DAGDAG NA TAON SA HAISKUL

 

 

TANONG:  DAPAT ba o HINDI DAPAT dagdagan ng isa pang taon ang haiskul sa Pilipinas?

 

 

Mula sa pinagsamang panulat nina:

Bheng Arellano –  Dapat

Rudolf Miranda –  Hindi Dapat

Bert Cabual – Lakandiwa

 

 

LAKANDIWA

 

“Dapat ba o Hindi Dapat na dagdagan

Ng isa pang taon ang haiskul na paham?”

Tanong itong ngayo’y kinasasabikang

Mag-ilaw ng tugong sa baya’y tatanglaw.

 

Itong Balagtasa’y aking ibubukas

Sa nangalilimping kawal ni Balagtas;

Ang mga makata’y maaring maghayag

Ng pangangatwirang madiwa’t matatag.

 

Makatang may giting at lakas ng loob

Na sa Balagtasang ito ay lumahok;

Ngayo’y oras ninyong pumutak...sumangkot,

Kumbaga sa tandang at inahing manok.

 

 

DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan – Panawagan)

 

Nakalaan ako, bunying Lakandiwa

Na sa Balagtasang ito’y sumagasa;

Ako ay hindi pa inahing makata,

Nguni’t dumalagang manok na sariwa.

 

Gayon pa man, ako’y sasagot sa tanong:

Dagdagan ang haiskul ng isa pang taon!

Ang ayaw pumayag at gustong magmaktol,

Kung hindi man pangit ay sarat ang ilong.

 

 

HINDI DAPAT (Sa ibaba ng tanghalan – Panawagan)

 

Ilong ko’y di sarat, Binibining Kalog,

Pagka’t tandang akong mananalo’t bantog;

Di ako sang-ayong dagdagan pang lubos

Ng taon ang haiskul sa bayan at lungsod.

 

Lakandiwa namin, ako’y nakahanda

Sa paanyaya mong mahalagang paksa;

Kung nais mong kami’y magtalo sa tula,

Diyan sa tanghalan, bayaang magdigma.

 

 

LAKANDIWA

 

Magsiakyat kayo dito sa tanghalan,

Nang ang “bagyo” ninyo’y ating masubukan;

Dapwa’t bago kayo maglako ng yabang,

Mangagpakilala sa harap ng bayan.

 

 

DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan – Pagpapakilala)

 

Ang aking pangala’y likhang-sinag-tala

Na – “Belen” – ni Hesus—Pasko ng hiwaga;

Nguni’t tinatawag ng kasalamuha

Na “Bheng Arellano” bilang manunula.

 

Tubo man sa London, dapwa’t sa Tagalog

Ay pinanday ako’t matamang hinubog;

Kaya ang panig ko’y kapag binatikos,

Ang tabak kong tula, aking iuulos!

 

 

HINDI DAPAT (Sa ibabaw ng tanghalan – Pagpapakilala)

 

Ako’y si “Rodolfo” nguni’t “Rudolf” na lang

Ang itawag ninyo upang maalwanan;

Bunying Alemanya yaong pinagmulan

Ng maalamat kong ngalan sa Aleman.

 

Ang aking sandata’y espadang matalim

At malayang plumang apoy pag sinaling;

Di ko uurungan ang sino ma’t aling

Tututol sa aking tulang kakathain.

 

 

LAKANDIWA

 

Pagpapakilala’y yamang nakaraos,

Na may “sigwa’t hanging” kakila-kilabot;

Ngayon ay oras nang sila’y pumalaot

Sa pangangatwirang madiwa’t matayog.

 

Ang unang titindig ay ang pumapayag

Na ang limang taon sa haiskul ay dapat;

Sa pagtayo ni Bheng na may sigla’t gilas,

Palakpakan natin, bayang nagmamalas.

 

 

DAPAT (Unang Tindig)

 

Ang pahat na diwa nati’y tumataas,

Habang lumalaon sa nasang pag-unlad;

Sa haiskul na batis ng dunong na hiyas—

Ang apat na taong panaho’y di sapat.

 

Ang isang taon pang idaragdag dito

Ay tulong sa batang mapurol ang ulo;

Kaalamang dagdag na di mamagkano,

Ay tulong din naman sa matatalino.

 

Di ba’t sa mataas nating paaralan,

Aral-kolehiyo’y pinaghahandaan?

Ito ang Minerba ng sigliwang daan

Sa unibersidad ng pagtatagumpay!

 

Kaya naman ako’y lubhang nagtataka

Sa kabalagtas kong wala yatang mata;

Sa galaw ng mundo, manong magmasid ka,

Ang walang tiyaga’y nagmumukhang tanga.

 

Ang aking mungkahi, tayo’y magtiyaga

Ng isang taon pang pandagdag na takda;

Sa haiskul, ang limang taong paghahanda

Ay may pamantasang may hihinting tuwa.

 

Maniwala kayong may magandang dating

Yaong limang taong haiskul na may ningning;

Ang hindi sang-ayong ito ay magaling,

Kung hindi man pangkal, ay makatang haling!

 

 

LAKANDIWA

 

Una pa lang tindig ng panig sa dapat

Ay merong hagupit na kagulat-gulat;

Makatang binata ngayo’y magsisikap,

Sagutin ang mutyang may tulang agimat.

 

Kaya naman ngayo’y sunod na titindig

Si Rudolf Miranda: may tula sa dibdib; 

Kayo naman bayang dito’y nakikinig,

Sa palakpak ninyo, siya ay ihatid.

 

 

HINDI DAPAT (Unang Tindig)

 

Ang daigdig ngayo’y lubhang peligroso

Sa krisis-pinansyal na pasan ng tao;

At ang Pilipinas, tingna’t apektado,

Marami sa atin ay walang trabaho.

 

Bagama’t nasanay ang Pinoy sa hirap,

Ayaw ko sa haiskul ng santaong dagdag;

Inaasam nating diplomang pangarap,

Di man imposible’y magiging mailap.

 

Sabihin ma’t hindi’y magkaka-problema

Sa silid-aralan, aklat at pisara;

Gayon din sa gurong gabay at pag-asa,

Kakulanga’y baka natin ipagdusa.

 

Hindi makikita sa dagdag na taon

Ang ganda’t kalidad ng haiskul sa ngayon;

Manapa’y sa husay ng mga instruksyon

Ng aral-may-upa o ng walang twisyon.

 

Sa di matingkalang hirap nitong Pinoy,

Ang santaong dagdag ay tila kumunoy;

Sa kitang karampot ni pobreng Mang Pandoy,

Pagpasok ng anak—di maitutuloy!

 

Sa ating problema ay hindi panlutas

Ang dagdag sa haiskul na santaong singkad;

Ulap ang isip mo, mutyang kabalagtas,

O, Bheng, gumising ka...ito’y realidad.

 

 

LAKANDIWA

 

Titigil na muna akong Lakandiwa

Na nasa pagitan ng dalwang makata;

Kung may suliranin sa pananalasa,

Saka mag-aawat upang pumayapa.

 

Ngayon ay minsan pang aking tatawagin

Si Bheng Arellano sa London pa galing;

Sa kanyang pagtula’y ating salubungin

Ng maatikabong palakpakan natin.

 

 

DAPAT (Ikalwang Tindig)

 

Sa teknolohiyang ngayo’y umuunlad—

Visual aids, computer: may bagong kalidad;

Sa komunikasyong talisik na ganap,

Lubhang kailangan ang oras na dagdag.

 

Ang buong santaong idagdag sa haiskul,

Matinong ideyang inihihimaton;

Mabuting tanggapin itong mahinahon,

Pagka’t ibubunga’y masusing pagsulong.

 

Sa ating lipuna’y naglipana mandin

Ang masalimuot na mga usapin;

Binging moralidad ay tutok sa bangin

Ng pagkariwarang kay saklap tanggapin.

 

Tapos man ng haiskul ay di nalalaman

Ang pagpapamilya at pananagutan;

Ang marami’y walang pag-ibig sa bayan,

Minamahalaga’y ang sarili lamang.

 

Ang mga ito ba’y dapat na ituro?

Oo, kailangan!..itanim sa puso...

Ito ay hamon din sa lahat ng guro:

Dagdagan ang taon sa haiskul!—isamo!

 

Haiskul ang pag-asa tulad ng palihang 

Panghubog sa mga kabataang mangmang;

Kapag ang panaho’y kapos...kulang-kulang,

Bansot ang hinubog sa silid-aralan.

 

 

HINDI DAPAT (Ikalwang Tindig)

 

Tunay ngang maunlad ang teknolohiya,

At ang Pilipinas ay ayaw pauna;

Nguni’t nasasayang ang oras at pera

Sa net games ng haiskul na walang kapara.

 

Sa gamit ay walang salaping idagdag,

Mga mag-aaral ay kahabag-habag;

Pagtuturo’y pa’no magkaka-kalidad?

Payak ay ayusin...timbangin ang lipad!

 

Sa iyo nanggaling na di nalalaman

Ng tapos sa haiskul ang pananagutan;

Haiskul pala sa ‘yo’y walang kabunasan,

At walang magaling na patutunguhan.

 

Di ako sang-ayon sa iyong sinabi—

Dagdag bang santao’y huhunos ng ani?

Kung di maitanim ang binhing marami,

Sa santaong hirap walang mangyayari.

 

Pandayan ng isip ang haiskul—totoo,

Hubugan ng diwa, bago kolehiyo;

Nguni’t suliranin kung di epektibo

Ang mga instruksyong turong-makatao.

 

Ang panahong dagdag ay hindi tutugon

Sa nakababagot nating edukasyon;

Ang kaisipan mo’y tila krusipiksyon

Sa haiskul na Kristong sa krus naparool.

 

 

DAPAT (Ikatlong Tindig)

 

Kabataa’y “Kristo” sa basal na lupa

Na sadyang natigang ng pagpapabaya!

Sa magulang lang ba ang sisi at pula,

Gayong haiskul natin ay nangaglipana?

 

Aral-panlipuna’t pagpapakatao

Ay pananagutan ng ating gobyerno;

Ang kasalukuyang pagtuturo rito,

Turong- balisawsaw, pagka’t hindi todo.

 

Paano ang gugol ng mga magulang

Na nangaghihirap sa pagpapaaral?

Ano ang gusto mo? (gagastos din lamang)

Ay “half-baked” ang “graduates”—di ba kahihiyan?

 

Sa “hilaw” na “tapos” ay di maririnig

Ang ganda at tunog ng tuwid na Ingles;

Ingles ay kasamang-agapay na salik 

Ng sariling wikang nasa ating dibdib!

 

Kung wika’y pundasyon ng nasyonalismo,

Kawawa ang batang hindi natututo;

Pagka-makabaya’y buhay at prinsipyo

Ng alinmang bansa saan pa mang dako.

 

Anong mahihintay na magandang bukas

Sa bansang binunsay ng panaho’t hirap?

Aking uulitin, tayo ay pumayag,

Santaong dagdag pa sa haiskul ay lunas!

 

 

HINDI DAPAT (Ikatlong Tindig)

 

Ating pagbalikan, kasaysayan natin,

Matinding problema ay ating silipin;

Sa bunton ng dukhang mistulang alipin,

Haiskul ay banyaga’t hirap na pasukin.

 

Tayo ay humarap sa katotohanang

Mga libreng twisyo’y iilan sa bayan;

Haiskul na marangya, abot ng mayaman,

Subali’t sa dukha’y pangarap na lamang.

 

Pag-unlad ay hindi sa dagdag na taon,

Kung di sa mahusay at matinong leksyon;

Ang lengwaheng Ingles ay gapok na timon 

Sa bangkang-panlayag sa ilog at talon.

 

Kahi’t bulatlatin ang estadistika,

Maraming mahirap sa haiskul, hindi ba?

Ang dagdag na taong pinipilit mo pa

sa dagat ng dukha’y malagim na sigwa.

 

“Half-baked” ang sabi mo ang “graduates” sa ngayon

At nakahihiyang resulta ng haiskul;

Nguni’t nalingat ka sa mga sitwasyon,

Sa pinanggalingan nilang institusyon.

 

Sang-angaw mang taon ang ating idagdag

Sa haiskul ay walang buting iuunlad;

Edukador nati’y nag-aasal-tunggak,

Dahil sa goyernong salaula’t uslak! 

 

 

DAPAT

 

Salaula’t uslak?...kapag may swine virus 

Na banta sa madlang kakila-kilabot;

Isinasarado ang haiskul sa takot

Na ang mga bata’y mahawa’t matepok.

 

At gayon din naman kung may bagyo’t baha,

Tarangka ng haiskul ay isinasagka;

Kung merong santaong dagdag na sinadya,

Masasakop yaong araw na nawala.

 

 

HINDI DAPAT

 

Araw na nawala ay nakaabala,

Ngunit ligtas naman ang mga eskwela;

Magsuot ang gauze mask at magbitamina,

Upang ang“swine virus” di maging problema.

 

Yaong mga baha at matinding bagyo

Ay pangkaraniwang kalamidad ito;

Kung magkapote ka’t soot ang bota mo,

Bubuksan ang haiskul na langit mo’t mundo.

 

 

DAPAT

 

Sa langit mo’t mundo ay alagataing 

Dagdag na santao’y dagdag sa aralin;

Bukod sa instruksyong mabisa’t magaling,

Henyong pagtuturo’y palawig-lawigin.

 

 

HINDI DAPAT

 

Palawig-lawigin? Iya’y walang saysay

Sa tamad na bata’t bugok na paggabay;

Ang dapat lingilin ay makabuluhang

Dagdag na gusaling mga paaralan. 

 

 

DAPAT

 

Maraming bakasyon sa hayskul, hindi ba?,

National holidays at iba’t iba pa;

Araling nabalam ay maiaadya

Ng hustong santaong ipag-aabala.

 

 

HINDI DAPAT

 

Bakasyo’t pahinga ang dapat kaltasan,

Nang ang mga pista’y mabawas-bawasan;

Tapos ang lakwatsa at tradisyong-hangal,

Makatitipid pa ang pamahalaan. 

 

 

DAPAT

 

Panahong santaon, higit pa sa hiyas,

Tumatanggi rito ay bobo at tamad!

 

 

HINDI DAPAT

 

Ang tamad at bobo ay ang walang hangad

Tutulan sa haiskul ang santaong dagdag!

 

 

DAPAT

 

Dagdag na santaon kapag tinanggihan

Ay lalong darami ang “graduates” na “hilaw.”

 

 

HINDI DAPAT

 

Idinaramay mo sa sinabi mong ‘yan,

Ang “luto” sa haiskul ng mabuting kalan.

 

 

DAPAT

 

Katwiran mo’y liko, makata ng Biñan!

 

 

HINDI DAPAT

 

Lalong liku-liko ang matwid mong bigay!

 

 

DAPAT

 

Ang dapat sa iyo’y haiskul-bayabasan!

 

 

HINDI DAPAT 

 

At kangkungan-haiskul ang sa iyo naman!

 

 

DAPAT

 

Manhid na makata, gusto mo ba’y away?

 

 

HINDI DAPAT

 

Kung ‘yan ang gusto mo, makatang pasaway!

 

 

(Habang nagsisigawan ang nagtatalo, hahadlang ang lakandiwa.)

 

 

LAKANDIWA

 

Kayo’y huminahon! Belen at Rodolfo,

Ito’y balagtasan at di basag-ulo;

Hahatulan ngayon kayong nangagtalo,

Kung sinong nagapi’t kung sinong nanalo.

 

Ang bibig ko’y halos di ko maibuka

Sa mga katwirang dito’y ibinadya;

Kung panalunin ko si Bheng na kay ganda,

Baka paratangang ako’y “sumisinta!”

 

Kung si Rudolf naman ang papagwagihin,

Lalaking makisig kung sa biglang-tingin;

Baka naman ako ay biglang dustaing

Isang binabae’t “malasadong bading.”

 

Kaya pakiusap sa madlang narito,

Sa gawang paghatol ay tumulong kayo;

Kung saan itapat ang kanang kamay ko,

Si Bheng o si Rudolf palakpakan ninyo.

 

Una muna’y kay Bheng, kamay ko’y tumapat,

Ang panig sa kanya...ngayo’y pumalakpak;

Yaong palakpakang tila nagpipiglas,

Tandang panig kayo sa kanyang binigkas.

 

 

(Magsisipalakpak ang mga panig kay Bheng.)

 

 

Ngayon ay tumapat ang kanan kong kamay

Kay Rudolf...ibuhos iyang palakpakan;

Ang palakpak ninyo na nagpapatunay

Na kapanig kayo sa kanyang katwiran.

 

 

(Magsisipalakpak ang mga panig kay Rudolf.)

 

 

Aling palakpakan ang lalong malakas

Na magtutugatog sa makatang pantas?

Kahatulang mula sa inyong palakpak,

Pag-uwi ng bahay...doon ibulalas!

 

Maraming salamat madlang nalilimpi

Sa inyong ginugol na mga sandali;

Habang kumakaway kaming nakangiti,

Tagubilin nami’y namnamin ang sidhi.

 

Bayang nakikinig, bayang minamahal,

Mga panauhing guro’t mag-aaral;

Ang bukas ng ating haiskul na marangal

Ay nasasa inyong mabubuting kamay.

 

Matapos na kayo’y makapagdesisyon

Kung haiskul ay apat o lima mang taon;

Magkaisa kayo...magsamang tumugon

Sa hibik ng aba’t lumpong edukasyon.

 

Sa natipong lakas ng pagkakaisa, 

Burol ng kurapsyon ay mabubungkal na...

(Sa haiskul, tagpasin ang puno at sanga

Ng lisya at tusong pamumulitika!)

 

 

 

 

 

 

Unang araw ng klase sa Lake Shore Educational Institution 

(Larawang kuha ni Rafael A. Pulmano, Batch 1972)

TUNGKOL SA KATHANG ITO

​

Ang Balagtasang ito ay tugon sa kahilingang ipinarating ng isang bumisita sa web site at na nag-iwan ng ganitong mensahe sa GuestBook:

​

July 5, 2009

​

ganda, un lang!!! help po asap kailangan ko ng balagtasan about

"dapat bang dagdagan ng isang taon ang high school?"

​

Euris Pilar

Philippines

​

Maganda ang nabanggit na paksa, kaya minarapat ng inyong lingkod na bumuo ng isang pangkat para sumulat ng piyesa tungkol dito.

​

Taus-pusong pasasalamat ang ipinaaabot ko kina Bert Cabual, Bheng Arellano, at Rudolf Miranda sa kanilang pagtugon sa kahilingang ito at masinop na paghabi ng mga tula upang mabigyang-katuparan ang pangangailangan ng nabaggit na mag-aaral at iba pang kagaya niya.

​

Ito ang kaunaunahang balagtasan na kinatha at nilahukan nina Bheng (na sumulat rin ng kaugnay na sanaysay at naging batayan ng kanyang mga katuwiran) at Rudolf, at sila ay binabati ko sa mahusay nilang komposisyon.

​

Sa tuwing papalapit ang Agosto, kung kailan ginugunita ng Pilipinas ang Buwan ng Wika, maraming mag-aaral ang nagre-search tungkol sa Balagtasan, at isa ang web site na ito sa mga madalas na ginagawang sanggunian.

​

Karangalan naming makapaghandog ng aming kakayahan sa pagkatha ng tula – mga kakayahang buhat sa Diyos – para sa Kanyang maluwalhating kapurihan at sa kapakinabangan ng ating mga kababayan sa buong mundo.

​

​

Rafael A. Pulmano

Pohnpei, F.S.M.

July 23, 2009

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link