SI QUEZON AT ANG WIKA
(Sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa)
May unawang matalisik si Manuel Luis Quezon
na ang lahi ay may dangal kung may wikang dumadaloy;
kapag iba’t ibang dila ang sa baya’y umaalon
ay nag-amba ang panganib ng marahas na daluyong.
Naglipanang mga pulo’y magagawang salikupin
ng iisang wika’t diwang dugo’t pawis kung tigisin;
ani Quezon ay di tayo maaaring busabusin,
kung ang sigaw ng panata’y katutubong wika natin.
Ang hiyaw sa Balintawak, “Sugod kayo’t makibaka!”
ay wikaing umilandang nang may tabak na magbaga;
nang si Quezo’y magkalatas ng pangaral na mabunga,
may apoy ng talumpating naglagablab ng pag-asa.
At umigkas ang liwanag sa taluktok ng Silangan
na humawi’t bumalaho sa banyagang kabundukan;
isang batas ang binubong magtadhana at humirang
na ang lipi ay bunglusing isang wika ang batayan.
Wika itong dinalisay na sinusong wika natin
sa kandugan at sa dibdib ng ina 'tang masintahin;
si Quezon din ang pamuno ng matinong tagubiling
ang pilii’y mutyang wikang ganda’t sula sa damdamin.
Itinakda ang surian ng maingat na pagpili
sa maraming umiiral na wikaing may balani;
isinabog ang liwayway ng matamang pagsusuri
na Tagalog ang saligan ng wika ng ating lahi.
Ang laganap na wikain ay ginaga ng pangarap,
nanibulos na silanoy sa sapa at mga gubat;
batisan man ay nabuksan, mga ilog, hanggang dagat,
nang ang gintong panitika’y may sariling wikang ingat.
May nagtindig na makatang nanaludtod ng pag-ibig
at bumigkas na ang laya’y kakarangkal palang langit;
ang tinig ng Balagtasa’y naging pitik ng panitik
na sa buong kapulua’y itinangi ng ulinig.
Mga tula, dula, k’wento at masining na nobela
ay isinulat sa wikang nasa dila ng balana;
ang awiting may himutok sa nilikhang mga nota
ay may titik na pangwikang sumasamo sa dalaga.
Si Manuel Luis Quezon ay ama ng katarungan,
mithi niya sapul-mula’y kabutihang-panlipunan;
isinulsi ang sinulid ng damdaming maka-bayan
sa binitak ng panahong mithi niya’t pakundangan .
Kay Quezon din ay panghulo na pag-ibig na marubdob
ang wika ng kabansaang nagpipiglas umimbulog;
kaisipa’y maka-bansa at loobi’y maka-Diyos,
kung may wikang nakatayong matibay na diwa’t moog.
(Ngayong Buwan nitong Wika ay tatarak na balaraw
ang simulain ni Quezon sa damdami’t diwang hiram;
mga budhing inuutas ng banyagang kaisipan
ay taksil na Filipino sa sariling kabansaan!!!)
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.
Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano | Contact