MGA DAHON NG PANGARAP

 

 

 

BERT CABUAL

London, United Kingdoom

 

BUHAY NA KAY GANDA,

MAGPAKUMBABA KA!

​

MAPALAD ang taong mapagpakumbaba,

kahi’t pa man siya’y sumilang na dukha;

kababaang-loob ang pagsisimula 

ng pagtatagumpay, luwalhati’t tuwa;

huwag ikalungkot ang pagiging aba,

sapagka’t may habag ang Amang Lumikha.

​

Ang bawa’t biyaya ay bigay ng Diyos,

tunay na pag-ibig ang Kanyang kaloob;

bawa’t pananalig at pag-asang handog

ay nasang ang tao’y lumigayang lubos;

nagkatawang-tao ang bunying si Hesus,

nang ang kasalanan ng mundo’y matubos.

​

Kaluluwa nati’y walang nilalaman,

liban sa dalangin ng kawalang-humpay; 

manindigan tayo sa ating kawalan

at buksan ang puso sa Poong Maykapal;

ang basbas ng Diyos at Salitang banal

ay tanggapin nating tapat at marangal.

​

Pagpapakumbaba ay nakabubukas

sa pinid na pinto ng isipang pahat;

nagtuturo itong pagnilayang ganap

ang gintong Salita sa Banal na Aklat;

bugso ng pagsubok ng tadhanang hayag

ay malalampasa’t dagling malulutas.

​

Ang pagmamataas ay kabaligtaran

ng pagpapatawad ng pusong nasaktan;

dala-dala nito’y inggit, galit, suklam

at paghihiganting walang katapusan;

hanggang ang pighati, himutok at lumbay

ay di na makaya ng buhay na hiram.

​

Kung ang maghahari sa mundo’y pagsinta,

kababaang-loob ang maisasalba;

ang pagkakasundo’y mabibigyang-sigla,

wala na ang poot, wala nang pangamba;

may ngiti ang langit saan man pumunta,

pagpapakumbaba’y buhay na kay ganda!

​

Copyright 1976-2019 © Rafael A. Pulmano Contact

affiliate_link