PATALASTAS: Ang balagtasang ito ay bunga ng kolaborasyon ng mga makatang nasa iba't ibang panig ng daigdig na nagkaisang magpalitan ng kurukuro sa anyong patula sa pamamagitan ng Facebook chat at email. May mga nagtataka at nagtatanong kung bakit wala ang pangalan ni Rodrigo Duterte sa paksa. Pansinin na wala rin ang pangalan ng yumaong senadora, Miriam Defensor-Santiago. Tunghayan ang paliwanag sa ibaba ng pahina, TUNGKOL SA BALAGTASANG ITO, kasunod ng buong katha.

BERT CABUAL

Nagtanggol sa panig ni

MAR ROXAS

LEONOR DE LA CRUZ

Nagtanggol sa panig ni

GRACE POE

RAUL FUNILAS

Nagtanggol sa panig ni

JOJO BINAY

DEENAH MACATIIS

Nagtanggol sa panig ni

MIRIAM SANTIAGO

RAFAEL PULMANO

Namagitan bilang

LAKANDIWA

HALALAN SA 2016

TANONG:  SINO ANG KARAPAT-DAPAT na ihalal na presidente sa halalang 2016 – si Mar Roxas, si Jojo Binay, o si Grace Poe?

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Paanyaya

​

Nag-aalab na pagbati at masayang pagpupugay

Ang handog sa kababayang matiyagang kaantabay;

Lingkod ninyo’y si Rafael Pulmano ng Lunsod Biñan

Lakandiwang papagitna sa tagisan ng kat’wiran;

Sa halalang 2016* may direktang kinalaman

Paksa nitong balagtasang sa Internet isasalang.

​

*2016: twenty-sixteen

​

Sino ba ang nararapat maluklok na presidente

Na kay P-Noy pag natapos ang termino'y hahalili:

Mar Roxas ba? Jojo Binay? Grace Poe? Kayo ang magsabi

Bukas na ang entablado sa nais na makisali;

Sa sino mang magtatangkang lakas-loob pumarine,

Siguruhing makata kang maginoo’t di pabebe.

BERT CABUAL (Panig ni Mar Roxas)

Pagtugon sa paanyaya ng Lakandiwa

​

O, butihing Lakandiwa, tumitindig ako ngayon

Sa anyaya ninyong paksa, kung hindi man naghahamon;

Ito’y isang balagtasang naaangkop sa panahong

Napipinto ang pagdating ng makulay na eleks’yon;

Dahil dito’y ang sagot ko sa malinaw ninyong tanong,

Si Mar Roxas ang hangad kong pangulo ng ating nasyon.

​

Si Grace Poe ay di ko gusto’t ayaw ko kay Jojo Binay

Na tanghaling presidenteng mamuno sa Inang Bayan;

Ang nais ko’y si Mar Roxas na matatag manindigan,

Tunay siyang Pilipino at di siya magnanakaw;

Kung tanggap po ninyo ako, Lakandiwang mapitagan,

Handa akong makilahok sa digma ng balagtasan.

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagtanggap sa unang kalahok

​

Tuloy, ikaw ay magtuloy sa tanghalang walang sahig,

Walang hugis, walang sukat, walang hanggan sa Internet;

Halina at pakilala, pagkatao ay isulit,

Patunayan ang husay mo sa larangan ng panitik.

BERT CABUAL (Panig ni Mar Roxas)

Pagpapakilala

​

Ang ngalan ko ay Bert Cabual, tubo ako sa Batangas,

Sa ang gabi’y inaaraw sa paghabi ng pangarap;

Ang Batangas ay tadhanang iniluwal ng liwanag

Sa tipan ng kasaysayan ng may paham na panulat;

Sa sugat ng nakaraan at paninimdim ng lumipas,

Ang makatang Batanggenyo ay may tulang lumulunas.

​

Ayaw ko sa salaula’t pulitikong abusado,

Kunwa’y tapat sa tungkulin bago pala’y manloloko;

Lisya man ang talumpati’y nag-aanyong matalino,

Gayong ganid kung magnakaw sa salapi ng gobyerno;

Ako itong si Bert Cabual, sa pagpili ng pangulo,

Iboboto’y si Mar Roxas na may dangal at prinsipyo.

​

​

LEONOR DE LA CRUZ (Panig ni Grace Poe)

Pagtugon sa paanyaya ng Lakandiwa

​

Maginoong Lakandiwa, bunying makata ng Binan;

Naulinig ko ang hamon, paanyaya n'yo sa tanan,

Bagama't di pa bihasa sa ganitong balagtasan

Ang inyo pong abang lingkod ay makikipagtagisan

Idolo'y ipagtatanggol, isisigaw ang pangalan

Grace Poe po sa balota ko sa darating na halalan.

​

Marapatin mo pong lubos paglahok ko sa timpalak

Upang mga saloobin sa masa ay isiwalat

Ayaw ako sa malamya, lampang tulad ni Mar Roxas

At si Jojo Binay naman, mandarambong sagad-sagad

Kaya ako'y babalagtas kahit walang pumalakpak

Kandidatura ni Grace Poe siyang aking itutulak.

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagtanggap sa ikalawang kalahok

​

Malugod kong tinatanggap ang makatang paraluman,

At kagaya ng nauna, pakilala ka rin naman;

Patunayan sa balana ang husay mo sa tudlaan,

Dahil dito'y di uubra kung tuktok ay walang laman.

LEONOR DE LA CRUZ (Panig ni Grace Poe)

Pagpapakilala

​

Leonor de la Cruz po itong 'binigay sa aking ngalan

Butihing anak ng lawang Bonbon at look Batangan

Barako ang aming kape pati mga mamamayan

Kaya't hindi umaatras sa kahit na anong laban

Ang sagisag ay balisong, laging sukbit sa bay-awang

Sa probinsyang ala-eh po ang lugar kong pinagmulan.

​

Ang makata ninyong lingkod hindi lamang po maybahay

Magulang rin, anak, kab'yak, at lingkod pa ng baranggay

Kaya't sa aking pagpili ng presidenteng aakay

Pamanhikan sa puso nyo'y isa nating kabalaybay

Isang simpleng gurong handang sa atin ay maging gabay

Grace Poe tayo sa balota, o taasan na lang kamay!

​

RAUL FUNILAS (Panig ni Jojo Binay)

Pagtugon sa paanyaya ng Lakandiwa

​

Lakandiwa ng Laguna heto na po'ng Tata Raul

Malagablab itong boses si Binay ang ipagtanggol

Marapat lang na mabatid buong pulo't buong nasyon

Na si Binay ang marapat na tanghaling punong kampeon

Dahil kapag sina Roxas at si Grace Poe ang may putong

Ng korona'y kawaawa namang lahat milyong Pinoy.

​

Papalanta sa tagisang mamimili ang botante

Kung sino ang nararapat maging ating presidente

Sira dito sira doon kahit ano'y sinasabi

Sa palasyong nakatira'y magnanakaw at buwitre.

Kaya ako ang tindig ko'y si Binay ang ipagwagi

Upang itong ating bansa ang progreso ay dumami.

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagtanggap sa ikatlong kalahok

​

Ang makatang nagpahayag na kay Binay magtatanggol,

Magiliw kong tinatanggap, sa tanghalan ay magtuloy;

Isiwalat buong ngalan at iba pang impormasyon

Ipakitang makata kang may asim pa't hindi pulpol.

RAUL FUNILAS (Panig ni Jojo Binay)

Pagpapakilala

​

Sampay Bakod na makata, lumaki sa isang lawa

Tata Raul Funilas po at ang hilig ay tumula

Bagaman po at may edad ang puso ko'y batambata

Higit po pag nakatikim ng malaking isdang biya

At ayunging sa bayabas isinigang na sariwa

Kaya naman ang tula ko ay hinggil sa tubig-isda.

​

May pamilya at may kuta sa pulo po nitong Talim

Dumayo ka at tiyakang hinding-hindi lilimutin

Ang handa kong pawang isdang pawang huli sa malalim

Na lawa kong ang biyaya'y patong-patong sapin-sapin

Pero k'widaw kayo kaka... mag-ingat sa babagtasing

Ipagtanggol ang napiling presidenteng pipitsugin.

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Hudyat ng pagsisimula ng labanan

​

Sabi nga ng matatanda, ano pa ba'ng hinihintay?

Kalaban ay kumpleto na, umpisahan na ang away!

Yamang ito'y First Round pa lang, kandidatong napusuan,

Pawang mga positibo ang paunang ipagyabang;

Tatawagin ko na ngayon ang makatang si Bert Cabual –

Salubungin natin ng "Like" at masiglang palakpakan!

BERT CABUAL (Panig ni Mar Roxas)

Unang Tindig

​

Sa lipunang mamboboto ay nais kong ipahayag

Kung bakit ko ginugustong pagbotohan si Mar Roxas;

Mabubuting katangia’y taglay niyang kaakibat,

Liping mapagpakumbaba at ang puso ay busilak;

Angkan silang matulungin, sa tuwina’y bukas-palad

Sa bunton ng mga dukhang limahid ng paghihirap.

​

Oo, Mar Roxas ay buhat sa kilala’t bunying angkan

Na sa Inang Bayan natin ay naglingkod nang marangal;

Lolo n’ya si Manuel Roxas na mambabatas na paham,

At tinanghal na pangulo nang dantaong nakaraan;

Presidente ng Komonwelt nitong ating bansang mahal,

Pinanday si Manuel Roxas ng dunong at karanasan.

​

Yaong lolo ni Mar Roxas ay di natin malilimot

Manuel Roxas na ang giting sapul-mula’y nanibulos;

Nang panahon ng digmaang bansa nati’y nilulukob

Ng dayuhang mga Hapon, humarap na walang takot;

Nanindigang Manuel Roxas ay nanunton sa bulaos

Ng panganib sa tumana nitong bayang iniirog.

​

At ang ama ni Mar Roxas ay lalaking dinakila

Nitong buong sambayanang nagmamahal, humahanga;

Siya ay si Gerry Roxas, may pananaw at unawa

Sa langit ng Inang Bayang panganorin ng hiwaga;

Siya’y naging kongresista at senador na madiwa,

Lumikha ng mga batas na nagtamo ng biyaya.

​

Nang ihayag ang Martial Law ng rehimeng Ferdi Marcos,

Gerry Roxas ay tumutol at matatag na kumilos;

Sa dagat ng demokrasyang api tayong nilulunod,

Buong-tapang na nagtanggol, sukdang siya’y mabusabos…

Si Mar Roxas ay alamat! Angkan niya’y may bantayog!

Sa halalang 2016, presidenteng itaguyod!

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagpapakilala sa susunod na makata

​

Unang haplit ng makatang sa Batangas pa nagmula

Sa sunod na magtatanggol may binatbat naman kaya?

Babae ring katulad n'ya ang piniling ibandila

Sa tagisan ng kat'wirang bukod-tangi siyang mutya.

Narito na't paulanan ng "Like" ninyong walang sawa...

Si Leonor ay palakpakan at dinggin ang kanyang tula!

LEONOR DE LA CRUZ (Panig ni Grace Poe)

Unang Tindig

​

Muli na namang hahatol sambayanang Pilipino

Magdedesisyon kung sino ang susunod na pangulo;

Sa buong anim na taon ay siya ang mamumuno

At sa pag-analisa ko sa mga kakandidato,

Lumutang ang isang lingkod nagmula pa sa Senado

Ang agad na namayagpag ay ang pangalan ni Grace Poe.

​

Isang mabunyi pong guro ang mahal na Senadora

Bagito mang lingkod-bayan ay agad umarangkada;

Sa MTRCB bilang chairman doon nag-umpisa

Binago at pinaunlad, itin'wid ang polisiya,

Upang ating sining maging malaya't may disiplina

Palabas na responsable, nag-iingat sa kultura.

​

Iniluklok sa Senado, taumbayan ang naghalal,

Paniwalang buo'y sila ang kanyang paglilingkuran;

Hindi naman tayo bigo pagka't ating nasaksihan,

Sandaan s'yamnapu't walong panukalang naisalang,

Patunay na aktibo s'ya sa dal'wang taong nagdaan

Ginagawa ang trabaho sa bulwagang pambatasan.

​

Panukalang Sustansiya Sa Musmos na Pilipino,

Naglalayong kalusugan upang di makompromiso;

Pampublikong paaralan magbunga ng edukado,

Mga ina't mga bata ay lubos na protektado,

Sa sinapupunan pa lang ay may plano nang kasado,

Mga batas na may saysay inihain sa Senado.

​

Sa MRT at LRT ay pasimple s'yang sumakay,

Agad-agad na may aks'yon sa poblemang nasaksihan;

Ulat sa Mamasapano nahawakan nang mahusay,

Sa pagpapaunlad naman ng PNP naging gabay;

Lahat ng adhikain n'ya naabot nang matagumpay,

Kung iisa-isahin ko'y tiyak kayong mauumay.

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagpapakilala sa susunod na makata

​

Ala eh! Ang paralumang todong pusta ay kay Grace Poe

Marami ang kinumpisal na nagawa ang idolo;

Ang susunod na titindig, hahabi ng kanyang berso

Tata Raul Funilas na mukhang hindi patatalo;

Kababayang madlang pipol, ibigay na ang "Like" ninyo

Samahan din ng masiglang palakpakang masigabo!

RAUL FUNILAS (Panig ni Jojo Binay)

Unang Tindig

​

Saang bayan may proyektong may allowance ang matanda?

Sa Makati po lamang at si Binay ang may pakana;

Edukasyon po ay libre sa lahat ng yutang bata,

Kaya bayan ako’y Binay itatayo ang bandila;

Hikayat ko'y sumama na sa manok kong kaydakila,

Para po sa kapakanan nitong mahal nating bansa.

​

Noong siya’y isang mayor paaralan at ospital,

Lumaganap sa Makati bawa’t tao’y tinulungan;

Di ba’t ito’y nakatala sa lahat ng pahayagan?

Isang punggok at ulikbang presidente kong si Binay!

May tatalo pa ba kayang tumulad sa kanyang kinang?

Wala na nga, wala na nga aking mga kaibigan!

​

Ang lahat ng kanyang dunong sa tao ay ihahandog,

Kaya siya'y nagsisikap ang "Doctorate" ay matapos;

Ang pag-unlad nitong bansa ang dahilan ng matayog

Na pangarap upang tao’y maalis ang paghikahos;

Kaya kayo kaibigan kay Binay na pumaloob,

At sumamang magpaunlad upang baya'y umimbulog.

​

H'wag ialis sa isipan ang adhikang pagkalinis,

Kaya kayong kabalagtas huwag kayong padadaig;

Sa kislap ng maang-maang na sa inyo’y umaakit,

Iyang inyong napusuan balatkayo’y nasa isip;

Panutsa ang pangungusap upang bansa ay mabulid,

Gising kayo katalo kong buhangin ay nilulubid!

​

Sa lusak ng pagluluksa manaig ang gustong lisyang,

Maging isang panginoon nitong bansang kawaawa;

Hindi ako yaong taong napusuan ay masira,

Ang hatid ko ay magbulay dalawa kong kamakata;

Halina na at magsama sa pagsulong nitong bansa,

Si Binay ang tanging lunas sa dahop at pagdalita!

DEENAH MACATIIS (Pahabol – Panig ni Miriam Defensor Santiago)

Pamanhikan para makasali

​

Lakandiwang mapitagan, nangahas ang abang lingkod

Na hingin ang inyong basbas at gawad na pahintulot,

Ako sana'y pagbigyan ding sa laban ay makisangkot

Upang bigyang katarungan at tsansa ring maitampok

Ang isa pang kandidatang matimbang sa aking loob

Miriam Defensor Santiago – pangulong mas naaangkop!

​

Panghuli mang nagsumite ng kanyang kandidatura,

Sanhi upang hindi agad sa paksa ay napasama;

Ako nama'y pakumbabang sumasamo't umaasa,

Sa dakilang balagtasa'y pasingitin ninyo sana;

Lakandiwang minamahal, kamakatang nangauna,

Hinihiling ko ang inyong pang-unawa at hustisya!

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Tugon sa pamanhikan ng humahabol na kalahok

​

Tayong mga Pilipino ay mayroong kasabihan

"Ang mahuli sa pantalan, ang daratna'y baling sagwan."

Ang bilin pa ng lolo ko, magaling ma't huli naman,

Huli pa rin kahit ano'ng sanhi niyang pagkabalam;

Nguni't tayo naman dito'y iisa ang hangad lamang:

Alamin kung sino'ng dapat presidenteng ihahalal.

​

Kaya sige... Tuloy! Tuloy! Kung di ka nga makatiis

Ay dito sa entablado ng cyberspace magligalig;

Pakilala muna, ineng, sa publikong kinikilig,

At saka mo isambulat ang laman ng pag-iisip;

Kayo naman, kababayang sa Facebook ay hindi adik,

I-"Like" siya't paunlakan ng palakpak na mainit!

DEENAH MACATIIS (Panig ni Miriam Defensor Santiago)

Pagpapakilala at Unang Tindig

​

Ako'y Deenah Macatiis ang pangalan mula't sapol,

Kinalak'han ay Maynila nguni't tubo akong Bicol;

Mula lunsod ng Iriga, napahinto noong Grade 4,

Namasukan sa pabrika, nakahayon hanggang hayskul;

Naka-abroad bilang DH sa Hong Kong at sa Singapore,

Isa ngayong baby sitter sa Saipan amo ko'y Hapon.

​

Bilang isang migrant worker alila na'y alipin pa,

Sawa na 'ko sa estado ng bayan kong sinisinta;

Malaon nang nangangarap makauwi sa probins’ya,

Danga’t walang perang ipon dahil panay ang padala

Sa sanggol na iniwan ko’t nasasabik makasama

Sa bansa kong kaming dukha’y tinakasan ng pag-asa.

​

Kaya laking pasalamat nang sumilip ang liwanag,

Ngayong si Miriam Defensor Santiago ay nagpahayag;

Tatakbo ring presidente: Matapang at hindi duwag,

Sa salita, isip, gawa ay totoo at di huwad;

Kung boboto tayo sana'y gamitin ang puso’t utak,

Pagtino ng ating bansa kay Santiago matutupad!

​

Si Santiago’y may track record bilang huwes ng RTC,

Sa Senado siya’y isang institusyong masasabi;

Maging noong sa Agrarian Reform siya’y sekretari,

Sinawata ang koraps’yong sangkot mismo ay kawani;

Sa opis ng Imigrasyon, komisyuner siyang dati,

Sa death threats ng sindikatong natapakan, walang paki!

​

Sa talino niyang taglay, mala-tigreng katapangan,

At may uring paglilingkod sa gobyerno s’ya'y nabigyan

Ng katumbas ng Nobel Prize na Gantimpalang Magsaysay,

Sa Asya ay prestih’yoso’t matayog na karangalan;

Kung hangad ay pagbabago, iboto ay di si Binay,

Di si Roxas, di rin si Poe! Ang ihalal ay si Miriam!

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagbubukas ng "Round 2"

​

Natapos na ang unang rawnd ng bakbakan sa pagtula,

Makabagong balagtasang sa Internet ginagawa;

Dadako na tayo ngayon sa ikal’wang pagbabangga,

Hahayaan ko na silang magkabasagan ng mukha!

Basta bawal magsakitan, daanin lang sa salita...

Palakpak na! At “Like” pa “more” kayong nangakatunganga!

BERT CABUAL (Panig ni Mar Roxas)

Ikalawang Tindig

​

Di ko ibig siphayuin ang katalong manunula

Na ang turing sa sarili’y Sampay Bakod na makata;

Sa idyoma nitong ating panitika’t balarila,

Ang salitang “sampay-bakod” ay bulaa’t magdaraya;

O, makatang sampay-bakod, buksan mo ang iyong diwa,

Jojo Binay na manok mo’y kandidatong salaula.

​

Marami ang alegasyon nang si Binay ay alkalde,

Labindal'wang taon siyang punong-lungsod ng Makati;

Sa maruming pamumuno at hangaring pansarili,

Milyon-milyon ang salaping kurakot na sinasabi;

Ang asawa niya’t anak na lalaki at babae,

Sukdulan din ang ginawang pamumunong di mabuti.

​

Ang malaking iskandalo ng lupain sa Batangas

At pagtangging hindi kanya — mamamaya’y binubulag;

Ang over priced sa Makati ng gusaling inaamag

Ay matinding pandaraya at kurapsyong maliwanag;

Kung magiging presidente ang ganid at tusong utak,

May panganib na kamkamin itong buong Pilipinas.

​

At si Grace Poe — k'westyonable yaong pagkamamamayan,

Manungkulan sa gobyerno ay hungkag na karapatan;

Miriam Defensor Santiago, umaastang henyo’t paham,

Siya raw ay walang Diyos! Senadorang nahihibang…

Si Mar Roxas ang marapat iluklok sa Malakanyang,

May taglay na integridad at may loob sa Maykapal!

RAUL FUNILAS (Panig ni Jojo Binay)

Ikalawang Tindig

​

Hinay-hinay Makatang Bert kay Bulaa't Mandarayang

Taguri sa Sampay Bakod baka ikaw'y nalilisya,

Sa amin ang Sampay Bakod gagapunggok na makata;

Ngunit basal ang ugali matulis din itong dila.

Idyoma sa balarila baka mali ang akala

Ito'y iyong i-Cabual O, ka Bert kong kamakata.

​

Kaytagal nang pupong bintang kay Binay kong minamanok,

Ngunit kaso'y di masampa sa hustisyang tila bulok;

Daang Tuwid ng Liberal wala na ang pag-imbulog

Dahil si Mar ang piniling sa ruweda ay itampok;

Mga palpak na pa-epal kapag siya'y nag-"photo op"

Bumababa kanyang rating dahilan ay ang paghambog.

​

Saan ka ba nakakita kung humawak ng martilyo?

Aba, Ginoong Mariya! Matatalo pa ng aso!

Pumagitna sa kalsada at ginulo ang trapiko,

Sa kampanya'y sinasakyan helikopter ng sundalo.

Iyan ba ang iluluklok na pinuno sa bayan ko?

O, Diyos na mahabagin! Kawaawang Pilipino!

​

Kahapon lang, kahapon lang, may pumutok na balita,

Sina ALDUB ay inalok HUNDRED MILLION... 'Nak ng putsa!

Ang bulungan sa may kanto'y kay YOLANDANG minumutya

Nanggagaling itong bultong yutang pilak na biyaya?

Gumising ka aking ka Bert sa kaniyang ginagawa,

Walang awang parang Lolong kung magkamal at dumakma!

LEONOR DE LA CRUZ (Panig ni Grace Poe)

Ikalawang Tindig

​

Si Grace daw ay Amer'kana, di natural daw na Pinoy,

Yan lang yata ipupuna at bahid na isasaboy;

Mas nais ko ang dayuhang paglilingkod tuluy-tuloy,

Kaysa Pilipino lamang sa papel na asal-unggoy,

Nasalanta ni Yolandang nananangis, nananaghoy,

Bayang Romualdez daw kaya tulong ni Mar ay napurdoy.

​

Grace Poe di lang sa pangako napatunayan nang sapat,

Paglilingkod di iiwan, kasama ang lahat-lahat;

Buntot ay di nababahag di kagaya ni Mar Roxas,

Sa takot na matatalo'y isinuko ang pangarap;

Sa kunyaring nagpalamang ang totoo ay umatras,

Paano mo aasahang mamumuno nang matatag?

​

Labanan ay parisukat sa paghabol ni Santiago,

Pinagyayabang na utak ay dikit sa sira-ulo;

Ilang dekada na ba s'yang nasa serbisyo publiko?

Walang nagagawa kundi ang mang-away sa Senado!

May malubhang karamdamang p'wede pa n'yang ikadedo,

Paano s'ya sasandigan ng balanang Pilipino?

​

Ang isa pang katunggali, ang pamosong Jojo Binay,

Na ang buong pamilya'y sa politika nakasandal;

Ama, ina't mga anak pawang sangkot sa nakawan,

Sa pera't kapangyarihan walang patid pagkauhaw;

Mga g'wardya do'n sa Dasma, inaglahi nilang usbaw,

Pati pondo ng Boy Scout sinarili, inaagaw!

DEENAH MACATIIS (Panig ni Miriam Defensor Santiago)

Ikalawang Tindig

​

Paano ba sisimulan ang tindig kong pangalawa

Kung sagutan ng katalo'y paninira't patutsada?

Di ko naman sinasabing si Binay ay walang k'wenta

Kahit tila nasayang lang ang panahong VP pa s'ya;

Si Mar Roxas ay di ko rin minemenos kahit s'ya pa

Ay “Inferior Secretary” na nagawa'y ewan ko ba.

​

At si Grace Poe wala naman mabigat na kapintasan,

(Pinsan mismong si Sheryl Cruz ayaw siyang suportahan!)

Ewan ko ba, sa pagboto tayo naman di maselan,

Karanasan kahit hilaw, basta parents ay popular;

Yun lang, di s'ya maiboto ng pamilyang American

Na onli in da Pilipins ang target ay Malakanyang.

​

Nguni't ako'y nalilihis, nahawa sa katunggali

Malinisang pagtatalo sa marumi nauuwi;

Ang tunay na isyu rito, sino'ng dapat na mapili,

Susunod na mamumunong pangulo ng ating lahi?

Miram Defensor Santiago ang iboto, mga suki

Subok na sa karanasan, dunong, tapang, at ugali.

​

Nang matiyak na ligtas na sa kanser n'yang sakit noon,

Kanser naman ng lipunan binalingan ng atens'yon;

Hangad niya'y pagbabago, wawakasan ang korapsyon,

Ibabalik ang tiwala sa sarili nating nasyon;

Talumpating binitiwan ay hamon sa bawa't Pinoy:

"I am the master of my fate, I am the captain of my soul!"

BERT CABUAL (Panig ni Mar Roxas)

Ikatlong Tindig

​

Kung si Jojo Binay yaong presidenteng mahahalal,

Kabang-bayan kaya nati’y di malimas yaong laman?

Hindi kaya nanganganib na ang ating kabansaan

Ay dahasin sa kulimbat ng balawis na tulisan?

Si Mar Roxas ang iboto na pangulong itatanghal,

Malinis ang kanyang budhi at di sangkot sa nakawan.

​

Kandidatong Presidente na si Grace Poe’y alanganin,

Di matiyak kung siya nga ay Filipino Citizen;

At kung siya’y nagpapanggap, Amer’kanang sinungaling,

Kung magwagi ay magiging presidenteng kabilanin;

Si Mar Roxas pag nahalal na pangulo’y tiyak nating

Tunay siyang Pilipino sa isip, diwa’t gawain.

​

Miriam Defensor Santiago ay ugaling magmataas,

Tingin niya sa kapuwa ay mababa’t mga tunggak;

Kapag siya’y presidenteng sa Malakanyang naakyat,

Baka may bagong diktador na sa atin ay uutas!

Si Mar Roxas ang piliing presidente nating lahat,

Siya’y mapagpakumbaba at sa baya’y laging tapat.

LEONOR DE LA CRUZ (Panig ni Grace Poe)

Ikatlong Tindig

​

Karanasan hilaw pa raw si Grace na aking idolo,

Ang sabi ng tirador ni Miriam Defensor Santiago;

Mas gusto kong subukan pa ang katulad n'yang bagito,

Kaysa puro dakdak lamang at pick-up lines sa Senado;

Si Imelda, si Enrile, at si Erap kaalyado,

Wala pa ring nagagawa'y inugat na sa serbisyo!

​

Ani Tatang Bert si Grace Poe ay isa raw alanganin,

Hindi p'wedeng iboto ng asawang U.S. Citizen;

May bilang na ang balota ng "maid-beater" na si Koring,

Dagdag nga naman sa boto ni Mar Roxas na balimbing;

Tatlong pangulong nagdaan siya'y laging nakabitin

Walang tigas, walang tatag, serbisyo ay walang diin.

​

Tatang Raul, Tatang Raul, mag-iingat ka kay Binay,

Walang project matatapos kapag wala ka ring lagay;

Sa kapos at mahihirap siya raw ay namimigay,

Nguni't mga baryang sukli ng kaniyang mga nakaw;

Milyun-milyong pondo yaong napunta sa kanyang kamay

Pati buong pamilya n'ya sa pandarambong ay damay!

RAUL FUNILAS (Panig ni Jojo Binay)

Ikatlong Tindig

​

Isa-isang sumambulat ang akusang mababaho

Nitong mga kabalagtas sa nais kong maging puno;

Isa-isang bibimbangin sa sagot kong ubod-tino,

Minamanok nitong tatlong katalo kong malalabo;

Di ba't noon ang akusa kay Defensor: Brendang sugo?

Ang utak ay malaki nga ngunit butas, tumutulo!

​

At si Grace Poe na sumakay sa anino ni Fernando,

Simpatiya nitong masa'y tumabo ng milyong boto;

Kultura ng ating liping ang idolo ang iboto

Kahit pa nga tinalikdan itong lahing Pilipino;

Kayo ba ay pumapayag manalo ay Amerkano

Na kumumpas ng magic wand sa inasam na Palasyo?

​

At ang huling bibimbangin ay ma-epal na MARumi,

Kunwa'y hindi magnanakaw nitong bayang isinubi;

Ngunit mulat itong mata nitong masang ubod-dami

Doon sa parteng Visayang bilyong pisong kalamiti,

Na tumanghod at umasang makatanggap nitong parte

Ngunit ngayo'y bulto-bultong ginagamit pansarili!

DEENAH MACATIIS (Panig ni Miriam Defensor Santiago)

Ikatlong Tindig

​

Brenda’y birong pang-insulto ng kalaban sa palitiks

Sa henya kong kandidatang turing nila'y may "brain damage"

Ang inyo bang kandidato, Tata Raul, Leonor, at Bert

Ay tunay n’yong masasabing matino ang pag-iisip?

Tameme pag merong krisis? Talamak sa pangungupit?

Ambisyosang di matiyak ang tunay na “citizenship”? 

​

Tigilan na ang pagpintas, atake at paninira,

Totohanan man o biro, bayan walang mahihita;

Balagtasang ito’y ating gawing wagas at dakila,

Iangat ang kandidatong nararapat ibandila;

Sa wari ko, Roxas, Binay o Poe –– sila’y hindi akma,

Miriam Defensor Santiago and ihalal at s’yang tama!

​

Si Santiago ay napili ng magasing Australyano

Na isa sa "Most Powerful Women” sa ‘ting buong mundo;

Propesora at awtor ng pambatas na mga libro

At sa UP ay naging Most Outstanding Alumna in Law.

Siya rin ang unang-unang Pilipina at Asyanong

Hukom ng International Criminal Court –– ano’ng sey n’yo?

BERT CABUAL

​

Ang nais ko’y manawagan sa lipunang Pilipino

Na mag-ingat sa halalang 2016 – lahat tayo;

Huwag tayong padadala sa salapi at regalo,

Makisangkot sa marangal at talisik na pagboto;

H’wag si Grace Poe, h’wag si Binay, at huwag din si Santiago,

Si Mar Roxas, walang iba, ang ihalal na pangulo.

​

Bakit nga ba? Pagka’t si Poe ay salat sa karanasan,

Kung ampon man ni FPJ na hari ng katanyagan;

Kay Binay na reputasyon ay tabihan at pamatay,

Di rin tayo padadala kay Santiagong pagyayabang;

Kaya naman sa kuro ko at malinis na palagay,

Si Mar Roxas ang pag-asang idolo ng sambayanan!

DEENAH MACATIIS

​

Sa lahat ng kandidato, ang hinog sa karanasan,

Tatlong sangay ng gobyerno ay pawang napagsilbihan ––

Eksekyutib, ledyislatib, at dyudisyal –– ay si Miriam

Kaya siya'ng nararapat iluklok sa Malakanyang

Kung iba ang mahahalal baka bansa'y pagpraktisan

Kawawa ang Pilipinas laging napagtatawanan!

​

Bago nila pangaraping mamuno sa Pilipinas

Ang ayusin muna sana ay bakurang wasak-wasak.

Binay, bakit kapit-tuko hanggang ngayon sa boy iskawt?

Grace Poe, kelan mababatid kung kanino ka ngang anak?

Roxas, kayo ni Koring ba puso'y para sa mahirap?

Kay Santiago na lang tayo, mas gaganda pa ang bukas!

LEONOR DE LA CRUZ

​

Palapit na nang palapit halalan sa buwang Mayo,

Obligasyon, karapatan ang pagpili ng pangulo;

Ilagan ang nakakapit sa saya ng liderato,

Sa pera ng magnanakaw h’wag ibenta inyong boto;

Umiwas sa matalinong puro ingay lang at gulo,

Piliin ang maglilingkod nang matapat, may prinsipyo.

​

Sa pagiging presidente lahat walang karanasan,

(Maliban kay Ramos, Erap, Aquino, at Macapagal!)

Kaya maling pamantayan ng kung sino’ng ihahalal,

Mahalaga'y pagkataong may tunay na pagmamahal;

Si Grace Poe ay hindi trapo, naiiba sa kalaban,

Dakila ang adhikaing maglingkod sa pamayanan!

RAUL FUNILAS 

​

Ang agunyas, alingawngaw, alimaymay ng pandinig,

Plegarya na dumadagan sa diwa ng inyong isip,

Dahil kita na si Binay itatanghal sa daigdig,

Sa eleks'yong gaganapin sisigalpot parang kwitis;

Mga manok na ginusto'y kawaawang mabubulid,

Pagkatalo't naunsyaming halakhak at pagbungisngis.

​

Si Grace Poe na ang asawa'y isang kanong itatatwa,

Si Mirriam na umungos na sadyang praning pag natuwa,

Si Mar Roxas pamarali'y walang gawa na masama,

Ngunit yaong kalooba'y tinitrisyon nitong diwa;

Kaya kayo katalo ko ibaba na ang bandila,

Binay tayo at magsamang patatagin itong bansa!

BERT CABUAL 

​

Mga saknong ng tula ko’y ginagawa kong maingat,

Upang maging ilaw itong maghahasik ng liwanag;

Hangad ko ring sa Silangan ay minsan pang mamanaag

Ang liwayway sa umaga ng magandang Pilipinas;

Kababayang mamboboto, bunglos tayo ng pangarap

Na magbunga ang halalang presidente si Mar Roxas.

RAUL FUNILAS

​

Iyang manloko ng masa'y kasalanang matatawag,

Titigan mo yaong matang naglilihim... kay Mar Roxas!

Si Defensor yaong utak alam nating pulos gasgas,

At si Grace Poe'y sumasakay sa kay Panday na tumanyag;

Sila'y pawang matatalo sa halalang magaganap,

Makikitang nakaupo si Binay sa tronong andas!

LEONOR DE LA CRUZ

​

Ang maruming politika karaniwang siyang ugat,

Pumipigil, sumusupil sa 'ting hangad na pag-unlad;

Ang sa p’westo nakaluklok ay nuknukang mga korap,

O di kaya'y si Mar na sa partido ay naduduwag;

Si Miriam na mautak daw, ay puro lang naman dakdak,

Si Grace Poe ang pag-asa nang ating bansa’y maiangat!

DEENAH MACATIIS

​

Unti-unting inaangkin ng Tsina ang ating dagat,

Terorista'y walang habas sa pagpaslang at pagkidnap;

Koraps'yon sa pamahal'an parang lintang di mapuknat,

Tanim-bala sa NAIA'y kahihiyan nating lahat;

Kailangan nating lider ay may tapang at may utak,

Si Santiago ang pag-asa ng bayan tang nililiyag!

Tata Raul, si Binay mo’y mapitagan mong isuko,

Aling Leonor, si Grace Poe mo’y bubot pa sa pamumuno;

Aling Deenah, kay Santiago buong bansa’y mapapaso,

Sama-sama na lang tayo, kay Mar Roxas, magkasuno.

Ikaw, ka Bert ang mag-atras kay Roxas mong sigurista

Tata Raul, si Binay mo'y magretiro't mapera na

Ate Leonor, iwan si Poe't sa amin na makisama

Kay Santiago bansa natin may asenso at pag-asa.

Tulad ni Roxas, Manong Bert ikaw sana’y palamang na,

Sir Raul, kayo ni Binay, magnegosyo na lang sana;

Deenah, si Miriam, samahan sa ospital magpahinga,

Sa paglilingkod ni Grace Poe, ang tagumpay ay ang masa.

Ay ka Leonor hikayat ko'y sa akin ka na sumama,

At si ka Bert ay ganun din bakit hindi magkaisa?

At ang bata ni Defensor, ang diwata na si Deenah

Tayong apat ay magbigkis, si Binay ang ibandera.

​

Kung ang bawa’t kandidato ay may dalang kapintasan,

Ihalal ang lesser evil – Mar Roxas ang kailangan!

​

Pagpili ng lesser evil ay pagsuko’t karuwagan

Mayro'n naman tayong Miriam na very good at number one!

​

Ang anak ng panday ang s’yang marapat sa Malakanyang

Ang puso at galing ni Grace, sandigan ng kaunlaran!

​

Si Binay ang nararapat dahil siyang mahahalal

Na uupo sa palasyo't aakay sa sambayanan!

​

​

Si Mar Roxas ang pag-asa nitong ating Inang Bayan!

​

​

Si Grace Poe ang susi natin sa bukas na tinatanaw!

​

​

Kay Binay mas gaganda ang buhay nating mamamayan!

​

​

Kay Santiago makakamit pagbabagong inaasam!

​

​

Si Mar Roxas ang ihalal!

​

​

Grace Poe, pangulong may dangal!

​

​

Tayong lahat na kay Binay!

​

​

Kay Santiago tayo... Bayan!

RAFAEL PULMANO (Lakandiwa)

Pagwawakas

​

Hinto! Para! Tigil! Preno! Mga bibig iparada,

Mataas na inyong high blood... Umuusok na ang teynga!

Magpalamig muna kayo at itabi iyang pluma,

Habang aking tinitimbang kung nagwagi ay sino ba;

Kayo naman, kababayang kanina pa nakanganga,

Ang "Like" ninyo't palakpakan ay iganting masagana!

 

Sumapit na ang sandaling hinihintay nating lahat:

Sino ba ang tatanghaling kampeon sa nagbanggang apat?

Leonor de la Cruz ba o Bert Cabual kapwa ng Batangas?

O si Raul Funilas bang sa Isla ng Talim buhat?

O si Deenah Macatiis na dumayo sa Marianas?

Muli nating sariwain katuwirang inihayag.

 

Ani Cabual si Mar Roxas sa kilalang angkan galing,

Presidente ng komonwelt and kaniyang Lolo Manuel;

Si Gerry na kanyang ama senador na buong giting,

Tumutol at nakibaka nang Martial Law idinekler;

Angkan silang bukas-palad, sa dukha raw matulungin,

Lipi silang mga paham at marangal sa tungkulin.

 

Si Mar Roxas, ayon pa rin sa makatang si Bert Cabual,

May taglay na integridad at may loob sa Maykapal,

Malinis ang kanyang budhi at di sangkot sa nakawan,

Taong mapagpakumbaba, matapat sa Inang Bayan,

Tunay siyang Pilipino, may prinsipyo at may dangal,

At siya raw ang pag-asang idolo ng sambayanan.

 

Kay Leonor de la Cruz naman, si Grace Poe ang mas mabuti,

Inihaing panukalang mga batas ay kaydami,

Sa dalawang taon niyang sa senado ay nagsilbi;

Mamasapano masaker na biktima ang PNP,

Pinangunahan ni Grace Poe nang mahusay ang "inquiry"

Masusing pag-imbestiga sa senado ang nangyari.

 

Kabilang sa mga batas na kanyang inisponsoran,

Nutrisyong pangkabataan sa publikong esk'welahan;

Sa MRT at LRT ay pasimple s'yang sumakay,

Nasaksihang suliranin ay kaagad inaks'yunan;

Nang siya ay nagdeklarang tatakbo sa panguluhan,

Lahat anya'y aasenso at wala raw maiiwan.

 

Nguni't kung kay Tata Raul Funilas ka magtatanong,

Jojo Binay ang s'yang bida dahil saan nga ba merong

Alawans ang matatanda, bata'y libre edukasyon?

Sa Makati lamang anya nang si Binay naging meyor;

Lumaganap daw sa lunsod ang ospital saka iskul,

Si Binay ang may pakana, sang-ayon kay Tata Raul.

 

Ang Doktoreyt sinisikap ni Binay raw na matapos,

At lahat ng dunong niya ay sa tao ihahandog;

Ang pag-unlad raw ng bansa ang dahilan ng matayog,

Na pangarap upang tao’y maalis ang paghikahos;

Hikayat ni Tata Raul piliin ang kanyang manok,

At sumamang magpaunlad upang baya'y umimbulog.

 

Kung si Deenah Macatiis naman ating pakikinggan,

Miram Defensor Santiago ang dapat daw na mahalal;

Matalino, hindi plastik, kung mangusap diretsahan,

Walang takot, walang paki kahit sino'ng matapakan;

May track record sa serbisyo sa RTC, sa Agrarian,

Sa Senado isa raw s'yang institusyong matuturan.

 

Si Santiago ay mayroong malawak na ekspiryensya,

Tatlong sangay ng gobyerno ang napaglinkuran n'ya na;

Marami ring karangalang iginawad sa kaniya,

Kabilang na ang Magsaysay na Nobel Prize ang kapara;

Ang bansa raw ay titino at ang bukas ay gaganda

Kung ang ating iboboto ay si Mariam, ani Deenah.

