SI MANNY PACQUIAO AT ANG POLITIKA
TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na lumahok si Manny Pacquiao sa politika sa halalan sa taong 2010?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Rafael A. Pulmano – Dapat
Lamberto B. Cabual – Hindi Dapat
Amado T. de Jesus – Lakandiwa
INTRODUKSYON
Balagtasan...pagpapalitan ng katuwiran sa pamamagitan ng tula....patalasan ng isip...paligsahan sa diwa...bilang parangal sa ama ng tulang tagalog na si Francisco Balagtas. Ito ang inyong...Balagtasan!
LAKANDIWA (Paanyaya)
Isang paksang sa panahon ay talagang nababagay
Ang sa ngayo’y itatampok sa ngalan ng Balagtasan;
“Dapat ba o Hindi Dapat na lumahok sa halalan
Ang dakilang boksingerong Manny Pacquiao ang pangalan?”
Tanong itong sasagutin at bibigyang-katuwiran
Ng makatang naririto at nais kong anyayahan.
Kaya’t sino mang naritong sa pagtula ay may hilig,
Aking inaanyayahang pumagitnang buong-kisig;
Ang nais ko sa pagbigkas ay may rima at may himig,
Yaong tulang kung pakingga’y lumilikha pa ng awit;
Dito’y inyong patunayang sa larangan ng panitik,
Tayong mga Filipino’y may isipang matalisik.
DAPAT (Sa Ibaba ng Tanghalan – Panawagan)
Maginoong Lakandiwa, ako ngayo’y sumasagot
Sa pangalan ni Balagtas na makatang lubhang bantog;
Iyang inyong paanyaya’y tinatanggap kong malugod,
Payag ako na si Pacquiao sa halalan ay lumahok;
Kapag siya ay nagwagi’t sa tungkulin ay naluklok,
Buong baya’y liligaya’t magdiriwang tayong lubos.
Idolo ng Filipino — at si Manny ay kilala
Na may pusong makatao’t kabutiha’y kitang-kita;
Siya’y dangal nating lahat nang manalo’t makibaka
Sa kapuwa boksingerong sa suntuka’y kayang-kaya;
Kaya nga O, Lakandiwang may masusing paanyaya,
Ako ngayon ay tulutang makapanhik sa tribuna.
LAKANDIWA
Kung ang iyong mga tula ay madiwa at mainam,
Halika na at umakyat sa ibabaw ng tanghalan;
Sa tula mong bibigkasi’y iyo ritong patunayang
Idolo mong boksingero’y nararapat sa halalan;
Sa paglapit ng makata’y hinihiling ko rin namang
Salubungin natin siya ng matinding palakpakan.
DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan – Pagpupugay)
Ako’y buhat sa Lagunang lalawigan ng pag-ibig,
Sa bayan ng mga puto, ng kutsinta at pinipig;
Ako ngayo’y manunulang naghahandog ng panitik
Sa naritong kababayang nakabukas ang ulinig;
Lingkod ninyong si Rafael Pulmano ay nagsusulit,
Paglahok sa politika ni Pacquiao ay tama’t matwid!
HINDI DAPAT (Sa Ibaba ng Tanghalan – Panawagan)
Sinungaling na makata, walang turing at pangahas
Boksingero ay ibig mong sa halala’y mamayagpag;
O, Mahal na Lakandiwa, tutol ako't kasalungat
Ng makatang naghahambog kung tumula at maghayag;
Ang makatang ganyang uri’y para lamang ibong uwak
Na ang ngala’y sinasambit habang siya’y lumilipad.
Sakali man na si Manny, may magandang kapalarang
Maging isang boksingerong dinakila sa suntukan;
Bakit siya isusubong pumalaot sa halalan,
Sa maruming politikang likmuan ng tampalasan?
Lakandiwang ngayong gabi’y may anyayang mahinusay,
Kung ako ay tinatanggap, handa ako sa tulaan.
LAKANDIWA
Malugod kang tatanggapin kung ang iyo ngayong dala
Ay kampilan ni Balagtas at tulaing magaganda;
Umakyat ka sa tanghalan at sabihin kung sino ka,
Saka dito’y ipagtanggol ang panig mong buong-sigla;
Kung ikaw ay desididong sa tulaa’y lumusob na —
Hinihiling ko sa madla'y palakpakang masagana.
HINDI DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan – Pagpupugay)
Mula ako sa Batangas, mga lipi ng Tagalog
Sa ang tula’y inaawit kung ang puso’y nadudurog;
Ang ngalan kong isinuga ng tadhana sa bulaos
Ay si Lamberto B. Cabual na binubo sa pag-irog;
Ang tanong ng Lakandiwa’y sasagutin kong masinop:
Aayaw ko na si Pacquiao sa halala’y manibulos!
LAKANDIWA
Yamang dito’y may makatang kapwa handang manaludtod
At ibig na magpasiklab sa maraming nanonood;
Itong panig nitong Dapat ang una kong itatampok
Na si Manny ay tulutang sa halala’y makilahok;
Sa pagtindig ni Pulmanong may giting at lakas-loob,
Palakpakang masigabo ang sa kanya ay isuob.
DAPAT (Unang Tindig)
Sa ilalim ng Saligang Batas nating umiiral,
Ganito ang nakasaad na tadhanang buong-linaw:
Hindi pwedeng maihalal na pangulo ang sino man,
Maliban kung siya'y isang Pilipino nang isilang;
Botante syang rehistrado, Pilipinas ang tirahan,
At marunong na magsulat at magbasa... Si Pacquiao yan.
Sinadya ng nagsiugit ng sagradong Konstitusyon
Na bigyan ng tsansang patas ang sino mang may ambisyon;
Na maglingkod sa gobyerno at maluklok sa posisyon,
Mahirap man o mayaman, kapos man o sobrang dunong;
Pwede kahit ang artista, aktibista, manananggol,
Ekonomist, boksingero, o anchor ng TV Patrol.
Kaya ako'y nagtataka sa makata ng Batangas
Na hindi ko mapagwari ang punto ng pagbabargas;
Ang People's Champ ibig ko ngang sa halalan mamayagpag,
Ngunit hindi bilang bokser sa kasino ng Las Vegas;
Kung di bilang Filipino, res'dente ng Pilipinas
At botanteng marunong din sa pagbasa at pagsulat.
Si Manny pag nagtampisaw sa maruming politika
Ay may mga nangangambang matutulad na rin siya
Sa maraming politikong pagnanakaw inuuna,
Para itong isang sakit na matinding makahawa;
Ang alin mang karamdaman, pag ginamot, may pag-asa,
Subali't kung pabayaan, pwedeng maging epidemya.
Alalaon baga, bunying katunggali, kung paano
Ang labadang marurumi, sa halip na iwasan mo,
Ay harapin mo at labhan, gamitan ng pampabango,
Gayon din ang ating bansang nalulugmok sa impyerno;
Kailangan ang matino, matapang at may prinsipyo,
At si Manny 'Pacman' Pacquiao ang angkop na kandidato!
LAKANDIWA
Unang tindig ni Pulmano’y may hagupit na panggulat
Sa katalong sa tingin ko’y nakadukmo sa pag-ilag;
Nguni’t ako’y may akalang may sa-palos kung umiwas
Ang magiting na makatang nagbuhat pa sa Batangas;
Sa pagtindig ni Cabual sa pagaspas ng habagat,
Ang hiling ko’y palakpakang atikabo’t walang kupas.
HINDI DAPAT (Unang Tindig)
Hindi ako nambabargas, lalong hindi naabuso
Sa takbo ng politikang itinatag ng gobyerno;
Di rin ako tumututol sa marangal na katalo
Na Saligang Batas nati’y may tadhanang makatao;
Nguni’t, bayan, mag-isip ka…ang tsampyon bang boksingero
Ay may batas na gagawin kung mahalal sa Kongreso?
Si Pacman man ay kilala…boksingerong may kalidad,
Idolo ko’t idolo rin nitong aking kabalagtas;
Ang mundo ng boksingerong may tagumpay na matatag,
Sa mundo ng politika’y lupa’t langit yaong agwat;
Kung siya ma’y may kamaong parang lintik kung ibigwas,
Pagpasok sa politika’y bangkay siyang maaagnas!
Ang lengwahe ng kamao at lengwahe niyang dila
Ay larangang magkaiba’t magkalayong di kawasa;
Talumpati sa Kongresong matalisik at madiwa
Ay iba sa pambubuntal ng kamaong walang sawa;
Boksingero’y sampay-bakod, kumbaga sa manunula,
Sa bulwagan ng batasang politika ng hiwaga.
At si Manny ay lumaki sa pagsasanay ng boksing,
Nagbuhos ng kakayahan at tiyagang buong-giting;
Oo, siya’y nagpunyagi’t ang tagumpay nang sapitin
Ay inulan ng papuring bantayog ng dangal natin…
(Bawa’t tao’y kanya-kanya ng maselang na tungkuling
Itinakda ni Bathalang masinop na talimahin.)
Ganyan din ang politikong hinuhubog ng panahon,
Simula sa pagkabatang maghanda sa kanyang misyon;
Kung matukso’t magahaman sa salaping sangkabunton,
Mananagot siyang tiyak pagdating ng Armagedon;
(Manny Pacquiao, makinig ka: “Politika ay patibong—
Lumagi ka, sa boksing mong biyaya ng Panginoon!”)
LAKANDIWA
Ibig yatang magkahalo ang balat sa tinalupan,
Nang tumindig ang makatang napatanyag sa Batangan;
Nguni’t itong kabalagtas na may dupil sa tulaan,
Tila ibig nang sumagot at gulpihin ang kalaban;
Sa pagtindig ni Pulmanong may unos na tangan-tangan,
Palakpakan natin siya’t sa pagtula’y nang ganahan.
DAPAT (Ikalawang Tindig)
Unang banat pa lang nitong kalaban kong may amnesia,
Nalimutan na kaagad kung ano ang aming tema;
Anya, bayan, kung si Manny ay mahalal, mag-isip ka...
Aba, bayan, pagboto mo't di pagboto'y bahala ka!
Iya'y iyong karapatan, ang kay Manny nama'y iba:
Dapat ba s'ya o di dapat pumasok sa politika?
Magkaibang lubha, ayon sa makatang Batangueño,
Lengwahe ng kongresista't lengwahe ng boksingero;
Sa interbyu, kahit Ingles ni Manny ay kumakanto,
Nakatigil, nakatutok sa TV ang buong mundo;
Beteranong mambabatas kaygagaling magdiskurso,
Ngunit sino'ng nakikinig? At sino ang may respeto?
Malabis na minaliit ng katalong mapangutya
Ang purol ng pag-iisip ng idolo nating madla;
Mga turo ng Bibliya nalimutan na rin yata
Na ang tunay na talino sa Maykapal nagmumula;
Si Manny ay maka-Diyos, di n'ya ikinahihiya
Ang magdasal di gaya ng mga trapong walang hiya!
Sa tanong ng kalaban kong "Ang tsampyon bang boksingero
Ay may batas na gagawin kung mahalal sa Kongreso?"
Sa aklat ng Lumang Tipan, sa bahagi ng Eksodo,
Bukod pa sa Sampung Utos, may iba pang libu-libo;
Na batas na naisulat, alam mo ba ng kung sino?
Si Moises na isang pastol, gabay niya'y Diyos mismo!
LAKANDIWA
Lumalao’y gumaganda itong ating Balagtasan,
Kaya ako ay titigil na lagi na sa pagitan;
Papagitna lamang ako kung talagang kailangan,
Nang di sila maabala sa maalab na sagutan;
Ang titindig ngayong muli sa pagbigkas na mainam
Ay si Cabual ng Batangas — palakpakan ang ialay.
HINDI DAPAT (Ikalwang Tindig)
Hindi dapat na manangan sa pagiging isang tanyag
Ang idolong boksingero nitong ating bansang liyag;
Kabalagtas, ilingap mo ang pananaw at magmatyag
Na boksing at politika’y parang sagang walang tapyas;
Boksing ngani ay mapula nguni’t itim ang kabiyak,
Ang ulap ng politika ay kay Manny magbabagsak.
At sapagka’t sa botante’y marami pang dungo’t mangmang,
Si Pacquiao ay maaaring sa eleksyon magtagumpay;
Kung sakaling mananalo: anong ating aabangan —
Ang gagawin kaya’y ano sa Kongresong kalalagyan?
Mga pagak na artistang nahalal sa katanyagan —
Kabilang na siya roon — na malimit pagtawanan!
Sa Senado’t sa Kongreso ang “Artista” ay tama na,
Huwag nating pabayaang komedyante…dagdagan pa;
Kung si Manny ay may budhing makabayang sumisinta,
Di na siya magmimithing sa halala’y mag-abala…
(Sa distrito-politikal ng Mindanao na kay sigla,
Ay ano ba ang gagawing pamalakad na maganda?)
Manunungkulan ba siya sa tulong ng tagapayo
At bungkos ng alipores na kampon ng mga tuso?
Sila-sila’y may adyendang pansariling itotodo —
Baligho ang mangyayari…magboksing man sa Kongreso!
(Si Pacquiao ay pagpugayan bilang bidang boksingero,
Subali’t sa politika…batuhin ng mangga’t puto.)
DAPAT (Ikatlong Tindig)
Marami ngang dungo't mangmang sa botanteng mamamayan,
Marami ang nabibili ng salaping kumikinang;
Marami rin ang may utang na loob na tinatanaw,
At maraming hindi hamak ang uhaw sa katarungan;
Kahinaan ng lipunang sinasamantala naman
Ng pinunong tanging hangad sarili ang paglingkuran.
Ito'y mga kahinaang naghahanap ng unawa,
Kahinaang humihingi di ng limos o ng awa;
Kahinaang naghihintay ng matapat na kalinga,
Kahinaang si Pacquiao lang ang pag-asa nitong bansa;
Isang bansang nananabik maibalik ang tiwala,
Sa gobyernong malaon nang ang dangal ay nawawala.
Bakit silang mga dungo at mangmang ay pumapatol
Sa artista't boksingerong kapwa nila di marunong?
Sa kanila nasisilip ng botanteng nagugutom
Ang pag-asang di matanaw sa henyong administrasyon;
Kahit hungkag na pag-asang bunga lamang ng ilusyon,
Kapalit ng nakaupong hanggang buto ang korapsyon.
HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)
Kung si Manny ay talagang may hangaring makatulong
Sa bansa at kababayang nakaharap sa daluyong;
Limutin ang politika! Bumuo ng isang layon
Na magtayo ng Youth Center na sa bayan nauukol;
May karate, boksing, tenis, paglalangoy at basketbol —
Kompleto sa pasilidad — ako’y diyan kasang-ayon.
Sa ganito’y malalayo ang kumpol ng kabataan
Sa hibo ng bisyo, droga, basag-ulo’t kahalayan;
Magagawa niya ito…tutulong ang karamihang
Foundation sa ating bansang makatao’t makabayan;
(Hindi ba’t sa Paranaque, Training Center ay kay inam,
sa sikap ni Flash Elorde, sa boksing din hinangaan?)
Di naabot ni Elorde ang kay Pacquiao na naabot
Sa tugatog nitong boksing na tila ba gintong bundok;
Subali’t si Flash Elorde ay may diwa’t niloloob
Na sa baya’t kabataan magmalasakit nang lubos…
(Di pagtulong ang kay Pacquiao na hangaring binubunsod,
Manapa’y self-aggrandisement—parang matsing naglalagot!!!)
DAPAT
Maganda ang panukala at payo ng kabalagtas,
Yan nga'y kaya niyang gawin, ngunit bakit tinatagpas;
Bakit nililimitahan ang kaniyang abilidad?
Bakit tanging ang pagiging boksingero'y itatatak?
(Siya nama'y may talento sa iba ring kapasidad,
Rekording nya't pelikula'y tinangkilik din ng lahat!)
Kung siya ay nanatiling boksingerong pang-amatyur,
Di nagsikap na maging pro at umakyat ng dibisyon;
Kung siya'y di pinayagang sa kanbas ay makatuntong,
Walang Manny Pacquiao tayong bayani ng buong nasyon;
Ganyan din sa politikang masusubok lang ang bisyon,
Kung hindi mo pagkaitan ng tsansa't pagkakataon.
HINDI DAPAT
Tsansa at pagkakataon? — nakuha na niyang lahat,
Nang magboksing, mag-artista't mag-commercial na palabas;
Ayaw pa ba naman niya sa tayog ng pagkatanyag?
At gusto pa na sa langit ang kapritso’y makalampas;
(Samantalang itong bayan — ibong sawing umiiyak,
Kasakimang bagamundo’y may parusang nakagayak.)
Sa ngalan ng politika’y hindi lamang yaong puso
Ang marapat na ibigay sa kabayan at kabaro;
Kailanga’y self-expression — kakayahang katutubo —
Si Pacquiao ay wala niyan, totohanan man o biro;
Di ko hangad na ang tanyag na si Manny — mabalaho,
Ihahantad ng kalaban kapintasan niya’t baho!
DAPAT
Hindi siya naghahangad ng higit pang katanyagan,
Nais lamang makatulong sa bayan nyang minamahal;
Kapintasan niya't baho di na dapat pagpistahan
Na tila ba mas matino ang maraming iba riyang
Mapoporma, magagaling, mahuhusay, mararangal,
Ngunit sobrang mangurakot at ang mukha'y makakapal!
HINDI DAPAT
Ang mukha nga ay kakapal kapag laging ipipilit
Si Pacquiao sa politikang may tala nga’y walang langit;
Walang salang masisira ang imahen niya’t kisig,
At sa hangad na kagitna ay sansalop ang mapalis;
Masasayang ang inimpok na dignidad at dolyares
Ng idolo nitong lonang parisukat na malinis.
DAPAT
Si Manny ay nagkukusang masagip ang Pilipinas,
Ikaw nama'y mas pursiging si Pacquiao ang mailigtas;
Gumastos man sa kampanya si Pacman ng limpak-limpak,
Sa sariling pawis mula at di galing sa kulimbat!
HINDI DAPAT
Di man galing sa kulimbat, ang salapi’y masasayang,
Kung gastusin sa kampanyang may nag-ambang kasalanan;
Gugulin na ang dolyares sa proyektong maiinam
Na para sa mga dukha’t di sa bugok na halalan.
DAPAT
Proyektong mas matutupad pag si Manny ay nahalal,
Bilang meyor, gobernador, na pwesto ring politikal.
HINDI DAPAT
Politikal niyang pwesto kung ano mang kahinatnan,
Pipingas sa dangal niya at sa ating kabansaan.
DAPAT
Dating dukha, ramdam niya ang dusa ng mamamayan,
Simbolo sya ng pag-asa ng sikmurang kumakalam.
HINDI DAPAT
Kumakalam na sikmura'y patay-mali sa pag-asam,
Tinatanaw na simbolo – bantayog ng dusa't panglaw!
DAPAT
At kanino pa aasa ang mahirap? Sa mayaman?
Sa matayog yaong aral kahit na nga mapanlamang?
HINDI DAPAT
Kung si Manny ay idolong pag-asa ng karukhaan,
Hindi dapat na "pagamit" sa kuhila’t salanggapang.
DAPAT
Silang sukab, salanggapang at sipsip ang pagbawalan!
HINDI DAPAT
Pagbawalan mo si Manny sa hibo ng kahibangan!
DAPAT
Makulit ka! Kung gusto mo, tayo na lang magsuntukan!
HINDI DAPAT
Ang suntok ng Batanggenyo’y simbagsik ng bulkang-Taal!
DAPAT
Iboto si Manny Pacquiao!!
HINDI DAPAT
Ang isip mo’y baliw…hibang!!!
LAKANDIWA (Paghatol)
Magsitigil kayo ngayon kung ayaw na mahambalos,
Imisin ang mga kalat, bibilangin na ang puntos;
Lumalalim na ang gabi at kayo na'y namamaos,
Baka tayo abutin pa ng manok sa pagtilaok;
Kababayang kanina pa matiyagang nakatutok,
Paulanan ng palakpak ang dalawang nagpanuntok.
Alin man sa politika at boksing ay mayrong dangal
Ngunit knockout kapag sila'y kombinasyong pinagsabay
Pagka’t hindi maaaring paglingkuran ng sino man
Ang dalawang panginoon sang-ayon sa Bagong Tipan
Ang panahong gugugulin sa gobyrerno pag nahalal
Hindi pwedeng isisingit sa ensayo twing may laban.
Sa boksing ang buong bansa – sundalo man o rebelde,
Oposisyon o pro-Gloria – napag-isa na ni Manny;
Pati mga mandurukot at pulis na nanghuhuli,
Sa TV ay nakatutok, tahimik ang bawa’t kalye;
Ang ganitong di nagawa ng sibilya't militari,
Parang bulang sasambulat sa eleksyon kung sasali.
Naiangat na ni Pacquiao ang imahe nitong bansa,
Huwag sanang matukso pang mag-anyaya ng pagkutya;
Bayani na siya ngayon sa mata ng buong madla,
Huwag sanang magpasulsol sa kati ng ibang dila;
Nguni't ako'y nalilihis sa tungkuling nakatakda
Bilang isang tagahatol sa dalawang nagpambangga.
Si Pulmano ang may sabing sa usapang nakalahad,
Paglahok sa pulitika ni Pacquiao ay nararapat;
Ito nama'y tinutulan ni Cabual na hindi payag,
Dahil ayaw anya niyang idolo ay mapahamak;
Sino nga ba sa kanila ang higit na nakaangat,
At dapat na maging kampeon sa labanang walang puknat?
Atin muling sariwain ang katwirang isinaysay,
Ng makatang taga-Biñan na Dapat ang pinanigan;
Si Pacquiao daw ay simbolo ng pag-asang di matanaw
Ng botanteng nangangarap maahon sa karukhaan;
Di raw sagwil sa hangaring maglingkod sa kababayan,
Ang alam na kakarampot dahil Diyos ang gagabay.
Niliwanag ni Rafael na ang paksa'y nakatuon
Sa kung dapat o di dapat na lumahok sa eleksyon;
O pumasok sa politics si Pacquaio na boxing champion
Na aniya'y karapatang personal ng may ambisyon;
(Kung dapat o hindi dapat iboto sya'y ibang tanong,
Na botanteng mamamayan naman anya ang hahatol.)
Karapatang magsumiksik sa tanggapang politikal,
Konstitusyon mismo natin malinaw daw na sandigan;
Paggalang ng mga tao kay Manny ay gayon na lang,
Maski Ingles butaw-butaw, buong mundo'y nagpupugay;
Sa halip na awatin sya dahil baka "gamitin" daw,
Silang mapagmanipula ang dapat na ipagbawal.
Panig naman ni Lamberto ng Batangas na nagtanggol,
Sa Di Dapat ang katwirang busisiin natin ngayon:
Sa larangan daw ng boksing si Manny nga'y isang kampeon,
Subali't sa politika magmumukha siyang kengkoy;
Hindi na raw kailangang maghangad pa ng posisyon,
Kung talagang nais lamang sa bayan ay makatulong.
Mga proyektong pang-isports ang dapat daw pagtuunan,
Sa halip na politikang patibong sa kanyang dangal;
Binanggit na halimbawa'y Flash Elorde ng nagdaan
Na nagsikap makatulong ilayo ang kabataan
Sa bitag ng mga bisyong naglipana sa lipunan,
Itinayong Training Center, marami ang nakinabang.
Kahit na raw makatao ang saligan nating batas,
Ang boksing at politika ay lupa't langit ang agwat;
Ang bagsik ng kamao nyang mabangis at walang habag,
Sa larangan ng suntukan ay di pwedeng ipantapat;
Sa talas ng pag-iisip at dulas ng pangungusap
Na puhunan sa kongreso ng hinog na mambabatas.
Tungkulin kong Lakandiwang sa nagtalo ay igawad
Ang hatol na mahalaga nang maingat na maingat;
May matuwid si Rafael sa pagtulang mabanayad
Na si Pacquiao sa halalan ay tumakbo at mangarap;
Nguni't dito kay Lamberto na ang diwa'y nagniningas,
Katwiran din na si Manny sa eleksyon ay di dapat.
Anupa nga't wala akong maitulak at kabigin,
Kapwa sila may magandang ninanasa at layunin;
Nangangamba tuloy akong ang sinuma'y siphayuin,
Pagka’t baka mapintasan at bansagang walang turing;
Ang hiling ko'y palakpakan sila't huling tagubilin
Ay kayo na ang humatol – ang mabuti ay pulutin!
PAMAMAALAM
Sa nakalipas na mga sandali ay sumainyo ang...Balagtasan! Magpadala ng inyong hatol sa Balagtasang ito...At habang papalayo ang kumakaway naming mga kataga...alalahanin nating ang masining na Pilipinas ay mayaman sa Balagtasang walang kamatayan. Salamat sa inyong pakikinig...
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.