PAG-ASA NG BAYAN
TANONG: Nasa KABATAAN ba o nasa MAY GULANG ang pag-asa ng bayan?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Elvie V. Espiritu — Nasa Kabataan
Rafael A. Pulmano — Nasa May Gulang
Gonie T. Mejia — Lakandiwa
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Nais po naming maghandog sa inyo ng balagtasan
Ngunit nangangamba kaming baka sa inyo'y di welcome
Kung maraming papalakpak ibig sabihi'y okey lang
Kung sakaling wala naman kami na po ay lilisan.
Sa matunog n'yong palakpak sukli namin ay salamat
Ngayon kami ay handa nang sa pangako ay tumupad
Nagpupugay na po kami sa inyo't bilang pambungad
Happy Independence Day sa Pilipinas at inyong lahat.
Bilang isang pagunita sa araw ng kasarinlan
Ang paksa pong tutugunin sadyang dito nababagay
Sabi'y nasa kabataan pag-asa ng ating bayan
Ito ang pamanang wika ni Gatpuno Jose Rizal.
Ngunit sa ati'y maraming angat sa gulang ang di payag
Dahilan po upang kami sa balagtasan ang lumutas
Kanino ba mas nahihigit ang pag-asa'y nagbubuhat
Sa mga kabataan ba o sa may gulang ang idad?
Lilinawin ko po muna ang antas ng mga gulang
Labing-anim hanggang tatlumpu ang edad ng kabataan
Limampu naman papataas tinutukoy na may gulang
Diyan po ngayon natutuon ang anyos sa paglalaban.
Gonie Mejia po ang lingkod n'yong lakandiwa
Reperi at tagahatol ng dalawang maghihidwa
Sakali sa pagtatalo kayo ay masasagasa
Unaawain lang po kami pagka’t hindi sinasadya.
Nang lubusang mapagsino ang dalawang magbabaka
Sila sa inyo'y ihaharap nang tuluyang makilala
Una ko pong tatawagin ang sa balagtasan ay reyna
Ang mutya ng Capitol Hills, palakpakan natin siya!
NASA KABATAAN ANG PAG-ASA (Pagpupugay)
Salamat ginoong lakandiwa sa labis-labis na pagpuri
Elvie Espiritu, kababayan, ang sa inyo'y bumabati
kabataan ang pag-asa, panig kong pinipili
Handa ko itong patunayan sa makatang katunggali.
LAKANDIWA
Matapos magpakilala ang makatang paraluman
Ang kanyang makakahamok ang bibigyan nating daan
Sa San Roque po nagbuhat, dalubhasa sa hidwaan
Salubong po sa kanya'y sigabong palakpakan!
NASA MAY GULANG ANG PAG-ASA (Pagpupugay)
Rafael A. Pulmano po, malugod na nagpupugay
Ang pag-asa'y sa may idad, panig ko pong ilalaban
Tinatanggap ko ang hamon ng makatang paraluman
Butas lamang ng ilong n'ya ang hindi ko lalatayan!
LAKANDIWA
Matindi ring humagupit ng salita ang hinamon
Kahit di pa tumatama ay latay na ang katugon
Ako po ay tatabi na kaagad nating matukoy
Kung sino po sa dalawa ang tatanghalin nating kampeon.
KABATAAN
Isang henyo ang nagwika, di mapasusubalian
Pag-asa ng mga bansa ay ang mga kabataan
Ako lang ay nagtataka dito pala ay may hadlang
Kaya ako sa pagtindig ay matatag na lalaban.
Ang lakas ng isang tao'y nasa kanyang kasibulan
May kulay ang isang bukas dahil ito ang puhunan
Kung kupas na ang 'yong liksi, waglit na ang kasiglahan
Masasabi pa bang ikaw'y pag-asa pa ng lipunan?
MAY GULANG
Nasa 'tin daw kabataan ang pag-asa nitong lahi
Hindi lamang isang henyo, bayani pa ang nagsabi
Pero hindi naman haring ang sabi'y di mababali
Lalo namang hindi Diyos na salita'y walang mali!
Tayo nama'y moderno na, hindi taong taga-bundok
Pag-asa'y di sinusukat sa dahas na parang hayop
Ang lakas ng kasibulan ay madaling itataob
Ng may gulang na ang dunong ay hinog na't hindi bubot!
KABATAAN
Hindi lamang nabubukod sa may gulang na ang talino
Ang sinabing kabataan hutok na sa tama't wasto
Di rin nating masasabing lubos na tayong moderno
Ang lakas ng kabataan ay puwersang hindi magkano.
Sa pagtatanggol sa bayan sa kamay ng mananakop
Di ba mga kabataan ang siyang higit naglilingkod?
Di paris ng may gulang na lalo't kalog na ang tuhod
Makapagsilbi man ngunit sa paraang hindi lubos.
MAY GULANG
Higit daw na nagsisilbi ang mas bata sa digmaan
Kung sa dami, mas higit nga, ngunit kahit naman saan,
Nagwawagi ang sundalo di sa lakas o sa bilang
Kundi dahil sa utak ng mas may edad na heneral.
Paano mo masasabing may pag-asa sa mas bata?
Kabataan natin ngayon ay di lamang minumuta
Durugista, magnanakaw, isnatser at pakawala
Walang galang sa magulang, pati batas, kinukutya!
KABATAAN
Kahit bobo ang heneral kabataang nagkakaisa
Bayan ay mapapalaya sa pinag-isa nilang p'wersa
Mautak man ang opisyal kung sundalo niya'y mga gurang na
Panahon ay masasayang sa tagumpay na di makuha.
Wari ko ding lumalabis magparatang ang kalaban
Wala nang ibinubukod, isang walang pakundangan
Marapat din niyang mabatid mga mandurugas sa lipunan
Namumuno ay iyong ibang nakayunipormeng angat ang gulang.
MAY GULANG
Eh, bakit pa maglalagay ng opisyal kung mapurol?
Ano ba ang kanyang tingin sa pinuno dekorasyon?
Sigla nitong kabataang kung sumulong parang suhong
Lalong walang mararating dahil waldas ang direks'yon!
Alikabok sa mata ko'y pinupuwing gayong siya
Sa sarili'y hindi pansin yaong batong nakabara
Sa basket ng mga prutas, may bulok lang na nakita
Pati bungang malulusog, idinamay, nilahat na!
KABATAAN
Sa higit ikauunawa ang malabo sa kalaban
Grupong pawang maygulang sa kabataan ihihiwalay
At sila'y isasagupa halimbawa sa digmaan
Tiyak na ang kabataan sa laba'y makakatagal.
Atin ngayon idadako sa pamilya ang pagtatalo
Tiyak din sa kabataan ang pag-asa'y napipiho
Lalo na kung ang magulang ang lakas ay nagretiro
Aantabay ay kabataan ang anak na mahal sa iyo.
MAY GULANG
Malinaw ang aming paksa, ang malabo'y kalaban ko
Di po yata nagbabasa ng aklat at saka d'yaryo
Anong silbi niyang lakas at sigla ng 'yong sundalo
Isang pindot lang ng buton, sa bomba ko'y sabog kayo!
Sa pamilya, pamayanan, sa ospital, eskwelahan
Kanino mo iaasa ang buhay mong iisa lang?
Sa tao bang may lakas nga'y kapos naman yaong alam
O sa kahit may gulang na'y malawak ang kaisipan?
KABATAAN
Ito yatang katalo ko'y ulyanin at nahihibang
Pilit na iginigiit, kabataa'y walang alam
Sa mga pagawaan, ospital, at paaralan
Manggagawa, narses, guro karamiha'y kabataan.
MAY GULANG
Ginigiit ko raw ditong kabataa'y walang alam
Sabi ko po'y kapos lamang -- sino ngayon ang siyang hibang?
Kung gusto n'ya, time out muna, agad ko pong pagbibigyan
Ang teynga ay kumpunihin nang pandinig ay luminaw!
LAKANDIWA
Ang akin pong pagpagitna sa laba'y ipagpatawad
Aapulahin ko lamang, pagtatalong waring lalagablab
Sa dalawang nagbubuno, hiling ko sana ay huwag
Kumawala ang hinahon sa hidwaang ginaganap.
Iwasan din ninyo kapwa ang kutsaang labis-labis
Ang panig ninyo sa paksa pag-ukulang imatuwid
Kung malinaw na ang lahat, akin muling ninanais
Ang laba'y ipagpatuloy, hinahon ay wag iwaglit.
KABATAAN
Simula ng retirement age ay sa edad na singk'wenta
Kahulugan lamang nito lakas ay papakupas na
Lumampas pa nang bahagya atin na ring mapupuna
Tao'y nagiging ulyanin at lumalabo ang mga mata.
Hindi ako namimintas pagka’t ako'y tatanda rin
Hangad lang ay ibahagi sa katunggali ang pasaring
Nasa mga may gulang ba ang pag-asa ng lupain?
O nando'n sa kabataang malinaw ang isip at paningin?
MAY GULANG
Puno, habang tumatanda, kahoy nito'y tumitigas
Bunga, habang nahihinog, lalo namang sumasarap
Mas matagal napaimbak, mas matamis iyang alak
Tao, habang gumugulang, ang pag-asa'y lalong tiyak.
Bawa't puting buhok niya ay hibla ng karunungang
Di sa aklat buhat kundi sa akt'wal na karanasan
Ang tining ng pag-iisip, hinahon at katatagan
Ay wala sa kabataang mapusok ang kalooban!
KABATAAN
Araw at saka tanghalian ay maningning ang pagsikat
Sa pagdako ng kanluran kumukupas ang liwanag
Puno man na pagkatibay may panahong mawawasak
Ang buhay dito sa mundo ay diyan nahahalintulad.
Sa larangan man ng isports nagkakamit ng tagumpay
Ay iyong mga maliliksing may kabataan ang gulang
Panalo ba'y iaasa sa may mahinang katawan
Na ang lakas ay tangay na ng panahon na nagdaan.
MAY GULANG
Palagay nang panalo nga sa isports ang kabataan
Ano ba ang relasyon n'yan sa pag-asa nitong bayan?
Ang pag-asang minimithi ay magandang kapalaran,
Mapayapang pamayanan, masaganang kabuhayan.
Makakamit lamang ito kung lider na nangunguna
Ay di na kakapa-kapa pagka’t landas, tukoy na n'ya
Kasabihan nga ng Intsik, ang ngayon lang magpupunta
Ay magtanong sa naunang nanggaling at pabalik na!
KABATAAN
Ang kabataan ngayo'y sa pagkagulang papunta
Yaon namang may gulang na, tinutungo'y saan nga ba?
Katunggali ang nagsabing may edad ay pabalik na
Malinaw ang kahulugang sa mas bata ang pag-asa!
MAY GULANG
Mahinahong nagsusuri, malawak ang pang-unawa
Tinitimbang na mabuti bawa’t bitiw ng salita
Ganyan silang may gulang nang pag-asa ng ating bansa
Di tulad ng kabataang panay porma, puro dada!
KABATAAN
Ang lawak ng pang-unawa'y hindi lamang sa may idad
Sa kabataan nama'y bukod ang lakas na hindi hamak!
MAY GULANG
Ang pag-asa'y nakatanaw sa malayong hinaharap
Ang lakas ay maaaring maglaho sa isang iglap!
KABATAAN
Ngayon at sa hinaharap, pag-asa ay kabataan!
MAY GULANG
Pagtanda mo'y aamining pilipit ang 'yong kat'wiran!
LAKANDIWA (Paghatol)
Kababayan, diyan na po tinatapos ang hidwaan
Ako namang Lakandiwa sa eksena'y aagaw
Nais ko pong ipabatid sa makatang nagtagisan
Ang hatol ko'y ibabatay sa hinayag na katwiran.
Wika nitong paralumang nagtanggol sa kabataan
Edad labing-anim hanggang tatlumpu sa gilas ay kasibulan
Sa talino't kakayahan di rin mapag-iiwanan
Higit daw sila ang pag-asa sa lupaing tinubuan.
Kaiba sa may gulang na, wika niyang karagdagan
Anyos singkuwenta papataas, paparetiro na ang kalakasan
Sa papalabong paningin, papahinang kaisipan
Sila pa daw ba ang pag-asa ng bansang pinaglilingkuran?
Tayo ngayon ay dumako sa panig ng may gulang na
Ipinagtanggol ng binata sa may edad ang pag-asa
Sa karanasan daw at utak at lawak ng pang-unawa
Nahihigit ang may idad, siya din naman po ay tama.
Ibaling po ngayon natin, pintas niya sa kabataan
Anya'y mga durugista, pakawala, isnatser at magnanakaw
Mga mapangutya sa batas, walang galang sa magulang
Dahil walang ipinuwera, sa puntos po siya'y minus one.
Patas man po ang dalawa sa hinayag na katuwiran
Sa bawas na isang puntos, ang binata'y nalamangan
Ang hatol ko ay panalo ang makatang paraluman
Sa kanya ay ipabaon, matunog n'yong palakpakan!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact