TUNGKOL

SA SAYT NA ITO

DAHILAN…TINAPAY


Tandang-tanda ko pa nuong papasok sa paaralan

Isang batang munting-munti ang natanaw ko sa raan

Maamo ang kanyang mukha't mga mata'y mapupungay

Alun-alon yaong buhok, sutla yata ang kabagay.


Walang pag-aalinlangang siya'y aking nilapitan

Ang dalawang maliliit na kamay ay hinawakan

Mga luhang dumadaloy sa pisngi ay pinahiran

At pinalis yaong duming nasa damit na pulahan.


Nang siya ay mapagmasdan ano itong naramdaman

Para bagang ako'y nasa kanyang katayuan

Na kung walang nakakita'y paano kaya ang nilalang?

Ang luha ko'y nangalaglag at hindi ko napigilan.


Sa sakit na nadama'y sino ang 'di mahahabag?

Lalo na kung makikitang ang bata ay naglalakad

Walang pader na matigas dili siya napapadpad

Ang init nuong lupa'y tinitiis 'pagka't yapak.


Lakas-loob kong tinanong kung ano ang kanyang 'ngalan

At saka kung sino pa ang kaniyang kasamahan

Bakit naman ikaw ay nag-iisa sa lansangan

Gayong ikaw'y munting-munti at anghel sa aking tanaw?


Bahagya nang naibuka noong bata yaong bibig

Ang winika ay "Rosalita" sa mahina niyang tinig

"Ako po ay matagal nang sa magulang ko’y nawawaglit

Marahil po'y hinahanap ni Ina at aking kapatid."


Pagkawika niyang gayon ay tumakbo't tumalilis

Kaya pala'y may nakitang basurahan sa isang panig

Hindi niya alintana ang sasakyang mabibilis

Ang maluwang na kalsada’y 'di natakot na tinawid.


Hinalukay ang basura at naghanap ng pagkain

Naruong itagilid at ang lata'y pagulungin

Subali't wala man lamang na kahit na hihimurin

Anong hirap, anong sakit, anong haba ng tiisin?


Walang anu-ano, ay may asong nagdaraan

Mayro'n itong kagat-kagat kapirasong tinapay lang

Hinabol ni Rosalita at ang aso ay inagawan

At narinig ko na lamang ay malakas na sigawan.


Doon sa aking narinig at tunay na nasaksihan

Kitang-kita ko pa nang siya ay magulungan

Ng isang malaki at mabilis na sasakyan

Sa awa ng mga tao, ang bata ay nilapitan.


Subali’t si Rosalita ay nalugmok na nga lamang

At hindi ko matiis na 'di siya mahawakan

Sa tibok ng kanyang puso na mahina at mabagal

Para bagang malapit nang si Rosalita ay pumanaw.


Sa mahina niyang tinig ay winikang dahan-dahan

"Nanay ko po, Nanay ko po, nais ko po ay tinapay."

Pagkawika niyang iyon si Rosalita'y nalungayngay

Siya’y namatay na 'di man natikman ang tinapay.


Ang katagang narinig ko sa bibig ng batang paslit

Sa pagkahabag ko'y nais siyang maihatid

Subalit saan kaya, saang sulok ng daigdig

Maaaring matagpuan ang Ina niya at kapatid?


O kay saklap naman ng kaniyang naranasan

Matagal ding inasam ang tinapay ay matikman

Subali’t si Rosalita sa aking kandungan namatay

At nilisan ang daigdig ang dahilan ay TINAPAY.



Laura G. Balatbat

Marso, 1965

 


Mga katha ni Laura Balatbat-Corpuz na matatagpuan sa 

Sali Ka, Kabayan

Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.

affiliate_link