Bagama’t ang mga tulang ito ay maluwag na salin (ibig sabihin, hindi propesyunal na translation) mula sa original o pinagbatayang Ingles na bersyon, kahit paano ay nakapagbibigay ng inspirasyon at paalaala lalo na sa mga nakalilimot, pinanghihinaan ng loob, o nawawalan ng pag-asa.

​

Batingaw - Ang bawa't tao, gaya ng isang batingaw, ay may papel na ginagampanan sa mundo, at ito ang nagbibigay ng halaga at kabuluhan sa kanyang pagkatao.

​

Bilangin ang Pagpapala - Noong ako ay bata pa, nakintal sa aking isipan ang aral mula sa isang taong naghihinagpis dahil wala siyang sapatos, hanggang isang araw ay nakatagpo siya ng taong walang paa. Isipin at pasalamatan natin kung ano ang meron tayo, gaya ng isinasaad ng tulang ito, na isinalin ko mula sa orihinal na COUNT YOUR BLESSINGS (Author unknown)

​

Walang Panahon - Masyado ka rin bang abala? Magpahinga ka sandali, at basahin ang tulang ito na salin sa NO TIME (sorry po, hindi ko na maalala ang awtor), habang may panahon pa. 

​

Kalimutan Mo Na - Nalimutan ko na kung kailan ko isinalin sa tulang Pilipino ang isang ito, nalimutan ko na rin ang pamagat sa Ingles at ang pangalan ng awtor nito, pero hindi ko kailanman nalilimutan ang kanyang magagandang aral na nagsisilbing gabay at inspirasyon sa buhay ko. 

​

Kaya Mo Kung Iniisip Mo - Maraming pamilyar sa mga linyang "If you think you are beaten, you are; if you think you dare not, you don't. If you'd like to win but think you can't, it's almost a cinch you won't..." (Author Unknown) Napakagandang paalala sa mga pinanghihinaan ng loob. Narito po ang nakayanang bersyon ng inyong abang lingkod. 

​

Kahapon, Ngayon, At Bukas - Labis ba ang bigat ng problemang dinaramdam mo? Baka sakaling makatulong na mapagaan ang iyong kalooban ng mga paalaalang taglay ng tulang ito na salin mula sa YESTERDAY, TODAY, AND TOMORROW (Author Unknown)

​

Desiderata - Ang kaunaunahang sipi ng Desiderata ay bigay sa akin ng isang mabait na kaibigan at dating kaklase sa Lake Shore Educational Institution (Batch 1972) noong ako ay kasalukuyang nag-aaral (at madalas tumambay sa silid-aklatan) sa Saint Michael's College of Laguna kung saan siya noon ay naglilingkod bilang Librarian. Ang pangalan niya ay Josephine Castelltort. Maganda ang mensahe ng Desiderata, kaya di naglaon ay ipinasya kong isalin ito sa ating sariling wika. Narito ang aking salin. Sana ay maibigan nyo.

TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

PASILIP sa Salintula . . .

BATINGAW

ni Rafael A. Pulmano

​

Ang isang batingaw

     ay hindi batingaw

maliban kung ito

     ay patunugin mo.

​

Ang isang awitin

     ay hindi awitin

maliban kung ito

     ay aawitin mo.

​

Ang pag-ibig naman

     ay di inilagay

sa puso para lang

     manatili rito...

​

Pagka't ang pag-ibig

     ay hindi pag-ibig

maliban kung ito

     ay ipamigay mo. 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link