Mula sa panulat ni
JUVEL REMPIS
Pohnpei, Federated States of Micronesia
ANG UMALIS SA SARILING BAYAN
Umalis sa aking bayan upang baguhin
ang aking pamumuhay
Halo-halong nararamdaman nang umupo pa lang
sa eroplanong aking hinintay
Naiiyak na parang bata at ang hanap
ang nanay pati rin ang tatay
Tinititigan ang pintuan, di mawari kung
tatalikuran and bayang naghihintay
Napatulala nang pansamantala at biglang
may sumigaw “umupo nang husay”
at unti-unting umangat at umalis nang tuluyan
ang eroplanong aking sinasakyan
Nakarating ng maayos sa bagong bahay
walang makakasama at walang karamay
takot ang bumalot at pagaalala
kung paano makakaya
sinusubukan na lang na umasa
sa gabay ng Dyos at may dasal na kasama
unti unting nakakasanayan
ang buhay na ganito
pinipilit na maging masigla
at para di mabato
nababawasan ang pagaalala
at nakakapadala ng konting balato
mga tsokolate, de lata at kape
at kung sinuwerte may kasama pang pabango
Konting pera ang isasakripisyo
para magkaron ng bahay at lupa na bato
at itutuloy ang kontrata hanggang
mabuo ang pangnegosyo
Di maiwasan minsan
ang lungkot na dumadaan
Iiyak ka na lang at matutulog
kung kinakailangan
Para di matuluyan na masiraan
mugto ang mata kinaumagan
at maliligo para mapreskuhan
Patuloy na lumaban para makayanan
ang lahat ng karanasan na di maiwasan
Nakakalungkot ang mga pinagdaanan
Marami ang gustong matikman
Katulad ng baboy na sinigang
o kinamatisan
Pati pansit ni aling Beng na nakakatakam
ultimong adobong pusit na malinamnam
Amoy ng tuyo na may
hiniwang kamatis sa umagahan
Yan ang mga nakakapanghinayang
habang wala ka sa sariling bayan
Walang magagawa kundi maghintay
At magpasalamat sa may bigay ng bagong buhay
At nawa’y maibalik ko ang lahat ng bigay
Sa pamamagitan ng pagtulong
sa kapwa at nangangailangan
Walang katapusan pasasamat
at tayo ay napagbigyan sa ganitong buhay
At balang araw gusto ko makita ng Poong mahal
kung gaano ko pinahalagahan
ang lahat ng biyaya na aking natikman
Sana'y sa lahat na nagsusumikap
at malayo sa mga minamahal
Wag mawalan ng pagasa
ikaw din ay balang araw ay mamahinga
wag lang sayangin ang mga kinita
at purihin ang Dyos sa lahat ng bigay nya
Di niya tayo pinabayaan
mula sa araw ng ating paglisan
hanggang sa makabalik sa ating bayan
Kung di sa iyong gabay
di ko sana narating itong
aking kinalalagyan
Maraming Salamat po aking Panginoon
sa lahat ng mga biyaya
na iyong binigay
Katha ni Juvel Rempis na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact