EFREN VALTE (Angat, Bulacan) Isang retiradong guro, patuloy siyang naglilibang sa pamamagitan ng pagsasaka at paggugulayan sa kanilang likod bahay. Masasalmin sa kanyang mga tula, gaya ng Aninawin ang Kaunlaran at Talino: Ipinagbibili, ang malalim na malasakit sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
JOEL SANTOS (Kuwait) - Isang nurse na katulad ng marami nating kababayan ay nakipagsapalaran sa ibang bansa upang hanapin ang mas magandang kapalaran, si Joel ay nagsimula ang pagkahilig sa paglikha ng tula noong siya ay magka-interes sa Potograpiya, na siyang pamagat din ng isa kanyang mga kathang tulang matutunghayan sa website na ito.
NOEL MALICDEM (U.A.E.)
Nagsimulang lumikha ng tula noong siya’y nasa Saudi Arabia, nais ibahagi ni Ka Noel ang kanyang saloobin, mabigyang-pansin ang mga karaingan, at malaman ng samabayanang Pilipino kung ano ang tunay na buhay ng isang manggagawa sa banyagang bansa, gaya ng isinasaad sa OFW sa Gitna ng Disyerto at iba pa niyang katha.
ZACK (South Korea)
Dalawang kathang tula ang paunang padala ng makatang OFW na ito na may magandang mensahe para sa lahat: Ampalaya Matamis!!! at Dapit-Hapon.
BHENG ARELLANO (United Kingdom)
Kasalanan ba ang lihim na umibig sa isang itinuturing na tapat na kaibigan? Basahin ang magandang katha ni Bheng na may pamagat na Lihim.
BERT CABUAL (United Kingdom)
Tungkol sa bisa ng alak ay may isang nagsabi ng ganito: ang alkohol ay nakapagpepreserba ng mga patay, at nakapapatay ng mga buhay. Tunghayan ang papel ng alak sa buhay ng isang makata sa malalim ngunit makahulugang katha ni Bert, Ang Makata at ang Alak.
RAMIL ILAGAN (Micronesia) - Matibay na tindig, matikas na tayo, inspirasyon ng puso... Ilan lamang sa mga katagang hinabi ni Ramil upang ipahayag ang paghanga at pagpapahalaga sa Ponape na nagsisilbing pangalawang tahanan para sa mga OFWs na pansamantalang naninirahan at naghahanapbuhay sa islang ito.
JUVEL REMPIS (Micronesia) - Magkakahalo at magkakasalungat na damdamin ng lungkot, tuwa, pangungulila sa mga iniwan, at pasasalamat sa Maykapal sa biyayang nakamtan, ang inilalarawan sa kanyang magandang komposisyon, Ang Umalis sa Sariling Bayan.
ZALDY ALORA (U.S.A.) - Bagama't sa Amerika na naninirahan, buong puso pa ring ipinahahayag ni Zaldy na siya'y taga-Biñan, isang bayan sa Pilipinas kung saan maipagmamalaki mo hindi lamang ang mga produkto kundi maging ang mga mamamayan nito.
ONOFRE CAMARILLO (U.S.A.) - Saan mang bansa sa daigdig may mga Pinoy, asahan mong may mga Filipino community associations na gaya ng Golden Leaves sa Chicago, Illinois kung saan ang batikang Laguna Scouter na si Mr. Camarillo, hanggang sa edad na siyam na dekada, ay aktibong naglingkod bilang opisyal ng samahan.
GONIE MEJIA (SAIPAN) - Si Gonie, isang magsasaka at batikang makata na nakilala ko at naging matalik na kaibigan sa Saipan, ay hindi nakalilimot sa kanyang pinagdaanang hirap, sa kanyang bayang Pilipinas, at sa Panginoong Maykapal, gaya ng isinasaad sa kanyang magandang tula: Bawa't Pawis, Bawa't Luha.
DOMINGO TOLENTINO (SAIPAN) - Si Ka Domeng, isang construction worker na may malamig na tinig at mahusay bumigkas ng tula, ay nakilala ko at nakasama sa pakikipagbalagtasan sa Saipan. Madalas siyang lumikha ng mga tulaing madamdamin at punung-puno ng pag-ibig, gaya ng isang ito na may pamagat na Damdamin.
EDU CARPENA (SAUDI ARABIA) - Ang Minsan Pang Ginahasa Ang Kalayaan, na nilikha at inilahok sa isang patimpalak sa Jeddah, Saudi Arabia noong Mayo 1997, ayon kay Edu ay "inspired by the highly publicized story of Sarah Balabagan."
MONALIZA MONDATA (CANADA) - Pagmamahal, pagkakamali, pagsisisi, paghingi ng tawad, pagbabago, pag-asa... Ilan lamang sa damdaming ipinahahayag ng sa Pinakamamahal Naming Ina.
MARIA TERESA CURA REA (AUSTRALIA) - Akala ng iba, kapag nakapag-abroad ka, wala ka nang dapat hanapin pa sa buhay. Sa totoo, bagama't maraming benefits, meron din naman itong kaakibat na headaches at heartaches, gaya ng pinapaksa ng unang tula ni Maria Rea, ang Pagsisintir Ng Isang Pinoy-Aussie. Puyat sa pag-iimpake ng bagahe, pagod sa mahabang biyahe, pananabik sa mga mahal sa buhay na matagal na napawalay sa piling...Sari-sari ang naglalaro sa isipan at damdamin ng isang nagbabalikbayan ang nilalaman ng kanyang ikalawang tula, ang Samu't Saring Damdamin, Tagaktak Ang Pawis.
ROSELYN ALEGONZA - Sa kanyang kathang Buhay OCW, may magandang mensahe si Roselyn sa mga Pinoy na nasa ibang bansa: Pakaisipin palagi ang pamilyang naiwanan. Sakaling maiahon na sa kahirapan, bigyan sila ng natitira mo pang panahon, pagka’t di lang salapi ang kailangan nila kundi pagmamahal. Sa Tinig Marino, ito ang tanong ni Roselyn: Bakasyong labis na kinasasabikan, pagreretirong inaasam-asam sa panahon ng kahinaan at katandaan...meron naman kayang maaasahan sa ating pamahalaan?
TREZ MUSKITEROS - Kabiguan sa pag-ibig, di pagsunod sa aral ng ina, pakikipagsapalaran sa malayong bansa, at inspirasyon mula sa mga minamahal na anak – Ito ang ipinahahayag ng makulay at madadamdaming tula na padala sa atin ng may-akda.
HANA BLUE 23 - Bakit nga ba ang pag-ibig, kahit dumating sa maling panahon, ay mahirap iwasan at hinahanap-hanap kahit nababatid ng nagmamahal na ito ay bawal? Tunghayan at alamin kung bakit ang pamagat ng tulang likha ni Hana Blue23 ay Hiram.
VIC YAMBAO (U.S.A.) - Sa dalawang tula, Pangarap at Panagimpan, may mga tanong at may mga pagbabagong inaasam si Vic na kung matutugunan o matutupad lang sana, aniya, ay mas matamis pa ring umuwi at manirahan sa sariling bayan.
ROLAND MANREAL (GUAM) - Madamdamin at may bahid ng pagsisisi at panghihinayang ang tulang Sana, Mabalik Ko Ang Kahapon na padala ni Roland L. Manreal na nakatira sa Guam mula pa noong 1986.
REGINA ROSALES (U.S.A.) - Maraming salamat kay Ms. Regina Rosales na kumatha ng isang magandang tula, Salamat Sa May-Akda, na sa kabila ng pagiging isang dayuhan sa ibang bansa ay nagsasabing siya'y mapalad dahil batid niya ang kanyang karapatan.
LAURA BALATBAT-CORPUZ (U.S.A.) - Ang tubig ay maihahambing sa buhay ng tao, ayon sa tulang ito na pinamagatang Ang Tubig. Basahin rin ang iba pang katha ni Laura, kabilang ang Araw ng mga Ama, Araw ng mga Ina, Dahilan...Tinapay, Munting Rosaryo, Ugaling Pilipino, at Pangungulila.
Ano pa ang hinihintay mo? Sali ka na rin, Kabayan!
Ipadala ang iyong sariling-kathang tula sa Sali Ka, Kabayan! at ibahagi sa buong mundo ang iyong natatanging likha.
Padala ni Maria Teresa Lucina Cura Rea
ng Sydney, Australia
Buhay ko rito sa Australia
halos puno ng ligaya
ang mate ko't mga anak
na magaganda
sapat nang sa aki'y
magpasigla.
Masarap, mahirap
ang buhay sa abroad
minsa'y araw-gabi
ang pagkayod;
ang dollar na sa pamilya'y
pangtaguyod
puhuna'y dugo, pawis,
luha at pagod.
Marami din namang
benefit
sagana sa pagkain,
damit,
modernong gamit,
lahat electric...
kababaya'y
naiinggit.
Datapwa't malayo
sa relatives
sabihin nang walang
gaanong tsismis...
anumang Pinoy news –
kahit panis,
buong-pusong
tinitiis.
Kapag ako'y
naho-homesick
walang taros aking
pagsaliksik
ang internet lubos
na katalik
malayong kakilala'y
biglang nagbabalik.
Kaya nga't salamat
sa e-mail
saang sulok ka man
nakatigil,
mag-surf, mag-chat
nang halos walang tigil
pagmumukmok
ng kalooba'y
biglang matitigil.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact