PAKIKIHALO NG MATANDA SA SK
TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na makisangkot ang matatanda sa eleksyon ng Sangguniang Kabataan o SK?
Mula sa panulat ni:
Mga kabataang nagsiganap:
Michael Francis Garote — Dapat
Cindy Dizon — Hindi Dapat
Romeo "RJ" Reyes — Lakandiwa
LAKANDIWA
Sa lahat ng nariritong kabataang bagong sibol
At sa lumang kabataan ng panahong kopong-kopong
Taus-pusong pagpupugay ang una kong pahimaton
Pagpalain nawa kayo ng dakilang Panginoon.
Ako po si ROMEO REYES, mas kilala bilang RJ
Ang tatay ko'y si Romeo, ang nanay ko'y si Maribel
Ako po ay never been kissed, never been touched at sweet sixteen
Underweight po at malnourished dahil wala nang makain.
Isang munting balagtasan itong aming itatanghal
Ako po ang Lakandiwa, at heto ang katanungan:
Sa halalang pambaranggay nitong mga kabataan,
Marapat ba o di dapat matatanda'y makialam?
Sa sino mang nakikinig, mapabata o matanda,
Kung mayroong tatamaan, hindi namin sinasadya.
Sa palitan ng matalas at maanghang na salita,
Pulutin ang mabubuti, iwaksi ang masasama.
Matapos na maihayag ang babalang niloloob
Tawagin na agad natin ang makatang mag-aamok
MICHAEL FRANCIS GAROTE po, pogi pag nakatalikod
Salubungin agad natin ng palakpak na matunog!
DAPAT
Dapat nga ba o di dapat manghimasok ang matanda
Sa halalang pambarangay na kalahok, pawang bata?
Sagot ko po, DAPAT lamang, sapagka’t sa murang diwa
Diwang hinog ang aakay, gagabay at kakalinga.
Michael Francis Garote po para sa panig ng DAPAT
Apo ni Juan Caraca po, kay Abner at Nateng anak
Kapitana Maria Village, abang lingkod ay nagbuhat
Malugod na bumabati sa inyo pong lahat-lahat.
LAKANDIWA
Ngayong inyong kilala na ang makatang naghahamon
Katunggali naman niya ang tawagin natin ngayon:
Ang maganda't walang iba kundi si Miss CINDY DIZON
Salubungin din po natin ng palakpak na maugong!
HINDI DAPAT
Kabataa'y may sariling puso, isip, at pangarap
May malinis na hangarin sa kapwa at komunidad
Sa pagpili ng uupong SK chairman at kagawad,
Hindi dapat makialam, matatandang makukunat.
CINDY DIZON, taga-Pulo, labing-anim po ang edad
Ang erpat ko'y si Israel, si Maria ang aking ermat
Magtatanggol ngayong gabi sa panig na HINDI DAPAT
Sa inyo po'y bumabati... Mabuhay po kayong lahat.
LAKANDIWA
Yamang ating napagtanto ang panig na ilalaban
Ng dalawang magagaling sa pingkian ng katwiran
Simulan na agad natin ang mainit na bakbakan
Si Michael Francis ang una, palakpakan natin, Bayan.
DAPAT
Malaki ang respeto ko sa kaya at abilidad
Ng kapwa ko kabataang sa eleksyon ay sasabak
Ngunit kahit anong galing at husay ng murang utak
Mas mainam pa rin yaong may matandang lumilingap.
Ang eleksyon, ang wika nga, ay marumi, kaya naman
Kung mahina ang sikmura, dito'y hindi nababagay
Kabataang matalino ngunit walang kasanayan
Sa gulo ng pulitika'y dapat lamang alalayan.
Kabataan ay hindi ko minemenos, minamal'it
May sarili silang utak, ngunit bubot pa ang isip
May sarili silang puso, ngunit ampaw pa ang dibdib
May sariling simulain, ngunit hilaw pa ang matwid.
Subalit sa taglay nilang sigasig at kalakasan
Malaki ang magagawang serbisyo sa pamayanan
Lalo na kung tutulungan, aakayin, gagabayan
Ng matandang mas may alam at hinog sa karanasan.
Sa alin mang paligsahan at larangan na pambata
Mahalaga iyang papel ng may edad at matanda
Kung sa boksing ay may trainor, sa basketball ay may coach nga,
Sa halalan, kaylangan din ang matandang mas bihasa.
LAKANDIWA
Na aniya'y di raw dapat matatanda'y makiloko
Sa halalang kabataan – palakpakan din po ninyo!
HINDI DAPAT
Kalaban ko'y parang isda, sa bibig mo mahuhuli
Hindi raw sya nangmemenos, ngunit labis kung mang-api
Ang tumpak lang sa sabi nya, eleksyon nga ay marumi
At matanda, hindi bata, ang syang aking sinisisi.
Palistahan pa lamang daw, edad kinse-disisyete,
Diumano'y nagpista na sa pagkain ang botante
Sertipiko ng pagsilang, may lumikom, at ang siste
Pagsapit sa registration, iba raw ang dumiskarte.
Paniwala ko po'y hindi gagawin ng kabataan
Ang ganito kung wala pong matatandang nakialam
Marami sa matatanda'y pulitikong tradisyunal
Gumagastos, bumabayad, makamit lang ang tagumpay.
Tayo naman ay mayroong Sangguniang Pambarangay
Matatanda'y dito dapat makilahok, makialam
Sangguniang Kabataan, paubaya na po lamang
Sa mas batang pamunuang pag-asa ng ating bayan.
Kabataa'y may malinis na pangarap at prinsipyo
May matayog na hangarin at dakilang idyalismo
Kaya nilang magdisisyon sa sarili nilang mundo
Huwag na nating turuan pang matulad sa mga trapo!
LAKANDIWA
Ang makatang paraluman ay sandaling aawatin
Sapagka’t ang kalaban nya, kanina pa nagpipigil
At haba pong nagpipigil, lalo namang nanggigigil
Si Michael po'y nagbabalik, palakpakan muli natin!
DAPAT
Ano kaya'ng mangyayari sa tahanan kung ang ama
O ang ina'y walang paki habang supling ay bata pa?
Sa lupit ng bagyo't unos, basang sisiw ang kapara
Ganyan din ang kabataang sasabak sa pulitika.
Hindi sapat ang hangarin, prinsipyo at idyalismo
Sa larangang pulitikal kung dunong ay di pa husto
Pangulo nga nitong bansa, nakikinig sa eksperto
Musmos pa ba ang tatanggi sa payo ng beterano?
Sa hagdanan ay papanhik pa lamang ang kabataan
Matanda'y papanaog na – yan ay lumang kasabihan
Hindi dapat iwawaglit ang minanang gintong aral
Pakialam ng matanda'y dapat laging bigyang-galang.
Halalan ay hindi birong pinapasok na lang basta
Kailangan, marami kang kakilala, saka pera
Kailangan, may koneksyon sa Comelec, etcetera,
Kailangan, may matandang nagmamando, nagdidikta.
LAKANDIWA
Bawa’t titik, nagbabaga, tumatagos na maigi
Paralumang katunggali, ano kayang igaganti?
Palakpakan nating muli ang ma-beauty, si Miss Cindy!
HINDI DAPAT
Bawa’t tao'y may panahong itinakda ang Maykapal
Ang sa gurang, lumipas na, bagets naman ang pagbigyan
Masiyahan na lang sana't makuntento sa nagdaan
Ang matandang kumain na'y tila walang kabundatan.
Nananaog ang matanda sa hagdan ng takipsilim
Bumubukang-liwayway na, kabataa'y papanhikin
Kailan pa matututong magsikap ang mga supling
Kung palaging susubuan ng magulang sa pagkain?
Ang magpayo at magturo kaninuman, di masama
Subalit ang makialam ay labis na't hindi tama
Ilang pusong nag-ibigan nang dalisay at dakila
Ang nawasak dahil merong nanghimasok na matanda?
Matatanda, lumipas na ang panahong kasikatan
Dinaanan na po ninyo ang masayang nakaraan
Kaming mga kabataan naman ngayon ang pagbigyan
Sa eleksyon, wag na kayong makialam, alis na dyan!
LAKANDIWA
Lumalaon, umiigting ang bakbakan ng dalawa
Sa wari ko'y walang balak padaig sa isa't isa
Hahayaan ko na silang magkabasagan ng pula
Ang matira ay matibay - palakpakan natin sila!
DAPAT
Kalaban ko'y ipokrita at mahusay magkunwari
Hinahamak ang matandang sa kanya ay kumandili
Di sa ganyang katangian nabantog ang ating lahi
Isang lahing mapagmahal, may paggalang at may budhi.
Mga Intsik ay mayroong mahalagang kawikaan
Na angkop sa ating paksang dito ngayo'y hinihimay:
Kung ibig daw na mabatid and landas na pupuntahan
Ay tanungin silang doon ay galing na at nagdaan.
HINDI DAPAT
Kalaban ko'y lumilihis sa tunay na pinapaksa
Nitong aming pagtatalong sa direksyon nawawala
Ang pagtulong at patnubay ng matanda'y di masama
Subalit ang MAKIALAM, MANGHIMASOK, hindi tama.
Sa simula't mula pa lang, sa hardin ng paraiso
Maayos ang lahat bago nakialam ang demonyo
Hanggang ngayon, kadalasang ugat ng away at gulo
Kapag merong nanghimasok na tsismoso't usisero.
DAPAT
Kabataa'y mapupusok, matatanda'y mahinahon
Una'y hilaw samantalang huli'y taga sa panahon
Hahayaan baga natin na magkalat sa eleksyon
Silang bata kung matanda'y handa naman sa pagtulong?
HINDI DAPAT
Eh ano kung kabataan ay magkalat sa halalan?
Doon sila matututo sa kanilang kapalpakan
Bawa’t mali ay may leks’yon, bawa’t sala ay may aral
Sila rin ay magtatanda sa sariling karanasan.
DAPAT
Di raw dapat muli't muling imbentuhin iyang gulong
Kabataa'y di kaylangang mag-aksaya ng panahon
Magastos ang magkamali, libre naman ang magtanong
Sa matandang nagkukusa ng suporta at pagtulong.
HINDI DAPAT
Marami sa matatanda nu'ng mas bata pa't may lakas
Ay talunan, sawi, bigo, sa ambisyong pinangarap
Ngayon ibig magmagaling, magmarunong, magpasiklab
Manahimik na lang sana't itago ang pagkapalpak!
DAPAT
Kaylangan ng kabataan ang patnubay ng matanda
Upang kamtin ang tagumpay at panalong ninanasa!
HINDI DAPAT
Kakamtan ang ninanais sa tulong ng pandaraya
Kapag merong nanghimasok at nag-udyok na matanda!
DAPAT
Di lahat ng matatanda ay madaya't mapanlamang!
HINDI DAPAT
Di lahat ng kabataan ay bobo at walang alam!
DAPAT
Matatanda ay kaylangan!
HINDI DAPAT
Wag na silang makialam!
LAKANDIWA
Magsitigil muna kayo't palamigin iyang tuktok
Pahupain ang damdamin, payapain iyang loob
Kayo namang kanina pa nakangangang nanonood
Paulanan ng palakpak ang dalawang nagpanalpok.
Sa halalang pambaranggay nitong mga kabataan,
Marapat ba o di dapat matatanda'y makialam?
Ani Cindy, HINDI DAPAT, ani Michael ay DAPAT daw
Sino nga ba sa kanila ang may higit na katwiran?
Ani ni Michael, kabataan, kahit pa raw matalino
At maski na may marubdob na hangarin at prinsipyo
Pulpol pa ang kaalaman, karanasan di pa husto
Kaya anya, matatanda'y dapat lamang makihalo.
Ang kay Cindy, panahon daw ng matanda'y lumipas na
Kabataan naman ngayon ang hayaang pumustura
Anya'y kaya ng mas bata ang kumilos at magpasya
Di raw dapat manghimasok ang makunat at gurang na.
Kayo na po ang maghusga, basta po ang aming dasal
Maidaos ang eleksyon nang malinis, patas, pantay
At ang tanging kahilingan bago kami magpaalam
Pangkat namin, iboto nyo sa darating na halalan!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.