PEOPLE POWER VS GMA?

 

 

TANONG:   Dapat ba o hindi dapat na mag-People Power Revolution ang mga Pilipino upang patalsikin sa Malacanang si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo (GMA)?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Dinapoco Macatiis — Dapat

Masigasig Magtaggol — Hindi Dapat

Solomon Jurado — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA

 

Kababayan at Kalahi, tayo ngayon ay may tanong

Na sa inyo ihihingi ng sagot at ng solusyon

Dapat ba o hindi dapat patalsikin sa posisyon

Si GMA sa paraang People Power Revolution?

 

Si GMA – Mga kasong sa kanya ay inuugnay

ZTE Deal na umano'y sangkot din si First Gentleman,

Hello Garci Controversy sa eleksyong may dayaan,

At ang pondong nawawala dahil sa Fertilizer Scam.

 

People Power Revolution – Di madugong himagsikan

Kung saan ang mga tao, sama-sama, kapit-kamay

Nagtitipon sa kalsada, taimtim na nagdarasal

Mapayapang hinihiling mabakante Malacanang.

 

Bukas na ang entablado sa ibig na makilahok

Ilahad ang nalalaman, ilabas ang niloloob:

Ang Pangulong si GMA na umano ay kurakot

Kung dapat na paalisin, People Power ba ang sagot?

 

 

DAPAT

 

Sa bigat ng akusasyon at sa dami ng paratang

At sa dusang dinaranas ng hirap nang mamamayan

Kailangan mapatalsik, Pangulo sa Malacanang

People Power Revolution ang mabisang kasangkapan.

 

Dinopoco Macatiis ang lingkod nyong kumakatok

Sa sinumang makalaban, handa akong makihamok

At sa paksang napakinggan, malinaw ang aking sagot:

Ang panig ng DAPAT ang syang pinili kong itaguyod.

 

 

HINDI DAPAT

 

Sa lahat ng naririto, naririyan, naroroon

Bumabati muna akong si Masigasig Matanggol

Noong una, pangalawa, pumatok ang Rebolusyong

People Power, ngunit ito ay wala nang 'power' ngayon.

 

Akusasyon at paratang, sabi-sabi, haka-haka

Wala namang matibay na ebidensyang mapakita

Nais lang ng oposisyon, ang maghari nama'y sila

Maliwanag: HINDI DAPAT ang panig kong isasangga.

 

 

LAKANDIWA 

Dalawa nang mabilasik sa pagtula ang narito

Baka tayo'y magkagulo kung gagawin silang tatlo

Simulan na agad natin ang banggaan ng berdugo

Sa panig ng DAPAT, Bayan, ibigay ang palakpak nyo!

 

 

DAPAT

 

Ang posisyon ng Pangulo ay galing sa mamamayan

Na bumoto upang siya'y iluklok sa katungkulan

Kaya naman mamamayan ang mayron ding karapatan

Na ito ay kuning muli pag Pangulo ay pasaway.

 

Ang paraan ng pagbawi sa binigay na posisyon

Maaaring isagawa sa susunod na eleksyon

Ngunit kung di na mahintay, lehitimo pa ring option

Ang maghain ng Impeachment, magdaos ng Snap Election.

 

Ang Pangulo'y maaaring magbitiw rin namang kusa

At ipasa ang tungkulin sa Bise Presidente nya

Subalit kung sa luklukan, kapit-tuko syang talaga

Resignation, Snap Election, at impeachment, walang tsansa.

 

Kung talagang parang lintang walang balak sumantabi

Kahit sukang-suka na nga ang bumotong nagsisisi

Taong bayan, pag nag-aklas, civil war ang mangyayari

Pag sundalo, nag-coup d'etat, baka Junta ang maghari.

 

Di kaylangan ang magbuhos ng dugo ang Pilipino

Di kaylangan ang magbuwis ng buhay ng kapwa-tao

May paraang mapayapa, nagawa na natin ito

People Power ang bubuwag sa baluktot na gobyerno!

 

 

LAKANDIWA 

 

Maaanghang na kataga ang kaagad binitiwan

Ng makatang Dinapoco Macatiis ang pangalan

Si Masigasig Magtangol, sunod nating pakikinggan

Salubungin nating lahat ng masiglang palakpakan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Unang EDSA Revolution, unang People Power Revolt

Nagpatalsik sa diktador at pamilyang mga Marcos

Bahagi ng kasaysayang naulit pa sa EDSA Dos

Nang si Erap, pinakulong at si Gloria, iniluklok.

 

Kasaysayang nagsimula sa magandang simulain

Sa pag-asang mas gaganda ang takbo ng buhay natin

Ngunit ano ang nangyari? Sa gobyerno naron pa rin

Ang kurakot na sistema, mas malala pa sa kanser.

 

Kahit ilang People Power pa ang gawin, walang silbi

Pagod na ang taong bayan sa pagmartsa at pag-rally

Dahil kahit na sino pa'ng maluklok sa Presidency,

Ang pagbago sa kultura ng korapsyon, imposible.

 

Saka mga pagpaplanong si GMA patalsikin

Dahil siya'y iniugnay sa kaso ng ZTE deal

Ng testigong whistle blower sa ginawang Senate Hearing

Pawang tsismis, pulitika, gimik, luma nang tugtugin.

 

Kaya sayang, sayang lamang kung babalik sa lansangan

At mag-People Power muli ang sawa nang mamamayan

Mabuti pang magtrabaho, wag na tayong makialam

Sa bangayang pulitikal at wika nga ay "Let's move on!"

 

 

LAKANDIWA 

 

Mahinahong pinagtanggol ni Masigasig ang panig

Samantalang kanina pa tila hindi makatiis

Ang kaniyang katunggaling muli ngayong nagbabalik

Salubungin ng palakpak, pampagana't pampainit!

 

 

DAPAT

 

Totoo bang pagod na nga sa People Power ang madla?

Hindi kaya prayoridad lamang nila ay sikmura?

Araw-araw, dumarami isang kahig, isang tuka

Iba'y di pa makakahig dahil trabaho ay wala.

 

Bakit walang matrabaho? Bakit masa'y naghihirap?

Gayong ayon kay GMA, ekonomya'y umaangat?

Ang dahilan, iilan lang kasing mga mapapalad

Ang maswerteng yumayaman kung bansa nga'y umuunlad.

 

Sila'y mga kaalyadong mayaman na'y nayaman pa,

Kaibigang negosyante, kakampi sa pulitika,

Mga corrupt sa gobyerno, mga puno ng ahensya

Mahihilig mangumisyon, mangupit, magdelihensya.

 

Tingnan na lang ang ZTE Broadband Network Deal na palpak

Na saksi pa si GMA sa pagpirmahan ng contract

Nang kontrata ay naglaho, ang balita'y sumambulat,

Kalahati daw ng presyo, komisyon ng taga-Wack Wack!

 

 

LAKANDIWA 

 

Nagbabagang katuwiran, mababagsik na salita

Walang takot na sinambit ng magiting na makata

Ang kalaban, ano kaya ang sagot na itutudla?

Palakpakan nating muli at dinggin ang kanyang tula!

 

 

HINDI DAPAT

 

Ang makatang katunggali ay pangahas magparatang

Gayong ito'y pawang tsismis at mahina ang batayan

Si Rodolfo 'Jun' Lozada, na witness sa ZTE scam,

Isang Probinsyanong Intsik, magaling lang sa iyakan.

 

Marami sa sinabi nya ay hearsay at haka-haka

Ngunit walang ebidensyang mas kapani-paniwala

Kung susundin ang mahigpit na proseso ng Hustisya

Sino man sa sinangkot nya, hahatulang walang sala.

 

Aminin na ang totoo, wag na sanang magkunwari

Pakana ng oposisyon si Lozada at ZTE

Gayon na rin ang isa pang whistle blower na si Joey

Para alsin si GMA, sila naman hahalili.

 

Suma-total, pulitika, pulitika't walang iba

Ang dahilan kaya tao'y nagagalit, nag-aalma

Madre, guro, estudyante, ginagawang raliyista

Ginagatungan ng mga ambisyoso sa Kamara!

 

 

LAKANDIWA 

 

Umiinit, kumukulo, paakyat na sa sukdulan

Ang bakbakan ng dalawang nagsisipag-Balagtasan

Ako muna ay tatabi at sila na'y hahayaan

Palakpakan nating muli, Kababayang minamahal!

 

 

DAPAT

 

Kung tunay ngang walang timbang ang lahad na testimonya

Bakit kaya tinangka pang kidnapin si Jun Lozada?

Pati si CHED Secretary Neri, bakit, bakit nga ba

Pinipigil ng Palasyong tumestigo't magladlad na?

 

Kung malinis ang kunsyensya, walang bahong tinatago

Bakit ang E.O. 464, di bawiin ng Palasyo?

Bakit nga ba tila takot na mabunyag ang totoo?

Bakit pati taumbayan, niloloko't ginagago?

 

Panahon na upang tayo'y kumilos at makialam

Patalsikin ang pinunong kurakot sa pamahal'an

Sa impeachment tayo'y bigo, at malabo syang mag-resign

People Power Revolution, sasagip sa ating bayan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Bakit ipi-People Power si GMA na nagsikap

Na iahon itong bansa sa lusak ng paghihirap?

Lumalago ang GNP, ang piso ay tumataas,

Kampante ang negosyante, unemployment lumalagpak.

 

Bakit itong ekonomyang pinaunlad ni Arroyo

Pilit namang winawasak ng magulong pulitiko?

Bakit hindi makiisang Strong Republic ay itayo?

Bakit ang "Politics of Hate" ang pilit ibinabato?

 

Problema ng ating bansa, hindi dapat nilulutas

Sa paraang emosyonal, pag-iingay, pag-aaklas

Ang maruming pulitika, sa halip na mapaunlad,

Ekonomyang maganda na'y muli nitong ibabagsak!

 

 

DAPAT

 

Kalaban ko na rin mismo ang tumumbok sa problema

Kung bakit di makuntento kay GMA mga masa

Marami pa hanggang ngayon, sa pagkain sumasala

Marami ang nagtitiis na sa abroad paalila.

 

Ekonomya ni GMA ay hanggang istatistiks lang

Pagka’t ito'y di madama ng maraming mamamayan

Paano nga'y nahuhuthot o di kaya't nahaharang

Ng tiwaling namumuno at kasabwat sa nakawan.

 

 

HINDI DAPAT

 

Corruption di mapipigil kahit sino ang maupo

People Power, di solusyon kung hangad ay pagbabago

Mas mainam patapusin si GMA sa termino

Kaysa maging problema pa'y ang papalit na Pangulo.

 

Kung si Bise Presidente Noli de Castro luluklok

Marami ring tumututol, ninenerb’yos, natatakot

Si Erap daw ay English lang ang na-corrupt, nabaluktot

Si Kabayang Noli kaya, anong uring paglilingkod?

 

 

DAPAT

 

Katunggaling hindi kalbo, ibig yatang magpatawa

Sa layuning mailihis itong paksa naming dal'wa

Sino man ang hahalili, yan ay bukod na problema

Na sa ibang Balagtasan nararapat na igisa.

 

 

HINDI DAPAT

 

Hindi ako nagbibiro, kailangan nitong bansa

Ay pinunong matalino, matalas ang pang-unawa

Kaya tayo may eleksyon, upang bayan ang humusga

Pumili ng nararapat na mamuno sa kanila.

 

 

DAPAT

 

Karapatang ninakaw na ni GMA nang tawagan

Nya si Garci sa Comelec kahit bawal at ilegal!

 

 

HINDI DAPAT

 

Pulitika'y isantabi, isulong ang kaunlaran!

 

 

DAPAT

 

Kaunlarang nagpipyesta'y mga corrupt na opisyal!

 

 

HINDI DAPAT

 

Si GMA ay di corrupt, mahal nya ang ating bayan!

 

 

DAPAT

 

Baka naman minamahal lamang niya'y kabang-bayan?

 

 

HINDI DAPAT

 

Sinungaling! Mapanlamang!

 

 

DAPAT

 

Naroon sa Malacanang!

 

 

LAKANDIWA 

 

Itigil ang pag-aaway! Kayo muna ay kumalma

Kapwa kayo may katwiran, may punto ang bawa’t isa

Kababayang kanina pa nagmumuni't nakanganga

Palakpakan nating muli ang magiting na dalawa!

 

Patalsikin si GMA? o hintayin ang eleksyon?

Palitan sa 2010? o People Power na ngayon?

Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Panginoon...

Kayong madlang pipol na po ang humusga at humatol.

 

 

 

 

 

 

Mula sa may-akda

​

Ang napapanahong balagtasang ito ay isinulat at nakumpleto ngayong Linggo, ika-24 ng Pebrero, dito sa Pohnpei, Federated States of Micronesia. Hanggang sa mga sandaling ito ay wala pang katiyakan kung ano ang mangyayari sa Pilipinas sa susunod na mga araw. Ang balagtasang ito, anuman ang maging kagapanan sa hinaharap, ay magiging bahagi na lamang ng kasaysayan na para sa mga musmos at di pa ipinangangak, ay masasabi naming kami ay naging saksi sa mga pangyayari, at kabilang kami sa maraming naghahangad na matigil ang korapsyon sa lahat ng antas ng aming pamahalaan, na ang katapatan at katotohanan ang maghari sa aming Inang Bayan.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link