PAGSASABI NG TOTOO

 

 

TANONG:   DAPAT ba o HINDI DAPAT na laging magsasabi ng totoo?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Elvie V. Espiritu — Dapat

Gonie T. Mejia — Hindi Dapat

Rafael A. Pulmano — Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA (Pagbubukas)

 

Sa ayaw at sa gusto nyo 

     ay narito kaming muli

Ang Samahang Makata po,

     taos-pusong bumabati

At sa munting Balagtasang inihanda ngayong gabi

Ang mabuti'y pulutin po, ang masama ay iwaksi.

 

RAFAEL A. PULMANO po ang lingkod nyong kinikilig

Malugod na nagpupugay sa balanang nakikinig

Sa Balagtasan pong itong labanan ng matitinik

Ako po ang Lakandiwang sa usapin ay didinig.

 

Ang paksa pong hihimayin ng makatang magtatalo

Ay, "Dapat ba na palaging magsasabi ng totoo?"

Salubungin ng palakpak na masigla't masigabo

Ang dawalang sa larangan ng bigkasa'y kapwa bagyo!

 

 

DAPAT (Pagpapakilala)

 

Dapat na katotohanan ang palaging sasabihin

Dalahin mo'y kasalanan kung ikaw ay sinungaling

Elvie Espiritu po, bumabating mataimtim

At ang diwa nitong gabi, sumainyong walang maliw.

 

 

HINDI DAPAT (Pagpapakilala)

 

Hindi dapat na palaging totoo ang ihahayag

Pagka’t ito magkaminsan sa iyo'y magpapahamak

Kababayang nakikinig, isang maligayang oras

Gonie Mejia po lamang, pag-utusan nyo't tutupad.

 

 

LAKANDIWA

 

Buong linaw na naghayag ng kanilang niloloob

Ang dalawang magigiting na dito ay magsasalpok

Atin na ngang pag-untugin nang matesting yaong tuktok

Si Elvie po ang syang una, palakpak wag ipagdamot!

 

 

DAPAT (Unang Tindig)

 

Sa isip nati'y namulat, banal na alituntunin

Sa mali'y huwag pabibihag, wastong daan ay landasin

Tamang asal nga ba kaya kung minsa'y magsinungaling

Kung dito ay malalabag, utos dapat nating sundin?

 

Maliwanag ang tugon ko na iya'y huwag mapangyari

Pagka’t isang kasalanan sa Maykapal at sarili

Malinis na pagkatao, dapat sa ati'y mamalagi

Kaysa isang nabubuhay na may dungis yaong budhi.

 

Tayo ay mga nilikhang sa daigdig nabubuhay

Sinasabing mga anak ng Maykapal na naglalang

Bilang mga tagasunod sa isang Amang umaasam

Tayo ba sa nais Niya ay may loob na susuway?

 

Babaybayin ko po ngayon, panahon ni Eba't Adan 

Ang demonyo po ang sanhi, sa kanila ay nakialam

Sa matamis nitong dilang naglubid-kasinugalingan

Kaya do'n sa paraiso ang dalawa'y pinagtabuyan.

 

Hindi ko po sinasabing kahidwa ko ay may sungay

Hindi ko rin sinasabing may buntot siyang tinataglay

Nais ko lang ibahagi sa kanya ang kaalaman

Magsinungaling ay masama, kakampi ng kadiliman.

 

 

LAKANDIWA

 

Umuusok na katwiran ang kaagad namutawi

Sa labi ng paralumang matatapang daw ang lahi

Ang lalaking makata po ang sya namang maghahabi

Palakpakang malulutong ang atin ding ipanukli!

 

 

HINDI DAPAT (Unang Tindig)

 

Paalala ko po muna sa matabil na kalaban

Huwag naman sanang lalabis sa pasaring at paratang

Kung di man dapat magsabing totoo paminsan-minsan

Kahulugang ako na po ay may buntot at may sungay.

 

Ngunit habang nadidiin sa parunggit na pahapyaw

Lalo namang umiigting ang gilas ko sa banggaan

Nais ko ding ipabatid sa makatang paraluman

Magkaminsan ang totoo ang sa leeg mo'y sasakal.

 

Isa ditong halimbawa, kung ikaw ay nasasaktan

Nanganganib mabilanggo ng dahil sa kasalanan

Abugadong manananggol, pag inamin, katotohanan

Kaydali ng iyong pagpasok sa madilim na piitan.

 

Kung ikaw'y isang tindera ng isda sa talipapa

Sa kostumer sasabihing bili na kayo at sariwa

Tinamaan ng magaling, kahit tinda mo'y bilasa

Madali ang makabenta sa naglubid ng salita.

 

Sa dilag kong katunggaling larawang kawalang-malay

Sa makalumang panahon, higit siyang nababagay

Sa agos ng pamumuhay, kung ikaw'y di pasasaklaw

Pag-asa ay iilap sa sariling kapakanan.

 

 

LAKANDIWA

 

Pangalawang yugto na po ng labanang mainit na

At sa puntong ito ako ay eeksit samantala

Hahayaan kong mag-away sila hanggang gusto nila

At pag kapwa lamog na po'y saka muling maka-entra.

 

 

DAPAT (Ikalawang Tindig)

 

Mailap ba ang tagumpay sa isang tapat na mangusap?

Maamo ba ang pag-asa sa may pag-uugaling huwad?

Kung mayroon mang masasagi, unawain akong ganap

Ang magtatwa sa totoo, sa kabutihan ay duwag.

 

Nagkarera tungong langit ang dalawang magkaribal

Sa bilis pumaimbulog, masasabing sila'y pantay

Pag-abot po kay San Pedro, si Juan ay hinadlangan

Sa langit di pinapasok, sa sinungaling sila'y ayaw.

 

Sa pagdayo itong ginang, pag-unlad ang hinahanap

Biniro ng kapalaran sa salang hindi ginanap

Dahil sa maling paratang, buhay niya ang nakatumbas

Idiniin ng sinungaling, sa kanya ay nagpahamak.

 

Anong gandang idudulot ng sabi mong magkaminsan

Di pagsasabing totoo ay may buting iaalay?

Kahidwa ko'y gigisingin sa isa pong kawikaan

Ang pagsasabi ng tapat, magsasamang matagalan.

 

 

HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)

 

Maganda po ang pahayag ng makatang paraluman

Sa makabagbag-damdamin hinango niya ang patunay

Ngunit iya'y di dahilang panig ko ay natatakpan

Ayaw lang pong bigyang pansin, magagapi siyang tiyakan.

 

May anak ka na lalaki, nagtatago halimbawa

Hinahanap ng kaaway, sa buhay niya'y nagbabanta

Kung kanilang tatanungin ang anak mo'y nahan kaya

Ang ikaw ay magkaila, hindi mo ba magagawa?

 

Malubha ang karamdaman ng isang mahal sa buhay

May taning na halimbawa ang buhay niyang tinataglay

Kung kaniyang mababatid hininga'y agad mapaparam

Di ka ba magsisinungaling kung kanyang napagtanungan?

 

Hindi ko itinatatwang magsinungaling ay labag

Sa banal na kautusan na sadya pong nahahayag

Ngunit may pagkakataon na di ka makakaiwas

Lalo na nga kung ang sanhi, may nais kang ipangilag.

 

 

DAPAT (Ikatlong Tindig)

 

Kay-aga pong nangumpisal ng kalabang kutis sanggol

Inamin na kasalanan ang panig niyang tinutugon

Kung sa laban siya'y susuko, ang sa aki'y paghahamon

Ay ngayon na ang sandali, ngayon na po ang panahon.

 

Sa tahanan ang magulang sa anak ay itinuturo

Bawal ang magsinungaling, gawang hindi makatao

Kahit man sa paaralan pinapangaral ng guro

Kaluluwang sinungaling ang bagsakan ay impiyerno.

 

Natural po kung ang isang tao'y walang kaluluwa

Wala siyang pagkatakot, hindi nga mababalisa

Huwag sa akin mapipikon itong macho kong kahidwa

Muli kaya siyang mag-aral nang ito ay maunawa.

 

 

HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

 

Kita nyo't nagsinungaling itong lahi ni Bakekang 

Kung sa paksa ako'y mangmang, tiyak ako'y tahimik lang

Di ko ugaling sumuko sa ano mang paglalaban

Kahit pa ang katunggali'y pang-heavy weight po ang timbang.

 

Ibabalik ko pong muli ang laban sa katinuan

Kapintasan nga ba kayang magkaila minsan-minsan?

Sakali bang makabuti ang totoo'y pahindian

Masasabi pa rin kayang ito'y isang kamalian?

 

Katulad sa nainterbyung aplikanteng mag-a-abroad

Kasinungalinga'y ginawa para lamang makalusot

Nagpunyagi sa dahilang nais nyang maitaguyod 

Pag-aaral ng kapatid na tungkuling sinasakop.

 

 

DAPAT

 

Ang bagay na nakakamit sa isang katotohanan

Ay masarap tamasahin, walang dapat pangambahan

Kailangan bang ikailang kulang ka sa kakayahan

Kailangan pa bang dayain yaong kapwa mo nilalang?

 

Matuwid na hindi tama sa kapwa ang panlalamang

Ang di-pagsabing totoo na lihis po sa katuwiran

Kung sa iyo kaya gawin, dayain at paglakuan

Dapat ka ba na matuwa? Ang sa aki'y katanungan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Tila po nakakalimot itong tigre ng Viscaya 

Lahat na lang kapintasan isinali, nilahat na

Ang paksa ng pagtatalo ay muli kong paalala

Kung sadyang kinakailangan, magsinungaling ay dapat ba?

 

Minsan ay aking sinabi sa paralumang kalaban

Na siya ay ubod ganda at pang-Miss World ang katawan

Kung ako lang ay nagsabi ng pawang katotohanan

Maaaring noon din po ang mukha ko ay nasampal!

 

 

DAPAT

 

Hindi ako nangingilag na ako ay mapintasan

Di ko dapat ipagdamdam kung iya'y katotohanan

Ang masakit na nangyari, nagsinungaling ang kalaban

Kutis-sanggol daw po siya, barbekyung sunog din naman!

 

 

HINDI DAPAT

 

Kayo na ang nakarinig iyang totoo magkaminsan

Ay mahirap na tanggapin, mabigat sa kalooban

Sadya ngang nakabubuting magsinungaling magkaminsan

Higit na nga kung hangad ko'y mahalin ng kaibigan.

 

 

DAPAT

 

Di ko ugaling mang-uto, di ko ugaling manlinlang

Nais ko'y katotohanan, hindi ng kasinungalingan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Mayroong pagkakataong dapat kang magsinungaling

Kung ito'y nakabubuti sa sarili at kapwa din.

 

 

LAKANDIWA (Paghatol)

 

Kayo muna'y maghiwalay, magpalamig niyang ulo

Bago kayo ay tuluyang magkapikunan nang husto

Sa mat'yagang nakikinig, ang hiling ko nama'y ito:

Palakpakan ang dalawang mahuhusay sa diskurso!

 

Ang palagi bang magsabi ng totoo'y nararapat?

Yan ang paksang tinalakay ng dalawang nagsalungat

Ani Elvie, dapat daw po, nang magsama nang maluwag

Ang kay Gonie, minsan daw po, di angkop ang maging tapat.

 

Dapat nga raw, ani Elvie, pagka’t utos ng D'yos Ama 

Kakampi ng kadiliman ang di magsabi ng tama

Duwag raw sa kabutihan, may ugaling huwad anya,

At sa kapwa'y mapanlamang, hindi dapat ikasiya.

 

Ani Gonie, kung minsan daw kaylangang magsinungaling

Lalo't kung ang pagtatapat, may kakambal na hilahil,

Kung sa buhay, halimbawa, ng mahal mo'y may sisingil,

Pagtatakpan mo ba siya o lalo pang ididiin?

 

Ani Hesus, "Ako'ng Daan, Katotohanan, at Buhay 

Walang sasapit sa Ama kundi sa 'king pamagitan."

Maliwanag na ang susi sa pinto ng kaligtasan

Ay nasa 'ting katapatan sa salita, isip, asal.

 

Madali pong sabihin yan, mahirap na isagawa

Si Apostol Santiago na ang sya mismo ay nagwika,

Nasusupil nga ng tao yaong hayop na nilikha

Nguni't walang makasupil sa sarili niyang dila.

 

Si Abraham, di nagsabi ng totoo sa Faraon 

Si Jacob, nagsinungaling upang kamtin ang bendisyon

At si Pedrong araw-gabi'y kasama ng Panginoon,

Tatlong ulit na nagtatwa: "Di ko kilala'ng taong yon!"

 

Kung sila ngang dinakila't pinagpala ng Maykapal 

Nagkamali, nagkasala, nagsinungaling din minsan,

Ang tanong ko'y uulitin: Marapat ba't nababagay

Na palaging magsasabi ng pawang katotohanan?

 

Ang atin pong pamantayan sa kung ano'ng tama't mali

Ay ang mga kautusang nakaukit sa 'ting budhi

Iyang taong hindi tapat sa marami't kakaunti

Sinungaling din ang tawag mabuti man ang lunggati.

 

Tama bang magsinungaling kung may banal na intens'yon?

Ipasa-D'yos na po natin ang paghusga at paghatol;

Subalit sa dal'wa ritong buong giting na nagtanggol,

Palakpak nyo'y pakawalan: si Elvie po ang nag-kampeon!

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link