PAGLAHOK SA POLITIKA

 

 

TANONG:   PAYAG ka ba o HINDI PAYAG na kumandidato kung ikaw ay mahilingang lumahok sa politika?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Gonie T. Mejia — Payag

Rafael A. Pulmano — Hindi Payag

Elvie V. Espiritu — Lakambini

 

 

LAKAMBINI (Pambungad)

 

Ang tabing po ng tanghalan ay atin nang hinahawi

Pagka’t nga po sumapit na ang inasam na sandali

Ang pingkian ng matuwid, Balagtasan ang taguri

Bago po yan ay puwede bang sa palakpak makahingi?

 

Salamat po nang marami sa maugong na pagtanggap

Magandang Lunes ng gabi, sukling alay ko sa lahat

ELVIE ESPIRITU po, Lakambini na gaganap

Tatayo pong tagahatol, papagitnang tagaawat.

 

Sa hiling po ng maraming mahal na tagasubaybay

Maghihidwa ngayong gabi'y magkasukat sa larangan

Ang Hari ng Balagtasan vs. Lakandiwang batikan

Sa paksa pong tutuguning ganito ang nilalaman:

 

Kung ikaw sa politika'y hilingang kumandidato

Payag ka ba o di payag, tugon mo ba ay Yes or No?

Magaan po itong tanong ngunit nakakubli dito

Suliraning masusuong at dangal na matatamo.

 

Tulad po ng nararapat sa lahat ay paalala

Kung mayroong masasagi sa laba'y di sinasadya

Sa makatang maglalaban ay akin ding paunawa

Hinaho'y wag malilimot at huwag na huwag mapipika.

 

Matapos po na mag-toss coin ang dalawang magbabangay

Ang pinalad po sa kara'y makata ng ka-Tarlac-kan

Habang siya'y papalapit sa ating silid-tanghalan

Siya'y ating salubungin ng masiglang palakpakan!

 

 

PAYAG (Pagpupugay)

 

Salamat sa Lakambini at Reyna ng Balagtasan

Ang magiliw nyong pagtanggap ay isa kong karangalan

Sa lahat ng naririto, maging labas ng bulwagan

Isang mapagpalang gabi sa inyo ang pagpupugay.

 

Kung kaya din lang ng bulsa, kalusugan at ng isip

Kapintasan para sa akin sa hiling ay maging manhid

Sa tanong na tinutugon, malinaw ang aking panig,

Gonie Mejia po lamang, di maramot, hindi pikit.

 

 

LAKAMBINI (Pagtanggap)

 

Ang narinig nyo'y si Gonie, ang Hari ng Balagtasan

Isunod po naman natin ang kanyang makakalaban

Ang batikang Lakandiwa at makatang taga-Binan

Kababayan, ang hiling ko'y masigabong palakpakan

 

 

HINDI PAYAG (Pagpupugay)

 

Noon pa mang ako rito sa Saipan ay bagong salta

At kalaban ko po'y di pa personal na nakikita

Sa husay n'yang mangatwiran, ako'y hanga pong talaga

Pero ngayon, hindi na po, dahil palpak din po pala.

 

Ang lahat ay nagsasabi, politika ay marumi

Kaya kahit may humiling, ako'y hindi po sasali

Ako'y di po isang Gonie — may ipis ang guniguni

Ako po si Ralph Pulmano, nagpupugay, m'gandang gabi!

 

 

LAKAMBINI (Pagtanggap)

 

Sanay man ang kagaya kong duminig sa paghihidwa

Ngunit ako sa iringan ng dalawa'y nangatog na

Dahil hindi ko na kayang ang laban ay iatras pa

Si Gonie'y naritong muli, sa palakpak suubin siya.

 

 

PAYAG (Unang Tindig)

 

Iyang larong politika ay malinis na larangan

Ang may dungis lamang dito'y politiko na gahaman

Kung ang aking guniguni'y may ipis man sa paratang

Ito namang si T'su Paeng ay bakla ang katuwiran.

 

Kung lahat po ng lalaki'y alanganin yaong isip

Mayron pa bang katinuang mangyayari sa daigdig?

Kung walang pamahalaang sa ating batas ay uugit

Anong uring pamumuhay ang atin bang makakamit?

 

Hindi dapat na itanggi ang pagtulong sa lipunan

Kakayahan mo'y isilbi sa kaniyang kaunlaran

Kahit hindi hilingin ang pagpasok ko sa halalan

Magkukusa na rin ako lalo't kinakailangan.

 

Nababatid nga po nating politika'y maligalig

Ngunit iya'y di dahilang tayo'y dapat nang magkait

Ng pakialam sa lipunan, mag-alay ng malasakit

Maghandog-katiwasayan sa lupaing iniibig.

 

Kung sa pugad po ng manok, itlog laging nabubugok

Ang lahi po ng inahin magmamaliw at lulubog

Bayan mang itinatangi sa dusa ay malulugmok

Kung gaya ng katunggali ang kaniyang sinasakop.

 

 

LAKAMBINI

 

Ang daluyong ng matuwid ni Gonie ay paragasa

Tumatangay sa damdamin ng may pusong mahihina

At ngayon naman ay si Ralph ang sunod na tutuligsa

Ikaloob po sa kanya'y palakpak na masagana.

 

 

HINDI PAYAG (Unang Tindig)

 

Politiko ang marumi at di raw ang politika

Na para bang sinasabing itong ating bayang sinta

Ay hindi po naghihirap, ang pobre'y ang nakatira

O gobyerno'y hindi corrupt, opisyal ang salaula.

 

At kaylakas po ng loob na magbintang ni Gorgonio

Na katwiran ko ay bakla, ang kanya po baga'y ano?

Politika'y maligalig, inamin ng kalaban ko,

Samakatwid po ba nito'y tahimik ang politiko?

 

Kung galit ka sa kapwa mo at hangad na makaganti

Ang mabisang solusyon daw, sikapin mong makumbinsi

Yaong taong iyon upang sa halalan makisali

Sa manalo't matalo man, l'yamado ka, sya ang lugi!

 

Ang matalo'y masakit po sa bulsa at kalooban

Ang manalo'y sakit din po ng ulo pag nanungkulan

May hihingi ng abuloy na may sakit, namatayan,

Masama ka kapag merong isang hindi napagbigyan.

 

Lahat po ng kandidato'y nangangakong maglilingkod

Pag nabilang na ang boto at natuos na ang gastos

Ang nagwaging namuhunan ng salapi, antok, pagod,

Syempre upang makabawi, kailangang mangurakot!

 

 

LAKAMBINI

 

Ang liyab ay tumitindi sa hurno ng paglalaban

Ako muna'y tatabi na nang sila ay mapagbigyan

At kapag po may sunog na sa dalawang nakasalang

Saka ako papagitna at da-dial sa 911!

 

 

PAYAG (Ikalawang Tindig)

 

Sakripisyo't panlilibak, katugon sa politika

Dati na pong sakit iyan, di na ako nagtataka

Pagka’t diyan nauuri yaong tao na dakila

Tumutulong ka na't lahat, ikaw pa rin ang masama.

 

Politika'y kompetisyon kaya dito'y may ligalig

Di lahat ng kandidato'y may maruming pag-iisip

Pakiusap sa kahidwang tila asong nagngingitngit

Politiko'y wag lahatin, kung sa akin siya may galit.

 

Dahil itong si T'su Paeng ay tutol sa politika

Kahulugang sa gobyerno'y bantulot ding kumilala

Kahit pa man magkagayon, nakikinabang po siya

Sa maayos na trapiko't kongkretong mga kalsada.

 

Halimbawang siya din ay pagbigyan sa kanyang gusto

Iwaglit ang politika, buwagin na ang gobyerno

May hustisya pa ba kayang iiral sa ating tao

Kung lahat ay kanya-kanya pagka’t walang mamumuno?

 

 

HINDI PAYAG (Ikalawang Tindig)

 

Kalaban kong si Gorgonio'y mahilig pong mag-ilusyon

Mahilig din pong magsuri, mali naman ang konklusyon

Palagay ko ay kaylangan muna niyang magbakasyon

Kaya lang po, balita ko'y apaw na ang Mandaluyong.

 

Politika, di gobyerno, ang akin pong inayawan

Dahil kahit kasingtibay ng bakal ang pamahal'an

Politika, pag naghari'y masahol pa sa kalawang,

Kapakanan ng partido'y inuuna kaysa bayan!

 

Katunggali'y nagdaramdam kapag aking nilalahat

Iyang mga politikong iba anya'y de-kalidad

Nalimutan na po yatang isang bakol man ang prutas,

Mapahalo'y isang bulok, uuurin din pong lahat!

 

Magdila pong anghel sana ang kahidwang kutis-sanggol

Dahil sa 'min kalye'y wasak, at trapiko'y buhul-buhol

Di matapus-tapos yaong politikal na diskusyon

Sa paglagak nitong pondong daming ibig mangomisyon!

 

 

PAYAG (Ikatlong Tindig)

 

Politikong halal-bayan, ang luklukan ay gobyerno

Natural sa politikang may lapian at partido

Bakit sa bakol ng prutas nasira'y isa wika mo

Ang matinong karamihan, basura mong nasisino?

 

Hindi ko po sinasabing si T'su Paeng ay ninety-nine

Ngunit kapag po totoo, di dapat kong pinatulan

Sa wika niyang Mandaluyong ay mayron pong kagalingan

Ngunit sa tao pong tanga, mayroon bang pagamutan?

 

Pasalamat ka na kahit kalsada ay baku-bako

Daanan ng behikulong nagbubuhol sa trapiko

Kung wala ang politikong may palakad sa gobyerno

Baka kahit na pilapil, wala na pagka’t pribado.

 

 

HINDI PAYAG (Ikatlong Tindig)

 

Di nakuha ni Gorgonying ang aral ng mga prutas

Malala na palang sadya ang lagay ng kanyang utak

Politika'y isang sakit na madaling kumakalat

Mabuti mang kandidato, may sungay din pag nagluwat.

 

Ibig yatang palabasin ng mabunying katalo ko

Na kung walang politika'y wala na rin ang gobyerno

Di lahat ng namumuno sa gobyerno'y ibinoto

Mas maraming hinihirang sa pang-sibil na serbisyo.

 

Kapag isang politiko ang nasa administrasyon

Tingin niya'y nakapako sa darating na eleksyon

Ang pinunong napaupo dahil sa kwalipikasyon

Nakatuon ang pananaw sa sunod na henerasyon.

 

 

PAYAG

 

Hindi lamang pala mata sa katalo'y lumalabo

Pati na din ang matuwid na ngayon ay lumiliko

Ang prinsipal ay sino ba sa pang-sibil na serbisyo?

Kundi yaong nakaupong taong-bayan ang bumoto!

 

Sa pinuno't politiko ng katalo'y tinalakay

Sa hangarin ay iisa, kapakanan po ng bayan

Mahalaga ding mabatid ni Rafael ang dahilan

Kaya mayrong politika, nang ang bansa'y mapagyaman.

 

 

HINDI PAYAG

 

Ang paksa po namin dito'y kung sakaling hihilingan

Na lumahok bilang isang kandidato sa halalan

Ako po ba ay papayag? Ayoko po, gulo lang yan

Baka pati sarili kong pamilya'y mapabayaan.

 

Pag si Gonie ay nahalal, bayani pong tatanghalin

Dahil sa twing merong away, bangkay na di mapalibing,

Kalabaw na nawawala, naghuramentadong lasing,

Kasarapan ng tulog nya'y saka merong manggigising!

 

 

PAYAG

 

Halintulad po ng bansa'y isang puno ng halaman

Na ang dito'y tagadilig, nagwaging nanunungkulan

Kung katulad ni T'su Paeng ang lahat ng mamamayan

Puno ay hindi lalago, malalanta, mamamatay.

 

 

HINDI PAYAG

 

Nakapuntos din sa wakas ang sunog kong kabalagtas

Nang sa puno inihambing ang bansa kong nililiyag

Na dati po'y malago na, mabunga at mabulaklak

Ngayo'y lanta sa dami ng politikong panay corrupt!

 

 

PAYAG

 

Tao daw pag mainggitin, daglian kung magparatang

Ngakngak dito, dada doon, kahit walang katibayan

Baka si Raffy'y di batid, may batas na pinagtibay

Sa isang naninirang-puri, may katugong bilangguan.

 

 

HINDI PAYAG

 

Ayaw ko sa politika'y talamak ang kaplastikan

Kandidato'y kaybabait sa oras ng kampanyahan

Masuyo kang ngingitian, aakbayan, kakamayan

Ngunit sila'y may amnesia pag tapos na ang halalan.

 

 

PAYAG

 

Lingkod-bayang politiko, mahirap ngang makaiwas

Sa pintas po ng botanteng mapaggawang-alingasngas!

 

 

HINDI PAYAG

 

Politika ang syang mitsa ng maraming karahasan

Pag sinabing very peaceful ang eleksyon, may patayan!

 

 

PAYAG

 

Kung wala ang politiko, meron bang katahimikan?

 

 

HINDI PAYAG

 

Politika'y hindi sugal, pero lintik ang dayaan!

 

 

PAYAG

 

Kahit dito'y may dayaan, dapat ka ring makialam!

 

 

HINDI PAYAG

 

Makialam sa pagboto, hindi sa kandidatuhan!

 

 

LAKAMBINI (Paghatol)

 

Ang oras ay sumapit na upang kayo ay awatin

Magpahinga muna kayo at ang ulo'y palamigin

Muli po sa naririto'y masuyo kong hinihiling

Palakpakan ang dalawang naglaban nang buong giting.

 

Paunawa ko sa lahat, ang hatol ko'y ibabatay

Sa hinayag na matuwid ng makatang naghidwaan

Pahabol kong paalala, ang paksa pong tinalakay

Politikang Pilipinas, ibang bansa'y di kabilang.

 

Simulan nating limiin ang matwid ng bawa’t isa

Sa paksa po na tinugon, kung tutol ba o payag ka

Kung ikaw ay nahilingang tumakbo sa politika?

Panig muna ng pagpayag ang siya nating iuuna.

 

Ani Gonie, ang pagpayag o magkusa po ay dapat

Lalo't ikaw'y may hangaring ang bayan ay mapaunlad

Maligalig man daw anya at halalan ay may dahas

Iya'y di mga dahilan upang ikaw ay maduwag.

 

Matuwid din niyang tinukoy kung wala ang politiko

Na halal ng taong bayang mamumuno sa gobyerno

Walang batas na iiral, bayan daw ay magugulo

Maganda ang paliwanag ng makatang si Gorgonio.

 

Ayon naman kay Rafael, ang makatang sumalungat

Politika'y maligalig, nanunungkula'y mga corrupt

Ang isa pa na dahilan na hindi raw matatanggap

Karahasan sa halalan, palagi nang nagaganap.

 

Wika din niya ang pamilya ang siyang mapapabayaan

At sakit daw po ng ulo pag politika'y pinatulan

Dito'y ibig niyang tukuyin, kanya-kanya tayong buhay

Lahat walang limitasyon, wala ang pamahalaan.

 

Bayan ay kahalintulad sa mayabong na pamilya

Na magulang ang heneral, sa anak ay mga guwardiya

Magkagayon man sa anak, may away pang nagagawa

Yaon pa bang sambayanan na walang namamahala?

 

Kung wala po ang halalan, wala din ang politiko

Kung wala ang politiko, paano ba ang gobyerno?

Kung wala ding politikong sa bayan ay mamumuno

Mawawalan ng direksiyon, bukas nating tinutungo.

 

Paalala ko'y igalang lahat ng nanunungkulan

Sa ating pamahalaan na halal ng taong bayan

Si Gonie po ang nagkampeon sa ginawang paglalaban

Pakunsuwelo po sa kanya'y matunog nyong palakpakan!

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link