GIYERA LABAN SA DROGA
TANONG: SANG-AYON o TUTOL ka ba sa pinaiiral na sistema ng kasalukuyang pamahalaan hinggil sa pagsugpo sa suliranin ng droga sa Pilipinas?
Mula sa pinagsama-samang panulat ng mga makata sa Facebook na kasapi ng samahang GIMIKan TULAan at BIRUan sa Bahay Kubo (GTB)
Mga nagsiganap:
Masigasig Magtanggol – Sang-ayon
Dinapoco Macatiis – Tutol
Luzviminda Inangbayan – Lakambini
LUZVIMINDA INANGBAYAN (LAKAMBINI – Panimula)
Ang patulang pagtatalo, kung tawagi'y balagtasan,
Ay parangal kay Balagtas at hango sa kanyang ngalan;
Pingkian ng mga diwa na ang pantig ay may bilang,
Nabubuo sa taludtod na may rima sa hulihan,
Mga pantig at taludtod na sa saknong nakalagay,
At sa lamyos ng indayog nabubuo ang katwiran.
Kalinangang natatangi ng sarili nating bansa,
Dito lang sa Pilipinas narinig na ginagawa;
Ginaganap natin ito sa mataas na adhikang
Ang kultura'y mamalaging nabubuhay at sariwa;
Kaya't dito'y itatampok mga subok na makata,
Nangunguna sa talaan ng batikang manunula.
Bago kami pakilala, akin munang ihahayag,
Paksa nitong balagtasang saksi tayong nagaganap:
SANG-AYON o TUTOL ka ba sa sistemang inilunsad
Ng gobyernong bagong palit, na ang unang prayoridad
Ay puksain yaong salot ng droga sa komunidad
Sa madugong pamaraang kamay na bakal ang batas?
Luzviminda Inangbayan ang lingkod n'yong nagpupugay
Lakambining papagitna sa dalawang magbabangay;
Si Masigasig Magtanggol – SANG-AYON ang kakampihan,
Dinapoco Macatiis – ang panig ay TUTOL naman;
Simulan na agad natin, at ang unang isasalang:
Ang makatang si Magtanggol...Masigabong palakpakan!
MASIGASIG MAGTANGGOL (DAPAT – Unang Tindig)
Ang imahe nitong bayan tuwing aking pagmamasdan,
Bunduk-bundok na problemang wari'y kanser ng lipunan;
Una'y drogang hindi lingid sa mata ng mamamayan,
Biktima ay kabataang pag-asa raw nitong bayan;
Kaya bansa'y matitigok kung droga ay hahayaan,
At tuluyang malulunod sa lawa ng kamatayan.
Isa rin po naman akong tahimik na mamamayan
Marubdob na naghahangad na tumino itong bayan
Kaya ako'y walang tutol sa gobyernong pamaraan
Na pitasin ang masama at silabin sa tambakan
Kung sa gayon mapupuksa kaluluwang pawang halang
Maluwag kong tatanggapin ang sistemang umiiral.
Makatuwiran din kaya kung ang pinuno ng bansa
Ay sa krimeng nangyayari, basta na lang nakatangla?
Mamamayan ay ubos na at lahat ng sinalanta
Nitong mga durugista na karamihan ay bata;
Paano ba mauubos magulang na lumuluha
Kung kanilang mga anak sa droga'y napariwara?
Marami na ang namuno at tumayong presidente
Sa 'ting bansang Pilipinas na puno ng delingkwente
Nguni't problema sa droga tila lalong lumalaki
Talamak na mga adik, ginahasa ay kayrami
Marami rin ay pinatay, pawang mga inosente
Kaya ako ay sang-ayon sa gobyernong pagdiskarte.
Kung di ako sasang-ayon, kailan pa makukuha
Katarungang inaasam ng mahirap, dukha't aba?
Kadalasan ang hustisya'y nakakamit ng may pera,
Paano na lamang yaong siyang tunay na may sala?
Salamat sa pagbabagong ngayon ko lamang nadama
Tanging mahalaga ngayon, ang bayan ay may pag-asa!
LUZVIMINDA INANGBAYAN
Ang makatang napakinggan sa panig na SANG-AYON daw,
Si Masigasig Magtanggol, nangusap nang buong linaw;
Ano kaya'ng itutugon ng kalabang TUTOL naman?
Dinapoco Macatiis, sunod nating pagbibigyan;
Sa kaniyang unang tindig sa ibabaw ng tanghalan
Salubungin ng mainit at masiglang palakpakan!
DINAPOCO MACATIIS (TUTOL – Unang Tindig)
Sa paraan ng gobyerno ako raw ba ay sang-ayon
Na ang droga ay sugpuin? O ako ba'y tumututol?
Ang layunin ay maganda! Payag ako sa himatong
Na ang droga ay puksain upang ganap na malipol;
Nguni’t bulok ang sistemang di ko hangad na ibangon,
Pagka’t di ko ginugustong magnegosyo ng kabaong!
Sa panahon nitong ating presidenteng bagong halal,
Suspetsadong nagtutulak niyang droga’y pinapaslang;
Katuwiran ng maraming naglipanang kapulisan,
Lumalaban ang salarin kaya nila pinapatay…
Nasaan ang demokrasya? Nasaan ang katarungang
Karapatan ay magamit ng nasawing mamamayan?
Di ba’t tayo’y may husgadong ang tungkulin ay maggawad
Ng parusa kung totoong nagkasala tayo’t sukat?
Kung sapat ang ebidens’ya, walang duda’t maliwanag,
Saka lamang ang salari’y hatulan ng nararapat;
Ito’y di na nangyayari! Mamamaya’y binubulag
Ng gobyernong barbarismo ang sistemang tinutupad!
Sa paraang makatao ako naman ay di hadlang
Gawin lang ang nararapat at pagsasaalang-alang,
Dakipin ang nagkasala kung mayroong katibayan
At hindi ang inosenteng napagbibintangan pa lang
Ay mistulang may hatol na't wala ng pagtimbang-timbang,
Sa lipunan ng dalita waring wala na ring puwang.
Kapag lagi ng ganito ang sitwasyong magaganap,
Na sistemang pinairal ay katwirang mapagpanggap,
Hindi kaya mangaglaho lahat nating pinangarap?
Wala na ang malasakit, wala maging ang paglingap?
Walang tuwa kundi lumbay ang sa t'wina'y malalasap?
Ganito bang pagbabago tunay nating hinahangad?
LUZVIMINDA INANGBAYANG
Tapos na ang unang tindig ng makatang nagtunggali
Na nagsulit ng katwirang tumatagos sa 'ting budhi;
Sa ikal'wang yugto nitong balagtasang sumisidhi
Muli silang magbabalik, kapwa hangad ay magwagi;
Kababayang minumutya, salabunging nakangiti,
Si Masigasig Magtanggol – palakpakan nating muli!
MASIGASIG MAGTANGGOL (Ikalawang Tindig)
Mahirap na balansehin kung sino nga itong tama,
Kapag itong mga adik, iba'y musmos pa at bata;
Ang masakit pag nangyaring anak ko ang ginahasa,
Ano nga ba ang gagawin? Magmumukmok at luluha?
Kaya ako ay sang-ayon sa sistemang ginagawa
Ng gobyerno upang salot ng droga ay masawata.
Dapat lamang pagbayaran ang kanilang kamalian
Ngunit sistemang kulungan, bantay ay nababayaran;
Nakatangkal na nilalang, tila nagbuhay-mayaman
Paano mararamdaman, pasakit sa bilangguan,
Kung mismong sa kalooban, nandun ang drogang lutuan?
Bayas na pamahalaan! Tapusin ang kasaysayan!
Marami ang naaawa sa biktimang nadadale
At tumatanim sa isip malupit ang presidente;
Subalit sa kanila po maitatanong ko'y are:
Marapat nga bang buhayin kung masahol pa sa b'witre?
Wala silang pakundangan kung humalay ng babae?
Pano sila bubuhayin? Kayo na po ang magsabi!
Kung nasa isip ng iba, pinapatay ay kawawa,
Sa kabilang banda'y hindi sila basta bubulagta,
Kung matino't di masama, at parehas sa kapuwa;
Kung sa Bibliya'y tinala, ang pagkitil ay masama,
Kagaya ng panloloko, pagnakaw at paggahasa,
Kasalanan din ang droga, isaisip rin ng madla!
LUZVIMINDA INANGBAYAN
Buong-pusong pag-SANG-AYON ang katwirang inilatag
Ni Masigasig Magtanggol na ang diwa'y nag-aalab;
Katunggali niyang TUTOL hindi pa rin makapayag,
Kanina pa nagtitimpi't nagbabantang sumambulat;
Dinapoco Macatiis muli ngayong papayagpag,
Malutong na palakpakan isalubong nating lahat!
DINAPOCO MACATIIS (Ikalawang Tindig)
Paano ba matitiyak na pulis ay di papalpak?
Paano kung ginamit lang sa sariling iwas, libak?
Paano kung ang napatay sa krimen ay hindi tiyak?
Di man lang naipagtanggol ang sariling makaalpas,
Sa bintang na kasalanan, karapatan ay niyurak,
Basta na lang nabulagta ang kawawang masang hirap.
Pagpatay sa inosente’t suspetsadong mamamayan,
Kung hindi man komunismo ay iligal at imoral;
Ang sistema sa pagpuksa niyang droga ay tabihan,
Karapata’y binibigti’t demokrasya’y sinasakal;
Buong mundo ay tanungi’t walang bansang nahihibang
Na kakatig sa madugo at bihilanteng pagpatay.
Bihilante ay labag din sa batas na pandaigdig,
Pagka’t hindi makatao – sama’t suklam yaong hatid;
Sa bihilanteng pagpaslang ang sinumang tumangkilik
At itanghal na lubusan – malalagay sa panganib;
Sa hukumang pandaigdig tiyak silang magsusulit,
Mananagot sa di tumpak na takbo ng diwa’t isip.
Kaya ngayon ay minsan pang uulitin ko sa lahat
Na ang pagsugpo sa droga’y huwag daanin sa dahas;
Ang bihilanteng pagpatay ay di natin matatanggap,
Sa gitna ng pagluluksa ng asawa’t mga anak;
Pagpaslang ng militante ay kailangang magwakas,
Sa samo ng Inang Bayang nagdurusa’t umiiyak!
LUZVIMINDA INANGBAYAN
Ikalawang pagbabangga ng makatang matitinik,
Natapos na't sa ikatlo tayo ngayon ay papanhik;
Sa bahaging ito akong Lakambini'y tatahimik
At sila ay hahayaang magpukpukang walang paknit;
Kayo naman, kababayang kanina pa nananabik,
Isalubong sa kanila'y palakpakang pampainit!
MASIGASIG MAGTANGGOL (Ikatlong Tindig)
Muli'y aking ititindig ang napili kong katwiran,
Tungkol sa gawang pagsugpo sa salot nitong lipunan;
Marami ang nagsasabi di raw dapat pinapaslang,
Sa dahilang inosente at mga biktima lamang;
Ganun ba kaya kabobo itong mga kapulisan,
Na basta lamang dadakip ng mga walang basehan?
Ang tunay na inosente ay ang kanilang biktima,
Na walang awang hinalay dahil sila'y nakadroga;
Masahol pa sila sa hayop, mga walang kaluluwa,
Kaya marapat nga lamang na patawan ng parusa;
Upang hindi pamarisan ng iba pang durugista,
At matuto nang magbago habang sila'y may oras pa.
Pangunahing katungkulan ng gobyerno ay bantayan
Ang pantaong karapatan ng kaniyang mamamayan;
Kung may mga lumalabag sa batas ay marapat lang
Na parusa'y naaayon sa bigat ng kasalanan;
Drug user at pusher lubhang mapanganib sa lipunan,
Mabuti pang unahan na kaysa sila'ng makapatay!
DINAPOCO MACATIIS (Ikatlong Tindig)
Sugpuin natin ang droga! Ito’y tumpak na layunin,
At ako ay kasang-ayong ang problema ay supilin;
Nguni’t hindi sa sistemang namamasid ngayon nating
Ang krimen ay sinusugpo ng panibago pang krimen;
Kung nagtanim ka ng bagyo ay bagyo ang aanihin,
Sa biyolenteng nilikha, biyolente’y sasa-atin!
At sa ating bansa ngayon ay karaniwan na lamang
Na makita ang maraming namamatay sa lansangan;
Anong idudulot nito sa harap ng kabataang
Sa silong ng bukas nati’y pag-asa ng Inang Bayan?
Nangangamba tuloy akong sa kanila ay maparam
Ang damdaming makatao sa sariling kababayan.
O! Ang buhay nga ba nati’y nawawalan ng halaga
Sa tiwaling pamaraan ng pagsugpo niyang droga?
Ang sumbat ba niyang budhi ay hindi na alintana
Sa kawawang pagkasawi ng pumanaw na biktima?
Papaano ang naiwang mga anak at asawa
Ng pinaslang na salaring inosente’t walang sala?
(Balitaktakan)
MASIGASIG MAGTANGGOL
Di lahat ng nahuhuli ay kaagad pinupuksa,
Sa probins'ya namin mismo sumuko na'y isang laksa;
Subali't ang buhay nila ay di naman nasalanta,
Dahil sila ay sumuko nang tama at mapayapa;
Pagpaslang na madudugo ay nangyayari ngang sadya
Kung ang isang akusado ay una pang nagwawala.
Hinding-hindi mababali itong aking pagsang-ayon
Kung sa pagsupil ng droga ay ito lang ang solusyon
Tabasin at bunutin na ang promotor ng adiks'yon
Na siyang nagpapalugmok nang matagal na panahon
Sa moralidad ng bansang hinding-hindi makaahon
Pagka't ang mga sugapa ang sa 'tin ay nagbabaon.
DINAPOCO MACATIIS
Di man agad pinapatay ang sumukong laksa-laksa
Ay may ilang pagkatapos magpalista at manumpa,
Pinauwing umaasang pagbabago'y matamasa
Bigla na lang isang araw sa kalsada'y bumulagta!
Binaril ng nakamotorsiklong kubli yaong mukha
Dahil droga ang kaugnay, walang kasong naitala.
May nagsabing kung ang tanging kasangkapan mo'y martilyo,
Halos lahat ng problema ay pako ang solusyon mo;
Ganito ang nangyayari sa gobyerno nating bago,
Awtomatik kamatayan kapag droga iyang kaso
Gayong meron namang ibang solusyong mas epektibo,
Di labag sa konstitusyon, maka-Diyos, makatao!
MASIGASIG MATANGGOL
Aanhin ang konstitusyong karapata'y nasusulat
Nguni't walang sumusunod dahil walang magpatupad?
Ang matinong naka-droga, kung maulol, luto utak,
Karapatan ng kapuwa ang s'yang unang hinahamak;
Kung wa-epek ang pagdakip, ang pagkulong, at pag-rehab,
Mabuti pang todasin na't salot sila sa sosyedad!
DINAPOCO MACATIIS
Karamihang natotodas ng pulis man o Death Squad
Kung sino pa'ng walang laban – kabataan, mahihirap;
Malalaking isdang gaya ng drug lords na Chinese Triad,
Di mapuksa gayong sila ang higanteng tagatulak!
Kapag kapwa Pilipino ang salarin, patay agad!
Kapag Instik... kayo na po ang humusga, Bayang liyag!
MASIGASIG MAGTANGGOL
Layon ng pamahalaang iayos ang ating bansa,
Bawa't kalye gawing ligtas, malinis at mapayapa;
Pamunuang nakalipas, droga'y hindi napahupa,
Ngayong siryus ang gobyerno, bakit hindi bigyang-laya?
DINAPOCO MACATIIS
Ang gobyerno ay may layang piliin ang tamang hakbang
Basta ayon sa due process at batas ng kalupaan;
Hindi dapat isantabi ang pantaong karapatan...
Bawa't suspek, inosente hangga't di mapatunayan!
MASIGASIG MAGTANGGOL
Pulis, yan ang panuntunan, dahil bawa't operasyon
Sa ulat ng intelhens'ya nakasalig ang pag-aks'yon.
DINAPOCO MACATIIS
Ang ulat ng intelhens'ya'y sa husgado matitimbang,
Akusado at nagsumbong kung parehong di pa bangkay!
MASIGASIG MAGTANGGOL
Hindi sila matitimbog kung sa pulis di nanlaban!
DINAPOCO MACATIIS
Matagal ng modus iyan ng bulok sa kapulisan!
MASIGASIG MAGTANGGOL
Sa pulis ba't durugista, sino iyong kakampihan?
DINAPOCO MACATIIIS
Sino ba ang merong tsansang magbago pa: Buhay? Patay?
MASIGASIG MAGTANGGOL
Kung nais mo'y pagbabago, gobyerno ay suportahan!
DINAPOCO MACATIIS
Suporta ko'y buung-buo kung ligal ang pamaraan!
MASIGASIG MAGTANGGOL
Ligal nga'y kung walang ngipin...
DINAPOCO MACATIIS
Batas pa rin dapat sundin!
MASIGASIG MAGTANGGOL
Katuwirang walang silbi!
DINAPOCO MACATIIS
Igalang ang demokrasi!
LUZVIMINDA INANGBAYAN (Pag-awat at Paghatol)
Dinapoco Macatiis at Masigasig Magtanggol –
Akong inyong Lakambini pasingitin muna ngayon;
Tila bulkang nag-aapoy ang mainit n'yong diskusyon,
Magsitigil sumandali't pakinggan ang aking hatol;
Kayo namang nariritong sumasaksing madlang pipol,
Paulanan natin sila ng palakpak na maugong!
Bago ako magpatuloy, isa lamang paglilinaw
Upang ating maiwasan ang di wastong unawaan;
Kung dapat ba o di dapat na ang droga ay labanan
Maliwanag na dapat lang at di paksa ng usapan;
Ang tanong ay nakatuon sa sistema't pamaraan,
Kung sang-ayon ba o tutol ang makatang nagtagisan.
Ang sabi ni Masigasig Magtanggol ay sang-ayon s'ya
Sa sistema ng gobyerno sa g'yera ng kontra-droga;
Sa dami ng ginahasa't pinaslang ng durugista,
Di raw dapat buhayin pa silang halang ang kalul'wa;
Salamat sa pagbabagong ngayon lamang daw nadama
At tangi raw mahalaga ang bayan may pag-asa na.
Isa rin daw naman siyang tahimik na mamamayan
Na marubdob ang hangaring mapatino itong bayan;
Marapat lang diumanong nagkasala'y parusahan
Upang ibang durugista'y di na sila pamarisan;
Hindi na raw mababali pagsang-ayong binitiwan
Kung sa pagsupil ng droga tanging ito ang lunas lang.
Ang katwiran ni makatang Dinapoco Macatiis
Na tutol sa pamaraan ng gobyerno kontra-adik,
Karapatang pantao raw ay di dapat ipagkait
Sa sinumang nasasangkot na ang iba'y naliligpit;
May saligang batas tayong nagtatakda ng due process
Na aniya'y dapat sundin ng gobyerno sa pagtugis.
Pagpatay sa suspek pa lang, iligal daw at imoral
Karapata’y binibigti’t demokrasya’y sinasakal;
Hindi rin daw matatanggap ang bihilanteng pagpaslang
Pagka’t hindi makatao – ang hatid ay sama’t suklam;
Di raw patas ang hustisya: Kapag Pinoy, pinapatay;
Kapag Instik ang nahuli? Humusga ay kayo na raw.
Alin nga ba'ng mas matimbang sa katwirang inilatag
Ng makatang maginoo, matatapang, mauutak?
Ang "madugong pagbabago" ay pangakong tinutupad
Ng pangulong bagong luklok sa halalang nakalipas;
"Pagbabago" ay maganda, ang "madugo" ay taliwas
Sa kultura't moralidad nitong bansang Pilipinas.
