KAPIT SA PATALIM
TANONG: Magagawa mo bang "kumapit sa patalim" kung sa sandali ng iyong matinding kagipitan ay wala ka nang ibang malalapitan?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Juliet Asenita — Kakapit sa patalim; katuwang sa pagsulat
ng iskrip si Gonie T. Mejia
Rafael A. Pulmano — Hindi kakapit sa patalim (na ipinagtanggol ni Emma C. Malaca), at Lakandiwa
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Ang Samahang Makata po ay narito ngayong muli
Upang kayo ay handugan ng bilang na natatangi
Ang buwanang Balagtasan t'wing unang Lunes ng gabi
Si Ralph Pulmano po ito, malugod na bumabati!
Ang paksa po ngayong gabi ay tugon sa isang request
Ng tagapakinig nating ngala'y ayaw ipabanggit:
"Kung wala nang malapitan sa labis mong pagkagipit,
Magagawa mo ba kayang sa patalim ay kakapit?"
Ang ilan pong halimbawa upang paksa'y bigyang linaw
Kailangan mo ng gamot sa asawang agaw-buhay
O pagkain sa anak mong gutom na nang ilang araw
Ngunit ikaw'y walang pera, at wala ring magpautang.
Ang ganito'y masasabing labis nga pong kagipitan
At ang "kapit sa patalim" naman nating tinuturan
Ay sa hangad na kumita ng salaping mabilisan
Nagagawa ang magnakaw, magbenta ng kapurihan.
Mabigat po itong paksa kaya kapwa matindi po
Ang makatang magbabangga sa gitna ng entablado
Ang isa po'y dalaga pa, isa'y meron na pong apo
Ang atin pong isalubong, palakpakang masigabo!
KAKAPIT SA PATALIM
Kalakip ay halik, pulot ang kasingtamis
Likas na mapagmahal ako't sa kapwa'y may malasakit
Sa tanong ng Lakandiwa, ang ilalahad kong panig
Kung sa labis na pagkagipit, sa patalim na kakapit.
Juliet Asenita, tubong Dupax del Norte, Nueva Viscaya
Ang lingkod nyong nagpupugay, kababayan, kumusta?
Magandang gabi po sa lahat, kayo ba'y handa na?
Handa na rin po ako sa kapingkiang makata.
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Kung magipit po nang labis at wala nang malapitan
Nananalig akong ito ay isa pong pagsubok lang
Sa halip na patalim po ang siya kong kakapitan
Hihigpitan ko pang lalo ang kapit ko sa Maykapal.
Emma Malaca po lamang, buhat sa bayan ng Gapan
Probinsyang Nueva Ecija, magiliw na nagpupugay
Sa kalaban ko po namang kutis ay may kadiliman
Humanda ka, kilay mo lang ang hindi ko lalatayan.
LAKANDIWA
Pakilala pa po lamang ng dalawang magtatalo
Pangita nang maghahalo ang balat at saka buto
Atin na ngang simulan na, si Juliet po ang syang mano
Salubungin natin nitong palakpakang masigabo!
KAKAPIT SA PATALIM
Ang bukas na hinaharap ng nilikha'y hindi batid
Kung saan ang tinutungo, o palad na makakamit
Kung sa landas ng pangarap masasabi itong langit
Subalit kung kasawian, hilahil ng diwa't isip.
Sumapit man sa sandaling suliranin ay gumiit
Tayo ay may kaisipang kaloob na magagamit
Katulad sa kagipitan, kahirapan pag lumabis
Ang pagkapit sa patalim ay ultimong sasaisip.
Katulad sa halimbawang asawa mo'y agaw-buhay
Anak ay nag-iiyakan sa matinding kagutuman
Sa salapi ikaw'y wala, walang ibang lalapitan
Di mo ba magagawang puri mo ay ipuhunan?
Higit ko pang nanaisin ang ako ay magkasala
Kaysa masdan ang asawa at anak na nagdurusa
Masakit sa katulad kong may bahay at isang ina
Pamilya ko'y nakikitang kondisyo'y kaawaawa.
Ang pagkapit sa patalim ay tanda ng pagmamahal
Lalo't dito ang layunin, sumagip ng mga buhay
Buhay ng isang pamilya na buhay ng aking buhay
Kaysa sarili'y tumangis sa salang kapabayaan.
LAKANDIWA
Yan si Juliet Asenita, ang makatang buo loob
Di ko lang po natitiyak kung gayon din yaong tuktok
Ang makatang katunggali niya'y handa nang lumusob
Salubungin din po natin ng palakpak na matunog!
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Mapalad ang mga abang wala nang inaasahan
Kundi ang D'yos pagka’t sila'y sasama sa kaharian;
Mapalad ang nagmimithing matupad ang kalooban
Ng D'yos pagka’t ang kanilang minimithi'y makakamtan.
Hindi ako, ang D'yos mismo ang nagwika ng ganito
Kaya kahit ako'y lupa, marupok at natutukso
Magipit man ako't walang tumulong na kapwa tao
Sa D'yos ako mananalig, tutulugan Niya ako.
Diyos pa rin ang may sabi, humingi ka at bibigyan
Humanap ka't makasumpong; kumatok ka't pagbubuksan
Lumapit daw anya tayong mabibigat yaong pasan
Pagagaanin Nya ito, tayo'y magiginhawahan.
Kagipitang dumarating sa buhay ng bawa’t tao
Ay pagsubok sa tibay ng pananalig nya kay Kristo
Kung pananampalataya'y kasinglaki raw ng buto
Ng mustasa, kahit bundok, magagawang utusan mo.
Ang pagkapit sa patalim ay tanda ng kahinaan
At kawalan ng tiwala sa pangako ng Maykapal
Anak man ay nagugutom, asawa'y may karamdaman
Sa D'yos ako magsusumbong, dalangin ko'y pakikinggan!
LAKANDIWA
Tapos na ang unang yugto ng salpukan ng dalawa
Ngayon ako ay tatabi, hahayaan ko na sila
Ang matira ay matibay, ang matalo'y magpasensya
Palakpakan natin bilang pakunswelo't pampagana!
KAKAPIT SA PATALIM
Sa himala ako'y di po kailanman umaasa
Di paris ng katunggaling paniwala'y kakaiba
Ang gamot bang kailangan ng maysakit na asawa
Ihuhulog ba ng langit kung ako ay titingala?
Pagkain bang kailangan ng anak na nagugutom
Basta lang ba sa dulang lilitaw nang gayun-gayon?
Hindi ko nais na sabihin, katunggali'y lumiligoy
Katamaran lang po yata sa paksa ang tinutugon.
Manok man po na inahin, kumakahig, walang lubay
Para hindi lang magutom, mga mahal nyang inakay
Tayo pa bang mga taong may puso at kalooban
Sa gampani'y magtatatwa, tatakas sa katungkulan?
Masasabi nga po nating sa usaping espiritwal
Ang pagkapit sa patalim ay sadya pong kamalian
Pagsapit po sa tungkulin na langit din ang nag-atang
Anong uring magulang ka kung ito'y di gagampanan?
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Kasabihang sa bibig raw nahuhuli yaong isda
Ganyan din ang katunggaling bilasa at utak-biya
Aminadong ang "pagkapit sa patalim" ay di tama
Ngunit, anya, ito raw po'y may bendisyon ni Bathala!
Kalaban ko'y walang bilib sa himala diumano
Pero hinohokus-pokus naman itong pagtatalo
Ang inahing nagkakahig, kasalanan po ba'y ano?
May utos bang nilalabag? May kapwa bang pinerwhisyo?
Di ko alam kung ano po ang problema ng kalaban
Nagsasayang lang ng laway sa di dapat pagtalunan
Hindi nga po ihuhulog ng langit ang inaasam,
Kailangang kumilos ka kung ibig mong biyayaan.
Subalit kung kikilos ka'y di sapat na paumanhin
Ang labis na kagipitan upang batas ay labagin
Wag nakaw ang ipakain sa anak na ginigiliw
Sa ulo ay wag iputan ang asawang maninimdim!
KAKAPIT SA PATALIM
Ang hirap lang sa kalaban, madali pong makalimot
Sa sinabi kong gampanin, kasalanan niyang inarok
At hindi rin naunawa ang halimbawa sa manok
Nagmamahal sa inakay, nahihigtan pa siyang lubos.
Hindi ko rin inakalang kahidwa ko ay balimbing
Noong una sa himala ay panalig siyang taimtim
Ngunit ngayo'y umiba na, dahil kaya nakokorner
O sanhi po ay ang idad kaya siya ay ulyanin.
Ako ay may katanungan, katugunan ang siyang nais
Mas iyo bang gugustuhin, kapilas ay sumalangit
At mahal na mga anak, mga buhay ay mabingit
Kaysa magkasalang minsan upang sila ay masagip?
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Gagawin ang makakaya upang sila'y mailigtas
Hangga't ako'y walang utos at batas na nilalabag
Kung loobin ng Maykapal na kunin na silang lahat
Sino ako na hahadlang? Buhay ko ma'y di ko hawak!
Ako naman ang sa iyo'y magtatanong, sagutin mo:
Sino'ng higit mamahalin, ang D'yos ba o kapwa tao?
Paano kang manalangin? Kagaya ba ng kay Kristo?
O gaya, ng "Ama Namin, sundin namin ang loob ko!"
Ang mali ba'y tama na rin kung hangarin ay marangal?
Kung ikaw ba'y sadyang gipit, kabanalan ang pumatay?
Ang tao bang aburido at nagdilim ang isipan
Kahit maging kriminal pa'y mas dakilang itatanghal?
KAKAPIT SA PATALIM
Paano pa magagawang anak mo'y maililigtas
Samantalang tumanggi ka sa paraang tanging lunas?
Papaano bang magmahal ang ina sa kanyang anak?
Ang ina ba na pabaya, sa langit ay tinatanggap?
Tamang higit itatangi ang Lumikha at Maykapal
Ngunit tama din ba kayang pamilya mo'y pabayaan?
Sa sala ko bang gagawin, buhay ang madudugtungan
Di ko na ba makakamit, patawad ng kalangitan?
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Pabaya ba iyang inang ginawa ang makakaya?
Kung wala nang ibang lunas, walang-wala na bang sadya?
Nang sa kurus ipinako, si Hesukristo'y nagwika,
"Ama, patawarin silang di alam ang ginagawa!"
Ikaw rin bang mukha namang normal ang takbo ng utak,
Hindi mo ba nalalamang masama ang iyong balak?
Ipapako mo bang muli sa kalbaryo ng paglibak
Si Jesus sa kasalanan, at saka ka maghuhugas?
KAKAPIT SA PATALIM
May utos na sinusunod sa batas ng kabanalan
Mahalin mo ang iyong kapwa, kapatid mo sa Maykapal
Panlilibak ba sa kanya na sundin ang kautusan?
Ang pagiging maramot ba sa buti'y nakalalamang?
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Ang daan daw sa impyerno ay napapalamutian
Ng hangaring magaganda, at intensyong mararangal!
Handa akong magpalimos, magsangla ng kasangkapan,
Ngunit hindi ang magnakaw, magbenta ng kapurihan!
KAKAPIT SA PATALIM
Ang paksa po ay malinaw na nilabo ng kalaban
Kaydali palang mabugok ang utak ng kuno'y banal!
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Ani Jesus, tayo'ng ilaw at asin ng kalupaan
Kung kakapit sa patalim, sasadlaka'y kadiliman!
KAKAPIT SA PATALIM
Kung mabuti ang intensyon ay langit din ang hantungan.
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Kung ang gawa'y hindi tama, intensyon ay walang saysay!
KAKAPIT SA PATALIM
Di sa taong nagigipit!
HINDI KAKAPIT SA PATALIM
Katwiran mo ay pilipit!
LAKANDIWA (Paghatol)
Paralumang manunula, ako ngayo'y papagitna
Ulo ninyo'y palamigin, iligpit ang mga dila;
Dumating na ang sandaling sintensya ay ibababa
Palakpakan muna natin ang dalawang nagkahidwa!
Sadya pong may kabigatan itong paksang nakasalang:
Kung labis ang kagipitan, patalim ba'y kakapitan?
Oo daw po, ani Juliet kung talagang kailangan
Hindi raw po, ani Emma, pagka’t ito'y kasalanan.
Inyo na pong napakinggan ang matwid ng bawa’t panig
Lingkod ninyong Lakandiwa ang panghuling magsusulit
Magkukwento muna ako sa balanang nakikinig
Makinig ang merong teynga, ang barado ay maglinis:
Matumal daw ang negosyo ni Satanas, kaya minsan,
Ay nagpasyang ibenta na ang lahat nyang kasangkapan
Instrumentong pawang bulok, sa bangketa inihanay
Baluktot ang mga hugis, maiitim yaong kulay.
Sa panindang naroroon: Inggit, poot, pagmumura
Pagnanasa, kasakiman, katamaran, at iba pa
Ay may isang bukod-tanging ang presyo ay sobra-sobra,
Kung tawagin niya ito ay Kawalan ng Pag-asa.
Maliit lang, at ang korte'y ordinaryong abre-lata,
Kaya mahal, kahit luma at masyadong gastado na,
Dito'y kanyang nabubuksan ang sino mang kaluluwa
Kapag hindi nagtagumpay ang kasangkapan nyang iba.
Ito raw ang syang pinaka-gamitin nya sa negosyo:
Ang Kawalan ng Pag-asa, o pagiging desperado.
Dito'y walang nakabili pagka’t mahal nga ang presyo
Kaya hanggang ngayon ito'y gamit pa rin ng demonyo!
Sa panahong masagana, madaling magpakabait
Ngunit kapag walang-wala, pagsapit ng pagkagipit
Ang dyablo ay nagpipista, ginugulo'ng ating isip
Ang mahina'y natutukso, sa patalim kumakapit!
Kung gayon man ang mangyari ay hindi ko sisisihin
Ang demonyo, ginaganap lamang niya ang tungkulin
Ngunit tayo ay binigyan ng utak na gagamitin
Kung tayo nga'y padadala, ang pasya ay nasa atin.
Kumapit man sa patalim, hindi ko rin huhusgahan
Ani Hesus, wag humatol kung ayaw mong mahatulan
Kung sino ang walang sala ay maunang dumampot daw
Niyang batong ipupukol sa kapuwang nasasakdal!
Sino ngayon ang nagwagi sa labanang napakinggan?
Si Juliet bang kutis-duhat, o si Emma'ng no longer young?
Kayo, Bayan, ang pumili, ang akin lang kahilingan
Pabaunan silang muli ng inyo pong palakpakan!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact