PANGINGIBANG-BANSA
TANONG: DAPAT ba o HINDI DAPAT na mangibang-bansa ang taong may pamilyang maiiwan?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Elvie V. Espiritu — Dapat
Rafael A. Pulmano — Hindi Dapat Lakandiwa; sumulat din
ng iskrip para sa Lakandiwa, na ginampanan ni Bayani Cambronero
LAKANDIWA (Pambungad)
Ako muna'y bumabati sa lahat ng naririto
Lalo na sa KSAI sa kanilang an'bersaryo
Nawa'y lalong lumawig pa't patuloy na magserbisyo
Sa pamilya't pamayanan ang radyo n'yong makatao.
Isang munting balagtasan itong aming inihanda
Hindi lamang upang kayo'y aliwin at bigyang-tuwa
Ang nais din naman nami'y makasama kayong sadya
Sa pagsagot nitong tanong na s'ya ngayong ating paksa.
Ang tanong ay: Halimbawang ikaw'y taong may pamilya
Marapat ba o di dapat na mangibang-bansa ka pa?
Sapat kayang kabayaran ang dollar na kinikita
Upang ikaw'y mapalayo sa pamilyang sinisinta?
Sa nabanggit ko pong paksa'y may dalawang magtatalo
Ang panig ng isa'y DAPAT, isa nama'y kontra rito
Tatawagin ko pong una ay si ELVIE ESPIRITU
Masigabong palakpakan ang sa kanya ay ibato!
DAPAT
Ako ngayo'y nakatayang ipagtanggol ang karapatan
Ang pagdayo'y nararapat sa hirap ng kabuhayan
Ang pagharap ko sa inyo'y isang malaking karangalan
Magandang gabi po sa inyong lahat, mahal kong mga kababayan!
LAKANDIWA
Narinig n'yo, kababayan? iyan po ay sample pa lang
Hindi po ba parang tigreng nakawala sa kulungan?
Ngayon naman, ang hahamon ang s'ya nating pagbibigyan
Si RAFAEL PULMANO po ay atin ding palakpakan!
HINDI DAPAT
Nilalanggam na pagbati ang sa inyo'y aking hatid
May mapulot nawa kayo sa matabil naming bibig.
Mag-abroad po ay okey lang, subalit kung sa pag-alis,
May pamilyang maiiwan, palagay ko'y hindi mat'wid!
LAKANDIWA
Hayan sila, kababayan, handa na pong magbanggaan
Pero hintay, ako muna'y pakikilala rin naman
BAYANI CAMBRONERO po, Lakandiwang papagitan
Bakit kayo nakanganga? Kayo ba ay walang kamay?
Maghaharap na po ngayon ang dalawang magtatalo
Tingnan natin kung sino ang tatanghaling kamp'yon dito
At kung sino ang uuwing bali-bali yaong buto...
Nagbabalik, palakpakan muli si Miss Espiritu!
DAPAT (Unang Tindig)
Likas sa ating Pilipino ang magandang katangian
Di kailanman pagagapi, paaalipin sa kahirapan
Dahil dito'y nagagawang ipasya at isakatuparan
Ang sa bansa ay lumayo, sa ibang lupain manirahan.
Walang hindi naghahangad umunlad ang kabuhayan
Walang hindi nangangarap ang bukas ay paghandaan
Lalo't sa ibang lupain ginhawa ay makakamtan
Ninanais na paglayo ay di dapat na tutulan.
Sa ating bansa ay maraming mga walang hanapbuhay
Gawain ang hinahanap ngunit walang matagpuan
Kung tayo kaya'y di pinalad sa isla makakapaghanapbuhay
Hindi kaya tayo na rin sa kanila ay kabilang?
Angaw-angaw pang mamamayan naghahangad na dumayo
Nang dahil sa kamasalan patuloy silang nabibigo
Mayroong ibang nalilinlang sa mga pangakong napapako
Patunay sa ibang bansa sa hirap may pagkahango.
Sa sinambit kong mga pahayag ang pagdayo ay dapat lang
Upang sa hirap makatakas, hikahos ay maiwasan
Handa akong makihamok sa tagisan ng kat'wiran
Sa sinumang nagnanais ang pagdayo'y mahadlangan!
LAKANDIWA
Unang round lang tila ibig na kaagad patulugin
Ni Elvie ang kalaban n'yang kaaakyat pa lang sa ring
Si Rafael ay atin pong dito'y muling tatawagin
Sa palakpak na matunog siya'y ating salubungin!
HINDI DAPAT (Unang Tindig)
Di ko yata matanggap na Pilipino'y abang-aba
Naranasan na ba ninyong sa sabungan ay magsimba?
Sa sinehan, karerahan, sa tayaan ng loterya
Siksikan ang mga taong nagtatapon lang ng pera!
Kung hangad lang umasenso kaya mangingibang-bayan
Mababaw na kat'wiran yan at di dapat na patulan
Malinaw ang sinasabi ng Banal na Kasulatan:
"Ang tao ay hindi lamang sa tinapay nabubuhay.”
Sinabi ng katalo ko'y marami sa ating bansa
Alipin ng kahirapan kaya ibig makawala
Nangingibang-bayan sila? Sila kaya'y lumalaya?
Kadalasa'y mas busabos ang dayo sa ibang lupa!
Kung alipin, ano'ng sabi ng Pangino'ng Hesukristo?
"Katotohanan ang siyang magpapalaya sa iyo."
Ano nga ba ang totoo? Talaga bang pobre tayo?
Sabihin mo'y likas lamang na di tayo makuntento!
Ngayon naman, pakinggan mo ang taghoy ng isang anak
Na magulang ay nag-abroad, hangad rin daw ay umunlad:
"Inay, Itay...Nasa'n kayo? NGAYON na po, hindi bukas,
Mas higit kong kailangan ang kalinga n'yo't pagliyag!"
LAKANDIWA
Kung ang unang nagpahayag ay tigre nga sa bakbakan
Ito namang ikalawa'y parang leong umuungal
Aawatin muna natin para muling bigyang-daan
Ang kaniyang katunggali, palakpakan natin, Bayan!
DAPAT (Ikalawang Tindig)
Sa Banal na Aklat nasasaad mga buhay nating hiram
Ay dapat na pagyamanin sa abot ng kakayahan
Ang tao nga'y hindi lamang sa tinapay nabubuhay
Bagay itong espirituwal, ngunit paano ang katawan?
Busabos nga sa paningin ang nakikipanilbihan
Na dapat tanggapin ng loob pagka’t isang katotohanan
Ito ba ay mangyayari kung hindi lang sa dahilan
Na tayo ay mahihirap ngunit dapat ding mabuhay?
Matitiis mo ba ang anak sa gutom ay humihiyaw
Kung kikitain sa sariling lupa hindi sapat, kinukulang?
Higit ko pang titiisin sila'y pansamantalang iiwan
Kaysa parating kapiling, kapwa sa gutom ay lupaypay!
Ako ngayon ang magtatanong kung di mo ipagdaramdam
Bakit ikaw'y nandirito at wala sa sariling bayan?
Kung sa iyo ang pagdayo ay isa ngang kapintasan,
Sa isla'y hindi ka dapat humanap ng kabuhayan!
LAKANDIWA
Tagaktak na ang pawis ko sa init na nanggagaling
Sa banggaan ng dalawang sadyang kapwa magagaling
Si Rafael Pulmano po'y atin muling pabigkasin
Malutong na palakpakan ang iganti naman natin!
HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)
Kalaban ko'y palagi nang ginigiit na kat'wiran
Tayo anya'y naghihirap, pulubi sa ating bayan
Kung may sipag, may tiyaga, may tiwala sa Maykapal
Di kaylanman magugutom sa 'ting bansa ang sinuman!
Tama, dapat pagyamanin yaring buhay na kaloob
Ngunit hindi sa sukdulang kaylangan kang pabusabos
Ani Hesus, "Hanapin mo muna'ng kaharian ng D'yos
At ang ibang kaylangan mo ay Kaniyang idudulot."
Kung ang anak na musmos pa'y matitiis na iwan mo
Di asawa'y iiwan din sa ngalan ng pag-asenso?
Hindi ito ang s'yang turo ng Banal na Ebanghelyo:
"Pinagbuklod ng D'yos ay 'wag pagh'walayin nga ng tao!"
Sa tanong mo: Oo, heto ako't wala do'n sa atin
Pero baka di mo alam, pamilya ko'y narito rin.
Mandayuha'y di masama at HINDI ko pinupuwing
Ang di tama'y mag-abroad ka kung mayroong maninimdim!
LAKANDIWA
Saglit akong papagitna upang kayo'y abisuhan
Ito na ang huling tindig ninyong mga maglalaban
Hahayaan ko na kayong magbaknatan, magkagatan
Pag oras na'y ako mismo ang da-dial sa 911!
DAPAT (Ikatlong Tindig)
Sa kat'wiran na sinambit ng makata kong kalaban
Wari siyang nangangarap ng isang kababalaghan
Kung hindi ba hahanapin ang bagay mong kailangan
Kusa bang idudulot ng Diyos, sasaiyong basta na lang?
Hindi dahil sa nag-abroad ang kapilas mo sa buhay
Ito'y ituturing mo nang tuluyang paghihiwalay
Sa tinukoy mong maninimdim, sa akin ay kabalbalan
Kung dumayo man ang isa, tiwala ang siyang kailangan!
Tayo ngayo'y mga dayo dahil itinulot ng Diyos
Dapat mo ring pasalamatan pagka’t biyayang kaloob
Ako lang ay nagtataka, kung dayo nga ay busabos
Bakit pati pamilya mo, tangay mo pa at hinakot?
HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)
Akin munang lilinawin dahil tila lumalabo
Ang paksa ng balagtasang direks'yon ay lumiliko
Ang tao bang may pamilyang maiiwan pag lumayo
Ay dapat ba o di dapat na mag-abroad? Ay, hindi po!
Ano ba ang hinahabol niyong nangingibang-bansa?
Kayamanan? Karangyaan? Katanyagan? Sikat ka nga!
Pero tingnan naman natin? lahat bang ya'y sapat kayang
Kabayaran sa bahagi ng buhay mong nawawala?
Iyang bunso'y lumalaki, ibang kamay ang may karga
Asawa ay di mayakap (baka meron na s'yang iba)
Birthday, Pasko, Bagong Taon? Nasa'n sila? Nasaan ka?
Ibabalik ba ng dolyar ang kahapong naglaho na?
DAPAT
Dama ko ay lumilihis ang makata kong kalaban
Ngayo'y nais palitawin walang silbi ang mga dolyar
Hindi ka ba nahihiyang baka ikaw ay pulaan?
Isang huwad na dumayo, sa dolyar nakikinabang!
Ang tao'y di nabubuhay sa basta lang pagmamahal
Pagka’t tayo'y may sikmurang kung gutom ay kumakalam
Kung ikaw ay sadyang tutol, sa pagdayo'y humahadlang
Bulag ang iyong mga mata sa tuwirang pamumuhay!
HINDI DAPAT
Kalaban ko'y di makulit, mahina lang umintindi
Baka naman ang tainga'y barado lang ng tutuli
Di nga ako nagtataka kung sa aking sinasabi
Baligtad ang pang-unawa ng aba kong katunggali!
Ganyan na ba kagrabe ang buhay sa 'tin sa Philippines?
Pag di dolyar ang kita mo'y wala ka nang makakain?
Ang sumpa ba sa dambana'y basta na lang babawiin
Na sa hirap at ginhawa'y magsasama hanggang libing?
DAPAT
Kung ikaw ay Pilipino, ang tanong ko ay sagutin
Ba't hinangad mo ring umalis sa sinilangang lupain?
Ikaw din ay may pamilya, kung isip mo'y di inutil,
Ang kapilas bang saglit dadayo, taksil mo nang ituturing?
HINDI DAPAT
Tama: Ako'y Pilipino; Mali: Di ko pinangarap
Na mag-abroad, kami nama'y kumakain pa sa oras
Kusa na lang na dumating, trabahong di hinahanap
Gastos nga ng pamilya ko'y employer din ang nagbayad!
DAPAT
Pipiliin ba ang mali, iwawaksi ay ang tama?
Pati pamilya ay damay, katalo ko'y mangmang yata!
HINDI DAPAT
Para akong lumalaban sa kalbo ng sabunutan
Mali lamang ang mag-abroad kung pamilya'y maiiwan!
DAPAT
Kalbo man ang ilaban sa iyo, ang pagdayo'y papanigan ko!
HINDI DAPAT
Dapat sa yo'y magpakulot kung ganyan ang kat'wiran mo!
DAPAT
Ang pagdayo ay dapat lang!
HINDI DAPAT
Kung wala kang maiiwan!
LAKANDIWA (Paghatol)
Magsitigil muna kayo't iparada iyang bibig
Pareho na kayong high blood, kaya dapat manahimik
Kayo namang nanonood at mat'yagang nakikinig
Palakpakan muna natin ang dalawang matitinik!
Katungkulang napabigay sa akin po'y di madali
Dahil kapwa may katwiran ang makatang nagtunggali
Palitan ng kurukuro'y habang aking minumuni
Lalo akong nalilito sa paghatol at pagpili.
Di lahat ng nag-aabroad ay totoong walang-wala
Karamiha'y may trabahong maayos sa ating bansa
Merong lalong umiigi, meron ding napapasama
Para itong sugal, pati pamilya ay nakataya!
Sa tingin ko, wala namang di naghangad umasenso
Kung paano aasenso'y diyan tayo nagtatalo
Ang iba ay praktikal lang, iba nama'y may prinsipyo
Kung nasa'n daw ang 'yong yaman ay naro'n din ang puso mo.
Kayo nama'y malaki na, alam n'yo na'ng tama't mali
Batid n'yo nang dapat gawin ke-mag-abroad man o hindi
Ang hatol ko ngayo'y ito sa dalawang nagtunggali
Kayo'y tabla, patas, quits lang. Ang bayan ang s'yang nagwagi!
Sina Elvie Espiritu (kaliwa), Bayani Cambronero, at Rafael Pulmano sa live broadcast ng Balagtasan sa palatuntunang "Pag-usapan Natin" ng KSAI radio station sa Saipan, Commonwealth of the Northern Mariana Islands
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.