TAHANAN VS PAARALAN

 

 

TANONG:   Saan higit na natututo ng disiplina ang bata – sa TAHANAN o sa PAARALAN?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Elvie V. Espiritu — Tahanan

Gonie T. Mejia — Paaralan

Rafael A. Pulmano — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA (Pagbubukas)

 

Unang Lunes na tipanan kami'y di man nakarating

Ngayon nama'y handa kaming magbayad ng tuwa't aliw

Kayo na po ang bahalang sa ami'y magpaumanhin

Huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin.

 

Sa di pa nakababatid, si Ralph Pulmano po ini

Sa balanang nakikinig, malugod na bumabati

Maganda po itong paksang tatadtarin ngayong gabi

Sa sangkalan ng katwiran ng makatang pogi't seksi

 

Kay Ginoong Max Santiago, salamat po nang marami

Sa padala ninyong paksang ganito ang sinasabi:

Sa tahanan o eskwela, saan nga ba mag-aani

Ng higit na disiplina iyang batang lumalaki?

 

Alam ko pong kayo'y merong inyo-inyong kurukuro

Ngunit upang itong paksa'y lalo nating mapaghulo

Salubungin na po natin ng palakpak na magulo

Ang dalawang magsasabong sa gitna ng entablado!

 

 

TAHANAN (Pagpapakilala)

 

Sa bayan po ng Santa Fe, probinsiyang Nueva Viscaya

Lahat ng makahidwa ko, sa rima ay puro tumba

Hindi ako nagyayabang sa katuos kong makata

Umatras na kung kaylangan hangga't mayrong panahon pa.

 

Sa tahanan nag-uugat ang dakilang pagmamahal

Disiplina'y nahihigit na dito'y natututunan

Maliwanag ang panig kong sa paksa'y ipaglalaban

Elvie Espiritu po sa lahat ay nagpupugay.

 

 

PAARALAN

 

Kung ang laban po ay wrestling, ako'y dapat nang umatras

Ngunit ito'y paligsahan ng may talino at utak

Tinatanggap ko ang hamon sa panig na ilalahad

Ang higit na disiplina sa paaralan nagbubuhat.

 

Tubong Concepcion, Tarlac po akong hamak na lingkod nyo

Nagpupugay sa balana nang taos sa aking puso

Sa banta ng paraluman ako anya'y igugupo

Sagot ko'y subukan pamu ban kanita din mabalu!

 

 

LAKANDIWA

 

Subukan pamu ewan ko, ya'y di ko naintindihan

Kahit wala si Babalu, tuloy pa rin itong laban

Para kayo'y di mainip, atin na pong umpisahan

Si Elvie ang unang tindig, muli'y ating palakpakan.

 

 

TAHANAN (Unang Tindig)

 

Sinasabing ang tahanan ay ang pugad ng pamilya

At sa pugad nagmumula ang sagradong pagsasama

Pagsasamang naaangkop sa gampaning itinakda

Itinakda ng Maykapal sa dalawang mag-asawa.

 

Gantimpala sa matimyas na pag-ibig ay ang anak

Anak na siyang tungkuling imulat sa tamang landas

Landas ay ang tamang asal, sandata sa isang bukas

Bukas na tanging magulang sa anak ay hinahangad.

 

Unang gurong kagigisnan ng anak ay ang magulang

Magulang na walang sawang sa kanya ay aantabay

Aantabay sa lahat ng ikabubuti sa buhay

Nitong anak na nagmula sa dugo nila at laman.

 

Sa matuwid na salita sa tahana'y nahihigit

Disiplina'y nakukuha ng anak ay nakakamit

Pagka’t nandiyan sa tahanan ang higit na malasakit

Malasakit ng magulang sa anak ay magtutuwid.

 

Tsaka ngayon ay may tutol gaya nitong kahidwaan

Para bagang hindi siya sa kamusmusan nagdaan

Hindi ba ang disiplina sa anak ay halos alam

Bago pa ito pumasok sa alin mang paaralan?

 

 

LAKANDIWA

 

Yan si Elvie Espiritu, ang Reyna ng Balagtasan

Ngayon naman ay ang Hari ang sya nating pakikinggan

Di lang Hari sa pagbikas, Hari din ng kapogihan

Kaya lang po, Haring sunog — si Gonie po'y palakpakan!

 

 

PAARALAN (Unang Tindig)

 

Ang karunungan ay lunas sa sakit na kamangmangan

Ang talino ay hagdanan sa tugatog ng tagumpay

Disiplina ay sandata sa tatahakin mong buhay

Paarala'y institusyon sa ganiyang kaalaman.

 

Sa tahanan ay di sapat ang dapat na matutunan

Ng anak na hinuhutok sa disiplinang kailangan

Lalo't magulang ng bata kapwa mayrong hanapbuhay

Ang panahon ng pag-ugit sa anak ay sadyang kulang.

 

Sa tahana'y mawiwikang una yaong kaalaman

Pagka’t dito'y ama't ina sa anak ang nangangaral

Halaga ng pagtuturo ng guro sa paaralan

Ay ginto rin pagka’t ito ay propesyong sinumpaan.

 

Kung ang ina nitong bata'y tsismosa at bungangera

At halimbawang ang ama ay batugan at pabaya

Sa tahanan bang nabanggit, anong uring disiplina

Ng anak ay mapupulot, ng anak ay nakukuha.

 

Nagtatanong lang po ako, hindi ako nang-aasar

Iyan nama'y nagaganap sa iba pong pamamahay

Di gaya sa paaralan, guro'y mahirap magkulang

Pagka't iya'y katungkulan na kanilang gagampanan.

 

 

LAKANDIWA

 

Kung baga po sa sinaing ay malapit nang kumulo

Sa apoy ng pagtatalo itong paksang niluluto

Ako muna ay tatabi upang ako'y di mapaso

At mamaya magbabalik kapag handa nang maghango.

 

 

TAHANAN (Ikalawang Tindig)

 

Tila ko ba napapansing kahidwa ko'y isang bulag

Bulag pagka’t nalilihis sa tunay na nagaganap

Mali na isang bahagdan ng magulang ay nasulyap

Siyam na pu't siyam na mabuti, itatangging agad-agad.

 

Mas maluwag ang panahon ng anak ay ilalagi

Sa tahanan na kapiling ang sa kanya'y nagtatangi

Matuwid na bunga nito'y doon higit nangyayari

Ang aktwal na halimbawa sa disiplinang nasabi.

 

Ang silid ng paaralan ay silid ng karunungan

At sa compound ng eskwela, pag-aaral, lipaw-lipaw

Ang impluwensiya sa ibang kamag-aral ay di alam

Di lahat ay nakikita ng guro ay matugaygay.

 

Hindi na dapat pagtakhan pagka’t ito'y nagaganap

Anak ay nababarkada sa kaeskwelang di tapat

Hindi tapat sa dahilang sa kanya ay magsasadlak

Sa ugaling di mainam, sa kabutiha'y baligtad.

 

 

PAARALAN (Ikalawang Tindig)

 

Sarili ko'y pinipilit sa dilag ay maniwala

Ngunit loob ko ay tutol, tinuran nya'y hindi tama

Pag sinabing mag-aaral, may takot nang bumabadha

Na labagin ang tuntuning umiiral sa eskwela.

 

Sabihin na nating higit ang panahon sa tahanan

Na ilalagi ng anak kaysa doon sa paaralan

Diyan ka magtataka at sadya pang hahangaan

Ang disiplina ay higit sa eskwela nalalaman.

 

Banggitin din na malimit sa kapintasan ng bata

Na siya'y mana sa ama, dili kaya ay sa ina

Ibig ko ditong tukuyin, ang anak ay mapanggaya

Magulang kung matapobre, anak nila ay kaisa.

 

Unawain lang po ako, ito'y hindi pandudusta

Kapag galit ang magulang, sa anak ay nawiwika

Na kesyo ikaw ay ganyan, di nag-aral palibhasa

Sa ibig ko pong tukuyin ay kayo na ang magkusa.

 

 

TAHANAN (Ikatlong Tindig)

 

Ang diwa ng pagtatalo wari ko ba'y nilalabo

Ng kahidwang kutis-sanggol, yaong sanggol na ewan ko

Sa sarili niyang tahanan, hindi ba niya napipiho

Kung anong uring paghutok sa anak ang inaako.

 

Mas maigi pa sa anak kung aktwal na makikita

Yaong mga halimbawa sa magandang disiplina

Sa tahanan ang magulang, sila'y mga halimbawa

Doon naman sa paaralan, iyan ba ay magagawa?

 

Katulad ng pagsisilbi, paggalang, pagpipitagan

Sa magulang at kapatid at sa kapwa mo nilalang

Pagkilos at pangungusap, kaayusan ng katawan

Kalinisan ng ugali, pagpupuri sa Maykapal.

 

 

PAARALAN (Ikatlong Tindig)

 

Pakiusap sa kahidwang Amasona ng Viscaya

Wala sanang personalan, magbitiw man ng kataga

Bakit yaong kutis-sanggol wari ba niyang dinudusta?

Ako nama'y di sinabing mistula siyang boksingera.

 

Nalimot na din po yata ng makatang kasalungat

Na sa eskwela'y may subject na good manners and right conduct

Paaralan ay tahanan ang siyang nakakatulad

Guro ang mga magulang, estudyante'y mga anak.

 

Kaibahang nahihigit na doon sa paaralan

Mga guro'y walang pagod ilingkod ang kakayahan

Hindi paris sa tahanan, ang magulang magkaminsan

Nawawalan ng panahong ang anak ay paglingkuran.

 

 

TAHANAN

 

Pati pala ang matuwid ng kalaban ay ulikba

Dahil kaya siya'y bagabag ng maling paniniwala

Magulang ang hinahangad, ang anak ay mapagpala

Dugo'y higit na matimbang, iyan ba'y maitatatwa?

 

Halaga ng disiplinang nababatid sa tahanan

Ay hindi lamang magkano, hindi kayang matawaran

Pagka’t dito'y obligasyon ang sabi mong katungkulan

At iyan namang katungkulan laan doon sa suwelduhan.

 

 

PAARALAN

 

Ang dilag ba'y nagtataka o siya ay nagtatanong?

Akin na ring lilinawin nang hindi siya nagmamaktol

Mga guro ay suwelduhan sa serbisyo ang katugon

Pagka’t sila'y gumagaganap sa tinapos na propesyon.

 

Ako, ikaw, kahit sila, na may anak na iniwan,

Ang obligasyong mangaral sa anak di maibigay

Dahil tayo'y nasa dayo, di kapiling sa tahanan

Sa 'ting mga pagkukulang, nagpupuno'y paaralan.

 

 

TAHANAN

 

Kahit isa ang dumayo sa dalawang mag-asawa

Mayron pa ring magsisilbi sa tahana'y magpapala

Kakayahan ng iniwang kapilas ba'y bale wala

Upang anak ay hutukin sa nasabing disiplina?

 

 

PAARALAN

 

Di ko naman sinasabing sila'y walang kakayahan

Tinuran ko'y halimbawa na tayo ay kakulangan

May layunin kaya itong kahidwa kong paraluman

Na kami ay pag-awayin ng reyna ko sa tahanan?

 

 

TAHANAN

 

Takusa man ang kalaban, wala akong pakialam

Mahalaga'y ang panig ko sa kanya'y nakakalamang.

 

 

PAARALAN

 

Sa boksing pag nang-aasar, kalaban ay mahina na

Gayon din sa balagtasan, wala din pong pinag-iba.

 

 

TAHANAN

 

Di masama ang mangarap kahit walang pagkatupad.

 

 

PAARALAN

 

Di na dapat pangarapin ang bagay na natitiyak.

 

 

TAHANAN

 

Bulastog na paniwala!

 

 

PAARALAN

 

Ayon lang yan sa akala!

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Akala ko'y biru-biro ang labanan ng dalawa

Kung nahuli pala ako'y baka merong nadisgrasya

Magkamayan muna kayo't ang hinaho'y ibalik na

Kababayang minamahal, palakpakan natin sila!

 

Si Elvie po ang may sabing sa bahay mas nakakamit

Ng bata ang disiplina, pagka’t dahil sa pag-ibig,

Ang magulang sa anak nya ay lubos ang malasakit,

Laging handang umantabay at masuyong nagtutuwid.

 

Ani Gonie, disiplina'y bahagi ng kaalaman

Na higit na nakukuha ng bata sa eskwelahan

Lalo anya kapag ama't ina'y kapwa nagkukulang

Guro ang syang gumaganap sa tungkulin ng magulang.

 

Sang-ayon sa isang kwento, sa langit ay nakapila

Duktor, narses, inhinyero, arkitekto, at iba pa

Sila noong nasa lupa ay mayroong disiplina

Kaya sa kabilang buhay, nakamtan ang gantimpala.

 

Bawa't isa sa kanila ay mayroong sumalubong

Buong tuwang nagsasabi kay San Pedro, “Anak ko 'yon!”

Ngunit isa ang lumapit at sa kanya ay nagbulong,

“Lahat sila nu'ng musmos pa, ako'ng guro nila noon!”

 

Disiplina'y sa tahanan unang dapat matutuhan

Disiplina'y sa eskwela dapat bigyang-katatagan

Paaralan at tahanan ay pandayan nitong asal

Nagtutulong na ihanda ang bata sa wastong buhay.

 

Iyang murang kaisipan ng bata ay nahuhutok

Nang ayon sa nakikita't naririnig sa palibot

Sa tahanan at eskwela'y may mabuting napupulot,

Masasamang impluwensya ay doon din sumusulpot.

 

Sa magulang po at guro, ito'y isang paalala

Upang bata ay matuto ng tunay na disiplina:

Tayo mismong nangangaral ang dapat na magpakita

Ng kanilang gagayahing mabubuting halimbawa.

 

Sa panig na pinagtanggol ng dalawang makata po

Patas sila ng katwiran, parehas po na may punto

Kaya naman ang hatol ko, sila'y tabla, kaya kayo,

Palakpakan sanang muli si Elvira at Gorgonio!

 

 

 

 

 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link