Mga tulang isinulat ni Rafael A. Pulmano tungkol sa karanasan, damdamin, at kaisipan ng mga OFWs na nakikipagsapalaran sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ang Bagong Bayani - Bayani kung ituring ng gobyerno ng Pilippinas ang mga OFWs. Bayani rin kaya ang pagtrato nito sa kanila?

​

Inay... Itay... - Alang-alang sa magandang kinabukasan ng mga anak kaya nagtitiis ang maraming ama at ina na mapawalay at mapalayo sa kanilang supling.

​

Iba Talaga sa Abroad - Bawa't manggagawang nangingibang-bansa ay nangangarap na guminhawa ang buhay ng pamilya. Ilan kaya ang natutupad, at ilan ang nananatiling pangarap?

​

Batang Saudi - Kapag minsang lumapit ang kapalaran, dapat itong pagyamanin at pakaingatan, upang hindi mawala at hindi masayang.

​

Pag-asa ng Bayan - Ang buhay, wika nga, ay weather-weather lang. Minsan, nasa ilalim. Minsan, nasa ibabaw. Anuman ang maging kapalaran, huwag ka nang umasa pa sa pamahalaan.

​

Pilipino, Dakila Ka - Si Deenah ay hindi nag-iisa sa mapait nitong karanasan. Tunghayan mo ang kanyang salaysay, at pagkatapos ay tanungin mo ang iyong sarili: Pilipino, dakila ka nga ba?

​

Sayang - Ano nga ba ang nami-miss ng mga kababayan nating nasa abroad at marami sa kanila ang nangungulila o naho-homesick?

​

Sukli sa Kabayanihan - Ang tunay na kabayanihan ay hindi naghihintay ng anumang kabayaran. Kadalasan ay bayani pa nga mismo ang sinisingil at nagbabayad nang mahal.

​

Seaman - Kahit mahirap ang trabaho sa barko, kayang-kaya ito ng mga Pinoy. Ang totoo, sa mga sandaling wala silang gawaing pinagkakaabalahan higit na nagdaranas ng paghihirap – ng kalooban – ang ating mga Bayani sa Karagatan.

​

Bitin - Tunay na kalagayan ng isang kamag-anak na OFW ang nagsilbing batayan at nagbigay ng inspirasyon upang maisulat ang tulang ito.

​

Balikbayan Boxes - Iba ang batas, paniniwala at kultura – at antas ng panganib – na naghihintay sa mga manggagawang nandadayuhan sa ibayong lupain. Sa kabila ng mga sinisingil ng Pamahalaang Pilipinas sa mga OFWs bago sila payagang makaalis nang legal sa bansa, limitado at kung minsan pa nga ay wala ito magawa (o ginagawa) para proteksyunan ang buhay at karapatan ng mga itinuturing nitong Bagong Bayani, kapag nagkaproblema sa ibayong-dagat.

​

Valentine's Card - Noong hindi pa uso ang internet, chat, email at social media, ang pakikipagsulatan o pakikipagpenpal sa naiwang mahal sa buhay ay isang paraan upang manatiling magkalapit ang puso ng mga nagmamahalang malayo sa isa't isa.

​

Paalam, My Love - Nagkatagpo at nagkaibigan... sa maling lugar, at maling panahon.

​

Magaling ang Pinoy - Saan ba magaling ang Pinoy? Sa maraming bagay, Pinoy ang Number One!

​

Green Card Holder - Kung minsan, higit pa sa diploma at work experience ang kailangan para makapunta sa Amerika at makapanirahan doon ng legal.

​

Hanggang Edsa na Lang - Mabuhay! Welcome! Kaysarap ng pakiramdam kapag mainit ang pagsalubong sa iyo ng bansang pinupuntahan.

​

Ako ay Pilipino - Salapi o dangal? Dangal o salapi? Ano kaya kung hindi rin lang kayang Pamahalaang Pilipinas ang lumikha ng maraming disenteng trabaho sa bansa ay magpaimprenta na lang ito ng maraming-maraming salapi para sa mga Pilipinong nangangailangan nito? Para hindi na sila dumayo at doon pa maghanap ng pera sa ibang bansa.

​

Application Form - Nakalipad na rin sa wakas ang aking kaibigan – pagkalipas ng apat na taong pagpa-follow up at paglalagay. Ikaw, gusto mo rin bang makalipad?

​

Ang Bigong Bayani - Hindi kailangan ng Pilipinas ang isang mahusay na ekonomistang pinuno upang malaman ang tunay na estado ng ekonomya ng bansa.

​

Balik-Manggagawa - Hindi lahat ng pag-uwi sa sariling bayan ay para matupad ang matagal nang inasam at pinagplanuhang bakasyon. Ang iba ay may malungkot, o malagim, at biglaan o di-inaasahang dahilan.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

PASILIP sa Tula . . .

INAY… ITAY…

ni Rafael A. Pulmano

​

Inay, kumusta po 

     kayo sa Singapore?

Itay, kumusta rin 

     po riyan sa Taiwan?

Sana po, ngayon na 

     ang inyong bakasyon

Para sama-sama 

     na tayo sa bahay.

​

Sabi po ni Lola 

     ay mahal n'yo ako

Kaya nagtitiis 

     po kayo sa abroad

Salamat po, Inay...

     Itay, salamat po

Sana'y patnubayan 

     po kayo ni Jesus.

​

Natanggap ko na po 

     ang package n'yo, Itay

Manika, chocolates, 

     at baby computer

Sabi po ni Lolo, 

     dumating din, Inay

Ang dollar na inyong 

     pa-birthday sa akin.

​

Mga kalaro ko'y 

     inggit po sa akin

Mayaman daw tayo, 

     hindi tulad nila

Pero Inay, Itay... 

     ako po'y inggit din

Masaya po sila, 

     buo ang pamilya.

​

Inay, kumusta po 

     kayo sa Singapore?

Itay, kumusta rin 

     po riyan sa Taiwan?

Sana po, ngayon na 

     ang inyong bakasyon

Miss na miss ko na po 

     kayo, Inay... Itay... 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link