 

Katangiang kaybabango ang kanilang inilako,

Nguni't bawa't kandidato ay may kanya-kanyang baho;

Kaya Bayan, sa pagboto, tayo'y maging matalino,

Gamitin ang pag-iisip at pakinggan din ang puso;

Balagtasang ito'y siryus nguni't minsan ay may biro,

Pulutin ang tama't mat'wid, itapon ang mali't liko.

 

Sino ngayon ang nagwaging puputungan ng korona?

Maginoong Bert? o Raul? Paralumang Leonor? Deenah?

Ang hatol ko'y kayo, Bayan, ang pumili at magpasya,

At mag-iwan ng komento para lalong mas masaya;

Hiling ko lang, isa pang "Like" at palakpak na kaysigla!

Pagpalain tayong lahat ng Maykapal... Paalam na!

​

​

Pinakahuling pagbabago: 

Nobyembre 23, 2015

TUNGKOL SA BALAGTASANG ITO

 

Gaya ng nabanggit sa itaas, ang balagtasang ito ay bunga ng kolaborasyon ng mga makatang nasa iba't ibang panig ng daigdig na nagkaisang magpalitan ng kurukuro sa anyong patula sa pamamagitan ng Facebook chat at email. Pansinin ang pagkakaiba-iba ng istilo ng pagkahabi ng tula at gamit na salita ng mga mambabalagtas!

 

Sinimulan ng inyong lingkod ang pagbuo ng paksa, pagdebelop ng konsepto, at pagbalangkas ng iba't ibang bahagi ng balagtasan noong Setyembre 6, 2015. Pagkatapos ay isa-isa niyang kinontak ang mga mambabalagtas at pinapili sila ng kandidatong ipagtatanggol. Ang mga nahuli ay di na nakapili at tinanggap na lamang ang kandidatong napatoka sa kanila.

 

Magugunitang sa unang linggo ng Setyembre ay sina Jojo Binay, Mar Roxas, at Grace Poe pa lamang ang lantarang nagpahayag sa publiko ng kanilang disisyong tumakbo sa pagkapresidente ng Pilipinas. Maugong na rin noon ang usap-usapan na tatakbo rin si Rody Duterte sa nasabing puwesto. Kaya nga ang inisyal na panawagan ng Lakandiwa ay may ganitong paksa:

 

LAKANDIWA

 

Nag-aalab na pagbati at masayang pagpupugay

Ang handog sa nariritong natitipong kababayan

Sa halalang 2016* may direktang kinalaman

Ang paksa ng Balagtasang sa internet isasalang.

 

*2016: twenty-sixteen

 

Sino ba ang nararapat maluklok na presidente

Na kay P-Noy pag natapos ang termino'y hahalili:

Si Grace Poe ba, Jojo Binay, Mar Roxas o Rod Duterte?

Bukas na ang entablado sa nais na makisali.

 

Di pa halos natutuyo ang tinta sa papel ng Lakandiwa ay bumulaga sa ulo ng mga balita ang pahayag ni Duterte na hindi umano siya tatakbong presidente. (Inulit niya ang pahayag na ito noong sumunod na buwan sa kanyang liham sa mga kaibigan at kapwa-Dabawenyo.) Kaya, matapos konsultahin si Bert Cabual, ang unang makatang nagpaunlak sa paanyayang makipagbalagtasan, ganito ang nabuo at naumpisahang pamagat at paksa:

 

BALAGTASAN SA HALALAN 2016

 

PAKSA: Sino ang higit karapat-dapat 

na ihalal na Presidente sa halalang 2016 — 

si Mar Roxas, si Jojo Binay o si Grace Poe?

 

Pagpasok ng Oktubre ay kumpleto na ang mga kalahok sa balagtasan, nasimulan ang mga pagpapakilala ng sarili, at naisumite na ang ilang piyesa ng pagtataguyod sa kani-kaniyang kandidato sa unang tindigan.

 

Bandang kalagitnaan ng buwan, humigit-kumulang, ay nagpahayag si Senadora Miriam Defensor Santiago ng kanyang intensiyong tumakbo bilang pangulo rin, na paglipas ng ilang araw ay sinundan ng balitang naglagak na siya ng sertipiko ng kandidatura sa Comelec para sa nasabing posisyon.

 

Bunga nito, at dahil nga nabuo na ang paksa ng balagtasan at nasimulan na ang tunggalian, pagkaraan ng unang tindig ng tatlong naunang makata ay humirit ang isa pa, o pang-apat, na makata sa katauhan ni Deenah Macatiis. Nais niyang makasali, kahit huli na, para ipagtanggol ang panig ni Santiago.

 

Ang unang "installment" ng Balagtasan sa Halalan 2016 ay nagwakas sa ganitong katanungan at pabilin: 

 

Pagbigyan kaya ng Lakandiwa 

ang kahilingan ni Deenah Macatiis 

na makasingit sa balagtasan? 

 

Abangan!

 

Sana’y maibigan at kapulutan ninyo ng aral ang balagtasang ito. Kung hindi man, sana sa pamamagitan nito kayo ay nakapaglibang.

 

 

Rafael A. Pulmano

25 Oktubre 2015

Guam, USA

 

 

 

 

 

MGA PAHABOL

 

 

Nobyembre 2015 ay inihayag ni Duterte ang kanyang disisyong tumakbo sa pagkapresidente. And the rest, wika nga, is history.

 

Noong Setyembre 29, 2016, si Senadora Miriam Defensor-Santiago ay sumakabilang-buhay sa St. Luke's Medical Center sa karamdamang Lung cancer.

 

 

 

PAGTATANGGI

 

 

Ang mga argumento at komentong nakalathala sa pahinang ito ay personal na opinyon at pananagutan ng mga indibidwal na manunulat at hindi nangangahulugang sumasalamin sa tunay na pananaw, o dili kaya’y tuwirang sinasang-ayunan, ng may-ari ng website na ito. Walang garantiyang ibinibigay ang may-ari ng website na ito na ang mga nakalahad na opinyon o impormasyon rito ay kumpleto, tama, maaasahan at mapagkakatiwalaan. Ipinapayo sa lahat ang paggamit ng maingat na diskresyon.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link