KATOTOHANAN SA PAMAMAHAYAG
TANONG: Bilang isang dyornalista o mamamahayag, DAPAT ba o HINDI DAPAT na isiwalat mo ang buong katotohanan kahit na manganib ang iyong buhay?
Mula sa pinagsamang panulat nina:
Rafael A. Pulmano — Hindi Dapat, na sa aktwal na pagtatanghal ay ipinagtanggol ni Juliet Asenita, at Lakandiwa, na ginampanan naman ni Pastor Gagaring.
LAKANDIWA (Pagbubukas)
Ang alin mang selebrasyon ng taunang kaarawan
Ng programa na pam-Pinoy sa himpilang KSAI
Ay di ganap kapag wala ang aba pong balagtasan
Kaya heto na po kami, malugod na nagpupugay!
PASTOR GAGARING po lamang ang lingkod nyong Lakandiwa
Sa bayan po ng lansones, Paete, Laguna nagmula
Kahit ako'y bago ritong di katulad nilang luma,
Meron din po naman akong ibubuga sa pagtula.
Ang paksa po ngayong gabi'y tungkol sa pamamahayag:
Kung isa kang dyornalista, sa balita'y tagakalap,
Lahat ng katotohana'y dapat mo bang isiwalat
Kahit ito'y mapanganib, may peligrong kaakibat?
Atin na pong tatawagin sa gitna ng entablado
Ang dalawang magigiting na makatang magtatalo
Parehas pong magagaling, at parehong mukhang tao,
Ang ating pong isalubong, palakpakang todong-todo!
DAPAT (Pagpapakilala)
Isang mapagpalang gabi, sa lahat po ang pagbati
Sa "Pag-usapan Natin" program, Happy 8th Anniversary
Sa mestisang paraluman na akin pong katunggali
May pagkakataon ka pang umatras na at umuwi.
Ang pamamahayag ay propesyong sinumpaan
Dito'y dapat isiwalat, lahat ng katotohanan
Iyan po ay ang panig kong bibigyan ng katuwiran
GONIE MEJIA is the name ng lingkod nyong nagpupugay.
HINDI DAPAT (Pagpapakilala)
Kay-aga pong nababahag ang buntot ng katunggali
Wala pa 'kong nasasabi, ibig na 'kong mapauwi
Kung ayaw mong mapa-confine sa ospital ngayong gabi
Ayun ang gate, wag hintaying buto'y magkabali-bali.
Si JULIET ASENITA po ang black beauty ninyong lingkod
Isang maligayang gabi ang pagbati kong malugod
Hindi dapat isiwalat, ang panig pong ilalahok,
Lahat ng katotohanan, lalo't panganib ang dulot.
LAKANDIWA
Lintik po kung maggirian ang dalawang magsasabong
Tingnan natin kung sino nga ang merong "K" na magkampeon
Sisimulan na po nating pausukin ang microphone
Si Gonie ang unang tindig, palakpak po'y isalubong!
DAPAT (Unang Tindig)
Sa isports po karamihan, nagkakampeon ay ulikba
Ngunit po sa Balagtasan, may binatbat sila kaya?
Di ko naman sinasabing si Julieta'y utak-biya
Ngunit labis ang pangarap nitong sunog na diwata.
Bago pasukin ang kursong napupusuan ninuman
Nakataya na ang loob pag ito'y napagtapusan
Na gampanin ang tungkulin na dito ay nakaatang
Buong linis, katapatan, nang ayon sa sinumpaan.
Ang propesyong journalism, o dili'y pamamahayag
Ay maipagkakapuring hanapbuhay na marilag
Dito'y pangunang tungkulin, sa lipuna'y isiwalat
Ang lahat po ng totoong sa bansa ay nagaganap.
Walang dapat na ilihim, walang dapat na itago
Tamaan ang tatamaan, walang dapat sinisino
Higit ang katiwaliang nagaganap sa gobyerno
Lalo't sangkot ay iyong ibang mga lintang pulitiko!
Wika nga po, napipigil ng iba ang kalokohan
Pagka’t takot na mabunyag sa radyo at pahayagan
Ito'y dahil sa ating mga journalists na matatapang
Walang gulat, walang kabang gumanap ng katungkulan!
LAKANDIWA
Sa suntok at saka sipa ng makatang nagpauna
Ang sagot ng katunggali naman niya'y ano kaya?
Upang atin pong malaman, tawagin po natin siya,
Hayan na po, palakpakan si Miss Juliet Asenita!
HINDI DAPAT (Unang Tindig)
Marami po akong alam na kagaya ni Gorgonio
Dibdiban kung manindigan, may matatag na prinsipyo
Walang takot magsiwalat ng totoo sa publiko
Dati silang nasa radyo, ngayo'y nasa sementeryo.
Wala raw pong ililihim, walang dapat itatago
Marangal daw na propesyong ilabas ang bawa’t baho
Pati buhay ng artistang nabuntis ng kalaguyo
Idyadyaryo ni Gorgonio pagka’t pawang totoo po!
Ang marangal na layunin ay di laging nagbubunga
Ng mabuti sa lipunan, kung minsan nga'y di maganda
Ang kriminal, pag nadyaryo't gumawa ng pelikula
Bandang huli'y bayani pa, pati bata, gumagaya.
Kung ako'y mamamahayag, di po ibig sabihin na
Ang lahat kong naririnig, naaamoy, nakikita,
Ay akin ngang katungkulang ibalita ko sa masa
Kapag ito ay nangyari, ang labas ko ay tsismosa.
Ang tsismis ay siyang mitsa ng maraming sigalutan
Ang balitang naglalantad ng lahat ng kabulukan
Ay gayon din, naghahatid ng panganib, agam-agam
Lalo na't kung isang pikon ang tao mong natapakan.
LAKANDIWA
Mainit na ang dalawa, kaya ako ay tatabi
Dumakdak na sila hangga't meron silang masasabi
Kayo namang madlang people na narito ngayong gabi
Gamitin ang inyong kamay nang ganahan lalo kami!
DAPAT (Ikalawang Tindig)
Si Julieta'y di tsismosa, mahina lang umintindi
Kapag sinabi pong tsismis ay di tunay na nangyari
Ang paksa po namin dito, kung dapat po ba o hindi
Ang totoo ay ibulgar, ang tsismis ay di kasali.
Wari din pong pahiwatig ng mestisang paraluman
Na ang seryosong totoo ay marapat na tabunan
Ng ibang mga kinalap na balitang walang saysay
Pagka’t dito'y wala daw pong mapipikon, masasaktan.
Anong silbi ng propesyon kung iyo ding itatakwil
Tunay nitong nilalayon, sakop na alituntunin
Kaysa iya'y mapangyari ay mainam pa marahil
Magtulak ka ng kariton, maglako na lang ng asin.
Batid natin magkaminsan, ang hustisya'y nabibili
Ng taong may impluwensya, sa buhay may sinasabi
Dahil nandiyan ang media, sa katotohana'y kampi,
Tuwiran pong nagaganap, katarunga'y nagwawagi.
HINDI DAPAT (Ikalawang Tindig)
Ang mahinang umunawa'y butete kong katunggali
Kaya ka nga natsitsismis, tunay kasing may nangyari
Ang totoo'y totoo rin kahit hindi mapa-TV
Pag may usok, may apoy daw, matatanda ang may sabi.
Ako ngayo'y magtatanong sa katalong kulay talong
Alin ba'ng mas pipiliin: ang magamit ang propesyon
Habang ikaw'y nabubuhay nang mahaba pang panahon?
O ang ikaw'y magretiro nang maaga sa 'yong pantyon?
Halimbawang ang kasangkot sa malaking iskandalo
Ay sariling ama't inang nakaupo sa gobyerno?
Ang lihim na baho nila ay iyo bang idyadyaryo?
Malasakit ba sa bayan, mas matimbang sa 'yong dugo?
Ibubulgar mo rin kaya, kung balita mong nakalap,
Sindikatong sabit dito'y nag-utos na ipakidnap
At nagbantang ililigpit ang asawa mo at anak?
Anong uri ka bang ama? Anong klase ka bang kabyak?
DAPAT (Ikatlong Tindig)
Simple po ang katanungan ng mestisang naulingan
Kahit anong propesyon mo, pag-iingat ang kaylangan
Kung ang aking ama't ina ang dawit sa kalaswaan
Di man ako'ng magbubunyag, tiyak iba ang gagampan!
Kung higante ang kalaban, panganib sa pamilya ko
Kailangan ay proteksiyong magmumula sa gobyerno
Kung hindi ko ibubulgar ang sinabing sindikato
Mas marami pa pong buhay ang dito'y mapeperhuwisyo.
Kung di kaya ni Julietang isipin ang tamang bagay
Bilang isang namamahayag, hiling ko po siya'y mag-resign
At sa lahat ng journalist, kapatid sa hanapbuhay
Paalala ko'y "Hoy, gising!" Limutin ang karuwagan!
HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)
Ang tanong ko'y diretsahan, sagot niya'y biglang liko
Maliwanag po ang isyu ngunit kanyang nilalabo
Katapangan pala niya'y hungkag lamang na pangako
Bahag din po pala'ng buntot, nangangatog pati nguso!
Heto pa ang isang tanong: Halimbawa'y mismong ikaw
Ang kinidnap ng NPA, ibabaon ka nang buhay
Maliban kung susulat ka't aamin sa buong bayan
Na una mong nilathatla'y pawang kasinungalingan?
Halimbawa pa rin naman, pakinggan mo, Oh Gorgonying,
Mga anak mo'y musmos pa, asawa mo'y kagampan din,
Tanging sa 'yo umaasang parang mga basang sisiw,
Sa pamilya't propesyon mo, alin ang 'yong uunahin?
DAPAT
Makulit po palang sadya ang ulikbang paraluman
Ako pa raw anya itong lumiliko sa usapan
Itataya ko ang lahat maging sarili kong buhay
Ngunit hindi ang magtaksil sa propesyon ko at bayan!
Tapat ako sa tungkulin pagka’t aking sinumpaan
Si Julieta'y sinungaling, propesyo'y paglalakuan
Nakahanda kong suungin ang lahat kong kasawian
Ayaw ko lang maging "tangi" kagaya po ni Bakekang!
HINDI DAPAT
Itataya po ang lahat alang-alang sa propesyon
Yayaman po ang may-ari ng radyo at telebisyon
Gayon din ang negosyanteng may-ari ng publikasyon
Samantalang nagluluksa ang pamilya ni Gorgonyong!
Kung talagang matapang ka't marubdob ang pagnanais
Na sagipin itong bayan sa kamay ng mga ganid
Ba't propesyong pinasok mo'y dyornalista't hindi pulis?
Para kung mayro'n kang alam, ikaw mismo ang dadakip!
DAPAT
Malala na palang sadya ang utak po ni Julieta
Pati gawain ng iba, sa akin ipinapasa
At kung ikaw ay matinong tagatanggap ng balita
Ang balitang hindi tama, higit mo bang ikakatuwa?
HINDI DAPAT
Baka naman ibig mo lang magpasikat, makilala
Ng maraming masusugid na publikong mambabasa?
May pasumpa-sumpa ka pa sa propesyon, iyon pala,
Ikaw itong sinungaling, taksil, traydor, palamara!
DAPAT
Tungkulin ang nag-uudyok upang ako'y tumalima
Ako ay hindi pasikat, ayaw ko lang magpabaya
Ang taong mapagparatang, may sanga daw yaong dila
Mag-ingat ka't baka ikaw'y i-front page ko sa balita!
HINDI DAPAT
Nadupilas po ang dila ng katalong propesyonal
Propesyonal na blackmailer, ginagawang kasangkapan
Ang kaniyang hanapbuhay upang kapwa'y mahuthutan,
Na kung hindi maglalagay, may peligrong mapa-headline!
DAPAT
Kawawa ang kalaban kong di batid ang sinasabi
Nangingitim na sa galit, hindi na po mapakali!
HINDI DAPAT
May totoong magaganda't kapupulutan ng aral
Ba't di 'yan ang ibalita, wala ka pang masasaktan!
DAPAT
Ang totoo'y ihahayag ano pa man ang mangyari!
HINDI DAPAT
Sa totoo'y hindi dapat manira ng ibang puri!
DAPAT
Tapat ako kung magsilbi!
HINDI DAPAT
May tapat bang nabibili?
LAKANDIWA (Paghatol)
Tigil! Para! Kayo muna'y tumabi at magpahinga
Ang hatol ko'y isusulit, ako naman ang poporma
Ang akin pong hiling lamang sa balanang nakanganga
Palakpakan muli natin si Gorgonio't si Julieta!
Dapat mo bang isiwalat bilang isang dyornalista,
Lahat ng katotohanan kung panganib ang syang bunga?
Ang kay Gonie, dapat daw po, si Juliet po dito'y kontra
Kayo naman, kababayan, ang "say" ninyo'y ano po ba?
Ani Gonie Mejia po, ang pangunang tungkulin daw
Ng isang mamamahayag, ibunyag ang nalalaman
Wala anyang sisinuhin, tamaan ang tatamaan
Pagka’t ito sa bayan daw ay propesyong sinumpaan.
Dahil anya natatakot na mabunyag yaong baho
Napipigil daw ang iba sa paggawa ng di wasto
Kahit minsan ang hustisya'y nabibili diumano
Katarunga'y nagwawagi dahil media'y kaalyado.
Ang katwiran po ni Juliet Asenita'y kakaiba
Ayaw niyang makasugat sa damdamin daw ng kapwa
Marami daw anya namang totoo at magaganda
Na puwede ring ibalita, may aral pang makukuha.
Si Juliet ay nagtatanong: sa buhay daw na iisa
At sa propesyong sinumpaan, alin ang mas mahalaga?
Kung ang sangkot ay magulang, o ang anak at asawa,
Alin daw ba'ng uunahin, hanapbuhay o pamilya?
Ako man po'y merong tanong sa isyu ng katapangan,
Katapangan pa rin kaya kung pamilya'y madadamay?
Sa propesyon, totoo ngang may sumpa kang binitiwan,
Pa'no naman ang sumpa mo sa asawa nang ikasal?
Matitindi ang katwiran, bawa't isa'y naglalayon
Na linawin itong paksa, tugunin ang bawa’t tanong
Ngunit akong tagasuri ang pataw na obligasyon
Hanggang ngayo'y nangangapa sa dapat na maging hatol.
Kung akin pong pipiliting lutasin ang paksa ngayon
Baka ako'y mangayayat sa labis na konsumisyon
Importante'y meron tayong napulot na bagong leksyon
Kayo na po, kababayan, ang humusga at humatol!
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact