UGALING PILIPINO

​

Ang “Po” at ang “Opo” ay magagalang na salita

Turo ng ating magulang simulang pagkabata

Ang paggalang sa tao lalo na sa matanda

Maipagmamalaki natin hanggang sa pagtanda.

​

Ang Po at ang Opo ay salitang Tagalog

Paalaala ng magulang sa mahal na hinlog

Magaang sambitin at maluwag sa loob

Sa lahat ng makarinig ang dulot ay alindog.

​

Ang pagiging magalang ay isang karangalan

Makikita rito ang tunay nating katauhan

Pagpapakumbaba ay mararamdaman

Bawa't taong makarinig ay masisiyahan.

​

Guro man o magulang ang magturo nito

Sinusubaybayan ng ating Lola at Lolo

Kung makalimuta'y ipapaalaala sa iyo

Bahagi ng magandang paghubog sa iyo.

​

Katulad ng "Po at Opo" ay ang pagmamano

Sa araw at gabi, at pagkasimba kung Linggo

Gayon din sa maghapon at panahon ng Pasko

Isa pang kaugalian nating mga Pilipino.

​

Mga Ninong at Ninang ay pinagmamanuhan

Pag-abot natin ng kamay, ikaw’y bebendisyunan

"Nawa'y kaawaan ka ng Diyos sa kalangitan

Maligtas sa sakuna at ano mang kasamaan."

​

Ang "Po” at ang “Opo" at ang "Pagmamano"

Ay kaugalian lamang nating mga Pilipino

Simula nang mamulat ang mata sa mundo

Ito ay sinusunod ng lahat ng mga tao.

​

Kung saka-sakaling paggalang ay malimutan

Lolo't Lola natin tayo'y paalalahanan

Huwag namang isasama ng ating kalooban

Ang tanging hangad nila'y atin ding kabutihan.

​

Walang ibang bansa sa buong daigdig

Na may katulad sa binibigkas ng bibig

Ang "Po” at ang “Opo" kapag sinasambit

Sagisag ng ating bayang pinakaiibig.

​

Pagmamano ay katangian nating Pilipino

At magagalang na salita taglay ng mga tao

Mapasaan man tayo, mapaibang dako

Sa nayon, sa bayan, at ibang panig ng mundo.

​

​

Laura Balatbat-Corpuz

Ika-18 ng Marso, 2004

 

​

Mga katha ni Laura Balatbat-Corpuz na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan