TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
MGA TANONG NG KABALINTUNAAN
Bakit may mahirap at mayaman na estado ang buhay?
Lahat halos ng mahirap,
pagyaman ang nasang maranasang tunay;
puno ang buhay ng mga kuwentong isasaysay
ng mayamang hungkag at mahirap na matiwasay.
Bakit mahirap ipaglaban ang matuwid?
Parang palasong sumisibad sa himpapawid;
baluktot na katwiran ng mga ayaw sa tuwid,
kasiyahan nila’y kasinungalingang igawa ng lubid.
Bakit ang mga anak, lugod o pasakit ang dulot
sa mga magulang na nagmahal naman nang lubos?
Di tiyak ang kapalarang sa kanila’y ipapahintulot,
kung ang anak ay pasakit nga o sa kanila’y maging lugod.
Bakit kung minsan mapaglaro daw ang kapalaran,
pangarap na hangad laging malayo sa katuparan,
at sa sabay sa pagtanggap na hangad
ay hanggang pangarap lang,
saka maamong lumalapit ang mga paraang ito’y makamtan?
Bakit ang pag-ibig ay isang hiwaga
na siyang pinag-uugatan ng maraming balintuna,
kasayahan at kalungkutan, ngiti at pagluha,
lahat ng uri ng damdamin, mararanasan mong kusa?
Bawa’t tao’y may sariling tanong ng kabalintunaan,
depende sa kapalaran ng buhay ng kanyang karanasan;
mga hamong tanong na tila walang kasagutan,
sa Diyos natin isuko, sapagka’t Siya Ang Kabalintunaan.
September 15, 2008
Mga katha ni Josephine Castelltort-Jaylo na matatagpuan sa
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.