HIRAM
Pag-ibig na sakdal tamis, sa akin ay inihain
Ano't ako'y bantulot sa pag-ayon sa iyong nais
Sa wari ko'y kasalanan, walang kahihinatnan
Kapwa masasaktan, puso'y masusugatan.
Pagdaka'y ano itong namamahay sa aking dibdib
Tila ako'y umiibig, puso'y di mapigilan
Araw-gabi tanging ikaw ang nasa sa isip
Mata ko'y saan man dumako, larawan mo ang nakikita.
Gabi-gabi sa higaan ang mahal ko'y hinahanap
Ngunit hindi masumpungan, kahit na sa pangarap
Ang lansangan sa paligid ay aking ginalugad
Ngunit hindi masumpungan ang sinta kong nililiyag.
Panahong nagdaa'y puspos ng pag-ibig
Pag-aalala sa isa't isa'y nasasambit
Kapag kausap ka'y langit ang kapara
Ano't ito'y di alintana, hiram na sandali
Saan man pumaruon, pag-ibig mo’y dadalhin
Gaano man kalayo ang aking marating
Iingatan sa puso ko hanggang sa mahimlay
Pag-ibig na HIRAM dadalhin hanggang libing.
Katha ni Hana Blue 23 na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
Mula sa liham na padala ni miss hana_blue23:
Kumusta po kayo!
Ang tula ko pong ito'y inaalay ko sa nag-iisang taong tangi kong minahal, subali't dumating siya sa maling panahon, kaya ang titulo nito ay" HIRAM".
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.