MINSAN PANG GINAHASA ANG KALAYAAN

​

Nagpaalam akong nangunguyakoy pa ang Itay sa hagdan,

Mistulang 'sang sanggol sa pagkakayupyop sa kawayang baytang;

Ang buntung-hininga'y agad na naparam nang mapagtanto n'yang,

Nababanaag na malaon nang mithing magkamal ng yaman.

​

Sa sama ng loob ang sinta kong Ina'y halos himatayin,

Pagka't di maatim mahal niyang bunso siya'y lilisanin;

Sa ibayong dagat maghahanap-buhay, magpapa-alipin,

Kapit sa patalim, may baka-sakaling lahat ay gagawin.

​

Sa'ming pagdarahop sakitin kong Ama'y nagmukhang gusgusin,

Katawa'y patpatin, kagyat na bibigay sa ugoy ng hangin;

Kakatwang siya'y bundat sa kadyot ng alak, salat sa pagkain,

Di natitigatig sa kahihinatnan ng bugtong n'yang supling.

​

At sa murang gulang ay pikit-mata kong tinanggap ang hamon,

Sa maghapong singkad, singhot, hikbi, hikab ang pantawid-gutom;

Sa buong magdamag 'pinanghihimagas ay bulyaw at sermon,

Hapdi ng bituka't kalam ng sikmura pa'no iaagdon?

​

Sa kasibulan ko ay pinagtangkaan taglay kong alindog,

At sa pagkabigla, nautas ko siyang sa laman ay hayok;

Sa'king panlulumo halos ay mabaliw sa pagkayukayok,

Sakbibi ng lungkot, walang kahulilip na panggigipuspos.

​

Nang mahimasmasan ay buong tapang kong hinarap ang pasya,

Taliwas sa alam ng nakararami, ako'y maligaya;

Nagagalak akong napaglabanan ko ang pighati't dusa,

Mamamatay akong may ngiti sa labi, may kislap sa mata.

​

Datapwa't himala ng langit at lupa, hatol nirepaso,

Tiyak na kamatayan natakasan manding taas pa ang noo;

Sa tulong ng Poon at ng busilak na pusong mga tao,

Dangal ibabangon, sukdulang marating ang dulo ng mundo.

​

Sa pagbabalik ko'y luha at ligaya ang aking nadama,

Sumalubong sa'ki'y sanlibo't sanlaksang tulad kong biktima;

Biktima ng hirap, ng lipunang hunghang, walang pang-unawa,

Kaylan matatapos, pagsasamantala't kawalang pag-asa?

​

Buhay ng buhay ko ay pinagpiyestahan ng buong lupain,

At pinag-agawan ng mga buwitre do'n sa puting-tabing;

Subali't, O Diyos, anong parusa ba itong daranasin,

Pati ba sa telon di makahulagpos sigaw ng damdamin?

​

Ugnayang-labas daw ng bayan kong mutya di dapat madusta,

Dapat daw ilihim sa kanugnog-pook ang panggagahasa;

Nguni't balintunang ayaw ipabatid sa bulag na madla,

Minsan pang hinalay iwing kalayaan sa sariling lupa!

​

 

​

Katha ni Eduardo M. Carpena na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan