BATA AT PAMALO

 

 

TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na paluin ang bata?

 

 

Mula sa panulat ni:

Bert Cabual

 

 

Balagtasang Itinanghal sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika 

sa Bulwagan ng Centre For Filipinos sa London, UK.

 

 

Mga nagsiganap sa Balagtasan:

Estela Vasquez-Nalden — Dapat

Fely Corcochea — Hindi Dapat

Bert Cabual — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA

 

Magandang gabi po, bati kong magiliw

sa nangatitipon ngayong panauhin…

Paksa: “Na ang batang minamahal nati’y 

dapat ba o hindi dapat na paluin?”

 

Katanungan itong nais bigyang-linaw,

kaya ngayong gabi ay may Balagtasan;

ang mga makatang dito’y napipisan, 

sa ngalang pagtula’y inaanyayahan.

 

 

HINDI DAPAT (Panawagan)

 

Paanyaya ninyo, bunying lakandiwa,

ay tinutugon ko nang bukal sa diwa;

nais kong ihayag at ipaunawang

ako’y tumututol paluin ang bata.

 

 

DAPAT (Panawagan)

 

Aming Lakandiwang kapita-pitagan,

sumasagot akong handa sa tulaan;

ang batang suwail sa mga magulang,

dapat na palui’t nang maging magalang.

 

 

LAKANDIWA

 

Mga manunulang kawal ni Balagtas,

ang paanyaya ko’y inyong tinatanggap;

yamang sa pagtula’y gustong magpasiklab,

kaya sa tanghala’y halina’t bumigkas.

 

 

(Lalapit sa tanghalan ang magtatalong mga makata.)

 

 

HINDI DAPAT (Pagpupugay)

 

Ako ay si Fely, mga kababayan,

tubo sa Banaba, San Mateo, Rizal;

bagaman at dukha ang mga magulang,

hataw ng pamalo’y di ko naranasan.

 

 

DAPAT (Pagpupugay)

 

Kung tawagin nila ako’y si Estela,

Taga-nayong-Arab ng Pidigan, Abra;

minulan kong angkan ay nakikilala, 

dahil sa pamalo na pandisiplina.

 

 

LAKANDIWA 

 

Binibiro tayo ng Inang tadhana

na ang magtatalo’y kapuwa diwata;

mga paralumang ganda’y pambihira,

nguni’t may kampilan sa isipa’t diwa.

 

Kaya’t dal’wang panig ang magtatagisan

sa napapanahon nating Balagtasan;

magulang at anak ditong napipisan, 

magsigising kayo’t pulutin ang aral.

 

Sa naritong madla’y unang ihahatid,

panig ng Di-Dapat na ngayo’y titindig;

Fely, tulain mo ang iyong matuwid

na sa bata’y subyang ang palong malupit;

(ang hiling ko naman madlang nakikinig,

palakpakan ninyong sa kaba’y pamatid.)

 

 

HINDI DAPAT (Unang Tindig)

 

Ayaw kong ang bata’y saktan at paluin,

iyang pamamalo’y tinik sa damdamin;

batang sinasakta’y nagmamatampuhin, 

nagiging rebelde’t mahinanakitin.

 

Hangad kong ang bata’y lumaking magalang

sa mga kapatid at mga magulang;

sa halip palui’y ating pangaralan

ng gawang mabuti’t kagandahang-asal.

 

Latay ng pamalo ay bakas ng galit

na ibinubunga’y lumbay at panangis;

marahas na palo ay hampas ng langit

sa musmos na puso at mura pang isip.

 

Hangal na magulang ang di mahahabag

sa giliw na bunsong luha’y pumapatak;

kung sa isang sabi’y di sumunod agad,

yakapin ang bunso’t akayin sa sipag.

 

Sa aking palagay ay hindi pamalo

ang makagagaling sa paslit na puso;

kinakailanga’y lambing at pagsamo

na di magbabawang dakilang pagsuyo.

 

Katotong Estela, hiling ko’y baguhin

ang panukala mong ang bata’y paluin;

pamalo’y itapon, at ating isiping

pag-ibig sa anak ang tanging pansupil.

 

 

LAKANDIWA

 

Unang pagkatindig ni Fely ng Rizal,

ibig nang gipitin ang kanyang kalaban;

nguni’t si Estela’y aking nalalamang

hagkis ng katalo ay kayang ilagan.

 

Kaya sa pagtindig, Estela’y tugtugin,

nota ng tula mong may ganda’t taginting;

kudyaping antigo’y iyong kalabitin,

sa Dapat Mamalo’y lagutin ang bagting;

(madlang manonood, ang akin pong hiling

ay palakpak ninyong sa puso’y pang-aliw.)

 

 

DAPAT (Unang Tindig)

 

Ang panig ko’y akin munang lilinawing

di lahat ng bata ay dapat paluin;

sa ulirang bata’t tubong masunurin,

ang palo’y taliwas sa usapan natin.

 

Biyaya at lugod sa isang tahanan

ang masuyong anak sa mga magulang;

tila anghel silang mapananaligan

sa magandang kilos at pamimitagan.

 

Dapat ang pamalo sa batang suwail

at ayaw makinig sa sabing magaling;

kung sa pagsigaw mo ay sumisigaw rin,

kunin ang latigo’t iyong hagupitin.

 

Magulang sa mundo’y may pananagutang

ituwid ang anak sa buktot na asal;

ang hindi makuha sa santong dasalan

ay dapat kuhanin sa santong paspasan.

 

Tamad kang magulang at wala kang buto

kung di mo mahubog ang mga anak mo;

isang kahihiya’t batik ay sa iyo

ng anak mong lisyang pasanin ng mundo!

 

Katalo, palad mong dapat ikagalak,

kung sa iyong angka’y walang naging liyas;

kung kapalaran mong may sutil na anak,

hahambalusin mo ng palong malakas

 

 

LAKANDIWA

 

Pipigilin ko po munang mamagitan,

nang di maabala ang pagsasagutan;

akong lakandiwa’y papagitna lamang

kung talagang ako’y kinakailangan.

 

Ngayo’y ikaw Fely ang muling bibigkas

ng katuwiran mong pamalo’y di tumpak;

palo ni Estela’y pag di mo nasalag

ay masasawi ka’t talunang lalabas;

(pagtindig ng ating makatang marilag,

salubunging muli ninyo ng palakpak.) 

 

 

HINDI DAPAT (Ikalawang tindig)

 

Nagturing ang aking bunying kamakata,

nang ang panig niya’y ating maunawa;

dapat daw palui’y suwail na bata,

kawawa na’y lalong gagawing kawawa!

 

Mag-isip ka muna kung ang bata’y pilyo,

bago mo lapatan ng iyong latigo;

kapag kaharap ka’y maamong kordero,

dapwa’t maghuhudas pagkatalikod mo.

 

Kung sa angkan namin ay may mga anak

na kung sa balatong ay masamang liyas;

sila’y parang tupang naligaw ng landas

na dapat hanapin ng matang may habag.

 

At sa paghahanap kung matatagpuan,

sila’y yayakaping buong pagmamahal;

nangangako kaming sila’y di sasaktan

ng pamalong lagim ang kahihinatnan.

 

Ang pananaguta’y taglay na parati

ng mga magulang sa anak na kasi;

nguni’t patawari’t ayaw kong sumali

sa santong paspasang iyong sinasabi.

 

Matanong nga kita, Estelang katoto,

kung ang anak mo ba’y mapabasagulo –

gugulpihin mo ba’t ikakalaboso,

kung may katarunga’t siya’y may prinsipyo.

 

 

DAPAT (Ikalawang Tindig)

 

Kung sa basag-ulo, bunso ko’y masangkot –

ang puno at dulo’y titingnan kong lubos;

kung ang katarunga’y kanyang sinusunod,

parurusahan ko ang dapat managot.

 

Sa himig ng iyong mga paghahayag,

ang tinuturol mo’y alibughang anak;

nang maglayas siya’t maligaw ng landas,

matapos magsisi, ang ama’y nagalak.

 

Nawalay na tupa’y mahal din ng pastol,

parabulang batid natin hanggang ngayon;

ang kawan sa mundo ng bagong panahon,

sa tulong ng tungkod ay itinataboy.

 

Hampas ng tadhanang masakit matanggap,

kung kaurali mo ay palalong anak;

sa pagpapalayaw ay nag-asal tunggak,

likong pagmamahal, ayon kay Balagtas.

 

Kung nangangaral ka sa anak mong tuso,

aral mo’y ubos na …. ayaw pang magbago;

kung di natatakot sa iyong latigo,

baka mo ibili ng BMW!

 

 

HINDI DAPAT

 

Ang BMW… hindi kailangan,

ang makabubuti’y pag-ibig na tunay;

luma mong pamalo’y iyong kalimutan,

nang ang iyong bunso’y maging kaibigan.

 

Kung walang pamalo’y wala nang luluha

na ipagsisimpi ng musmos na diwa;

sa ating panaho’y daming mga bata,

dahil sa pamalo, napapariwara.

 

 

DAPAT

 

Napapariwara? Hindi mo ba batid,

ang laki sa layaw ay may samang hatid;

sa droga’t sa alak daming nabubulid,

dalagitang anak mamalaya’y buntis.

 

Kawawang magulang ng batang naligaw,

likong pagkahabag sa bunsong minahal;

pagkapariwara sa gawang mahalay

ay isinisisi sa mga magulang.

 

 

HINDI DAPAT

 

Ang mga magulang ay sinisisi nga

sa maling paraan ng pag-aaruga;

dahil sa pamalo ang bata’y tulala,

at sa dakong huli’y naging alibugha.

 

 

DAPAT

 

Naging alibugha nang dahil sa layaw,

sa kapuwa tao ay walang pitagan;

hindi pinapansin ang tatay at nanay,

labis na kalinga’t sa latigo’y kulang.

 

 

HINDI DAPAT 

 

Sa latigo’y kulang, pagka’t ang latigo

ay wala nang bisa sa panahong ito; 

 

 

DAPAT 

 

sa panahong itong tao’y bagamundo

ay di papansinin ang kabaitan mo.

 

 

HINDI DAPAT 

 

Sa kabaitan ko’y bubuti ang anak,

 

 

DAPAT 

 

bubuti kung siya’y takot sa panghampas;

 

 

HINDI DAPAT 

 

panghampas ay lagim na nakasisindak

 

 

DAPAT 

 

sindak sa palo ko’y aral na matatag.

 

 

LAKANDIWA

 

Mga binibini, hintay muna kayo,

nagsa-aso’t pusa itong pagtatalo;

sa kahinahuna’y kung di matutoto

ay baka umandar ang yantok-Mindoro.

 

Habang tumatagal, tila nag-iinit

itong Balagtasang tagisan ng isip;

Fely, ito ngayon ang huli mong tindig,

tula mo’y itodo sa pagmamatuwid;

(upang sa pagtula’y ganaha’t lumawig,

palakpakan, bayan, ang ipaulinig.)

 

 

HINDI DAPAT (Ikatlo’t huling tindig)

 

Naririto akong napauunawa

sa mga magulang ng kawawang bata;

salbahe mang bunso’y di dapat lumuha

nang dahil sa palong hagkis ng tadhana.

 

Mga anak nati’y ayaw kong sumunod

sa atin, sapagka’t sa pamalo’y takot;

ibig ko’y paggalang na tapat sa loob

na katahimikan ang inihahandog.

 

Sa isang mag-anak kung may palo’t sigaw

ay di maghahari ang kapayapaan;

ang batang lumaki sa latigo’t suklam,

nagiging balakid sa katiwasayan.

 

Sa pamamahala’y hindi ko rin gusto

ang pamamaraang may poot at gulo;

hataw ng pamalo sa bata’y ayaw ko,

mistulang diktador at emperyalismo!

 

At sa pamayana’y aking hinihiling

na sa pagdarasal ang bata palakhin;

hindi sa pamalong parusang matalim

at tinik sa pusong sakdal hirap bathin.

 

Mga panauhin, aking pakiusap,

limiing mabuti ang panig kong hawak;

wala sa pamalo ang magandang bukas,

nasasa pag-ibig na walang pagkupas.

 

 

LAKANDIWA

 

Tumalon sa pugad ang inahing manok,

tila nangangant’yaw matapos mangitlog;

salatin, Estela, ang pakpak mong soot,

ang huli mong putak ay iyong ihandog;

(sa kanyang pagputak upang di mangatog

palakpakang muli ang ating isoob.)

 

 

DAPAT (Ikatlo’t huling tindig)

 

Mga kababayan, minsan pang limiing

ang mabuting bata’y di dapat paluin;

sapagka’t ang bata ay alay sa atin

ng Dakilang Diyos upang kalingain.

 

Hindi ko rin hangad na magdalang-galit

sa balighong anak at halang na isip;

sa pamamatnubay, matapat kong nais,

ang bukas ng bunso’y may ngingiting langit.

 

Ang bata’y paslit pa at ang niloloob

sa tama at mali’y di gaanong talos;

kung di aakayi’t gagabayang lubos, 

maliligaw siyang sa bait ay kapos.

 

Subali’t may batang may sariling tigas

na sa maling gawa ay nagmamataas;

kung sa panunuyo’y hindi maitumpak,

lunas ay pamalong may aral na tatak.

 

Iyang pamamalo’y huwag lalahukan

ng maling simbuyo ng galit at suklam;

bata ma’y masaling ng bigat ng kamay,

pamatnubay ito’t di kaparusahan.

 

Sa mga magulang ay paalaala,

supilin ang anak nang tama’t mabunga;

lapastangang bata’y bigyang-disiplina

sa ating pamalong panturo’t pag-asa!

 

 

LAKANDIWA

 

Kapos ang isip ko’t umid yaring dila

sa pangangat’wiran ng dal’wang makata;

tilamsik ng isip at kislap ng diwa’y

mahirap aruki’t hindi ko mahaka.

 

Kayong nalilimpi’y hihingan kong tulong

ng palakpak ninyo sa gawang-paghatol;

itong aking kamay kung saan ipatong,

pumalakpak lamang ang sumasang-ayon.

 

 

Aling palakpakan ang lalong matunog, 

sinong nagtagumpay na makatang bantog?

 

 

(Itatapat ng Lakandiwa ang kamay sa ulo 

ng bawa’t makatang nagtunggali. Inaasahang 

susuubin sila ng masigabong palakpakan.)

 

 

LAKANDIWA

 

Aling palakpakan ang lalong matunog,

sinong nagtagumpay na makatang bantog?

anuman ang ngayo’y inyong niloloob,

pagdating ng bahay, lubusin ang sagot.

 

Maraming salamat bayang nakikinig

sa mga sandaling tayo’y nagkaniig;

mga kataga kong gayak nang umalis,

payagang sa Wikang Sarili’y magtindig!

 

 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link