BOKSINGERONG ANAK

 

 

TANONG:  Kung hangad ng kaisa-isa mong anak ay maging isang boksingero, PAYAG o TUTOL ka ba?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Gonie T. Mejia — Payag

Rafael A. Pulmano — Lakandiwa; sumulat rin sa iskrip ng Tutol, na ipinagtanggol ni Emma C. Malaca

 

 

LAKANDIWA (Pagbubukas)

 

Kagaya ng nararapat, ako muna'y bumabati

Sa naritong mga seksi at tulad kong mga pogi

Kami po ay nakahanda na pong muling mangiliti

Upang kahit kayo'y homesick, kahit konti'y mapangiti.

 

Ako po si Ralph Pulmano, Lakandiwa ninyong lingkod

Taga Binan, Laguna po, bumabating buong lugod

Para lalong ganahan po't mawala ang aming nerbyos,

Pwede po bang makahiling ng palakpak na matunog?

 

Ang paksa ng Balagtasa'y akin na pong ihahayag:

Kung anak mo'y iisa lang, lalaki s'ya, at ang hangad

Bilang isang boksingero balang araw mapatanyag

Ikaw baga na magulang ay tututol o papayag?

 

Matapos pong mapakinggan ang tanong na sasagutin,

Ang dalawang magtatalo'y atin na pong tatawagin

Si Emma C. Malaca po ang sya nating paunahin

Sa masiglang palakpakan ay atin pong salubungin!

 

 

TUTOL (Pagpupugay)

 

Kumusta po kayong lahat, kababayang minamahal

Ako po ay isang inang sa inyo ay nagpupugay

Masakit po para sa 'kin na makitang sinasaktan

Ang anak ko, kaya “TUTOL” ang panig kong ilalaban!

 

 

LAKANDIWA

 

Taga-Nueva Ecija po ang makatang paraluman

Sa Tarlac po naman buhat ang makata nyang kalaban

Pogi rin po, huwag lamang titingnan nang matagalan

Si Gonie T. Mejia po ay atin ding palakpakan!

 

 

PAYAG (Pagpupugay)

 

Bilang ama nitong batang lalaki't bugtong na anak

Kung boksing ang siyang hilig akong ito ay papayag

Itulot po ninyo ngayon sa inyo muna'y maigawad

Ang kayo ay batiin ko, magandang gabi po sa lahat!

 

 

LAKANDIWA

 

Di na natin ibibitin ang labanan ng dalawa

Simulan na agad natin habang sila'y mainit pa

Ang makatang paraluman ang sya muling mauuna

Ang atin pong igaganti'y palakpakang masagana!

 

 

TUTOL (Unang Tindig)

 

Syam na b'wan pong dinadala sa kanyang sinapupunan

Ng ina ang kanyang sanggol bago ito maisilang

Syam na buwang sakripisyo, paghihirap, pagdaramdam,

Ang buhay ng dinadala'y karugtong ng kanyang buhay.

 

Sa oras na iluluwal ang sanggol na sinisinta,

Ang ina ay nakabingit sa hukay ang isang paa

Ang kirot ng panganganak na wala nang pangalawa

Ay ganap na napapawi pag supling ay nakita na!

 

Sa paglipas pa ng araw, linggo, buwan, mga taon

Gatas sa dibdib ng ina ang sa gutom ay pantugon

Kahit ina'y sobrang pagod sa gawain sa maghapon

Hindi pwedeng di babangon pag umuha itong sanggol!

 

Kung ni lamok ay aayaw padapuin sa anak nya

At sa konting magalusan, ina rin ang nagdurusa

Gaano pa kayang hapdi sa magulang na makita

Ang anak ay binubugbog sa boksing ng kalaban nya!

 

Tutol akong ang anak ko ay makipagsapalaran

Sa larangan niyang boksing na sakit lang ng katawan

Kung minalas-malas ka pa, sa boksing pag napuruhan

Ang koronang kakamtin mo'y korona ng mga patay!

 

 

LAKANDIWA

 

Sa simula pa lamang po'y patayan na ang usapan

Ako muna'y papagitna nang tumagal itong laban

Ang makatang makisig po ang sya namang pagbibigyan

Palakpakan din po natin para naman wag magdamdam!

 

 

PAYAG (Unang Tindig)

 

Maraming ikinumpisal na pasakit ang kalaban

Wika'y dinanas ng ina sa anak nang maisilang

Ang anak ba'y pinalaki, inaruga't pinagkamal

Nang sa dakong mga huli'y gagawing pagmaramutan?

 

Bugtong mang anak na lalaki'y kung boksing nahihiligan

Dahil ito ay propesyon, hindi dapat siyang hadlangan

Pagka’t ito'y paligsahan, mabugbog di maiiwasan

Lakas at tibay ng loob ang dito'y nakasalalay.

 

Magulang ba ay maramot, mga sakim kung magmahal?

Pati hangad nitong anak magboksingero'y tatanggihan

Di ba dapat ikatuwa sakaling maging kampeon sa larangan?

Katalo ko yata'y mahina, sa karangalan umaayaw!

 

Hindi dahil sa sinabing anak mo ay boksingero

Pawa lang kapahamakan dito'y kanyang matatamo

Pahihintulutan mo ba siya sa larangan na ganito

Kung walang gilas-kakayahan aspeto sa kampeonato?

 

Tumanyag ang bayan natin, dinakila't kinilala

Dahil sa ating mga kampeon — Flash Elorde't Pancho Villa

Mga koronang nakamit sa iyo'y isang paalala

Korona ng karangalan, tagumpay ng bansang sinta!

 

 

LAKANDIWA

 

Unang salpok ng dalawang nagtatalo'y nakita n'yo?

Mukhang bago maglinawan ay malaki munang gulo!

Si Emma po'y nagbabalik, kaya bayan, ang hiling ko

Isalubong agad nati'y palakpakang masigabo!

 

 

TUTOL (Ikalawang Tindig)

 

Malasakit ang turing ko sa tawag mong kasakiman

Karamutang tinukoy mo, sa akin ay pagmamahal

Kung magulang ay di dapat sa anak ay makialam

Bakit ang D'yos nating Ama'y nagbigay ng kautusan?

 

Ang utos na sa magulang nagmumula'y di pagsiil

Sa ligayang hinahangad ng anak na mahal sa 'kin

Ang anak nga'y naglalakbay sa di tukoy na landasin

Magulang ang mas may alam sa peligrong susuungin.

 

Kung ang hanap ng supling mo'y mapatanyag sa lipunan

Tungkulin mong ipakita sa kanya ang wastong daan.

Sa Bibliya'y nasusulat: Ang anak ba ay bibigyan

Mo ng bato kung ang kanyang hinihingi ay tinapay?

 

Alalaong baga, alam mo nang boksing ay di tama

Kalusugan, pati buhay ng anak mo'y nakataya

Parang batong ipupukpok sa ulo ng minumutya

Kung matinong magulang ka, yan ba'y dapat ikatuwa?

 

 

LAKANDIWA

 

May katwiran ang makatang ang damdami'y maka-Ina

Pakinggan po naman natin ang tugon ng kalaban nya

Si Gonie ay maglalahad ng panig ng isang ama

Wag po kayong mahihiya...Sige na po, palakpak na!

 

 

PAYAG (Ikalawang Tindig)

 

Malasakit na hunghang at hangal na pagmamahal

Kung patuloy mong bilanggo ang anak sa karapatan

Sa landas na tatahakin higit pa syang maliligaw

Kung inaangkin nyang sarili minamaniobra ng magulang

. 

Hindi iniutos ng Diyos na saklawin mo ang lahat

Lalo't ito'y kapakanan at kasiyahan ng anak

Ang tinukoy mong tinapay, magiging bato ang kasukat

Kapag anak mo'y binigo, damdamin nya'y maghihirap.

 

Magulang ay hinahangad anak nila'y mapabuti

Hindi naman sa paraang hilig nila'y itatanggi

Hindi dapat nakapalda ang anak mo na lalaki

Ito yatang katalo ko, Korokan ang kanyang lahi!

 

Kung boksing nga ay di tama, dapat itong ipagbawal

Ngunit ito'y tinatanggap sa larong pampalakasan

Dahil di ko pinipiit ang anak sa kagustuhan

Sa akin ang katinuan, sa katunggali ang kamangmangan!

 

 

LAKANDIWA

 

Sa ikatlo't huling tindig, atin na pong matitimbang

Kung sino ang tatanghaling kampeon nitong Balagtasan

Ako muna ay titiklop, silang dalwa'y hahayaan,

Kayo namang nanonood, gamitin ang mga kamay!

 

 

TUTOL (Ikatlong Tindig)

 

Pilipit po ang katwiran nitong aking katunggali

Anya'y hangad ng magulang na anak ay mapabuti

Ngunit di raw sa paraang hilig nila'y itatanggi

Eh, kung hilig nya ay shabu, ano'ng iyong masasabi?

 

Hindi naman komo ikaw'y nagsabi ng hindi gusto

Pati layang magdesisyon ng anak ay inalis mo

Sya pa rin ang masusunod, kung sumuway man sa iyo

Mahalaga ay hindi ka nagkulang sa pagpapayo!

 

Karangalan ba ng bansa pag ang anak ay nagkampeon?

Palakpak ng nanonood, sa nagwagi nga ba ukol?

Boksing, gaya ng basketbol, ay katulad din sabong...

Hindi manok, kundi pusta, ang dinayo ng sugarol!

 

 

PAYAG (Ikatlong Tindig)

 

Sumasablay na uppercut ang tugon ng katagisan

Kumikitid ang matuwid na di ko maintindihan

Propesyon ba ay kahambing ng isang gamot na bawal

Di naman sa pamimintas, siya yata'y isip-tungaw!

 

Umamin din ang makatang kalaban ko sa matuwid

Na anak ang masusunod sa nahihiligan niya't nais

Di na dapat patagalin itong laban kahit saglit

Pagka’t dito ay lantaran nang gapi ko ang kanyang isip!

 

Sa boksing ay kapwa tao sa rueda ang maglalaban

Hindi kaparis ng sabong dayuhin ng nagpupustahan

Ako'y sadyang nagtataka sa katalong paraluman

Hinahalintulad ang boksing sa di dapat kahambingan!

 

 

TUTOL

 

Nagbibilang na ng sisiw ang kalaban ko pong sunog

Gayong di pa napipisa ang itlog nyang baka bugok!

K'westyon dito'y di po naman kung sino ang masusunod,

Palagay ko'y kailangang paiksamen sya ng tuktok!

 

Maliwanag po ang tanong na paksa ng pagtatalo

Ang kaisa-isang anak ay gustong magboksingero

Bilang ina, ako po ba'y sasang-ayon? Ano, hilo?

Di pwede yan! Kung gusto mo, magsuntukan na lang tayo!

 

 

PAYAG

 

Ang pagtutol po sa anak ng ginang na hindi sunog

Nangangahulugan lamang siya ang nais masunod

Sa seryosong paglalaban, halatang siya'y tiklop-tuhod

Ngunit marunong din palang magkenkoy kahit di panot!

 

Ako'y isang mahabagin lalo't lasing ang kalaban

Hindi ako pumapatol sa babae ng suntukan

Ang magboksing ang anak mo, bakit di mo mapayagan

Samantalang ikaw pala ay boksingera din naman?

 

 

TUTOL

 

Hindi ako boksingera, pero kapag kinukulit

Lalaki mang katulad mo ay kaya kong ipaligpit

Ikaw itong hinahamon, ba't anak ang ginigiit?

Nagdududa tuloy ako, bakla ka ba o silahis?

 

 

PAYAG

 

Matindi yata ang tama sa akin ng paraluman

Ngayo'y mukhang nagseselos, lingkod nyo'y pinaparinggan

Kung hindi lang nakagapos ang puso sa ibang mahal

Baka ako'y magkamaling ikaw'y aking pagbibigyan!

 

 

TUTOL

 

Akala ko'y malilipat sa Murphy ang basurahan

Nasa utak mo na pala ngayon ang Puerto Rico dump!

 

 

PAYAG

 

Nagsimula ang basura sa bibig mo at salita

Inagapan ko nga lamang na huwag itong kumawala!

 

 

TUTOL

 

Kung sa inang kagaya ko ay wala kang pakundangan

Di lalo na sa yong anak na bulag ang tagaakay!

 

 

PAYAG

 

Akin na pong ibabalik ang laban sa katinuan

Bilang ama nitong anak, sa boksing siya'y pagbibigyan!

 

 

TUTOL

 

Bilang ina'y tutol ako ngayon, bukas, hanggang wakas!

 

 

PAYAG

 

Ako naman po'y di hadlang, ngayon, bukas, kaylan pa man!

 

 

TUTOL

 

Katalo ko'y nagladlad na!

 

 

PAYAG

 

Lakandiwa ang huhusga!

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Manahimik muna kayo at ang bibig ay i-zipper

Lumalalim na ang gabi, ako naman ang papapel

Kababayang nanonood, wag ilipat iyang channel

Ang dalawang magagaling, palakpakan muli natin!

 

Kasabihang mas madali ang manood at magmiron

Tama't mali'y napupuna, di problema ang maghukom

Ngunit akong lakandiwang nakasalang din po ngayon

Ay totoong nalilito sa dapat kong maging hatol!

 

Ang paksa po natin dito'y simple lamang sa umpisa

Sa boksing ay inaalam, opinyon mo'y ano nga ba?

Subalit kung hihimayin ang katwiran ng dalawa,

Mas malawak po ang isyung batayan ng pagpapasya.

 

Imateryal po ang hiling, o kung ilan ang yong anak

Ang hamon sa ama't ina'y alin nga ba ang mas dapat...

Payagan ang supling kahit may peligrong mapahamak,

O, tutulan siya gayong may sarili na syang utak?

 

Merong mga nagsasabing di tungkulin ng magulang

Na linisin at ihanda sa anak ang daraanan

Ang kaylangan ay bigyan mo sya ng mapa bilang gabay

Sa pagtahak sa malubak na landasin nitong buhay.

 

Alalong baga, maging tutol ka man o sang-ayon

Sa hangad ng iyong anak, magulang ka na ang misyon

Ay magpayo at mangaral ng tama at naaayon

Ngunit anak, hindi ikaw, ang dapat na magdesisyon.

 

Kahit na po anong bagay, hindi tama kapag sobra

Gayon din po ang magulang sa pagtrato sa anak nya:

Kung sukdol ang malasakit, sakim na ang yong pagsinta

Kung labis ang layaw naman, iresponsable kang ama.

 

Nang tanungin ko'ng misis ko, may katwiran daw si Emma

Pero sabi ng anak ko, si Gonie ang mas-type nila

Kaya ngayon, para wala pong mag-welga, sila'y tabla

Pagpalain tayong lahat ng Dakilang Diyos Ama.

 

 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link