DAPIT-HAPON
Hindi ko na matandaan kung kailan Kita huling kinausap
Marahil ay nalunod na ako sa mga biyayang nalasap
Sa aking tinatamasa na malayo sa dating dinanas na hirap
nawalan ako ng oras at walang ginawa kundi magpakasarap
Sinabi Mo sa akin noon na magtiwala ako sa Iyo
pangakong bubuhatin sa panahon ng siphayo
binigyan Mo ako ng pagkakataon upang makatayo
ngayon ay puro ginhawa ang aking natatamo
Kailan nga ba Kita huling napasalamatan
sa tagal ng panahon ay di ko na matandaan
samantalang dati Ikaw lamang ang sumbungan
lahat ng saloobin Ikaw ang tanging hingahan
Wala Kang hiningi sa aking kapalit ni isa
sa lahat ng tulong na Iyong ipinasa
subalit ano itong aking mga nagawa
aking ganti'y walang patumanggang pagpapabaya
Ngayon ako'y sa bisyo nalulong na tunay
sa tukso ako ay naging lubhang mabuay
sa aking pagharap sa mga nagawang pagsuway
mapagpatawad Mong yakap sa akin pa ri'y binibigay
patawarin Mo po ako sa mga nagawang pagkakamali
lahat ng habilin akin sadyang nabali
kinalimutan Ka sa mga oras ng tagumpay
sa kagipitan ngayun sa Iyo'y kumakaway
Mahabaging Ama di ko na po alam ang aking mga nagawa
puno ng pagsisi habang tumutulo ang mga luha
ako po'y naging isa itim na tupa sa Inyong pastulan
sa nalalabing kong oras, kapatawaran sana ay aking makamtan
Salamat po sa ibinigay Nyong buhay na mahiwaga
totoo pong nasa huli ang pagsisisi at pagtitika
uubusin ko ang mga huling sandali ng aking hininga
sa pagpupuri sa Iyo, O Diyos na puno ng awa
Setyembre 21, 2007
Mga katha ni Zack na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact