TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
PANGUNGULILA
Talagang wala na yatang kasimpait
Ang maging ulila dito sa daigdig
Ang lahat ng hirap aming tinitiis
Nagtutulung-tulong kahit anong sakit.
May ilang taon na ang nakakaraan
Buhat nang si Ama sa ami’y pumanaw
Sa iisang bubong ng kubu-kubuhan
Doon nakaranas ng kasiphayuan.
Ang tanging naiwan sa amin ni Ama
Ay kapirasong lupang kanyang sinasaka
At ang gumagawa ay wala ng iba
Kundi ang aming mabait na Ina.
Mayruon pang isang loteng naiwanan
Na tinataniman ng mga halaman
Mga punongkahoy saka mga gulay
Tanging iyon lamang ang ikinabubuhay.
Talagang ang Diyos ay makapangyarihan
Sapagka’t kami ay Kaniyang binigyan
Ng isang Inang lubhang mapagmahal
At sa kasipaga’y talagang uliran.
Sa pagtitiyaga, kami’y nag-aaral
Kahit na sabihing huli-huli lamang
Sapagka’t talagang ‘di makakayanan
Kung kami ay laging magsasabay-sabay.
Matanda sa lahat ay parmasyotika
Saka ang sumunod ay nagdu-duktora
Guro ang pakay ko at nag-aaral pa
At batang lalake na ampon ni Ina.
Mahal naming Ama, kung ikaw ay buhay
May kasama sana si Ina sa bahay
Lalo na kung kami’y nasa paaralan
Tanging siya lamang ang naiiwanan.
Mahal naming Ama, kung ikaw ay buhay
Katulong ka sana sa pagpapa-aral
‘Di sana kung gayo’y kami’y sabay-sabay
Sayang din ang mga taong nakaraan.
Mahal naming Ama, kung ikaw ay buhay
Maligaya sana yaring pamumuhay
Bagaman at kami’y nagsisipag-aral
Ay di naman lubos ang kaligayahan.
Ikaw aming Ama ang siyang dahilan
Kung bakit kami ay ‘di masiyahan
Sa kabila ng aming naging kalagayan
Kung maaari lamang kami ay balikan.
Laura G. Balatbat
Agosto, 1964
Mga katha ni Laura Balatbat-Corpuz na matatagpuan sa
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.