ANG MAKATA AT ANG ALAK
Ang lunong taglamig
ay naglalambitin
sa puno ng ubas
na nagmamagaling…
(Uminom man siya’y
takot na malasing
sa labi ng saro’y
marahan ang simsim;
nguni’t nang ang puso’y
mabasa’t masaling,
may taal na tulang
bugtong kung bigkasin.)
Nagbababala na ang ngising pag-usbong
ng dahon sa baging dahop sa yamungmong…
(Niyayakap siya ng piping tagsibol
sa manhid na diwang gimbal maparool;
ang wisik na yelong tugma sa pag-ambon
ay lusaw nang tula sa mga kalyehon.)
Lumantad ang araw na namimitaktak
sa mala-tropikong nabalbal na s’yudad…
(Naiga ang tubig ng matinong landas
sa kanyang pagtunggang hindi na mapuknat;
namanhid ang mukha ng kulong na lakas,
dapwa’t may tula pang pumipiglas-piglas!)
Umani ng ubas ang luhong tag-araw,
inimbak sa isang antigong lalagyan…
(Ang pagkabahala’y di na maramdaman,
nilaklak ang lalong katas na pamatay…)
Sa bunton ng tula’y maraming nagimbal,
may isang makatang tinanghal na bangkay!!!
Mga katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
Para sa kumpletong katipunan ng mga katha ni Bert Cabual:
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact