DAMDAMIN
Sa tuwing dapithapon, doon sa dalampasigan
na aking pinagmamasdan ang lawak ng karagatan
aking naaalala ang araw na nagdaan
nang ikaw ay makilala, parang kailan lang...
Dapithapon din noon nang makilala kita
ang pakiramdam ko, puso'y tigib ng sigla
sa bawat sandali ay napapangarap ka
at naging inspirasyon ko sa paglikha ng tula.
Datapwat ang damdamin ko ay hindi maipadama
dahil sa puso ko'y nananaig ang pangamba
paano ko sasabihing iniibig kita
gayong ang puso ko ay di na malaya, o sinta?
Ang damdaming ito'y pilit kong iwawaksi
kahit na sa kalungkutan ako ay sakbibi
ang tulang ito ang siyang nagsilbing saksi
na minamahal kita, ngunit ako'y naging pipi.
Ngayong nalalapit na ang paglisan mo dito sa Saipan
sa dibdib ko'y kalungkutan ang iyong maiiwan
sa lahat ng sandali ay iisipin ko na lang
na naging inspirasyon ka kahit hindi mo alam.
Kaya nga sa dalampasigan tuwing magtatakipsilim
ang alaala mo ay nasa puso ko pa rin
gayon pa man, aking sinta, ako'y dumadalangin
sana'y mapawi na itong mali kong damdamin.
February 25, 1992
Katha ni Domingo Tolentino na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.