ni Laura Balatbat-Corpuz na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan