PINAKAMAMAHAL NAMING INA
Mula't mula pa'y ikaw na ang nakagisnan
Laging tumutulong sa aba naming kalagayan
Kapag dumarating sa amin ang kahirapan
Bukas ang palad mo na lagi naming nahihingan.
Kapag dinadalaw kami nitong karamdaman
Kapag nanghihina na itong aming katawan
Kapag pag-asa halos kami ay panawan
Dagli'y nariyan ka upang kami ay tulungan.
Kami'y nadaya ng hidwa naming kaisipan
Kaya't nagmataas sa iyo ng lubusan
Sinunod ang lahat ng nais maibigan
Nabubuhay ng malaya, at sa iyo ay nawalay.
Ang aming ugali kahit na nagbago
Ay kawiliwili pa rin kami sa iyo
Di man sinunod ang iyong mga payo
Pag-ibig at pagtingi'y di naglaho.
Kami'y nagising sa aming sarili
Iniwasan ang masama't gumawa ng mabuti
At buong taimtim kaming nagsisisi
Pagsuway sa iyo'y pilit naming iwawaksi.
Anuman ang danasin, lungkot man o sigwa
Di kami matatakot, di na mangangamba
Sapagka’t mayro'n kaming lagakan ng pag-asa
Ito'y walang iba kundi Ina naming sinisinta.
Kami'y nagpapasalamat sa iyo aming sinta
Dahil sa iyo, kami ngayo'y masaya
Pilit nilimot ang dinanas na problema
Aming pinatawad ang sa amin ay may sala.
Nang dahil may nagmamahal
Upang kami'y sumaya't
Di na nag-iisa, sapagka’t ikaw’y
Aming makakapiling sa darating na bukas
Pinakamamahal naming INA...
Ika'y isang bayani
Dito sa balat ng lupa.
Nagmamahal nang tunay,
– Ang Iyong Mga Anak
Katha ni Monaliza Mondata na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact