KAPISAN SA BAHAY ANG BIYENAN

 

 

TANONG:   DAPAT ba o HINDI DAPAT na kapisan sa bahay ng manugang ang biyenan?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Elvie V. Espiritu — Dapat

Gonie T. Mejia – Hindi Dapat

Rafael A. Pulmano — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA

 

Malugod na pagbati po sa lahat ng nakikinig

Ang handog ko ngayong gabi ng Disyembre, unang Lunes 

Samahan po kaming muli sa sunod na ilang saglit

Sa buwanang Balagtasang isinasahimpapawid.

 

Ito po si Ralph Pulmano, Lakandiwang papagitna

Sa dalawang magbabanggang magagaling na makata

Hayaan nyong ihayag ko ang napili naming paksa

At kayo rin ay magsuri kung alin ang mali't tama:

 

Kung hilingin ng byenan mo, o magulang ng yong kabyak,

Na sila ay makipisan sa piling ng yong mag-anak,

Kasuno sa isang bubong sa maghapon at magdamag

Manugang ka, ito kaya sa tingin mo'y nararapat?

 

Yamang inyong nabatid na ang paksa ng pagtatalo

Pormal ko nang hinahawi ang tabing ng entablado

Kung mayroong nagnanais makilahok ngayon dito

Pumanhik na sa tanghalan at nang ating mapagsino.

 

 

DAPAT

 

Ako po ay nangahas nang tumugon sa panawagan

Upang aking ipagtanggol na "DAPAT po ang pumisan"

Ang sa akin ay lalaban, maging siya'y sino pa man

Ipunin ang pag-iisip, sikhayin ang katatagan.

 

ELVIE V. ESPIRITU po ang lingkod n'yong dalaga pa

Sa larangan ng bigkasan, walang atras makibaka

Tubong Nueva Viscaya po, sa rima ay Amasona

Magandang Lunes ng gabi, pagbati ko sa balana.

 

 

LAKANDIWA

 

Ang makatang paraluma'y magiliw kong tinatanggap

Magtuloy ka at ang alam ay dito mo isiwalat

Kung meron pang nagnanasang makisali't makibabag

Bukas pa po ang listahan sa tagisan ng pagbigkas.

 

 

HINDI DAPAT 

Ayaw ko sanang pumatol sa makatang paraluman

Ngunit sa amin pong lahi, ang pagtanggi'y karuwagan

Tinatanggap ko ang hamon, buong puso't kalooban

Sa panig na tutuguning "DI MARAPAT ang pumisan."

 

Hamak man po sa paningin ang lingkod nyong taga-Tarlac

Sa rima ang makatuos ay sa Mental bumabagsak

GONIE MEJIA po ang lingkod nyong naghahayag

Nagpupugay, buong galak, sa inyo pong lahat-lahat.

 

 

LAKANDIWA

 

Dal'wa na po ang makatang sa paksa ay magtatalo

Baka maging malabo po kung gagawin nating tatlo

Kaya ating simulan na ang pukpukang walang hinto

Una nating palakpakan si Miss Elvie Espitiru!

 

 

DAPAT

 

Kahit ako ay single pa sa biyahe po ng pag-ibig

Ako'y di pa nahuhuli sa wika nila ay last trip

Pinipili ko ang Adan na makakaisang-dibdib

Na handang bigyang-halaga, ama't ina kong nilalangit.

 

Sa pagsapit ng panahong ako'y isa nang maybahay

Magulang ng kapilas ko'y itatangi ko din naman

Kung kami ay hihilingang sa kanila ay pumisan

Ako ay di magkakait, sila'y aking aayunan.

 

Sa malinaw na salita, sa dalawang mag-asawa

Marapat ang pang-unawa sa panig ng bawa’t isa

Sa biyenan man o magulang, lalo pa't matatanda na

Kapintasan sa pagpisan ay hindi ko nakikita.

 

Marapat po ang pumisan ang siya kong tinutukoy

Nang sila ay madamayan sa labi nilang panahon

Di ba't isang kasabihang segunda sa Panginoon,

Magulang po ang nagsilbing sa buhay nati'y dumugtong?

 

Sa dahilan pong ganito, sila ba ay bibiguin

Kung pagpisan sa kanila ay masuyong hinihiling?

Ako po ay di maramot, sa pinanggalinga'y di suwail

Di paris ng katunggaling makasarili ang damdamin.

 

 

LAKANDIWA

 

Ang makatang napakinggan ay dalaga pa pong tunay

Ngunit kapag umibig daw, mamahalin pati byenan

Ang kanya pong katunggali'y bigyan naman nating daan

Kay Gonie po'y isalubong, matunog na palakpakan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Ngayon ako naniwalang kalaban ko'y Amasona 

Daglian kung magparatang sa katuos ay karaka

Di kaya ito'y katunayan, ang tumatanda pong dalaga

Ay sadya daw sumusungit, hindi ako nambubuska.

 

Single man ang paraluman, ako nama'y may asawa

Ipagpatawad pong sa aki'y nawalan siya ng pag-asa

Nais ko lang ipabatid bilang padre de familia

Ang pagpisan sa magulang o sa biyena'y di maganda.

 

Karapatang mag-asawa'y magsarili at bumukod

Nang tuwirang magampanan sa pamilya ang paglilingkod

Kung ikaw ay nakasuno sa biyena'y di malulubos

Ang tungkuling ginaganap na sa iyo'y napaloob.

 

Ang pagpisan sa kanila'y di gaanong kapintasan

Hindi ko lang maaatim gampanin ko'y pakialaman

Malimit na nangyayari laging bida ay ang biyenan

Ang kawawang kontra-bida'y ang nakisunong manugang.

 

Dahil ako ay may layang piliin ang nararapat

Ang kanilang kahilingan ay hindi ko tinatanggap

Magkagayon pa man, ako'y lagi pa ring bukas-palad

Ang magsilbi ngunit hindi ang pagpisan nilang hangad.

 

 

LAKANDIWA

 

Sa tugunang nagbabaga ng makatang nagbubuno

Mukhang kapwa walang balak padaig at mapasuko

Kaya ako ay tatabi upang sila'y hayaan po

Na tumalak at magbangay hanggang hindi nahahapo!

 

 

DAPAT

 

Sapantaha ko po lamang sa makatang katunggali

Ay wari bang may hinampo, sa byenan ay namumuhi

Kung ito man ang dahilan kaya siya tumatanggi

Hindi ko na pagtatakhang pagpisan nga'y iwawaksi.

 

Pagbubukod nga po'y tama, sa mag-asawa'y suungin

Hindi ko itinatatwang ito ang tamang hakbangin

Paalala sa kahidwa, huwag lang sanang lilimutin

Ang diwa ng pagtatalo kung pagpisa'y hihilingin.

 

Manugang ay kabilang na sa anak ng mga biyenan

Malasakit po ang sanhi kung sila man ay makialam

Sa iyo naman bilang anak, matuwid ba na magdamdam

Kung ang tanging mithi nila'y sa inyo ding kabutihan?

 

Tila aking napapansin, kalaban ko'y pusong mamon

Kaunti man yatang parunggit ay kaagad nagmamaktol

Mag-asawa'y halimbawang pinaghirap ng panahon

Sa pagpisang sinasabi, ikaw pa ba ay tututol?

 

 

HINDI DAPAT

 

Hindi dahil tutol ako na sa biyenan ay sumuno

Kahulugang sa kanila ako na ay may hinampo

Kung sa akin ay may galit ang paralumang katalo

Huwag naman akong isadlak sa malaking iskandalo.

 

Lalaki pag nag-asawa, sa magulang ay hihiwalay

Nang sa buhay ang kabiyak ay solo niyang makatuwang

Hindi ito nalilingid sa ating mga kaisipan

Pagka’t ito'y karapatan na atin nang kinagisnan.

 

Hindi ako pusong mamon na paris po ng paratang

Ako lang ay nangingilag sa pasaring at iringan

Sa bayaw at mga hipag, di ko lahat sinasaklaw,

Ang pagsuno namin kaya sa kanila'y kagalakan?

 

Ayaw ko pong sumapit ang sandali sa pagkalito

Paghutok sa mga anak nami'y nais kong mapiho

Ito lang ay mangyayari, tiyakan at sigurado,

Kung gampanin kong pamilya'y kalukop kong nagsosolo.

 

 

DAPAT

 

Ibig yatang palitawin ng makatang kahidwaan

Sa paghutok, di maalam sa bata ang mga biyenan

O baka po nangingilag, di maamin ng kalooban

Higit dumisiplina ang biyenan na hinog sa karanasan.

 

Marami sa kagaya mo na manugang ay pabaya

Katungkulan sa pamilya, minsa'y binabalewala

Kung malasakit ng biyenan, sa pamilya mo'y ikukusa

Ikaw pa ba ang may ganang sa alok nila'y magtatatwa?

 

Ako lang ay nagtataka sa isang katotohanan

Manugang ay lumalayo sa biyenan ang kalooban

Kaparis ng kahidwa ko, huwag naman pong magdaramdam

Sa magulang ng asawa ay wari bang nasusuklam.

 

 

HINDI DAPAT

 

Di lang pala Amasona ang makatang paraluman

Kundi ubod din ng kulit na parating nagbibintang

Kung ako man po ay tutol sa mga biyenan ay pumisan

Hindi ito kahulugang sa kanila ako'y suklam.

 

Malimit ding nangyayari, at ito'y katotohanan,

Kung ikaw ay nakasuno, kapos ka sa kalayaan

Na gawin ang nararapat ayon sa iyong kagustuhan

Sa sarili mong pamilya pagka’t mayrong makikialam.

 

Halimbawa ko po dito'y sa iba ang nalalaman

Kamalian ng manugang ang lagi nang tinitingnan

At sa dakong mga huli ay umabot sa sukdulan

Ang anak ay sinulsulang sa manugang humiwalay.

 

 

DAPAT

 

Matuwid na mangyayari ang bagay na nararapat

Ngunit nasa mag-asawa kung pagsasama'y magluluwat

Magmungkahi man ang biyenan, sa nagmamahalang matatag

Pabaya man ang manugang, hiwalay walang pagkatupad.

 

Malinaw pong sinasambit nitong binatang makata

Nais lang ay huwag mapuna ang mali niyang magagawa

Kahit yata makikisuno sa biyenan ay ninanasa

Siya lahat ang masusunod, nais maging hari yata.

 

 

HINDI DAPAT

 

At sino'ng di nagnanais masunod ang ginugusto

Lalo't sa sariling pamilya sa buhay ay dalahin mo?

Tahimik ang pamumuhay kung hindi ka nakasuno

Ako pa ngayon ang mali sa panig na tama't wasto.

 

Sa malapit na panahon ako'y magiging biyenan din

Sa manugang ang pagpisan sa ami'y di ko hihilingin

Pagka’t ayaw kong magsilbing balakid at suliranin

Sa kanilang pagsasama na hinangad na tungkulin.

 

 

DAPAT

 

Malinaw ang pagtatalo nguni't yata nilalabo

Nitong aking kahidwaang unawa'y di ko matanto

Paksa ay kung hihilingin sa manugang ang pagsuno

Ang tugon po ay baluktot, sa matuwid sadyang liko.

 

 

HINDI DAPAT

 

Sa diwa po nitong paksa kahamok ko'y walang batid

Dahil kaya dalaga pa, di matukoy ang matuwid

Ang tugon ko ay pagtanggi, bakit niya iginigiit

Na sa aming pagtatalo, ako daw ay lumilihis?

 

 

DAPAT

 

Sa biyenang matatanda na at magulang ng asawa

Ang hiling na pagsuno nyo, magagawang tanggihan ba?

 

 

HINDI DAPAT

 

Pag sinabing hinihiling, ito'y hindi sapilitan

Ako din ang masusunod kahit ito ay ayawan.

 

 

DAPAT

 

Ang pagtanggi sa pagsuno'y pagkakait sa asawa!

 

 

HINDI DAPAT

 

Pagtutol ko sa pagpisa'y pagmamahal sa pamilya!

 

 

LAKANDIWA

 

Di ko sana puputulin ang sagutan ninyong dal'wa

Subalit ang umagahin tayo rito'y di maganda

Kaya kayo'y manahimik sumandali't magpahinga

Kayo namang madlang people, palakpakan muli sila!

 

Kababayang nakikinig, kung kayo ang tatanungin:

Ang byenan ba'y nararapat sa bahay ay makapiling?

Ani Elvie, dapat daw po kung ito ay hinihiling

Ani Gonie, di raw dapat; pag-usapan nga po natin.

 

Sa panig ng dapat daw pong makipisan sa biyenan,

Tama lang daw mahalin din ang magulang ng yong mahal.

Ang magkait ng pagdamay sa kanilang katandaan,

Sa sariling asawa raw lumalabas na nagkulang.

 

Kung ang byenan, sa manugang, parang anak na ang tingin,

Sa kanila'y magulang daw ang dapat ding maging turing

Sakali raw makialam sa sariling suliranin

Ito raw po'y malasakit at di dapat na damdamin.

 

Sa panig po ng nagtanggol na di dapat magkapisan

Sa lilim ng isang bubong ang mag-asawa at byenan

Di raw galit, pagkasuklam, o hinampo ang dahilan

Umiiwas lang sa gusot, sa intriga at iringan.

 

Bagama't di nilalahat, madalas daw nangyayari

Ang byenan pag nakialam ay sa anak kumakampi

Ano pa't kung may problema ang pamilya't may naapi

Mas malimit kaysa hindi, manugang ang nasisisi.

 

Pagtanggi sa kahilingan ng byenan ba'y pagdaramot?

Kung sila ba'y makipisan, resulta ba'y laging gusot?

Yamang kapwa may katwiran ang dalawang nagtutuos,

Sa trono ng karangalan ay sino ang maluluklok?

 

Sa aklat ng Ecclesiastes, sa Banal na Kasulatan,

May panahon daw ang lahat, kanya-kanyang takdang araw

Panahon ng panganganak, panahon sa pagkamatay

Panahon sa pagluluksa, panahon sa pagsasayaw.

 

May panahong ama, ina, at anak ay sama-sama

May panahong kailangang maglayo ang isa't isa

Pag sumapit ang panahong ang anak ay mag-asawa

Panahon na upang sila ay magbukod ng pamilya.

 

Sumapit na ang panahon upang kami'y magpaalam

Panahon na upang itong aking hatol ay pakinggan:

May katwiran man po kapwa ang makatang naghidwaan

Si Gonie po ang nagwagi kaya ating palakpakan!

 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link