AMPALAYA MATAMIS!!!
Lipos ng pangamba ang sa dibdib ko'y bumulaga
Sa pagyapak ng aking paa dito sa lupaing banyaga
Pag-asang guminhawa ang tanging baong kalasag
sa maalwang buhay na sa pamilya ay aking nais ihatag
Sinuong na pangarap hindi kapagdaka'y nakamit
inaaral na dayuhang wika, ulo na'y sumasakit
Kakaibang kultura at ugaling kailangang pakisamahan
Bukod pa sa trabahong dulot ay lupaypay na katawan
Dangan nga lamang sa hirap pamilya'y gustong maihango
disin sana'y di aabuting magtiis at dumayo
Tigib ng pasakit ang malayo sa mahal sa buhay
Mga larawan ninyo'y tangan sa gabi'y tanging kaagapay
Sa paglipas ng taon mga mithii'y unti-unting nakakamit
mga anak ay nagaaral, may masasarap na pagkai't magarang damit
datapwat payak lamang, maliit kung sa karamiha'y ihahambing
subalit aking pundar na bahay, kayamanan ng maituturing
Kagyat na panahon na lamang ang aking susuungin
sa aking paguwi, maginhawang buhay na ang dadamhin
Biyayang bigay ng maykapal aking lalong palalawigin
sukling marapat lamang, pagpupugay sa Amang maawain
Sa aking diwa ngayon ay aking minumuni-muni
mga salamisim ng buhay isasalaysay sa napipintong paguwi
dala-dala'y mga kwento ng lungkot, hirap at saya
na aking naranasan dito sa lupa ng matamis na ampalaya
Agosto 7, 2007
Mga katha ni Zack na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact