KALULUWA NG LAHING MARANGAL
(Para sa Buwan ng Pambansang Wika)
HULOG ni Bathala na may halimuyak
ang wagas mong puso’t diwang binusilak;
maaring gawin kang talim na matalas
ng isang bayaning sandata’y panulat;
katambal-suyo ka ng aming watawat,
ikaw ay daigdig, buhay, at pangarap.
Sa pagkaalipi’y nahango ang bayan,
nang iyong gisingi’t mag-alab ang tapang;
sa kislap at talim ng mga kampilan,
nakilalang kami’y kidlat sa Silangan;
sa pakikibaka’y nang iyong damayan,
ang mithing paglaya’y aming nasilayan.
Ang nalilikha mo’y lamyos ng sonata
na himig-kundimang dalit ng pag-asa;
ikaw ang tulain sa sintang dalaga
ng isang makatang puso’y nagayuma;
napatatamis mo ang pait ng dusa,
ang dapithapon ma’y napauumaga.
Maging sa pag-ibig ay ikaw ang hari,
sa pinid na puso’y ginagawang susi;
napaiibig mo ang ayaw magtangi,
at naparorosas yaong dalamhati;
ang talinghaga mo’y hindi mapapawi
sa puso ng mutyang minsa’y bigay-bawi.
Ikaw’y kaluluwa ng lahing marangal,
dakila ang pusong sa iyo’y magmahal…
(Ang bayang sa wika ay hiwa-hiwalay,
marupok na lipi’t bulag ang pananaw;
ang wikang sarili’y kapag itinanghal,
aanihi’y tuwa’t ga-mundong tagumpay!)
TUNGKOL
SA SAYT NA ITO
Mga tula at iba pang kathang handog sa OFWs: Bayani at biktima sa sariling bansa at sa ibayong dagat.