MGA DAHON NG PANGARAP

 

 

 

BERT CABUAL

London, United Kingdoom

 

MALIGAYANG PASKO

​

Maligayang Pasko sa lipi ko’t bayang

Hikahos at halos walang ikabuhay;

Gayunma’y may ganda...sigla...at awitang

May himig ng Pasko at Talang patnubay.

 

Maligayang Pasko sa mga pulubi,

Sa mga ulilang walang kumakasi;

Sa maraming batang palaboy sa kalye

At walang magulang na kumakandili.

 

Maligayang Pasko sa bayaning lihim —

Mga magsasaka sa bulubundukin;

Sa puhunang dugo’t pawis na tigisin,

Pagkain ng madla ang bawa’t anihin.

 

Maligayang Pasko sa kampo ni Gloria

Na dating Pangulo nitong Republika;

Kung siya man ngayo’y simping nagtitika,

Mga kasalanan — panagutan sana.

 

Maligayang Pasko sa mga bilanggo —

Sa nangagsisisi...dungo’t nakayuko;

Sa itinatakwil ng lipunang liko

At hinuhusgahang yagit at baligho.

 

Maligayang Pasko sa mga biktima

Ng pagmamalabis ng maling hustisya;

Sa kasong-Visconde na sinalamangka

Ng suhol sa huwes ng Korte Suprema.

 

Maligayang Pasko sa nangaghihintay

Sa wakas ng lisyang kasong-Maguindanao;

Mabubuting taong doon ay pinaslang,

May sigaw ng dugo na inihihiyaw.

 

Maligayang Pasko sa di makakita

Kay Hesus sa Belen ng bagong umaga;

Ang nasa karimlang kiming nagdurusa

Ay may aginaldong Pasko ng pag-asa! 

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link