SALAMAT SA MAY-AKDA
(Para kay Rafael Alonde Pulmano)
Salamat ang aking unang salita
Salamat sa iyong mga tula
Pagka’t ang laki ng aking pagkatuwa
sa mga iyong naitala
Ang aking mga mata'y
Iyo mong napadilat
Mga labi ko'y iyo namang napangiti
Sa bawat naitala mo'y ako ay namulat
Siyanga nga palang ako ay mapalad
Pagka’t isa rin akong banyaga
sa ibang bansa naninirahan
at nararanasan ko din ang maghirap
Kulang sa pahinga
Dalawa o tatlong oras lamang
naipipinid ang mga mata
pagka’t laging payao na sa pagtatrabaho
Pero aking katoto
Ako nga'y mas mapalad tulad ng nasabi ko
Pagka’t ang aking naging trabaho
Ay tama kung magpasahod at ang mga tao ay tao
Di ko naranasan ang murahin at abain
Pagka’t ito ay aking di maaring pasanin
Sa aking kaisipan
Ako ay may karapatan!
Nagdaan ang maraming taon
Ako'y isa pa ring banyaga
Pero di na tulad noon
Ang aking pagtulog ay himbing at tama na ngayon
Noon ay tatlo ang trabaho ko
Ngayo'y isa na lamang
Pagka’t ang kwalta ko'y hindi winaldas sa masamang bisyo
at siya kong ikina-ahon
Magpasa-hanggang ngayon
Ako pa rin ay isang dukha ngunit hindi naman kaawa-awa
Malinis na kadamitan
May silong na tinutulugan
Pati na ang hapag kainan
Laging may nakahanda
At ang pinakamahalaga
Pamilya ko'y nagmamahalan
Kaya sa iyo katoto
Uulitin ko ang aking malaking pasasalamat
Ang isang tulad mo'y dakila sa pagsulat
Aking ipagdarasal na ikaw ay KANYANG basbasan
Bigyan nawa ng maganda kalusugan
At sanay sipagin pang gumawa ng mga tula sa wikang atin.
Katha ni Regina Rosales na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.