MATALINO VS MAYAMAN

 

 

TANONG:   Sino ang mas sikat at higit na dapat hangaan: MATALINO o MAYAMAN?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Juliet Asenita — Matalino; katuwang sa pagsulat ng iskrip  Gonie T. Mejia

Rafael A. Pulmano — Mayaman

Domingo Tolentino — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA (Pagbubukas)

 

Muli ang Balagtasan ay 

     sumasahimpapawid

Kababayang minamahal, 

     ilakas ang radyo't makinig

Dalawang magaling na makata, 

     Balagtasa'y ihahatid

Magandang gabi po muna sa lahat 

     ang bati naming matamis.

 

Kami po'y muling maghahandog sa inyo ng kasiyahan

Upang ang pagod ninyo sa trabaho ay maibsan

Ginaganap natin ito bawa’t unang Lunes ng buwan

Ang tagisan ng katuwiran na kung tawagi'y balagtasan.

 

Para kay Ginoong Robert Generao ng FT Construction

Tugon sa katanungan niya'y igagawad namin ngayon

Marami pong salamat sa panawagang kanyang tinugon

Ang paksang iminungkahi niya'y idadako sa kuwestyon.

 

Si Ka Domeng po ito, ang inatasang maging Lakandiwa

Na siyang papagitna at hahatol sa dalawang maghihidwa

Para naman inspirado, ang kaba ko ay mawala

Maaari bang makahiling ng palakpakang masagana!

 

Sa matunog nyong palakpak, ang sukli ko ay salamat

Dalawang angkan ni Balagtas ang siya ngayong maghaharap

Ang tagisan ng talino ngayong gabi'y magaganap

Pakinggan nating mabuti nang maunawaan nyong tiyak.

 

Akin na pong ihahayag ang paksa ng balagtasan

Na ang tema'y sino nga ba ang mas sikat at higit na hahangaan?

Ang may angking likas na talino o ang isang mayaman?

Ating sasagutin ngayon nang malutas ang katanungan.

 

Matapos na maihayag ang katanungang tutugunin

Ang dalawang maghihidwaan ay atin nang palitawin

Si Juliet Asenita ang siyang unang tatawagin

Sa matunog na palakpak siya'y ating suubin!

 

 

MATALINO (Pagpupugay)

 

Ang likas na kakayahang taglay ay walang katumbas

Kaya sa matalino ang mariin kong sagot na ihahayag

Pero bago muna, hayaan nyo bati ko'y maigawad

Maligayang pakikinig, magandang gabi po sa lahat.

 

 

LAKANDIWA

 

Taga-Dupax, Nueva Vizcaya po ang black byuting paraluman

Likas sa dugo't lahi niya ang walang takot kung lumaban

Pakinggan naman natin ang makatang makakapingkian

Iniwan niya ang mag-iina upang tayo'y matugunan.

 

Taga-Binan, Laguna po ang haharap na makata

Nakilalang magaling din sa larangan ng pagtula

Si Ralph Pulmano po, guwapo na may itsura pa

Salubungin natin siya ng palakpakang masagana!

 

 

MAYAMAN (Pagpupugay)

 

Salamat po, Lakandiwa at sa bayang nakikinig

Ako po ay bumabating buong galak, kinikilig!

Sa kalaban ko po namang madilim din yaong kutis

Kung sya po'y sa matalino, sa mayaman ako'y bilib.

 

 

LAKANDIWA

 

Sa pagpapakilala pa lang sa dalawang magpipingkian

Ay tila ba mainit na ang kanilang labanan

Para naman ang pananabik nyo ay hindi mabitin

Sila pong dalawa ay atin nang pagitnain.

 

 

MATALINO (Unang tindig)

 

Musmos pa man tayong bata'y pangaral na ng magulang

Ang talino'y kabahagi sa magandang pamumuhay

Ito'y isang katangiang tataglayin habang buhay

Karunungan ay hagdanan sa pag-abot ng tagumpay.

 

Ang bansa ay umuunlad kung dito'y nanunungkulan

Malawak ang nababatid, di kapos ang kaalaman

Ngunit kung ang namumuno'y masalapi ngunit mangmang

Magagapi ang pag-asa ng kanyang sinasakupan.

 

Sa karandamang mapanganib, lalapitan ba ay sino?

Di ba dalubhasang duktor sa lunas ay sigurado?

At sa mga paaralan, nagsisilbi'y mga guro

Dunong nila ang sandata nang tayo ay mapanuto.

 

Sariwain naman natin sa gunita ang lumipas

Sa dayuhang mananakop lumaya ang Pilipinas

Ito'y dahil sa utak ng isang henyo at pantas

Kay Gatpuno Jose Rizal na dunong ang itinumbas.

 

Maliwanag ang sagot ko sa tanong na tinutugon

Ang marapat na hangaan ay yung mga marurunong

Kahit ikaw ay mayaman, kung ulo mo ay mapurol

Kasikatan ay mailap, salapi man ay igugol.

 

 

LAKANDIWA

 

Ang panig po ni Juliet ay narinig ninyo

Higit na sisikat at hahangaan ay itong matalino

Pakinggan naman po natin ang makatang si Ralph Pulmano

Ihatid po natin siya ng palakpakang masigabo!

 

 

MAYAMAN (Unang tindig)

 

Kalaban kong paraluman ay masyado pong seryoso

Baka labis pong magdamdam kapag dito ay natalo

Yamang paksa nami'y tungkol sa mayama't matalino

Hayaan nyong sa inyo po ako muna ay magkwento.

 

Ang pulubing matalino at mayamang di marunong

Isang araw ay nagtagpo sa labas ng Mandaluyong

Mayaman ay walang kaya sa diskurso at diskusyon

Pagsapit ng tanghalian, matalino ang syang gutom.

 

Sa byahe ng Continental Airlines, minsan, nagkatabi

Matalinong contract worker at mayamang negosyante

Ang bitbit ng matalino'y diploma at pasaporte,

Ang mayaman, pasalubong na pinakyaw sa Duty Free.

 

Matalino'y nag-aabroad, tinitiis yaong hirap

Mayaman din, nag-a-abroad, para naman magpasarap

Sino nga ba sa dalawa ang mas lamang at mas sikat?

Kahit sa tulad kong mangmang, ang sagot po'y maliwanag.

 

May oras pa, katalo ko, upang ikaw'y makaatras

Balutin na ang dila mo habang di pa nagkakalat

Balagtasa'y hindi laging labanan ng mauutak

Kung minsan din, nagwawagi'y ang makatang may pambayad!

 

 

LAKANDIWA

 

Iyan po ang katuwiran ng makatang taga-Binan

Lalo daw sikat at dapat hangaan ay yung mga mayayaman

At para naman lalo nating ito'y maunawaan

Magpapatuloy po sila at atin namang palakpakan!

 

 

MATALINO (Ikalawang tindig)

 

Malabo po ang pananaw sa tunay na nagaganap

Nitong aking katunggaling panalo ang siyang hangad

Magagawa bang gutumin ang may utak at ng lakas?

O baka po nagbibiro dahil siya ang babagsak!

 

Marunong ang naglilingkod sa negosyo ng mayaman

Upang lalo pang lumago sa panahon mang daratal

Ano kayang mangyayari kung wala yaong may aral?

Baka itong masalapi'y hahantong sa basurahan.

 

Ang dalawa'y naisipang mag-aplay patungong langit

Ang marunong ay pumasa sa ginawang pagsusulit

Nang mayaman ay lumagpak, kay San Pedro iginiit

Limpak-limpak niyang salapi, sa impyerno siya'y napiit.

 

Yaman ba ang magdadala sa tugagog ng pangarap?

Ang kinang ba ng salapi sa paghanga ay pambihag?

Dahil yata puro pera sa katalo'y nasa utak

Pati yaong baluktot na'y tuwid pa ring sinusulyap.

 

 

MAYAMAN (Ikalawang tindig)

 

Katalo ko'y kay-aga pong kasalana'y 'kinumpisal

Inamin pong ang may aral, lingkod lamang ng may yaman

Pag nagsara ng negosyo ang mapera't may puhunan

Ang kawawa'y ang marunong na kawaning swelduhan lang!

 

Bilib ka sa matalino, ganyan din si Eba't Adan

Paraiso'y nakamtan na, wala pa ring kasiyahan

Sa hangad na magmarunong, nilabag ang kautusan

Pati dunong ng Maylikha ay nais na mapantayan!

 

Kahit ubod ka ng galing at nuno ng karunungan

Yagit ka ring ituturing hangga't di ka yumayaman

Ang taginting ng salapi ay musika sa lipunan

Pag tama mo sa swipistik, daig mo pa ang superstar!

 

Kayamanan, pag labis na, marami ang natutuwa,

Matatag ang ekonomiya, masagana itong bansa

Ang dunong ng isang tao, pag sumobra ay masama,

Sa mental po humahantong, nagbibilang na ng tala!

 

 

LAKANDIWA

 

Sandali muna akong sa labanan ay papagitna

Ang sagutan ng dalawa'y nagiging pabigla-bigla

Para bang mga teksas, sa kulunga'y nagwawala

Sa pagnanais na makasipa at makatuka!

 

Ang nais ko't hiling sa dalawang naghihidwa

Sana ang hinahon sa inyo'y hindi mawala

Muli ay tumindig at sa labanan ay pumagitna

Ihatid naman natin sila ng palakpakang pampasigla!

 

 

MATALINO (Ikatlong tindig)

 

Mahirap pong umunawa ang makatang mukhang pera

Ang sabi ko, ang may aral, sa mayaman ang nagdadala

Kung sa mental humahantong ang may dunong na sumobra

Sa walang alam pagka’t tanga, may ospital nga ba kaya?

 

Sobrang silaw sa salapi ay malaking kapintasan

Pagka’t walang itatangi kundi yaong kumikinang

Dahil dito'y nalilimot sa puso ang kabutihan

Nang dahil din po sa pera, nandyan ang kapalaluan.

 

Ang buhay natin sa mundo, kung inabot ng finished contract

Kaluluwa ng may dunong sa langit ay natitiyak

Dahil sinamba ng mayaman, ginto, salapi at pilak,

Na-cancel ang entry permit, inabot ay hanggang ulap.

 

 

MAYAMAN (Ikatlong tindig)

 

Wala nga pong pagamutan sa mapurol ang isipan

Dahil hindi pa po sira, pwede pa ring pagtyagaan

Ang malungkot ay sila pang ignoranteng kababayan

Ang madaling naloloko ng rekruter na maalam!

 

Hindi lahat ng may pera'y sumasamba sa salapi,

Tulad ni Job, mas maraming sa D'yos Ama'y nagpupuri

Kalulwa ng may talinong sa kapwa ay nanduhangi

Made-deport sa impyerno pagka’t passport pala'y peke!

 

Tigilan na ang pagsabing matalino'y syang may dala

Sa mayaman, pagka’t baka makulitan ang balana

Pasalamat ka na lamang, kaydami ng may diploma

Kinakalawang ang utak, walang trabahong makita!

 

 

MATALINO

 

Katunggali ang nagsabing ang tanga ay naloloko

Matuwid ang kahulugang dapat magpakatalino

Si Abraham at Isaac maging si Job ay may ulo

Kaya sila nagsiyaman, dahil hindi mga bobo.

 

Hindi ka ba nagtataka? Sikat ka't hinahangaan,

Kahit ikaw ay mahirap, talino mo'y sa bigkasan

Talo mo pa si Ayala, Sarmiento at Lardizabal,

Marami sa 'yong nakikinig dahil sa iyong kaalaman!

 

 

MAYAMAN

 

Bakit ko ba hahangaring ako'y maging marunong pa

Gayong halos lahat naman, nabibili na ng pera

Talino ng abugado, duktor, hilot, kumadrona

Ay may presyong kagaya rin ng kakaning tinitinda!

 

Sa labanang pasikatan, sino'ng unang papansinin?

Sino nga ba'ng hahangaan kung dalawa'y pagtabihin?

Matalinong mukhang engot dahil pobre at gusgusin?

O mayamang mukhang genius, pagka’t porma'y mamahalin?

 

 

MATALINO

 

Di katumbas ng halaga ang magandang kalooban

Iyan namang salapi mo'y palamuti lang ng katawan

Di sa panlabas na anyo nakikita ang katinuan

Kundi sa gawa ng taong may inaangking kaalaman.

 

 

MAYAMAN

 

Ako yata ay naligaw sa labanang napasukan

Akala ko, paksa dito'y sino'ng sikat, hahangaan?

Kayamana'y panlabas nga, sapagka’t ang kalooban

Ay di tayo ang hahatol, yan ay D'yos lang ang may alam!

 

 

MATALINO

 

Sa landas mang pagkalinis, ang mangmang ay naliligaw

Ang paghanga sa marunong, maingat sa daraanan!

 

 

MAYAMAN

 

Ngayo'y di na mayaman ang binubugbog ng kalaban

Sa marunong versus mangmang napalihis ang usapan!

 

 

MATALINO

 

Kamangmangan ng mayaman ang siya kong tinutukoy

Mahirap makaintindi, kalaban ko'y nagmamaktol!

 

 

MAYAMAN

 

Ako pa raw ngayon itong pang-unawa'y kinukulang

Magkano ka? Sabihin mo, matahimik ka na lamang!

 

 

MATALINO

 

Katalo ko'y di lang bobo, abusado pa rin pala!

 

 

MAYAMAN

 

Sagot ko na ang ticket mo, may pam-pocket money ka pa!

 

 

MATALINO

 

Marunong ang hahangaan, di mayamang walang alam!

 

 

MAYAMAN

 

Sa gobyerno ay kaydaming matalinong magnanakaw!

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Akin na pong pipigilin ang talaktakan ng dalawa

Ako namang Lakandiwa ang papasok sa eksena

Ang hiling ko sa dalawang makata ay magkamay na

At sa inyo, mga kababayan, palakpakan muli sila!

 

Mahirap man ang humatol ay akin nang gagawin

Sa katwiran ng dalawa na mahirap arukin

At sapagka’t ang dalawang ito'y kapuwa magagaling

Marahil ay mahihirapan akong matuwid nila'y limiin.

 

Sa panig ng matalino na si Juliet Asenita

Dahil daw sa talino, nakilala ang ating bansa

Talino raw ang puhunan sa buhay ay pakikibaka

Matalino raw ang siyang sikat at hahangaang talaga.

 

At si Ralph Pulmano po sa panig ng mayaman

Dahil daw sa yaman, sisikat ka at hahangaan

At kung mayaman ka, magpakahirap ay di na kaylangan

Tila may katwiran din ang makata ng Binan.

 

Kung ang talino'y ginamit sa mabuting paraan

Walang pagsalang ito'y dapat nating hangaan

Ngunit kung ginamit ito sa kapwa ay panlalamang

Bagkus ay dapat pang ito ay pintasan.

 

Hahangaan mo rin ba ang isang mayaman

Kung wala namang malasakit sa kapwang nahihirapan?

Datapwa't kung ang yaman ay ginamit sa katuwiran

Walang pag-aatubili, sisikat siya at hahangaan.

 

Kung sa tugatog ng tagumpay ay marunong ang kailangan

Datapuwat kakailanganin din ang puhunan ng mayaman

Yaman ang magpapakilos sa matalinong tauhan

Ngunit matalinong tauhan din, magpapatakbo ng negosyo ng mayaman.

 

Ang paksa ay sino nga ba ang higit na hahangaan

Ang may angking talino ba o ang isang mayaman?

Narito ang hatol ko sa dalawang naghidwaan:

Patas po ang naging laban, sila'y ating palakpakan!

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link