SALI KA, KABAYAN

 

 

 

Mula sa panulat ni

GONIE MEJIA

Saipan, C.N.M.I.

 

BAWA’T PAWIS, BAWA’T LUHA

​

Karukhaang di mawari, halos di na makayanan 

Upang sarili'y mangarap umamot ng kapalaran 

Kahirapan ang nagtulak, na akin nang kinagisnan, 

Ang Saipan ay marating kong tila ba panaginip lang. 

​

Malumbay na pag-iisa sa tuwina'y kaulayaw 

Mga luha sa pagpatak kayhirap kong mapigilan 

Sa pamilyang iniwan ko tuon lagi ang pananaw 

Kagaya ko'y basang sisiw, sa ina ay napawalay. 

​

Dahil na rin sa layuning kabuhayan ay umangat 

Ang lungkot ay nilimot ko, tiniis ang mga hirap 

Mahapo man ang katawan sa gawaing mabibigat 

Hindi ko na alintana, pangarap lang nang matupad. 

​

Ayaw ko nang balikan pa, buhay na kaawa-awa 

Ayaw ko nang magdusa pa, ama't ina kong nagpala 

Sa kanilang katandaan ang nais ko at adhika 

Ang sila ay paglingkuran sa kinaya kong ginhawa. 

​

Ngayon ay aking dalangin, sa isla ay makatagal 

Nang lubos mapaghandaan mga bukas pang daratal 

Kaylangan kong magsumikap, magtiyaga, magtumibay 

Sa pagganap ng tungkuling sa akin ay nakaatang. 

​

Bawat pawis na pumatak sa katawang napapagod 

Nang dahil sa nilalayon, ito ay kalugud-lugod 

Bawat luha, sa pagdaloy sa pisngi kong nalulungkot, 

Ang katumbas ay biyaya ng langit ay idudulog. 

​

Hinding-hindi malilimot: Ako'y isang Kayumanggi 

Pilipinas ang bayan kong sa puso'y itinatangi 

Sa kulay ng aking balat ay hindi maitatanggi 

Ang kulay ng kasipagan - matiyaga, mapunyagi. 

​

Bawat dangal kong matamo sa magandang paglilingkod 

Ang bansa ko'y nagkakamal ng papuri at alindog 

Bawat dolyar kong kitain sa pagsisilbing masinop, 

Bayan din ay umaangat mula sa paghihikahos. 

​

Hindi ko rin iwawaglit sa aking puso't isipan 

Bawat ginhawang makamit ay may isang pinagmulan 

Siya ang tunay na Daan, Katotohanan at Buhay, 

Liwanag ng sanlibutan, sa balana'y tumatanglaw. 

​

 

​

Katha ni Gonie Mejia na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan