PAGKAKAISA NG MGA PILIPINO

 

 

TANONG:   KAYA ba o HINDI KAYA ng mga Pilipinong magkaisa?

 

 

Mula sa panulat ni:

Rafael A. Pulmano

 

Mga nagsiganap sa pagtatanghal:

Emma C. Malaca – Kaya

Rafael A. Pulmano – Hindi Kaya

Pert Magtapat – Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA (Panawagan)

 

Sa simula ay pagbati at masayang pagpupugay

Ang handog ko sa naritong natitipong kababayan

Dalangin ko'y lagi kayong patnubayan ng Maykapal

At makamtan araw-araw ang payapang pamumuhay.

 

Kaya tayo naririto'y pagka’t wala tayo roon

At tayo ay wala roon dahil dito tayo ngayon

Subalit ang isang sanhi kaya tayo natitipon

Ay sapagka’t meron tayong sasaguting isang tanong.

 

Ngunit bago magtanungan, pakilala muna tayo --

Ako po si PERT MAGTAPAT, laki't tubong Batangueno

Sa Balagtasan pong ito'y Lakandiwa ang papel ko

Mabait na Lakandiwa - ang matalo, pugot-ulo!

 

Maswerte raw tayong mga manggagawang nandayuhan

Dahil dito'y masagana at ang sweldo pa ay dolyar

Ngunit dito ay meron ding masaklap ang kapalaran

Biktima ng pang-aapi sa trabahong napasukan.

 

Pag ganyang may manggagawang biktima ng pag-abuso

Na ang lalong mas marami'y kapwa nating Pilipino

Marapat lang na kumilos tayong mga naririto

Upang mali'y matigil na at ang sala'y maiwasto.

 

Subalit kung ang kikilos ay ilan lang at di lahat

Ay malabong kamtin iyang pagbabagong hinahangad

Kaylangan ay magkaisa, magkabuklod, magkayakap

At 'yan ngayon ang s'yang paksang sa inyo ay ilalahad.

 

Ang tanong ay "Kaya kaya, o di kaya makakaya

Nating mga Pilipino na totoong magkaisa?

Sadya bagang lagi tayong walang paki, kanya-kanya?

O mayroon pa ba tayong tinatanaw na pag-asa?

 

Bukas ngayon ang tanghalan sa nais na makihamok

Tiyakin lang ng sasali na ang utak ay di bugok

Balagtasan ay di biro, talino ang s'yang pampukpok

Talino rin ang panangga, pansalag sa bawa’t suntok!

 

 

KAYA (Pagpapakilala)

 

Sa mabunying Lakandiwa't kababayang naririto

EMMA MALACA is my name, bumabati po sa inyo

Humihiling na sana po'y tanggapin sa entablado

Sana rin po'y dumami pa ang dollar na maipon n'yo!

 

Hindi na 'ko liligoy pa: isang tanong, isang sagot

Kaya baga nating mga Pilipinong magkabuklod?

'Yan ba'y dapat sagutin pa? Kitang-kitang very obvious...

Oo, s'yempre, walang duda, definitely, oh yes, of course!

 

 

LAKANDIWA (Pagtanggap)

 

Ang makatang si Emma ay akin ngayong tinatanggap

Halika at 'wag ka riyan sa ibaba magpasikat

Pinasok mo'y Balagtasang tagisan ng mauutak

Kung kokonti ang baon mo'y p'wede ka pang makaatras.

 

 

KAYA

 

Salamat po, Lakandiwa, hindi kayo mabibigo

Sanay ako sa bigkasan, d'yudo, arnis, larong piko

Balagtasang nilahuka'y hindi lamang tatatlumpu

Tatlumpu kong nakalaban, ngayo'y nasa Mental pa po!

 

 

HINDI KAYA (Pagpapakilala)

 

Ang sabi n'ya, dumami raw ang dollar n'yong maiimpok

Ang sa aking hiling naman kung sakaling itutulot,

Madagdagan sana rito ang Pinay na mangingitlog

Para naman automatic na mayroong U.S. Passport!

 

RAFAEL A. PULMANO po ang lingkod n'yong nagpupugay

Ako man po'y humihiling na tanggapin sa tanghalan

Sa tanong ng Lakandiwa, ang panig kong ilalaban:

Pilipino'y hindi kayang magkaisa kaylan pa man!

 

 

LAKANDIWA (Pagtanggap)

 

Magtuloy ka kung totoong sa bakbakan ay handa ka,

Kundi naman, d'yan ka na lang, 'wag na dito magkalat pa

Dito'y walang karapatan ang mapurol pagka’t baka

Tayo rito ay batuhin ng balanang nakanganga!

 

 

HINDI KAYA

 

Salamat po, di rin kayo magsisisi pagka’t ako

Ay batikan sa tulaan at hindi pa natatalo

Kung nais pong patunayan ang galing ko, tanungin n'yo

Ang lahat kong nakalaban - naro'n po sa sementeryo!

 

 

LAKANDIWA

 

Yamang kapwa narito na ang makatang maglalaban

Simulan na agad natin itong ating Balagtasan

Unang tindig ay si Emma, siya'y ating palakpakan,

Pag pumalpak, saka natin paulanan ng masinggan!

 

 

KAYA (Unang Tindig)

 

Mahigit na pitong libo ang isla ng ating bansa

Bawa’t bayan mong puntahan, iba-iba yaong wika

Iba-iba ang ugali, kanya-kanyang paniwala

Ngunit tayo'y isang lahi na nilikha ni Bathala.

 

Dahil isang lahi tayo'y nakaukit sa isipan

At puso ng Pilipino ang diwa ng makabayan

Kaya pag may inaapi, kung may dapat ipaglaban

Handa tayong magkaisa, kapit-bisig, damay-damay!

 

Bakit tayong Pilipino taun-tao'y nagdiriwang

Niyang ating tinatawag na Araw ng Kasarinlan?

Ito kayang bansa natin ay malayang matuturan

Kung noo'y di nagkaisa yaong ating kababayan?

 

Noong tayo'y magkaisang ang diktador mapatalsik

Tayong mga Pilipino'y iginalang ng daigdig

Ang Edsa ay siyang saksi na di tayo palulupig

Kapag tayo'y nagkaisa ng damdamin, puso't isip!

 

Nagkaisa tayo noon, kaya bakit hindi ngayon?

Kaya nating magkaisa sa'n man tayo naroroon!

Kaya nating magkaisa sa mabuting nilalayon,

Isang lahi, isang dugo, isang mithi, isang nasyon!

 

 

LAKANDIWA

 

Ang makatang nagpauna'y maliwanag na nagsaysay

Anya'y kaya nating Pinoy magkaisa, magkatuwang

Ang kaniyang katunggali'y atin namang pakikinggan

Tingnan natin kung talagang ang tuktok nga ay may laman!

 

 

HINDI KAYA (Unang Tindig)

 

Kalaban ko'y para palang sugarol sa betubeto

Nakatikim lang manalo, umasa nang walang talo

Hindi komo't noong araw, nagbuklod ang Pilipino,

Lagi na nga't kahit saa'y magkasangga na nga tayo.

 

'Wag na tayong lumayo pa: marami d'yan na pamilya

Ama't ina, mga anak, may alitan tuwi-t'wina

Kung pamilya na kayliit ay di na nga magkaisa,

Gaano pa tayong mga Pilipinong sangkaterba?

 

Ang dakilang Panginoo'y labingdal'wa ang alagad

Isipin mo, labingdal'wa - ang isa pa ay nag-Hudas!

Kung sila nga na kokonti, magkaisa ay kayhirap,

Di lalo na tayong mga Pilipinong sangkatutak!

 

Ang tunay na nangyayari,masakit man kung pakinggan,

Lagi tayong kanya-kanya, parang hindi magkakulay,

Problema ng kapwa tao'y wala tayong pakialam

Kung meron mang pakialam ay para lang magsiraan!

 

Di nga p'wedeng magkaisa tayong mga Pilipino

Karamihan kasi sa 'tin ay may utak-alimango

Maayos ang pakisama pag maayos lang ang takbo

Ngunit pag may problema na,kanya-kanya, labu-labo!

 

 

LAKANDIWA

 

Si Emma kung magsalita, akala mo ay lilindol

Si Rafael naman, parang sasabog ang bulkang Mayon

Ikalawang tindig ngayon ng dalawang nagsasabong

Palakpakang matutunog, muli nating isalubong!

 

 

KAYA (Ikalawang Tindig)

 

Kalaban ko'y hindi naman reporter ng d'yaryong tabloid,

Ang maganda'y di mapansin, nakikita lang ay bulok

Mas maraming Pilipinong maka-Bayan, maka-Diyos,

Ngunit ang 'yong pinupuna'y yung masamang kakarampot!

 

Sa pamilya ay oo nga't laging merong tupang itim

At Hudas ay di mawala saan ka man makarating

Ngunit ito'y natural lang at di dapat maging sagwil

Sa sino mang naghahangad na ang tao'y pag-isahin.

 

Kaya tayo nagbubuklod, nagsisikap magkaisa

Ay sapagka’t nais nating lumakas ang ating p'wersa

Ang hindi mo magagawa at hindi ko makakaya

Kaya nating magampanansa lakas na pinagsama!

 

Sila, ikaw, saka ako, tayong lahat ay may lakas

Na di kayang maitumba kahit merong maging ahas

Marami sa Pilipino ay may dangal at may utak

Tutulong sa kapwa Pinoy sa halip na magpahamak!

 

 

LAKANDIWA

 

Aawatin ko na sana si Emma nang sumandali

Napansin kong si Rafael, kanina pa di makali

Siya ngayo'y nagbabalik -mas mainit, mas matindi

Para lalong mapasarap, palakpakan nating muli!

 

 

HINDI KAYA (Ikalawang Tindig)

 

Ngayon ko lang napagtantong kalaban ko ay balimbing

'Ginigiit na ang Pinoy ay kaya raw pag-isahin

Pagkatapos, siya na rinitong ngayo'y umaamin

Na hindi raw mawawala ang Hudas at tupang itim!

 

Paano mo masasabing tayo'y p'wedeng magkaisa

Kung sa "tayong" sinabi mo'y merong ibang ipe-p'wera?

Tanong dito'y kaya baga, o hindi ba makakaya,

Nating mga Pilipinongmagkaisa? Ay hindi, ah!

 

Sa kumpanyang halos puro Pinoy na ang empleyado

Siguradong merong sipsip, vacuum cleaner, sumbungero!

Di baleng may matapakan para lamang umasenso

Sapagka’t ang kanyang motto: "Mabuhay ang sarili ko!"

 

Di ko naman sinasabing ahat tayo'y puro palpak

Marami ring Pilipinong ibig tayong maiangat

Ngunit ilan sila't ilan naman yaong naghahangad

Na itaas ang sarili kahit kapwa'y maibagsak?

 

 

LAKANDIWA

 

Kung baga sa niluluto, kumukulo na nang husto

Ang bungguan ng dalawang kapwa ayaw magpatalo

Komo ito'y huling tindig, tatahimik muna ako

Hahayaan ko na silang magkabaklian ng buto!

 

 

KAYA (Ikatlong Tindig)

 

Pilipino ay maraming magagandang katangian

Na ang iba ay mana pa sa kulturang nakagisnan

Isa rito yaong ating kung tawagi'y Bayanihan

Na kung saan bawa’t isa'y bukas-palad sa pagdamay.

 

Ang ugaling ito'y bukal at likas sa ating dugo

Handa tayong makiisa saan man tayo magtungo

Mababa ang ating loob, malambot ang ating puso

Lalo't kapwa natin Pinoy ang lumapit, nagsumamo.

 

Dahil dito'y buo pa rin yaring aking paniwala

Kaya nating magkaisa sa halip na magkasira

Kaya nating magkabuklod sa dakilang ninanasa

Lalo na kung dangal nitong ating lahi'y nakataya!

 

 

HINDI KAYA (Ikatlong Tindig)

 

Palibhasa'y luma ka na, paniwala mo'y luma rin

Bayanihang sinabi mo'y malaon nang napalibing

Isipin mo na lang yaong mga Pinoy na recruiter

Sa kapuwa Pilipino'y sila pa ang nangbi-victim!

 

May nagsabing ang tao raw'y tatlong uri, tatlong klase:

Yaong una'y gumagawa nang sa gayon may mangyari,

Ikalawa'y nanonood na lamang sa nangyayari

Ang ikatlo'y natutulog, walang alam sa nangyari.

 

Marami sa Pilipino'y tagamasid, tagapuna

Hindi na nga gumagawa, mahilig pang mang-intriga

Meron namang sigurista,may sakit sa "Teka muna,"

At meron ding mukhang pera, sasama lang kung kikita!

 

 

KAYA

 

Kalaban ko'y pogi sana, kaya lamang, may diprens'ya

Marahil sa konsumisyon pinaglihi ng nanay n'ya

Sa halip na kabutihan ng Pinoy ang iparanya

Sa pagpintas ng kapuwa ay s'ya pa ang nangunguna.

 

Isa ka ring Pilipino kaya bawa’t kasiraan

Na ipukol sa kalahi'y ikaw rin ang tatamaan

Pero kahit na ilan pa ang tulad mong mapang-asar,

Mas marami pa rin kaming sa Bayan ay nagmamahal!

 

 

HINDI KAYA

 

Oo, ako'y Pilipino - walang labis, walang kulang

Kapintasan ng bayan ko'y dala ko ring kahihiyan

Katulad mo ay hangad kong magkaisa tayong tunay

Ngunit, "kaya ba o hindi?"-Yan ang paksa ng usapan!

 

Sa tingin mo, bakit tayong Pilipino'y kinakaya?

Inaapi, minemenos, minamaliit ng iba?

E, kasi nga, hindi tayo kailan man magkaisa

Pansariling kapakanan ang palaging inuuna!

 

 

KAYA

 

Gayon pala, alam mo nang dapat tayong magkaisa

Para itong pang-aapi sa Pinoy ay matigil na,

Bakit hindi ka pa ngayon makisali, makisama?

Mas marami, mas matatag, mas matibay, mas may p'wersa!

 

 

HINDI KAYA

 

Ang salitang "magkaisa" ay maganda ngang pakinggan

Subalit sa nariritong trabaho ang pinuntahan

Iyan ba ay makakain ng sikmurang kumakalam?

Yan ba'y p'wedeng mai-remit sa pamilyang naghihintay?

 

 

KAYA

 

Kapag tayo'y nagkaisa ay wala nang magugutom

Kakulangan noong wala ay pupunan ng mayroon!

 

 

HINDI KAYA

 

Sa panahon ng sagana, masasabi mo ang ganyan,

Sa gipit mo masusubok ang tibay ng 'sang samahan!

 

 

KAYA

 

Nagkaisa tayo noon, kaya pa rin natin ngayon!

 

 

HINDI KAYA

 

Kung kaya ay bakit tayo sa hirap di makabangon?

 

 

KAYA

 

Aasenso tayo kapag nagkaisa tayong lahat!

 

 

HINDI KAYA

 

Init lang yan, maligo ka't mawawala ang 'yong lagnat!

 

 

KAYA

 

Ikaw itong amoy unggoy...!

 

 

HINDI KAYA

 

Hindi naman mukhang s'yokoy...!

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Tigil kayo't malayo na ang narating ng usapan

Magpalamig muna kayo't ako naman ang pagbigyan

Ang usapin, lumalabo, hindi ito lumilinaw

Kapag init niyang ulo'y binayaang mapairal.

 

Nais ko lang liwanagin kung ano ang ating paksa

Hindi natin inaalamkung magbuklod ay okey nga

Palagay ko lahat tayo, mapabata at matanda,

Kumbinsidong dapat lamang magkaisa tayong sadya.

 

Ang tanong ay kaya nga ba nating mga mamamayang

Magkaisa, magkabuklod, magkayakap, magkadamay?

Kayong mga nanonood nitong abang Balagtasan

Ang s'yang aking tatanungin: Ano'ng sagot ninyo...Bayan?

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link