PAGSASAWALANG KIBO NG INAAPI
TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na magsawalang-kibo ang manggagawang inaapi?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Elvie V. Espiritu — Dapat
Gonie T. Mejia — Hindi Dapat
Rafael A. Pulmano — Lakandiwa
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Sumapit na ang sandaling hinihintay nating lahat
Ang pingkian ng talino, Balagtasan po ang tawag
Sa balanang nakikinig sa istudyo't nasa barracks
Samahan po ninyo kami sa matunog na palakpak.
Salamat po nang marami, ngayon kami ay handa na
Ako po si Ralph Pulmano, Lakandiwa pong huhusga
Dito'y walang palakasan, ang matalo ay pasensya
Ang manalo'y dapat namang pasalamat, pameryenda.
Buhay po ng manggagawang dayuhan at nagsisilbi
Ang sa paksa'y tutugunin ng dalawang magtunggali
"Dapat nga bang magsawalang-kibo yaong naaapi?
O hindi ba nararapat?" Kayo din po ay pumili.
Patalastas ko lamang po sa mahal kong kababayan
Maselan po itong isyung paksa nitong Balagtasan
Kung sakaling masasagi ang inyong pong kapintasan
Unawain lang po kami at wag sanang magdaramdam.
Makata pong matitinik ang sa laba'y maghaharap
Matitigas po ang mukha, parehas pong walang gulat
Taga Nueva Viscaya po ang syang unang maglalahad
Si Miss Elvie Espiritu'y salubungin ng palakpak!
DAPAT (Paglalahad ng panig)
Salamat po, Lakandiwa, kababayan, magandang gabi
Ako din po ay dayuhan, sa isla ay nagsisilbi
Dapat magsawalang-kibo, ang panig kong pinipili
Sa paksa ay ilalaban sa makatang katunggali.
LAKANDIWA
Matapos pong maihayag ang panig ng paraluman
Ang makata po ng Tarlac ang sunod na pagbibigyan
Di na dapat ipagtanong sa larangan ng bigkasan
Kay Gonie Mejia din po, palakpak ay pakawalan!
HINDI DAPAT (Paglalahad ng panig)
Kung paa ko'y natapakan, masasabi ko ay aray
Kung ako ay maaapi, dapat lamang ang umangal
Malinaw po ang tugon ko sa panig na ilalaban
Isang maligayang gabi, sa lahat po ang paggalang!
LAKANDIWA
Gusto na pong magsagupa ng dalawang mainit na
Palagay ko'y di tatagal at mayroong mababalda
Unang tindig ay si Elvie na ang byuti'y pang-artista
Palakpakan natin para mas lalo pong ganahan pa!
DAPAT (Unang tindig)
Lilinawin ko po muna itong aking kalagayan
Ako po ay hindi api sa 'king pinaglilingkuran
Dapat mang magsawalang-kibo ang panig kong ilalaban
Sa aking kinalalagyan, ito'y walang kinalaman.
Tayo'y mga nagsidayo, ang dahilan ay pangarap
Nang hirap ay matakasan, sa ginhawa'y makalasap
Wika nga, ang lahi natin, matiisin, masisipag
Na ipinagkakapuri ng Inang Bansang Pilipinas.
Kasakop sa pagtitiis ang ugaling matimpiin
Hindi basta nagngangalit ang matibay na damdamin
Hindi natin natitiyak ang bukas na aabutin
Pagka't maraming pagsubok malimit ang dumarating.
Iisa ang tinutungo nitong aking paliwanag
Tatag nati'y sinusubok, magkaminsa'y sinusukat
Naapi ka man ngayon, nguni't pagsapit ng bukas
Gantimpala'y makakamit, kung dito'y makakalampas.
Kung ikaw ay reklamador, sa bagay mang maliliit
Ikaw'y walang mararating lalo't ang boss mo'y nagalit
Katiyakan ay iisa, hanapbuhay ang kapalit
Kapag hindi ka na-renew, saka pa ba magbabait?
LAKANDIWA
Samantalang bumibigkas ang makatang nagpauna
Ang kalaban naman niya'y parang bakang nag-aalma
Si Gonie po'y nagbabalik, poging-pogi't mapustura
Ibalibat din po nati'y palakpakang pampasigla!
HINDI DAPAT (Unang tindig)
Ayaw ko pong mabintangang manggagawang reklamador
At sa mga naaapi, ako'y hindi nanunulsol
Dahil ito'y paligsahan, laan ako na tumugon
Para itong katunggali'y maamutan ko ng dunong.
Simula pa lamang ng laban, katalo ko'y lumihis na
Sa kanya ang pang-aapi ay pagsubok lamang pala
Baka siya'y sobrang bait, isang martir na nilikha
Kahit pa nga inaaba, ito'y okey din sa kanya.
Halimbawa naman kayang gawain mo'y sobra-sobra
At hindi pinapasahod sa dapat mong kinikita
Paano na ang pamilyang sa iyo ay umaasa?
Ikaw'y kahig nga nang kahig, sila'y walang natutuka.
Tayo'y umibayong-dagat, hanapbuhay ang dahilan
Ang bunga ng pagpapagod, ay dapat lamang tumbasan
Kung ito'y ipagkakait ng iyong pinagsisilbihan
Natural lang ang kumibo, pagka't ikaw'y nasasaktan.
Sa matuwid na salita, ay dapat lang ang umangal
Pagka't ayaw kong maapi, maabuso, malamangan
Ang hanap ko ay parehas, pagka't aking karapatan
Tanggapin ang nararapat, sa hirap kong pinuhunan!
LAKANDIWA
Unang tindig ay tapos na, sa ikal'wang paghaharap
Ako muna ay tatabi upang sila'y bigyang luwag
Si Elvie po ang syang muling papagitna at babanat
Palakpakan natin agad kagaya ng nararapat!
DAPAT (Ikalawang tindig)
Masasabi bang pang-aapi kung suweldo ay maantala?
Sa lumabis na gawain, iyan ba ay pandudusta?
Tayong mga naglilingkod, dapat ding makaunawa
Na ang pinaglilingkuran, di rin perpektong nilikha.
Ngayo'y aking lilinawin sa katalo ang pasaring
Ang mga pinagsisilbihan, may sariling problema din
Halimbawang ipakiusap o kaya ay mapapansin
Sila'y pansamantalang kinakapos, di mo ba uunawain?
Sa kundisyong pagsisilbi, dapat ding pahalagahan
Kapakanan ng kumpanya ay dapat pangalagaan
Lumabis ka man sa oras, kung kinusa mo din naman
Di na dapat pang tuusin, hindi dapat na iangal.
Sa ikabubuti ng paglilingkod, ikaw'y ay magpakatapat
Dapat magpakababa, nando'n man ang paghihirap
Ang tunay na pagpapala ng langit ay igagawad
Doon sa mga nilikhang inapi at nagpatawad.
HINDI DAPAT (Ikalawang tindig)
Kung araw ang itatagal sa sahod na maantala
Di pa ito pang-aapi na dapat ikabahala
Sa gawain na lumabis, kung iyo namang kinusa
Hindi ito pang-aapi, bagay pa ring balewala.
Kung buwan ang inaabot, ang sahod ay ibabalam
Labag ito sa kundisyon, hindi na tamang paraan
At kung labis na sa oras, utusan ka nang puwersahan
Turing dito'y pang-aapi, wala din sa kabutihan.
Nguni't itong katalo ko'y patuloy na umiiwas
Sa aming tunay na paksa ay wari bang nangingilag
Sa hindi po kaapihan, ang tema'y kinakaladkad
O baka po isang sipsip, magagapi siyang tiyak!
Pang-aapi ay abuso sa tuwiran na salita
Nandiyan ang ikaw'y saktan, alimurahin, dinudusta
Tinatakot, binubusabos nang labis pa sa alila
Ng isang pinagsisilbihan, ito pa ba'y bale wala?
DAPAT (Ikatlong tindig)
Ito yatang katalo ko'y nang-aapi na sa laban
Nais ko daw magpasipsip, wala pong katotohanan
Sa tinukoy mong panlalamang ikaw'y aking lalabanan
Nang mamulat ang mata mong pikit sa katotohanan.
Mayro'ng mga nang-aaping abusadong nananakot
Kung ikaw'y magreklamo, kapakanan mo'y masasangkot
At kung ikaw'y walang layang sa kinauukulan dumulog
Ang magsawalang-kibo ka ay hindi ba naaangkop?
Sa katunggali'y hanga ako pagka't siya ay matapang
Ang sa iba ay nangyari, hindi pa niya nasuongan
Kung sa kanya ay gagawin ng iba ay nararanasan
Baka po ang katalo ko'y mapipi din nang tuluyan.
HINDI DAPAT (Ikatlong tindig)
Maliwanag po ang tugon ng makatang paraluman
Na takot ang siyang sanhi, sa inapi ang dahilan
Upang magsawalang-kibo, nguni't sa totoo lang naman
Nais man daw ang umangal, ang paraa'y hindi alam.
Nagsawalang-kibo ang nagsisilbing kababayan
Akala ng kanyang amo, kuntento na siya sa ganyan
Pagka't nagsawalang-kibo, pang-aapi'y dinagdagan
Ang sala po ay nandoon sa nagsibing di maalam!
Marapat na isatinig ng sino mang naglilingkod
Nilalaman ng kontrata ang syang dapat na masunod
Kung ito'y di magagawa, natatangay ka ng takot
Ikaw din ang masasaktan, magdurusa sa himutok.
DAPAT
Walang aliping mas higit kaysa pinaglilingkuran
Turo'y pagpapakumbaba sa Aklat ng kabanalan
Hindi ikaw kundi sila ang higit nakakaalam
Kung ano ang nararapat, kung ano ang nababagay.
Sa isang taong mareklamo'y mailap ang kapalaran
Sa nagsasawalang-kibo ay maamo ang tagumpay
Sadyang di ko magagawang sa amo'y maging lapastangan
Tatanggapin kong maapi, nguni't hindi ang umangal!
HINDI DAPAT
Tayo'y di mga alipin na paris ng sinauna
Ito palang kahidwa ko'y may ugaling makaluma
Siya man daw ay alipin, ituturing pang ligaya
Kapakanan ay itinatanggi, anong uri kaya siya?
Maamo daw ang tagumpay sa isang nagpapaapi
Tingin ko po ay mailap kung ikaw'y maduduhagi
Sa nagsasawalang-kibo, ikaw man ay naaapi
Sa mali ikaw ay ayon, wala kang bait sa sarili!
DAPAT
Katalo ko'y hindi ganap ang tunay na pang-unawa
Maangal at mareklamo, hindi ako nangungutya
Nguni't hindi katuwiran lalo't buhay ang nakataya
Sa panakot ng nang-aapi kung reklamo'y magagawa.
HINDI DAPAT
Sa punto po ng pag-amin, umabot ang pagtatalo
Takot ang namumutawi sa hindi nagrereklamo
Maging sa sikat ng araw, maliwanag ang tugon ko
Kapag ikaw'y naaapi, marapat po ang kumibo.
DAPAT
Katalo ko'y pogi sana, kaya lang po ay makulit
Wala akong inaamin, paris ng iginigiit.
HINDI DAPAT
Ngayon pa magrereklamo itong aking kahidwaan
Bibig nya ang nagkanulo, magsawalang-kibo ka na lang!
DAPAT
Ang pagsasawalang-kibo ay bait sa pagsisilbi!
HINDI DAPAT
Wala yaong nang-aapi kung walang nagpapaapi!
LAKANDIWA (Paghatol)
Pinuputol ko na ngayon ang batuhan n'yo ng matwid
Irolyo na iyang dila, ibutones na ang bibig
Ang akin pong hiling naman sa lahat ng nakikinig
Palakpakan nating muli ang dalawang matitinik!
Balikan po natin ngayon ang katwiran ng nagtalo
Pagkatapos ay timbangin nang sa gayo'y mapaghulo
Kung alin ang nararapat kapag tao'y inabuso
Tatahimik na lamang ba o dapat bang magreklamo?
Sang-ayon sa paraluman, lahi nati'y matimpiin
Kung nais na guminhawa, lahat anya'y titiisin
Pang-aapi'y pagsubok daw sa tatag ng yong damdamin
Ang bukas ay hindi tiyak, kaya pisi'y pahabain.
Dapat rin daw unawaiin ang sitwasyon ng kumpanya
Na 'yong pinaglilingkuran, sila rin ay may problema
Reklamo ng naaapi'y maaari ding magbunga
Na permit mo'y di ma-renew, ang buhay mo'y mabingit pa.
Ayon naman sa makatang hindi payag malamangan
Kung nag-abroad man daw tayo'y trabaho ang pinuntahan
Pagpapagod ng naglingkod ay dapat lang na tumbasan
Nang ayon sa nasasaad sa kontratang pinirmahan.
Kung gawai'y sobra-sobra, sweldo'y kulang, atrasado
P'ano anya ang pamilyang umaasa lamang sa 'yo?
Wala raw abusado kung walang nagpapaabuso
Api'y lalong aapihin kapag takot, walang kibo.
Ang tao ay pantay-pantay kahit ano'ng kanyang lahi
Ang mang-api, mang-abuso sa kapwa ay sadyang mali
Subalit ang inaaping walang kibo, takot, kimi
Ay paris lang ng nang-api, walang bait sa sarili!
Si Elvie po at si Gonie'y sadyang kapwa mahuhusay
Nguni't ako ang hahatol at heto ang kapasyahan
Hindi dapat manahimik ang taong nilapastangan
Sumainyo ang saganang pagpapala ng Maykapal.
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.