TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

SALI KA, KABAYAN




Mula sa panulat ni

JOSEPHINE CASTELLTORT-JAYLO

Philippines


MASAYA KA BA?

 

Maraming ibig sabihin ang salitang masaya,

kasing-kahulugan din ng tuwa, lugod, galak, ligaya;

at sa lahat ng mga salitang nasa diksiyunaryong alam na,

ang diwang masaya, lahat ng tao’y gustong laging nadarama.


Dahil ang saya nga’y isang uri ng damdamin

na bunga malimit ng nakakamtan na mithiin;

sa araw-araw na buhay ng mga nais nating gawin,

na iba-iba sa tao ang nagbibigay galak mandin.


Lugod ng magulang, mababait at masusunuring anak,

sa anak, maunawain at responsableng magulang 

    dulot nama’y galak;

maligayang pamilya nabubuo ng mag-asawang 

    nagmamahalan nang tapat,

bawa’t miyembro ng pamilya, ugali na’y maghatid ng galak.


Kung ikaw ay tapat makisama at puno ng mabubuting hangad,

at sa kapwang nagkakasala’y laging handang magpatawad,

mababaw mangarap at namumuhay sa kinikitang sapat,

tuwa at saya ng buhay sa ganitong kaisipan nagbubuhat.


Anupa’t ang diwa ng katuwaan ay tunay na iba-iba,

masaya tayo pag maraming pera at sa nabibili nitong saya;

at ngayon ang tao magkamal ng pera ang sukatan ng ligaya,

nalilimutang sayang mula dito’y lagi lang pansamantala.


Ang totoo’y walang perpektong damdaming masaya,

lahat ng sayang matutuklasan ay pawa lang pansamantala;

habang nabubuhay, tao’y walang kasiyahan, 

    laging naghahanap pa

ng Sayang Sa Diyos Lang Magmumula, 

    hindi sa mga bagay na nilikha lang Niya.



Mga katha ni Josephine Castelltort-Jaylo na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link