SA HARAP NG PUNTOD
Nalugmok sa dusa’t libong pagkabagot,
katawan mong dati’y masigla’t malusog;
sa nangaglipanang ganid at balakyot,
kristal na puso mo’y nagkadurug-durog;
mutya ng Silangan, Inang maka-Diyos
binubusabos ka ng lipi mo’t hinlog!
Sayang ang simula’t hirap na ginugol
na magda-magdamag at magha-maghapon;
sayang ang pagharap sa sigwa’t daluyong—
ang puhunang dusa’t buhay na nalipol;
ang paninindigang sa laya’y nagbangon,
ngayon ay bilanggo ng buktot na layon!
Mga pakunwaring pagmamalasakit
ngayo’y naglipana sa iyong paligid;
nagpipintasan pa’t sabuyan ng putik,
gayong sila-sila ay lihim na ganid;
hudas at pilatong kunwa’y maka-langit
ay nangagpipiging sa iyong pagtangis!
Taksil na anak mo’y nag-aasal-ulol,
nagsasa-buwaya’t nagsasa-simaron!
Bakit ba banidad ng panahon ngayong
kislap ng salapi’y pinapanginoon?
ang sikmurang bundat ng may sibang misyon
ay gasgas na puntod ng bangkay mong nasyon!
Alindog mo’t yumi’y nawalang-halaga
nang salaulain ng tusong pagsinta;
may batik-Kanluran ang Silangang-ganda
nang sa dukhang kubo’y mapalungayngay ka…
(Tinatanuran ko ang iyong lapida—
Sa paniniwalang mabubuhay ka pa!)
Mga katha ni Bheng Arellano na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact