SINING NG PAGLAYA
Ako ay may ibong
kinulong sa hawla
Na likha ng tulang
sining ng pagsinta;
Ibon ko’y nagkunwang
pagkasaya-saya
Kahi’t na may kimkim
na luha sa mata.
Ang lihim na luha niya’t pagdaramdam
Ay subyang sa aking pusong nagmamahal;
Salaghati niya ay pinangambahang
Di makayang bathing saluysoy ng lumbay.
Inaliw ko siya’t aking pinangiti,
Biniro ng birong walang pakunwari;
Sinikap bawahin ang kirot at hapdi
Sa puso ng aking sintang may pighati.
At siya’y nagtawa nang tawang malakas,
Ibon ko’y tumindig at lumundag-lundag;
Siya’y nagbiro rin at simiyap-siyap,
Magkasama kaming sumayaw sa galak.
Nguni’t isang gabi ay aking narinig
Ang awit na taghoy ng ibon kong pipit;
Ibig daw lumaya sa pagkakapiit
Sa hawlang gintong may tamis at pait.
Hawla’y binuksan ko’t aking pinalaya,
Ang ibong mahal ko habang lumuluha;
Nang siya’y lumipad...O! laking hiwaga —
Lumaya rin akong yakap ni Bathala!
Mga katha ni Bert Cabual na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
Para sa kumpletong katipunan ng mga katha ni Bert Cabual:
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact