TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
TALINO: IPINAGBIBILI
Ang kalakal ay panindang nabibili
sa bagsakan, sa palengke, sa groseri;
ang mga kalidad kapag napupuri
laging pinipili ng nakararami.
Ganyan din ang dunong kapag nanaisin
ipangibang bayan upang doon bilhin
antas ng talino sa iba gamitin
upang makilala ang tunay na galing.
Manunuklas ka bang may init sa dibdib
na nang mapanghal ka'y bigla kang nanlamig
sa pulang pantapal napipi ang bibig
kaya lumupasay sa pananahimik.
Mahal mo ang bayan kahit ang sarili
ay bakit tinikis at tila inapi
ang bunga ng isip na nais isilbi
ay pinagdudaha't isinaisang tabi.
Masisisi mo ba bayang nagmaramot
kung ang aking dunong sa iba gumamot,
sasabihin mo bang taksil na lumimot
kung ang kasanaya'y sa iba ihandog?
Kapag nga nasaid ang utak sa bansa
matatanyag tayo na bansang kawawa;
tanging maghahari'y mag-uutak biya
hanggang sa malugmok at mapanganyaya.
At kung mangyari ngang ang hibla'y humina
mamumuhay tayo sa pagdaralita
habang ang dunong kong niluwas sa bansa
siyang nagpayaman at nagpasagana.
01/16/15 edv
Mga katha ni Efren Valte na matatagpuan sa Sali Ka, Kabayan
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact