PANGHIHIMASOK SA BUHAY NG IBA

 

 

TANONG:   DAPAT ba o HINDI DAPAT na manghimasok sa buhay ng may buhay?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Gonie T. Mejia — Dapat

Elvie V. Espiritu — Hindi Dapat

Rafael A. Pulmano — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA (Pagbubukas)

 

Ako muna'y bumabati sa inyo ng How do you do?

Kung ako po ang sya namang tatanungin, I'm fine, thank you!

Salamat sa paanyaya ng pangkat nyo sa 'ming grupo

At sa mga merong kamay, salamat sa palakpak nyo! 

 

Ang paksa pong tutugunin at bibigyang katanungan

Ay “Dapat ba o di dapat sa 'ting kapwa'y makialam?”

O “Dapat bang manghimasok sa buhay po ng may buhay?”

Magaan po itong tanong, sagot ang may kabigatan.

 

Karangalan ko po ngayong tawagin na sa tanghalan

Ang Reyna po at ang Hari nitong ating balagtasan

Ang una po, in this corner, weighing I-don't-know-how-many pounds…

Si Miss ELVIE ESPIRITU ay atin pong palakpakan.

 

 

HINDI DAPAT (Pagpupugay)

 

Galak akong nagpupugay, isang maligayang gabi

Sa naritong mga handsome at paris kong mga seksi

At sa aking katunggaling mukhang intsik na nalugi

Bilin ko'y magpakatatag sa aming pagtutunggali.

 

Sa buhay po ng may buhay ay di dapat manghimasok

Pagka’t ito'y kapintasang walang gandang idudulot

Iyan po ay ang panig kong tutugunin sa kahamok

Humanda ka, katunggali, tatag mo ay masusubok.

 

 

LAKANDIWA

 

Sa kaliwa ko po naman ay ang kanyang katunggali

Na madalas mapatsismis na isa raw Regal Baby

GONIE MEJIA ang ngalan, matamis po kung ngumiti

Palakpakan din po natin upang tayo'y di masisi.

 

 

DAPAT (Pagpupugay)

 

Gonie Mejia po ang sa inyo'y gumagalang

Marapat ang makialam ang panig kong ilalaban

Kung ako ma'y magagapi ng makatang paraluman

Ang akin pong pagkatalo'y hagdanan ko sa tagumpay.

 

Ngunit isang kasabihan, kung ilog daw ay maingay

Tubig nito ay malabo, pagka’t daw po ay mababaw

Ang dilag kung nagbabanta'y makitid daw yaong alam

Patutunayan ko ito sa kalahi ni Bakekang.

 

 

LAKANDIWA

 

RAFAEL A. PULMANO po naman itong inyong lingkod

Lakandiwang hahatol po sa dalawang magtutuos

Ang premyo sa magwawagi'y round trip ticket hanggang airport

Subalit ang matatalo, bukas din po'y pade-deport.

 

Batid ko pong nasasabik na rin kayong pagsalpukin

Ang dalawang parehas pong sa pagtula'y magagaling

Kaya itong si ELVIE po ay atin nang pagwalain

Ang hindi po papalakpak, ang buto ay maiitim!

 

 

HINDI DAPAT (Unang Tindig)

 

Ang gawang panghihimasok o kaya ay pakikialam

Sa buhay po ng may buhay, walang dulot kagandahan

Higit na nga kung tayo ay sapat na sa mga gulang

Yaong tama't mga mali ay atin nang nalalaman.

 

Tayo ay mga nilikhang may talino't pag-iisip

Kapakanang pansarili'y tayo ang nakakabatid

Mapayapang pamumuhay, kalagayang matahimik

Panatag na kalooban, ang makamta'y aking nais.

 

Sa ating pagsasarili ay atin ding karapatan

Mga tuntunin sa buhay ay tayo na ang gagampan

Ngunit kung ang kapwa nati'y masasabing nakikialam

Parang hindi nalulubos sa atin ang katungkulan.

 

Tuwiran kong sinasabi na iyang panghihimasok

Ay isa pong kamaliang hindi dapat na itulot

Malimit sa pakikialam ay nandiyan ang himutok

Pagka’t hindi sa mainam kapwa mo'y mailulublob.

 

Dahil aking nababatid, manghimasok ay di wasto

Mentras maaga ang katunggali, umatras na at sumuko

Nang di na lang mapahiya na baka po siya'y matalo

Sa panig na tutugunin na isang pakialamero.

 

 

LAKANDIWA

 

Napakinggan na po ninyo ang panig ng paraluman

Ang kalaban nya po naman ang sunod na pagbibigyan

Si Gonie po ay heto na, at kahit na sya po'y ganyan

Ay talagang ganyan na sya kaya ating palakpakan!

 

 

DAPAT (Unang Tindig)

 

Ako muna'y manghihimasok sa kalaban kong matabil

Wala pa akong nasasabi, nais na akong pasukuin

O baka po nangangamba, akin siyang pataubin

Pagka’t dapat ang makialam, malasakit po ang dahil.

 

Di lahat ng kaalaman ng tao ay malalawak

Hindi tayo pantay-pantay sa talino man at lakas

Halimbawang ang kapwa mo, suungin ay mapahamak

Hindi ka ba makikialam, nang siya'y maipangilag?

 

Hindi porke nakialam ka, ikaw na ay nanlalamang

Kundi ikaw'y naghahangad ang kapwa ay matulungan

Ang mabuting pagkatao'y nasusukat sa damayan

Makialam ka at at magsilbi, huwag sarilinin ang alam.

 

Marapat din pong mabatid ng makatang katagisan

Ang may gintong kalooban ay malapit sa Maykapal

Ikaw'y nagmamalasakit kung ikaw'y nakikialam

Sa isang di nakikialam, nasaan ang kabutihan?

 

Halimbawang sa landas ang katunggali'y naliligaw

Dahil panaho'y madilim, kutis nga ang kasingkulay

kung ako ay magkakait sa kaniya ng pakialam

Baka doon sa Banzai Cliff pulutin ang paraluman.

 

 

LAKANDIWA

 

Dahil kapwa walang balak patalo ang isa't isa

Hahayaan ko na silang mangawit ang mga panga

Si ELVIE ang siyang muling magtatanggol ng panig nya

Wag po kayong mahihiya, sige na po...palakpak na.

 

 

HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

 

Mababaw ang halimbawang tinutukoy ng kalaban

Kinakaladkad ang paksa sa di dapat kapuntahan

Kung mayroon ka bang anak sa pag-aasawa na lalagay

Sa tibukin ng puso niya'y ikaw ba ang makikialam?

 

Sa alitang mag-asawa, kahit na ba kapitbahay

Di ka dapat makihalo, manghimasok sa usapan

Dahil itong katalo ko'y may ugaling mapakialam

Kung lumala ang sigalot ay di ko na pagtatakhan.

 

Nakialam sa manibela ang di maalam magmaneho

Hinarurot ang sasakyan, napakatulin ng takbo

Sa pababa ng kalsada, ang pangahas ay nakabunggo

Sa pakikialam niya'y inutang ang buhay ng kapwa tao.

 

Saka mo pa sasabihing manghimasok ay marapat

Ikaw nga diyan ay maglubay, nag ako'y di magtatalak

Sa tulad mong mapangahas, nakikialam na lang sukat

Ay gulo ang tinutungo, mahirap kang makaiwas.

 

 

DAPAT (Ikalawang Tindig)

 

Ako'y muntik nang masamid sa tugon ng kahidwaan

Kung ako po'y maglulubay, wala siyang makakalaban

Panghihimasok, pakikialam, sa salita lang di mainam

Ngunit ibinubunga nito ay magandang pakinabang.

 

Hindi dahil nakialam ka, ikaw na ang masusunod

Mahalaga'y pagpapayo sa kanila'y nailingkod

Sa di maalam magmaneho, kung mayroong nanghimasok

Sakuna'y di mangyayari, pagka’t siya'y matatakot.

 

Marami sa atin dito'y mga walang pakialam

Walang kiber, kanya-kanya, wala ang malasakitan

Kaya naman ang abuso, nagaganap, walang lubay

Dahil na din sa tulad mong di marunong makibagay.

 

Kung sa iyo mangyayari ang nasabing kaapihan

Ang saklolo ng kapwa mo ang unang maiisipan

Sa matuwid na salita, dapat iyang pakikialam

Nang abuso ay mabawas, dahil may kapwang dadamay.

 

 

HINDI DAPAT (Ikatlong tindig)

 

Ang hihingi ng saklolo, dapat lamang na damayan

Sa di napapasaklolo, di dapat mong pakialaman

Kung sino ang kumakatok ang may layang mapagbuksan

Maliwanag ang usapan, ang malabo'y ang kalaban.

 

Pag sinabing pakikialam, ibig sabihi'y panggugulo

Ang katahimikan ng kapwa ang dito'y iniiskandalo

Kung nais mong makatulong, ikaw'y magsawalang-kibo

Sa eksena'y pumasok ka, kung mayroong tatawag sa iyo.

 

Marami sa kagaya mo ang nagdudunung-dunungan

Sa hangaring mapatanyag, nagkukunwaring hindi mangmang

Malimit pag nanghimasok, tiyak ulo'y walang laman

Di ko naman nilalahat, ngunit po katotohanan.

 

 

DAPAT (Ikatlong Tindig)

 

Kapag pala nagagalit, ang dilag ay gumaganda

Litid ay naglilitawan, ang leeg ay nanghahaba

Ikaw nga diyan ang nagsabi, sa buhay ay kanya-kanya

Ba't ngayon na nakikialam, tila ikaw'y umaasa.

 

Mayroong magkapitbahay na hindi nagkakasundo

May hawak na mga armas, gulo ay di biru-biro

Kahit di man tinatawag, ang wika mo'y pakialamero

Sa eksena ay pumasok, ang away ay naareglo.

 

Ibig kong ipaunawa sa makatang paraluman

Bago mangyari ang gusot, katulad ko ang kailangan

Kung aasaha'y kaparis mong manhid sa katotohanan

Sa iyo'y aking tinitiyak, wala kang aabutan.

 

 

HINDI DAPAT

 

Di ka isang awtoridad na dapat na mamagitan

Baka sa kanilang galit, ikaw ang mapagbuntunan

Sa gaya mong isang hambog, suungi'y kapahamakan

Di malayong ang bagsak mo'y sa emergency hospital.

 

Itong aking katunggali'y makulit po magkaminsan

Ang imposibleng mangyari, ginagawang karaniwan

O baka po nangangarap maging hero at superstar

Pati hindi tamang gawin, papasuking basta na lang.

 

 

DAPAT

 

Kaparis ng tinukoy ko, ako'y nagmamalasakit

Sarili ma'y mapahamak, ituturing ko ding langit

Mahalaga'y ang tulong ko na hindi ipinagkait

Dilat ako sa totoo, hindi katulad mong pikit.

 

Iyan namang panghihimasok ay gawa ng matalino

Ilalagay din sa lugar nang hindi ka mapasubo

Hindi ito kapintasan, bagkus pa nga'y makatao

Pagka’t itong pakikialam, walang bayad na serbisyo.

 

 

HINDI DAPAT

 

Walang bayad na serbisyo, ngunit ikaw'y namemerhuwisyo

Nananahimik mong kapwa'y abala ang siyang dulot mo

Ba't di sarili mong buhay ang sikaping mapanuto?

Nandiyan ba sa pakikialam ang pag-unlad at asenso?

 

 

DAPAT

 

Sa kapakanan ng kapatid kung wala kang malasakit

Ikaw ay makasarili, sa kapwa'y wala kang bait

Nakikita mo ang mali, sila'y di pa itutuwid

Anong uri kang nilalang na nabuhay sa daigdig.

 

 

HINDI DAPAT

 

Ako pa ang walang uri, at sa iyo, ano naman?

Sa sobrang panghihimasok, utak ay kinakalawang!

 

 

DAPAT

 

Hindi baleng kalawangin kung may loob na dumamay

Masasabing ang buhay ko'y nagkaroong kabuluhan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Hindi iyan kabuluhan, bagkus ay kabulastugan!

 

 

DAPAT

 

Maramot ka sa kapwa mo dahil di ka nakikialam!

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Di ko ibig makialam, nanghihimasok lang ako

Dumating na ang sandali upang kayo'y magretiro

Kayo muna'y magpahinga, basyo na ang inyong ulo

Kababayan, isa pa po, palakpakang masigabo!

 

Talaga pong magagaling ang makatang nagkaharap

Kahit mukha'y magkaiba, utak nama'y magkatapat

Kaya sadyang mahirap po ang papel kong ginaganap

Hindi dapat magkamali sa hatol na igagawad.

 

Ani ELVIE ESPIRITU, di raw dapat manghimasok

Sa buhay ng iba dahil walang gandang idudulot

Mapayapang pamumuhay magkaminsa'y nagugusot

Kapag merong ibang taong nakihalo't nakisangkot.

 

Dapat lang daw makiramay sa nahingi ng saklolo

Subalit kung hindi naman, di ka dapat makigulo

Kesa anya makialam sa buhay ng ibang tao

Ang sariling buhay muna ang sikaping mapanuto.

 

Kung si GONIE MEJIA po ang sya namang tatanungin

Ang salitang manghimasok ay masakit lang daw dinggin

Subalit kung nasa lugar ang pagtulong na 'yong hain

Ito anya'y malasakit, walang bayad na tungkulin.

 

Marami raw sa 'tin ditong kanya-kanya, walang paki

Kaya naman hanggang ngayon, marami ang inaapi

Ang tao raw na ang laging nasa isip ay sarili

Buhay nito sa daigdig ay maramot, walang silbi.

 

Kasaysayan nating tao ay kung ating babalikan

Sa Hardin ng Paraiso'y sino'ng unang nakialam?

Tama kayo — ang demonyong hanggang ngayo'y walang lubay,

Patuloy na nanggugulo sa buhay po ng may buhay.

 

Kung atin pong bubuklatin naman yaong Bagong Tipan

Kay Jesus ay may eskribang ganito ang katanungan:

“Guro, ano'ng dapat gawin upang akin pong makamtan

Ang buhay na walang hanggan?” At si Jesus ay nagsaysay.

 

Isang taong naglalakbay ang hinarang ng tulisan

Binugbog at ninakawan, halos patay na nang iwan

Umiwas ang saserdote at Levitang napadaan

Ngunit ang Samaritano'y nagmagandang-kalooban.

 

Nang tanungin ang eskriba kung nagmahal baga'y sino,

Sagot niya'y ang tumulong sa kapwa n'yang inabuso

At lubusang naunawa ang mensahe nitong kwento,

“Humayo ka,” ani Jesus, “at gayon din ang gawin mo.”

 

Ang gawaing manghimasok, kung ang dulot lang ay gulo

Ay wala ngang pinag-iba sa gawain ng demonyo

Subalit kung nasa lugar ang ginawang pagsaklolo

Ang gayon ay naaayon sa diwa ng Ebanghelyo.

 

Batay na rin sa katwiran ng dalawang nag-Balagtas

At sa aking pagsusuri nitong paksang inilahad

Ang hatol ko'y tabla lamang, si ELVIE at GONIE'y patas,

Kami po ay paalam na… Good night, Sweet Dreams, Goodbye, My Love.

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link