Sa usaping SANG-AYON ba o TUTOL ka sa sistema
Ng gobyerno sa pagsugpo ng problema niyang droga
Sa inyo na, kababayan, ipapasa ang paghusga;
Subali't sa nagtunggaling magigiting na dalawa,
Dahil kapwa magagaling, ang hatol ko sila'y tabla...
Kaya ating palakpakan! Kami po ay paalam na.
PASASALAMAT
ANG BALAGTASANG ito ay nabuo sa tulong ng mga kaibigan at kasamahang makata, na ang karamihan ay sa Facebook lamang nagkakilala. Lahat ay kasapi ng GIMIKan TULAan at BIRUan sa Bahay Kubo (GTB), isang lihim na grupo sa nasabing social network.
Noong ika-11 ng Hulyo 2016, nag-post ako ng ganitong komento sa grupo:
Mga Minamahal na Ka-GTB,
Nais kong mamalimos ng ambag na kontribusyong katuwiran (siyempre, patula) para sa planong pagbuo ng isang balagtasan na magagamit ng mga kabataang mag-aaral ngayong nalalapit na naman ang pagdiriwang sa Buwan ng Wika.
Mabilis na tumugon ang mga miyembro, marami agad ang nag-LIKE, nag-post ng paanyaya at suporta – tenkyu, Gemma Pascual (Singapore), nagtanong, nagmungkahi, at di nagtagal, may nag-ambag ng unang kontribus'yon, hanggang sa nasundan ito ng marami pang iba.
Natapos ang pagsusulat at pag-edit ng balagtasan noong ika-31 ng Hulyo 2016, Linggo. Umabot ng 20 araw.
Narito ang pangalan ng mga kontribyutor at ko-awtor ng balagtasang ito, ayon sa hanay na alpabetikal ng kanilang huling pangalan:
• Roni Abanador (Italy)
• Bert Cabual (England)
• Mateo Escalante (Philippines)
• Eclipse Heart (Singapore)
• MVenus Peralta Magbanua (Philippines)
• Ellen Malapitan (Philippines)
• Paul Mapalad (Philippines)
• Ricky Medrano (Italy)
• Felix Ramos (United Arab Emirates)
Isang malaking pasasalamat ang ipinaabot ng inyong lingkod, na nagsilbing patnugot at nag-ambag din ng ilang bahagi (kabilang na ang sa iskrip ng Lakambini) sa mga nabanggit na makata at ka-GTB sa itaas.
Bagama't kabilang na ang pangalan sa itaas, nais kong muling pasalamatan si kamakata at kaibigang Bert Cabual sa kanyang todong pagsuporta at pagkatha ng pinakamaraming kontribusyon sa balagtasan.
Gayon din, pinasasalamatan ko si kamakatang Manuel Ambrocio (Philippines), na nagmungkahing huwag banggitin sa paksa ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Sa pinal na bers'yon, iniwasang banggitin ang naturang pangalan hindi lamang sa paksa kundi sa kabuuan ng balagtasan mismo.
Higit sa lahat, lubos ang aking pasasalamat kay Maconn Feliciano (Hong Kong), ang nagtatag at punong administrador (at kinikilala ring 'Katipunera' at 'Ina') ng GIMIKan TULAan at BIRUan sa Bahay Kubo. Hindi siya nag-atubiling ibigay ang basbas at pahintulot para mai-post ko ang panawagan sa grupo na siyang naging daan para sa masigla at malayang pagpapalitan ng magkakapareho at magkakasalungat na kurukuro.
Sa iba pang ka-GTB, ipagpaumanhin kung hindi ko mabanggit ang inyong mga pangalan dito, nguni't isipin ninyong labis-labis ang aking pasasalamat sa inyong lahat, saan mang dako ng daigdig kayo naroroon.
Bilang pangwakas ay hihiramin ko ang paboritong ekspresyon ng grupo na ang pasimuno at inspirasyon ay si Tata Raul Funilas ng Isla ng Talim (Philippines) – "Tuloy ang pabaga!"
Patnugot
Hulyo 31, 2016
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact