SALI KA, KABAYAN




Mula sa panulat ni

EFREN VALTE

Angat, Bulacan, Philippines


ANINAWIN ANG KAUNLARAN


Patuloy ang lakad ng pilay na pagong

kahit sa likuran ay may nakapatong ,

ang bigat na dala'y tila naghahamon

sa mga tiisin upang makaahon.


Kung sa paglalakbay magiging magaan

at ang tatahakin ay tunay ang hadlang

baka makarating sa patutunguhan

bago pa lumubog ang sikat ng araw.


Kahit na nga hapo patuloy ang galaw

mata'y nakatuon sa bandang unahan

buhay ang pangarap kahit humihingal

kahit hinihila ng maraming kamay.


Ganyan ang pag-unlad ng mahal kong bayan

lupain ng henyo't bayaning matapang

tila sa kuro ko'y panaginip lamang 

ang ating pag-usad sa kasaganaan.


Habang ang halakhak ay nangingibabaw

ang impit na daing ay napipipilan

doon sa tambakan kasundo ay langaw

tanawing tahimik habang nangangalkal.


Mga tagong yaman kaya lang lumabas

ay ipanlalangis sa mga mahirap

sa kaniyang boto ay ipantatawad

sa ulcer ng tiyan ay ipanlalanggas.


Ang yamang natinggal lalong kumakapal

habang dinudukot ang pilak ni Huan;

batas na binuo sadyang binutasan

upang magpatuloy ang "ang bakang gatasan."


Sa istatistika'y kagilagilalas

ay itinuturo'y panay paitaas

kay gandang basahin, pakingga'y masarap

dahil daw pasulong ang ating pag-unlad.


Kung nararamdaman ang kaginhawahan

bakit humuhugos ang maraming bilang

ng mga obrero't mga propesyunal

na sa ibang bansa sila'y manilbihan?


Sahod na mababa, kontratang pinutol

ang ganyang kundisyo'y parang pusang gutom

ngiyaw ka nang ngiyaw tila sinusumpong 

sa dayuhang amo, laging naglalampong.


Hanggang ang sistema't maging disiplina

ay minaskarahan ng ibang kultura

ang kasaganaa'y mahirap makita

kung mga hunyango'y laging magpipista.



01/16/15 edv




Mga katha ni Efren Valte na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan




Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano |  Contact

affiliate_link