PUSHER NA KAIBIGAN

 

 

TANONG:   Isusuplong mo ba sa maykapangyarihan ang iyong matalik na kaibigan kung malaman mong siya ay pusher o nagtutulak ng bawal na gamot?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Gonie T. Mejia — Isusuplong; sumulat din ng iskrip ng Hindi Isusuplong, na ipinagtanggol ni Juliet Asenita

Rafael A. Pulmano — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA (Pagbubukas)

 

Unang Lunes na naman po ng gabi ng bagong buwan

Kaya paris po ng dati, hetong muli ang Samahan

Ng Makatang makukulit, kumakatok sa pintuan

Ng radyo nyong nakapihit sa istasyong KSAI.

 

Si Ralph Pulmano po ito, Lakandiwa at reperi

Sa buwanang Balagtasang gaganapin ngayong gabi

Taos-pusong paanyaya'y samahan po sana kami

Hindi kayo malulugi pagka’t ito nama'y libre.

 

Ang paksa pong nakahanda'y ganito ang nilalaman:

Halimbawang nalaman mong ang matalik mong kaybigan

Ay pusher o nagbibili ng gamot na sadyang bawal,

Siya ba ay isusuplong mo sa maykapangyarihan?

 

Atin na pong patuluyin ang dalawang maghaharap

Upang dito sa tanghalan pagsalpukin yaong utak

Pareho pong magagaling, pareho ding kutis-duhat

Si Gonie at si Juliet po'y salubungin ng palakpak!

 

 

ISUSUPLONG (Pagpapakilala)

 

Gonie Mejia po, nagpupugay, bumabati

Sa lahat ng kababayang nakikinig ngayong gabi

Sa tanong na sinasagot, ang tangi kong masasabi

Ang nagkasala sa batas, sa hustisya'y ibahagi.

 

Ang pagharap ko sa inyo'y tugon po sa isang hamon

Ng dilag na ang kutis ay biniro po ng panahon

Hindi ko man po ugaling sa dilag ay pumapatol

Ngunit kapag kinukulit, ako'y hindi umuurong.

 

 

HINDI ISUSUPLONG (Pagpapakilala)

 

Kumusta po kayong lahat diyan mga kababayan?

Juliet Asenita po itong sa inyo ay nagpupugay

Sa kalabang kutis-sanggol, yaong sanggol po na ewan

Hinamon ko nang mabatid kung ulo nga niya'y may laman.

 

Masakit na makita ang matalik na kaibigan

Nagdurusa sa piitan dahil sa 'king kagagawan

Sa paksa pong tinutugon, ang sagot ko ay malinaw

Di ko ipagkakanulo, drug pusher kong kaibigan.

 

 

LAKANDIWA

 

Bago tayo magpatuloy, isa munang paalala

Sa makatang si Gorgonio at kalabang si Julieta

Itong ating ginaganap ay labanan sa pagtula

Walang hitting below the belt; ang mapikon, ikukula.

 

At sa inyong naririto sa istudyo at nariyan

Sa barracks at nakikinig, ihanda ang mga kamay

Si Gonie po ang una kong tatawagin sa tanghalan

Balibatin agad natin ng magulong palakpakan!

 

 

ISUSUPLONG (Unang Tindig)

 

Sa tugon po ni Julietang kambal yata ng abulid

Maliwanag sa iisang tao lamang siya may bait

Dili't iba'y ang matalik na kaibigang nagbubulid

Sa ating mga kabataan upang maging mga addict.

 

Ulikba rin pati yata ang utak ng katunggali

Ba't tila sa kabataan para siyang namumuhi

Baka naman lumalabis ang talinong kakaunti

Kaya siya nahihibang, nawawaglit sa sarili.

 

Tama kayang pagtakpan mo sa balakyot na gawain

Ang matalik na kaibigang sa batas ay isang suwail?

Sa pagyaman kaya niya, kung marami ang nanimdim

Dapat mo bang ikagalak, ikatuwa ng damdamin?

 

Di malayong mabiktima ng drug pusher mong kaibigan

Mismo ay iyong mga anak na laman ng iyong laman

Sakali bang magkagayon ay hindi ka masasaktan?

Nagtatanong lamang ako sa kahidwang paraluman.

 

Kung mayron pang nalalabing katinuan kay Julieta

Gamitin na hangga't ako ay may labing hinahon pa

Kung hindi niya magagawang sa laban ay sumuko na

Baka aking paratangang sa drug pusher kasabwat siya.

 

 

LAKANDIWA

 

Ang katwiran ng makatang siga-siga daw sa Tarlac

Matapos n'yong mapakinggan, ngayon nama'y ihaharap

Ang sa Nueva Viscaya po'y terror din daw, walang gulat

Si Julieta Asenita'y ihatid po ng palakpak!

 

 

HINDI ISUSUPLONG (Unang Tindig)

 

Pati pala ang matuwid ng kalaban ko ay bansot

At kaybilis magparatang na ako raw anya'y sangkot

Sa gawaing pagtutulak sa bawal na mga gamot

Ng matalik na kaibigang matimbang sa aking loob.

 

Malinaw po itong paksa, kalaban ko ang malabo

Isusuplong ba sa batas ang mahal na kaibigan ko?

Kung ang sagot ko ay hindi, kahulugan baga nito

Na ako ay kasangkot na sa gawa niyang hindi wasto?

 

Mahilig din pong mang-asar ang buteteng kutis-sanggol

Ako'y nais niyang sumuko sa kay-aga na panahon

Dahil kaya sa pangambang sa matuwid siya'y sukol

O baka po nangingilag sa aking husay magtanggol.

 

Kung sapul sa pagkabata, siya'y akin nang kaibigan

At parang sa magkapatid kung kami ay magturingan

Hindi ko ba magagawang magsawalang-kibo na lang

Kaysa siya'y ipahamak at manganib yaong buhay?

 

Hindi ako nangungutya, ako lang ay nagtatanong

S kalabang ang katawa'y biniro din ng panahon

Anong uring kaibigan ka, anong puso ka ba mayro’n,

Kung sa kaibigang matalik, ikaw pa ang magtatraydor?

 

 

LAKANDIWA

 

Ang oras ay tumatakbo, nainit ang pagtatalo

Sa ikal'wang pagsasalpok, tatahimik muna ako

Si Gonie ang muling tindig, si Julieta'y mauupo,

Kayo namang nakikinig, palakpak po'y gawing todo!

 

 

ISUSUPLONG (Ikalawang Tindig)

 

Kung ang sinasagip ko ay kapakanan ng karamihan

Higit na nga ang bukas ng inosenteng kabataan

Masasabi pa ba kayang ito'y isang katraydoran

Sa kaibigan na pusher na salot ng inang bayan.

 

Maganda po si Julieta, kaya lang ay medyo sunog

Kaparis ay matuwid niyang parang mga na-overcooked

Hindi kaya siya'y bad trip sa bawal na mga gamot

Parang wala sa sarili, katinua'y nalilimot.

 

Para ko man pong kapatid ang drug pusher na kaibigan

Sisikapin kong mapigil sa kaniyang kalokohan

Kung ultimong paraan ay ipakulong siyang tuluyan

Magagawa ko rin pagka’t konsiyensiya ko ang iiral.

 

Si Julieta din ba kaya ay mayroon pang konsiyensiya?

Ba't ang kanyang malasakit ay doon lang sa iisa?

Sa tao bang magdudulot ng masidhing pangangamba

Sa batas po at lipunan, anong uri kaya siya?

 

 

HINDI ISUSUPLONG (Ikalawang Tindig)

 

Ang binabalangkas ko'y di malirip ng kalaban

Sagot ko ba'y hindi, walang bait sa kabataan

Batas man kusang lalapit ayaw kong makialam

Sapagka’t ayaw kong magkasala, mayroong agam-agam.

 

Inamin ng katunggali ay yaong kapakanan

Sa kabataan higit bukas nilang daratal

Sa pagbalewala ba niya sa kaibigang nagmamahal

At desisyong gagawin niya'y di batid ay kataksilan?

 

Ang kaibigang umaasa sa iyo'y nagtitiwalang lubusan

Bibiguin mo ba dahil sa hangaring marangal?

Hindi mo ba nalalaman, makukulong habang buhay

O kaya'y ipapataw sa kanya'y parusang kamatayan?

 

Sakali bang silya elektrika, maging kanyang pataw,

Konsiyensiya ba'y magsasaya, magdiriwang kung mamatay?

Ang kasamaan ba niya'y wala nang kapatawaran?

Ang maruming kasalanan ba niya'y magiging busilak sa kaputian?

 

 

ISUSUPLONG (Ikatlong Tindig)

 

Ang kulay nating panlabas, sakali pa ay puputi

Ngunit hindi kailanman ang nagpakaruming budhi

Kung sa gawang kasakiman kapwa mo'y dinuduhagi

Kasimbigat ng sala mo'y walang hanggang dalamhati.

 

Ikakatuwa ko daw ba kung nabitay ang kaibigan?

Ang sagot ko ay hindi po, ako din ay masasaktan

Sa hakbangin kong ginawa ay malaking katiyakan

Ang pangamba sa puso ng mga magulang ay naibsan.

 

Dukutin mo ang iyong mata kung sanhi ng kasalanan

Mainam pa na bulag kang haharap daw sa Maykapal

Kaysa buo ang paningin ginamit sa kapintasan

Kapintasang mangunsinti sa drug pusher na kaibigan!

 

 

HINDI ISUSUPLONG (Ikatlong Tindig)

 

Walang sino mang ipinanganak sa mundo ay malinis

Lahat ay nagkakasala, maging ang kanyang isip

Kung ang iniisip mo'y maglalagay sa panganib

Ng isang kaluluwang mawawala, tiyak tungo mo ba'y langit?

 

Ikaw na rin ang nagsasabing ikaw ay magdaramdam

Buhay niya'y maagang pumanaw dahil sa iyong kagagawan

Sa ginawa mo'y malalayo ka ba sa kabalisahan?

Iiral ba ang katahimikan at kapanatagan?

 

Kinakati po yata ang dila ng katagisan

Bibig niya'y walang preno, sa hinahon ay kulang

Ang kasalanan ba ni Pedro, kay Juan ay iaatang

Kasalanan ba ng kaibigan, dusa'y sa akin ipapataw?

 

 

ISUSUPLONG

 

Paunawa ko pong muli sa makulit na kalaban

Ang prinsipal po sa paksa'y ang drug pusher na kaibigan

Kung si Julieta'y nasasangkot ayon sa aking paratang

Dahil siya ay kaayon sa kaaway ng lipunan.

 

Ang droga po ay pahamak sa magandang katinuan

Kaaway ng ating batas ang drug pusher na sino man

Dahil di mo maisuplong ang pahamak mong kaibigan

Sa batas ng lupa't langit, ikaw'y may pananagutan.

 

 

HINDI ISUSUPLONG

 

Ang walang kibo ba'y may batas na nilabag?

May kasalanan ba't parurusahan ng batas?

Sa batas ba ng Diyos ay isang panlilibak

Kung mahalin ang kaibigan, huwag ipahamak?

 

Ipahintulot po sa impostor na kabalagtas

Maging kaaway man ng lahat, kaibigang pahamak

Hindi ko hahayaang dila ko ay madulas

Upang hindi magkasala, ako'y hindi mangungusap.

 

 

ISUSUPLONG

 

Sa nakikipagsabwatan, ang sala ay conspiracy

Sa isang bulaang saksi, iyan naman ay perjury

Ang tunay na anak ng Diyos, sa mabuti ay kakampi

At higit daw mapanganib ang may batid ngunit pipi.

 

 

HINDI ISUSUPLONG

 

Paano mo masasabing ang isang tao ay mabuti

Kung mapagparatang, walang ingat sa sinasabi?

Mapanganib ba yaong tahimik, marunong magtimpi?

Humahatol sa kanyang loobin, sa Diyos ba'y kakampi?

 

 

ISUSUPLONG

 

Ang isang taong mabuti sa katwiran may paggalang

Ang sa matuwid lumalabag ay nilikhang lapastangan.

 

 

HINDI ISUSUPLONG

 

Kabataa't kaibigan, sa Diyos ibinigay ang lahat

Ngunit kailanman di ako magsusuplong sa batas.

 

 

ISUSUPLONG

 

Kung gayon po si Julieta ay malinaw na kasabwat!

 

 

HINDI ISUSUPLONG

 

Sa itaas na lang tayo maghaharap!

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Kayong mga nagtatalo'y maiinit na ang ulo

Kagaya ng inyong kutis na ang kulay ay tustado

Kaya kayo'y magsitigil at pakinggan ang hatol ko

Pero, Bayan, teka muna — Palakpakan muna tayo!

 

Kung drug pusher ang kaybigan, sya ba'y iyong isusuplong?

Ngayong gabi'y iyan nga po tinalakay nating tanong

Ani Gonie, “Oo” raw po, subalit ang nakahamon

Na si Juliet ay “Hindi” raw magagawa ang magsumbong.

 

Kaibigang matalik man, kung sa batas nagkasala

Ani Gonie, dapat lang daw ibahagi sa hustisya

Katapatan sa kaybigan, kataksilan naman anya

Sa 'ting mga kabataang biktima ng kanyang gawa!

 

Ang kay Juliet na katwiran, ayaw niyang maging traydor

Sa kaybigang posible pang mapagbago ng panahon

Tatahimik na lang daw sya kaysa anya mapakulong

O mabitay ang kaybigan kapag kanyang isinumbong!

 

Kayo, mga kababayan, anong inyong masasabi?

Sa katwiran po ng dal'wa ay kanino kayo kampi?

Ang tao bang naging traydor ay kaybigang masasabi?

Dahil din ba sa kaybigan, bulag ka ba, pipi't bingi?

 

Nang si Hudas ay nagtaksil ay inusig sya ng budhi

At nang di na makayanan, ang kawawa ay nagbigti

Subalit ang kanya namang tin'raydor at pinagbili

Ay hindi po isang addict, kundi banal at kaybuti.

 

Kahit na sa kautusang hindi dapat ang pumatay

Tungkulin ding ipagtanggol ang sarili nating buhay

Mali man ang maging taksil sa matalik na kaybigan

Mas malaking kamalian ang magtaksil sa lipunan.

 

Dumarating ang sandaling tayo mismo'y susubukin

Kaybigan at kababayan — sino nga bang pipiliin?

Pasya ninyo'y igagalang, basta ang sa ganang akin,

Si Gonie po ang nagwagi, palakpakan muli natin!

 

 

 

 

 

 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link