SALI KA, KABAYAN

 

 

 

Mula sa panulat ni

JOEL SANTOS

Kuwait

 

HOMESICK

​

Tunay ngang kapag ika’y nawalay

Sa bansa na pagsinta ang alay

Pakiramdam mo ika’y parang nakahimlay

Sa ilalim ng lupa na parang bangkay.

 

Parang batang hinahanap ang kalinga ni Nanay

Noong paslit pa lang at simple ang buhay

Anak na naghahangad ng ulirang gabay

At muling mahimbing sa bisig ni Tatay.

 

Lungkot ang nadarama at di mapalagay

Sa malayong lugar na sinapit ng paglalakbay

Hangaring kumita para sa magandang buhay

Ng pamilyang mahal na sa akin ay naghihintay.

 

Tanging sarili lang ang aking karamay

Pag dinalaw ng lungkot sa gabi’y nagninilay-nilay

Pagtulog ay problema at ‘di maibigay

Ng malambot na kama sa ‘di kilalang bahay.

 

Magtagal man sa ibang bansa at mamuhay

Ay hindi pa rin kailanma’y masasanay

Babalik pa rin sa bansang kultura’y makulay

At sa pamilya ay ‘di na muling mawalay.

 

Titiisin na lang ang lungkot na kaagapay

Sakripisyo at pagtitiyaga ang aking salaysay

Dugong bagong bayani sa akin ang nananalaytay

Haharapin ang bukas na may tagumpay!

​

​

Mga katha ni Joel Santos na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan